Mestiza   ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

Ilustrados,’ ‘Katipunan’ At Ang Comunistang Intsik

Maagang nabuo ang 3 hanapang-buhay sa Pilipinas. Una ang maka-Europe na pamumuhay ng mga Español, karamihan ay napako sa Manila. Sa ilalim ang ‘isang-kahig-isang-tukang’ buhay pang-araw-araw sa mga nayon. Nasa gitna ang mga nagkakalakal na Intsik, sabay na pinag-uugnay, at pinaghi-hiwalay, ang magkabilang panig...     --David R. Sturtevant, Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940, 1976

SA huling 50 taon ng panahon ng Español, hati ang Pilipinas sa 5 bahagi. Ang mga Español at frayle ay nasa unang hanay, pinaka-maunti, hindi lumagpas sa 5,000 subalit pinaka-malakas. Sa kabilang dulo ang indios, pinaka-marami, 5 milyong nagkalat sa bawat pulo, pinaka-mahina sapagkat watak-watak at walang salapi. Nasa gitna ang 3 pangkat na tanghal nang natapos ang kaharian sa Pilipinas: ang Ilustrados, ang Katipunan at ang mga Sangley. Kasangkot ang Intsik sa bawat isa.

Taiping rebellion

Himagsikan Ng Taiping: Unang Comunista Sa China

Nuong mga nakaraang panahon, napilitan ang mga Intsik na iwan ang kanilang bayan dahil sa pagka-dukha at gutom, gulo ng mga pinunong nag-aagawan sa kapangyarihan sa politica at himagsikan ng mga hampas-lupa. Dumanas sila ng sagad na pahirap sa paglakbay at paghadlang sa pinasok na bayan. Madalas at panay silang gumawa ng kahit na anong sukdulan, upang mabuhay lamang...   --Teresita Ang See, Influx of New Chinese Immigrants to the Philippines, 2004

NATUTO ng kaunting catholico si Hung Hsiu-ch’üan (1813-1864) at hinalo niya ang mga aral ng Christo sa palataya ng mga maka-Diyos (Pai Shang-ti Hui, Society of God Worshippers) na binuo at pinalawak niya habang lumalaki sa tinubuang Canton (tinawag ding Kwangtung, at Guangdong ngayon) sa timog China. Dahil maraming mahirap nuon sa paligid, at dahil sa lagim at karahasang dala nito, nahaluan din ng politica ang kanyang mga pangaral, at nang dumami na ang mga sumusunod sa kanya, sinimulan niya ang himagsikan nuong 1850.

Sinisisi ng mga naghihirap sa Canton at sa kalapit na Fokien (Fujian ngayon) ang mahigit 200 taon gulang na kaharian ng Qing, tinatag ng mga taga-Manchuria matapos gapiin ang kaharian ng mga Ming at sakupin ang China nuong 1644 kaya dagsa ang sumanib sa himagsikan ni Hung at nasakop nila ang buong timog China sa paligid ng ilog Yangtze (tinawag ding Chang), pati ang malaking lungsod ng Nanking (Nanjing ngayon) na tinakda nilang punong lungsod (cabecera, capital) ng mapayapang kaharian ng langit (Taiping Tien-kuo, Heavenly Kingdom of Great Peace).

Subalit natalo sila sa Shanghai, pinagtanggol ng mga hukbo ng England, France, at iba pang taga-Europa sa pangambang matigil ang kalakal nila sa China kung bumagsak ang kaharian ng Qing. Natalo rin ang salakay nila sa Peking (Beijing ngayon), ang punong lungsod ng mga Qing, at sumunod ang mahigit 10 taon ng digmaan ng mga magkabayan (civil war).

Lahat ng sinakop ng himagsikan ay nagtamasa ng pantayan, walang mataas, walang mababa, kahit mga babae, lahat ng yaman ay pinaghati-hati sa mga tao na tinawag nilang mga ‘kapatid’ (brothers, sisters). Danak man ang mga kaanib, tinanggihan sila ng mga guro, mga namamahala at mga general - ang mga nakatataas sa lipunan nuon at siyang nawalan ng katayuan sa unang pamahalaan ng maka-comunista sa China. Zeng Goufan Si Hung man, masakitin at walang muwang sa pamahalaan, ay nabigong palakasin ang kanyang kaharian kaya naging talunan. Nuong bandang huli, nakabuo ng malaking hukbo ang mga Qing at sa pamuno ng 2 general, si Jeng Kuo-fan (tinawag ding Zeng Goufan) at ang kanyang alalay, si Li Hung-chang, ginapi nila ang hukbo ng Taiping.

Nagtakbuhan ang mga pinuno ni Hung, subalit nanatili siya sa Nanking, buo ang panalig na ipagtatanggol siya ng langit. Nang pasukin ng hukbo ni Jeng ang Nanking nuong Junio 1864, natagpuan ang bangkay ni Hung, nakabalot sa telang kulay ginto - ang kulay ng hari - sa isang pusali sa ilalim ng lungsod. Naglason siya sa sarili.

Iyon ang katapusan ng himagsikan. Tumagal nang 15 taon, abot 10 milyong sandatahan ang nagsabakan, 600 lungsod at kabayanan ang pinag-agawan ng magkabilang panig, at halos 30 milyong tao ang napatay. At milyon-milyon ang tumakas mula China, halos 100,000 ay pumuslit sa Pilipinas, mga Hakka ng Canton at mga Hokien ng Amoy, dala ang bagong damdamin ng pantayan ng mga tao. Sa Manila nadatnan nila ang mga mestizong Intsik na katulong nuon sa pagbubuo ng lipunan na, hindi nagtagal, ay tatawaging Filipino.

Ilustrados: Mga ‘Nasilayan’ Sa Manila At España

Marami ay mestizong Sangley at madalas napagkamalang ‘inchik’ sa España, ang mga ilustrado ang kumalampag na pagbutihin ang turing ng Español sa mga katutubo. Si Jose Rizal ang kanilang pinuno, subalit iba, isa ring ‘bagong indio,’ ang nagsimula ng tinawag ngayong kalampag pang-Pilipino (propaganda Sancianco movement). Sinulat ng 29-taon gulang na Gregorio Sancianco y Gozon nuong 1881 ang ‘El Progreso de Pilipinas, estudios economicos, administravos y politicos’. Isa nang abogado sa Madrid, at itinuring na unang nag-agham sa hanapang buhay (economist) ng Pilipinas, panawagan ni Sancianco na paunlarin ng España ang kapuluan sa paggawa ng maraming lansangan, tulay, daungan at marami pang gawaing bayan (public works). Gaya ni Rizal at ng iba pang ilustrados, hinangad ni Sancianco hindi ang lumaya kundi ang mabuklod ang Pilipinas sa España bilang isang lalawigan nang sa gayon, maging mamamayan (citizens) ang mga indio at magkaruon ng mga karapatan tulad sa mga Español.

Binigyan si Rizal ng isang kapwa ilustrado, si Maximo Viola, ng pambayad upang malimbag (print) ang unang 2,000 copia ng ‘Noli Me Tangere’ nuong 1887. Hinimok naman siya ni Marcelo del Pilar na maging patnugot (editor) ng ‘La Solidaridad,’ ang puso ng kalampag pang-Pilipino sa España. Tumanggi si Rizal sapagkat Maximo Viola natanto niyang walang bisa ang manawagan duon, at bumalik siya sa Manila nuong 1892 upang tipunin ang mga ilustrado sa Pilipinas sa kanyang ‘La Liga Filipina.’ Nang dakpin ng mga Español at ipatapon si Rizal sa Mindanao, naudlot ang pangarap ng ilustrados na maging mga Español, at ang kasaysayan ng Pilipinas ay nalipat sa kamay ng ibang indios at kakampi nilang mga mestizong Intsik.

Jardineros: Ang Mga Hampas-lupang Intsik

NANG unang papasukin uli ang mga Sangley sa Pilipinas nuong 1806, mga tagabukid at magsasaka (jardineros, agricultural workers) lamang ang tinanggap ng mga Español. Kaunti ang dumating, higit 6,000 lamang ang nabilang nuong 1847, mas marami pa ang mga Sangley na nagkalakal pabalik-balik sa Manila at China taon-taon, subalit malaki ang naganap nila sa lipunan ng mga katutubo. Halos lahat ay mga binata na nag-asawa ng mga babaing indio at sila at ang kanilang mga anak ay napaluob nang lubusan sa mga familia ng mga magsasaka at magbubukid sa paligid ng Manila.

Tulad ng mga Rizal, ni Sancianco at iba pang mayamang ‘indio chino,’ iniwan din ng mga hampas-lupa (tillers of the earth) ang kanilang pagka-Intsik. Tinuring nang ‘indios naturales’ ang mga sarili, lalo na ng kanilang mga Paluwas anak at apo. Libu-libo sa kanila, pagkaraan ng 50 taon, ay sumanib sa mga kapwa indio sa kataas-taasang samahan ng mga ‘anak ng bayan,’ ang Katipunan.

Lumaganap ang samahan ni Andres Bonifacio nang simulang usigin ng mga Español ang ilustrados at nawala na ang pag-asang mapagbuti ang bayan sa mahinahong paraan. Isa pang nagtulak sa mga magbubukid na ‘bagong indio’ na sumanib sa himagsikan ay ang pagpasok ng libu-libong dukha at magbubukid mula sa Fujian at Guangdong, mga takas mula sa madugong aklasan ng mga matimtiman (Taiping Rebellion) sa timog China nuong 1850-1864.

Nang tanggalin ng Español ang mga harang sa Sangley mula nuong 1839, dumami ang mga pumasok mula sa China at kumalat sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Subalit nuon lamang 1847 nang nagsimula ang gulo ng digmaan sa China talagang umapaw ang mga Intsik sa Pilipinas, nagpatuloy dahil sa lupit ng parusa at hirap ng buhay na sumunod hanggang umabot sa 90,000 ang nabilang na mga Sangley nuong 1880.

Kasapakat ng mga Taiping, bitbit ng libu-libong takas mula sa China ang mga layunin ng nabigo nilang himagsikan. Una ang pantayan ng mga tao, buod ng kaisipang hindi lumitaw uli kundi pagkaraan na ng mahigit 60 taon, nang natatag ang Partido Comunista sa Europe nuong 1917. Pangalawang ipinasok ng mga dumagsang Intsik ay ang kaisipan na ang pamahalaan ay para sa ikabubuti ng mga tao, hindi ng mga namamahala, layuning maka-tao (humanist) na umiral sa Pilipinas nuon lamang natapos na ang panahon ng Español.

Kalayaan at paghiwalay sa España ang sigaw nila Bonifacio nang simulan ang himagsikan nuong 1896, subalit ang nagsulsol sa damdamin ng libu-libong naghimagsik ay ang 2 layunin na ikinalat ng mga takas na hindi na nakabalik sa China. Tinangkang itanghal ng kanilang mga anak at apo sa Pilipinas ang himagsikang nabigo sa China.

Pio Valenzuela

Ang Katipunan Ng Mga Indio  

KASAMA nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto sa pagpa-lago ng Katipunan si Pio Valenzuela, isang manggagamot (medico, physician) na naging patnugot ng Kalayaan, ang pahayagan ng himagsikan. Isa pang mestizong Intsik, si Flaviano Yengko, ang kasama ni Bonifacio at Guillermo Masangkay sa paghanap ng maaaring gawing himpilan ng Katipunan sa mga bundok at gubat ng Montalban at Morong nuong 1896, ilang buwan lamang bago sumabog ang bakbakan. Itinigil ni Yengko ang Flaviano Yengko pag-aaral ng pag-abogado at naging pinuno ng hukbo ng himagsikan. Lumaban siya sa Binakayan nuong Noviembre 9, 1896, at nabaril sa sikmura nang salakayin ng mga Español ang Salitran nuong Marso 1, 1897. Namatay siya pagkaraan ng 2 araw.

Isa pang ‘may dugong Intsik,’ si Emilio Aguinaldo y Famy, ang naging karibal ni Bonifacio bilang pinuno ng himagsikan sa Cavite. Katulong ni Aguinaldo ang kanyang bayaw, si Jose Ignacio Paua na isinilang sa nayon ng Lao-na sa Fujian, sa China, nuong Abril 29, 1872. Pinatay nila si Bonifacio nuong Mayo 1897 at si Aguinaldo ang pinuno ng Katipunan nang sumuko sa kasunduan ng Biak-na-Bato nuong Deciembre 1897, at ipinatapon ang Clemente Jose Zulueta kanilang pangkat sa Hongkong.

Pinasok ng mga Amerkano ang Manila nuong Mayo 1898 at nagbalik sina Aguinaldo upang, nuong una, kumampi sa mga Amerkano laban sa mga Español, at pagkatapos, upang kalabanin ang pagsakop sa Pilipinas

Paua

  At Mga Mestizong Intsik

ng mga Amerkano. Tumulong uli si Paua, humakot ng mahigit 300,000 pesos sa Bicol, “abuloy” ng mga Sangley na nagkakalakal duon nuon. Pagkaraan ng digmaan, nahalal pang alcalde (mayor) si Paua sa Manito, Albay, bago siya namatay sa Manila nuong Mayo 24, 1926.

Samantala, isa pang mestizong Intsik, si Francisco Makabulos, ay nagsisilbi sa paring Español sa La Paz sa Tarlac, nang sumabog ang himagsikan nuong 1896. Itinatag ni Makabulos ang Katipunan duon at, kasama ang 70 may mga itak, tinalo ang mga Español at napalaya ang La Paz. Bumuo siya ng isang hukbo at, pagkatapos sumuko sina Aguinaldo sa Biak-na-Bato, ipinagpatuloy ang pagsugpo sa mga Español. Nang magbalik si Aguinaldo nuong 1898, napalaya na ni Makabulos ang buong Tarlac at nakapagtayo pa ng pamahalaan duon. Nagpadala pa ng hukbo at tulong si Makabulos sa bakbakan sa Dagupan nuong Julio 1898 upang mapalaya ang buong lalawigan ng Pangasinan. Si Makabulos ang pinunong kinatawan ng Tarlac na dumalo sa pulong sa Malolos, sa Bulacan, na ipinatawag ni Aguinaldo upang itatag ang pamahalaan ng Pilipinas. Isa Francisco Makabulos siya sa mga lumagda sa Malolos Constitution nuong Enero 1899.

Isa pang kinatawan sa Malolos ang mestizong Intsik, si Clemente Jose Zulueta, ang kilalang manalaysay. Isinilang nuong Deciembre 23, 1876, naging manunulat siya sa ilang pahayagang kumalampag sa paglaya ng Pilipinas, - La Libertad (Ang Kalayaan), La Union (Ang Katipunan) ang at La Independencia (Ang Pagsasarili). Namatay siya nuong Septiembre 10, 1904 nang sakop na ng mga Amerkano ang buong kapuluan.

‘Hindi Kami Kasali,’ Sabi Ng Mga Sangley

MAHIGIT 100,000 ang mga Sangley sa Pilipinas nang sumambulat ang himagsikan nuong Agosto 1896. Karimot ang takbo ng libu-libong Sangley upang umiwas sa patayan sa Manila. Daig karamihan, mga bagong dating lamang, ang bumalik sa China. Sa mga ayaw bumalik sa China, maraming may pambayad ng pasaje ang pumalaot sa Cebu, Iloilo at iba pang purok sa mga pulo ng Visaya at Mindanao na nanatiling payapa sa ilalim ng mga Español.

Marami rin, kulang naman sa salapi, ang kumalat sa mga lalawigan ng Luzon na hindi nasangkot, nuong una, sa bakbakan. Dati nang maraming Sangley sa Pangasinan mula’t mula pa, subalit nuong mga panahong iyon napuno ng mga Intsik ang Pampanga at Tarlac, mga lalawigan ng Kapampangan na, nuong una, ay kakampi ng Español. (Hanggang paalisin sila ni governador Ramon Blanco, karamihan ng 19,000 soldados sa hukbong Español ay mga Kapampangan.)

Maraming Sangley, matagal na sa Pilipinas at marami nang ari-ariang hindi maiwanan, ay tumatag sa kanilang mga bakuran sa paligid ng Manila, sa Bulacan, Nueva Ecija, Infanta at Principe (lalawigan ng Aurora ngayon), Tayabas (tinawag ding Kalilaya, Quezon ngayon), Camarines at Bicol. Maliban na lamang tuwing hingan ng “buwis” ng mga Español o ng mga naghimagsik, na maagap nilang binayaran, masugid na umiwas sa labanan ang mga Sangley.

Pumasok ang mga Amerkano nuong Mayo 1, 1898 nang durugin ni commodore George Dewey ang hukbong dagat ni admiral Patricio Montojo. Sumuko ang mga Español sa Manila nuong Agosto 13, 1898 subalit lumaban ang mga indio at indios chinos nang simulang

Malolos sakupin ng mga Amerkano ang Pilipinas mula nuong Febrero 4, 1899. Muling tumanggi ang mga Sangley na sumangkot. Sa maraming puok na pinasok ng hukbong Amerkano, nakita ang mga watawat sa bahay ng mga Sangley, pahiwatig na hindi sila kaaway. Maraming dahilan kaya natalo ang himagsikan laban sa Español nuong 1897 at ang digmaan laban sa Amerkano nuong 1901, subalit naging malaking bagay ang pagtanggi ng malaking pangkat ng mga Sangley dahil sa lakas ng hawak nila sa kalakal at lakbayan sa buong Pilipinas.

Higit sa lahat, kulang sa sandata ang mga Pilipino. Maliban sa mga baril na ninakaw nila sa mga Español, pulos itak, sibat at kawayan ang inilaban ng mga Pilipino nuong himagsikan. Nuong digmaan, pagkatapos ng bawat bakbakan, na laging ikinasawi ng mga Pilipino, ginamit nila ang mga bata at mga babae upang pulutin ang mga basyo ng bala, gagawin uling bala sa susunod na barilan.

Kung kumampi ang mga Sangley at nag-viaje ng mga sandata mula Hongkong, kung hindi man nanalo ang mga Pilipino, maaaring naging pantay ang labanan. Subalit padpad ng hirap at gulo ng himagsikan din sa China, wala silang nakitang pakinabang, at umiwas sila sa bakbakan. Hindi rin nila nakita na, pagkaraan ng digmaan, gagawing dahilan ito upang iwaksi sila. Sinadya o hindi, sinayang nila ang pagkakataong makasali sa lipunang Pilipino.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata