ANG KARANASAN NG PINAKAMARAMING DAYUHAN Tinanghal Ng Intsik Ang Pagka-‘Intsik’ Paniwala ng mga Intsik na mas mataas ang kanilang kabihasnan kaysa sa mga katutubo, at masugid nilang itinataguyod ang kanilang pagka-Intsik. Nagtatag sila ng sariling mga paaralan upang ituro sa mga anak ang wika, kasaysayan at panitikan ng China... --United States Library of Congress, Philippines, a Country Study NUONG bandang 1830, nalagas na ang malalawak na sakop ng España sa America, lalo na ang Mexico na nakalaya na nang lubusan at itinigil na ang pag-sostento sa pamahalaan ng Español sa Manila. Dahil sa sunud-sunod na digmaan sa España at kalakihan ng Europa nuong nakaraang 50 - 60 taon, hikahos ang kaharian sa Madrid at pina-alagwa nila ang hanapang-buhay (economia) sa nalalabi nilang mga sakop upang matustusan ang sari-sarili nilang pamahalaan. Kabilang dito ang Puerto Rico at Cuba sa America, ang Guam at Palau sa dagat Pacific (Pacific Ocean) at ang kapuluan ng Pilipinas. Upang kumita kahit paano ang pamahalaan, at ang mga frayle at Español sa Pilipinas, binuksan ang iba’t ibang daungan sa kapuluan at pinalawak ang kalakal sa anumang bansa sa buong daigdig. Hindi na mga barkong Español lamang ang pinayagang maglabas-pasok sa Zamboanga mula nuong 1831. At mula nuong 1834, nagdatingan sa Manila ang mga barko mula sa Britain, France, Japan at United States. Nagsimula silang magtayo ng mga bahay kalakal, at mga imbakan (warehouses) at pag-gawaan (factories) sa |
![]() Nuon unang kinilala ng pamahalaan sa Manila na katulong at hindi karibal ang mga dumadanak na Sangley. Nuong 1843, pinayagan na silang magkalakal nang malaya sa buong Pilipinas, kapantay ng mga Español. Sumunod na taon, nuong 1844, inalis na rin ang pinaka-huling balakid sa paglawak ng mga Sangley - pinatigil ang pagkalakal ng mga alcaldes mayor (provincial governors) na matagal nang ginamit ng mga ito upang sarilinin ang kalakal sa kani-kanilang lalawigan. Mabilis na pinasok ng mga Sangley ang iba’t ibang pulo at pinalitan ang kalakal ng mga alcaldes mayor. Sumabog ang dami ng mga Sangley sa Pilipinas. Mula sa tantiyang 6,000 Sangley sa buong Pilipinas nuong 1847, umabot sila sa 90,000 sa luob ng 35 taon lamang. At dahil sa mga digmaan, gulo at himagsikan sa China nuon, patuloy ang dagsa ng mga Intsik upang hindi lamang magkalakal kundi tumira na at mamuhay na nang tuluyan sa Pilipinas. |
|
Mga Dayuhan Sa China Dala ng mga bagong saltang Sangley ang panalig na China ang pusod ng daigdig (middle kingdom), na daig nila sa pagkain, anyo at gawi ang sinuman, lalo na ang mga katutubo (natives) ng Pilipinas, na tinawag nilang mga ligaw na tao (barbarians). Sabay sa pagsibol ng yabang ng mga Sangley sa Pilipinas, lumawak ang pagka-makabayan sa China mismo. Dahil sa pagdami ng mga tren, barko at mga sasakyan at lansangan sa China, dala ng mga taga-Europa, America at Japan na dumumog duon upang magkalakal, naging maliksi ang lakbayan at ugnayan ng mga taga-iba’t ibang lalawigan sa China at nagsimulang nabuo ang damdamin ng mga Intsik na sila ay isang bansa (nation), damdaming inunsiyami ng mga taga-Manchuria (Manchus) sa 300 taon nilang pagsakop sa China. Isa pa, ang pagyurak sa China, at pag-api sa mga Intsik, na pinalawak ng mga taga-Europa at mga taga-Japan ang siyang nagtulak sa mga Intsik na itanghal ang kanilang sariling bayan at kanilang pagka-kaisa. Ang damdamin ng pagka-makabayang China, at ang yabang na nakaka-daig sila, ang nakapigil sa pakikipag-isa ng mga Sangley sa mga tao sa Pilipinas. Lalong natanghal sa mga Sangley sa Pilipinas ang kanilang pagiging “hiwalay” at “Intsik” nuong 1870 nang simulan ni Sun Yat-sen ang himagsikan sa China upang ibagsak ang mga taga-Manchuria at ang kanilang kaharian ng Qing (Qing dynasty). Hanggang nuon, ang mga Intsik na nag-ibang bayan ay tinuring na mga taksil, tinalikuran ang sariling lupa at kinalimutan ang kanilang mga ninuno. Binago ito ni Sun Yat-sen simula nuong 1860 at upang makatanggap ng tulong mula sa mga Intsik sa ibang bayan (overseas Chinese), sinulsulan niya ang pagka-kaisa ng lahat ng mga Intsik, sa luob at labas ng China. |
![]() Nuong 1880, tinangkilik nila ang himagsikan ni Sun Yat-sen at nag-ambag ng salapi at tulong. Kasabay, humiling sila na magtayo ng suguan (consulado, embassy) ang China sa Manila upang alagaan ang kapakanan nila, gaya ng gawa ng mga suguan ng mga bayan ng Europa, Japan at United States sa China. Nataon namang nagsisimulang naghimagsik ang mga Pilipino laban sa mga Español, tapos nasangkot pa at natalo ang China sa digmaan laban sa Japan nuong 1895, kaya halos 20 taon bago nakapag-bukas ang China ng suguan sa Manila, nuong Julio 1898, panahon na ng Amerkano sa Pilipinas. |
|
Dumating Ang Mga Babaing ‘Intsik’ Naalis na ang pagsasamantala ng mga Español, napipilan ang hukbo ng mga Pilipino, at nagsisimula nang magwagi sa China ang himagsikan ni Sun Yat-sen, kaya lalong natatag ang pagkahiwalay ng mga Intsik sa Pilipino, at buo ang paniwala ng mga Sangley mula nuon na sila ay mamamayan (citizens) ng China kahit na sa Pilipinas sila nakatira. Kahit na sa Pilipinas sila isinilang, lumaki at tumanda. Lalong lumawak ang pagkawalay ng mga Intsik sa mga Pilipino nuong 1903 nang nagsimulang mabigo ang tuntunin ng mga Amerkano na pigilin ang pagpasok ng mga taga-China. Hanggang nuon, wala pang 2 babae sa bawat 100 pumuslit mula sa China. Mabilis na nagbago ito nang pairalin ng mga Amerkano ang tuntunin nila ng paghadlang, at agad dumami ang babaing Intsik hanggang nuong 1939, umabot sa mahigit 30 babae sa bawat 100 ang pumuslit mula sa China. At karamihan ay asawa, o napangasawa, ng mga Intsik din. Umunti ang mga Intsik na nag-asawa, at sumanib sa familia, ng mga Pilipina. Patuloy pa rin ang pagdami ng mga mestizong Intsik dahil marami sa mga Intsik ang nag-asawa ng mahigit sa isang Pilipina. Marami ring Intsik na nag-asawa ng babaing Intsik ay nag-asawa rin ng Pilipina. Subalit, dahil sa pagdating ng maraming babae mula sa China, nabuo ang maraming angkan ng mga ‘purong’ Intsik, lalo na sa Manila. At itong mga |
![]() Hindi nagtagal, dahil lamang sa kalakal at hanap-buhay ang maging Intsik, pati na ang mga mestizong Intsik ay pinalaking Intsik, sa halip na Pilipino, ng kanilang mga familia. Naglaho ang kaibahan ng ‘chinos naturales’ sa ‘indios chinos’ na palasak mula pa nuong panahon ni Jose Rizal, at kaiba kaysa kay Rizal, pinili ng karamihan ng ‘indios chinos’ na maging ‘chinos naturales’ sa halip na ‘indios naturales.’ Isa sa mga tangka ng mga Amerkano, sa pagpigil ng pagdanak mula sa China, na madaliin ang pagsanib sa lipunang Pilipino ng mga Intsik na nasa Pilipinas na - pagsanib na naganap nang malaganap nuong panahon ng Español, mabagal nga lamang. Dahil nabigo ang pagpigil nila, ang tanging nakamit ng mga Amerkano ay ang pagwalay ng Intsik sa Pilipino - pagwalay na mas matibay at mas masidhi kaysa sa tinangka, at nakamit, ng mga Español. |
|
Ang Politica Ng Pagka-‘Intsik’ Tinangka man ng mga Amerkano na iwaksi ang pagpuslit na mga taga-China sa Pilipinas, tumanggi naman silang libakin ang mga Intsik na nasa Pilipinas na. Kaiba sa Español, hindi sinadlak sa pinaka-mababang lapag ng lipunan ang mga Sangley, palibhasa ay batayan ng bayang America na pantay ang lahat, at bawal tumangkilik ng pagkakaiba ng lagay - mataas o mababa - ninuman o ng alinmang pangkat. Ang lagay lamang, ang pagiging pinaka-mababa ang nagtulak sa maraming Sangley na sumanib sa lipunang Pilipino, gaya ng ginawa ng mga ninuno ni Jose Rizal. Nang pairalin ng America ang pantayan sa Pilipinas, nawala ang isang malaking dahilang mag-Pilipino ang mga Intsik. Tapos, dala na rin ng tuntunin ng pantayan, binigyan pa ang mga Intsik ng mga kalayaang tinamasa ng mga Pilipino. Ang layang magtipon, magsalita, magbuo ng anumang samahan at pumili ng sinumang pinuno, maglimbag ng aklat at pahayagan, sumapi sa alinmang simbahan o huwag magsimba kahit kailan, magtayo ng sariling paaralan - ginamit lahat ng ito ng mga Intsik hindi upang bumuklod sa lipunang Pilipino kundi upang ibukod, at pagyamanin, ang kanilang pagka-‘Intsik.’ Saliw sa politica ng pagka-makabayan sa China (Chinese nationalism), tinustusan at sinulsulan ng mga Intsik sa Pilipinas ang pagtanaw sa China bilang ‘sariling bayan’ (home country). Nuong 1939 nang nalapit ang pagsabog ng digmaan, umabot sa 5 ang mga pahayagang Intsik na naglahad ng mga naganap sa China, pati na ang paglapastangan ng mga taga-Japan sa mga taga-China. Hindi kataka-taka, tulad ng mga taga-China ang hilakbot at ngalit ng mga Intsik sa Pilipinas. Nakapagbuo rin ang mga Intsik ng kanilang mga samahan - ng mga manggagawa (labor unions), ng mga matimtiman (Christian associations) gaya ng YMCA, at ng pagpundar at kalakal (trade and |
![]() Naipagpatuloy ng mga maka-China ang pagtanghal sa kanilang pagka-‘Intsik’ sa pagtatag ng mga sariling paaralan (private schools), umabot sa 58 nuong 1935 at mayruong mahigit na 7,000 mag-aaral (estudiantes) ng wika at gawing Intsik. Ang kagawaran pa ng pagtuturo sa China (Chinese ministry of education) ang pumili ng ibang mga aklat (textbooks) at aralin (subjects) na itinuro sa mga paaralan, karamihan ay nasa Manila. Kaya ang mga anak-Intsik na isinilang sa Pilipinas at hindi kailanman nakarating sa China ay naaring nanatiling lubusan at makabayang ‘Intsik.’ Kahit na ang mga mestizong may magulang na Pilipino. Marami sa mga dumating mula sa China, at mga anak nila, ang sumama sa mga katutubo at naging Pilipino. Subalit nuong panahon ng Amerkano, nabuo at lumakas ang lipunang Intsik sa Pilipinas na ang puso at panalig ay nasa China. At dahil nabigo ang kanilang tuntunin ukol sa mga mula China, nang matapos ang panahon ng Amerkano, tatag na sa Pilipinas ang damdaming ‘ang Pilipino ay Pilipino, ang Intsik ay Intsik.’ |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |