ANG KARANASAN NG PINAKAMARAMING DAYUHAN Ang ‘Tagapagtanggol’ Ng Mga Intsik Kahit saan makarating ang Español, laging mayruon sa kanila na madalas nagmalupit sa mga Sangley kaya napilitan akong tulungan at ipagtanggol ang mga pobre. Sinansala at pinagalitan ko ang mga pangahas. Inayos ko ang mga usapin nang sa gayon, malayang nakapag-kalakal ang mga Sangley at naipagbili ang mga dinala nila rito... Marami sa may kapangyarihan dito sa Manila, sa halip na lunasan ang mga abuso, sila pa ang nag-abuso. Walang nabalingan ang mga Sangley kundi ako... --Domingo de Salazar, obispo sa Manila, 1581 liham kay Felipe 2, hari ng España
Aking nabatid na sinaktan at pinagsamantalahan ng mga Español ang mga Sangley na nagtungo sa Pilipinas mula sa China upang magkalakal. Lalo na raw ang mga guardia na pinagtanod sa mga barko ng mga Sangley at humingi ng suhol. Mainam lamang na ituring nang mahusay ang mga Sangley upang ipamalita nila pagbalik sa China, nang sa gayon, madali nilang tanggapin ang pangaral ng catholico duon pagdating ng panahon. Ito ang ating pangunahing layon. Utos ko ngayon sa aking mga pinuno riyan na supilin ang mga pasakit at pagmalupit, parusahan ang mga maysala, at ituring ang mga Sangley nang buong lugod. Mahigpit kong pinapatupad ito sa lahat diyan... |
![]()
Ako, ang Hari, ang nag-uutos sa iyo na ang taga-pagtanggol ng Sangley ay hindi dapat kasapi sa Audiencia Real diyan sa Manila. Mula ngayon, hirangin mo ang isang marangal na pinuno upang alagaan ang mga Sangley nang walang magsamantala sa kanila... MULA sa Manila, sumagot si Tavora kay Felipe 4 pagkaraan ng isang taon, sa isang liham nuong Aug 4, 1628 at sinaad na kailangang pigilan sa halip na ipagtanggol ang mga Sangley. At dahil paniwala niyang binabawasan ng mga ito ang kanyang kapangyarihan sa Manila, lubusang siniraan niya ang pagkatao ng mga Sangley. “Maraming alinlangan sa mga Sangley ang laganap dito. Kailan lamang, nagpairal ang mga Español ng isang batas (edict) ukol sa halaga ng mga kahoy, bakal at bato na gamit sa pagtayo ng mga bahay at gusali. Kinalaban ito ng mga Sangley at nang ayaw silang pakinggan ng mga alcaldes ordinarios, nagpunta sila at nakiusap sa Audiencia Real. Pagkaraan ng ilang araw, isa pang usapin ang naharap sa Audiencia nang multahan nang malaki ng fiscal ang mga barkong dumating mula sa China dahil hindi nagdala ng polvora at iba pang gamit sa cañon. Nuon pang panahon ni (governador) Juan de Silva, inutos na ito sa kanila subalit ayaw sumunod. “Itong mga nakaraang araw, nagharap din ng usapin sa Audiencia ang mismong governador ng mga Sangley sa Parian. Siya dapat ang umayos, ayon sa mga gawi nila, sa mga habla duon subalit dinala niya sa Audiencia, pati na ang mga katibayan at kasulatan sa wikang Sangley. “Inutos kong hindi dapat hawakan ng Audiencia ang mga usaping iyon, subalit pinilit ng Audiencia na litisin. Mga halimbawa lamang ito ng mga naganap, na nagpatunay na magaling umiwas ang mga Sangley sa mga utos at hatol laban sa kanila, kaya hindi kailangang maghirang ng isang tagapag-tanggol para sa kanila. “Halos lahat ng Sangley sa kapuluan ay hindi binyagan. Ang dios nila ay pilak at ang religion nila ay ang pagkamit nito. Walang cuenta silang tao, kahit sa kanilang sariling bayan ay wala silang napala kaya sila nagpuntahan dito upang magka-hanap-buhay kahit paano. Kahit na ang pinaka-mababang gawain ay pinasok. “Basag-ulo sila, laging nakikipag-away at nagha-habalahan sa jusgado. Sila-sila ay nagbabantaan at araw-araw, lagi silang may sandata para sa bakbakan. Dahil wala silang kinata-takutang infierno, handa silang magsinungaling, sumumpa sa hindi tutuo, itatwa at ipagkanulo kahit sinuman, kahit mga magulang nila. Nagpapalit sila ng gawain kahit kailan, kahit ilang ulit, pati sariling pangalan ay pinapalitan, para magka-salapi lamang. “Taon-taon, panay ang parito ng mga bagong Sangley, libu-libo ay walang kakilala kahit sino kaya naghahari ang gulo. Dinadaan sa suhol ang anumang suliraning maharap at, dahil wala silang sinamba kundi salapi, naangkin nila ang lahat ng kalakal at gawain sa kapuluan. Lahat ng Español dito, kabilang na ang mga frayle, ay kumakain, nagda-damit at nagsa-zapatos sa kalakal ng Sangley lamang, kaya bawat Sangley ay hindi nawawalan ng padrino na nagtatanggol sa kanila. “Sapin-sapin ang kasunduan nila upang walang makatalo sa kalakal nila. Kahit ako ay hindi makapagpalit ng zapatero. Lahat ng hanapan ko ay ayaw akong pagbilhan ng zapatos maliban duon sa ‘suki’ ko. Kung mayruon mangahas na lumabag sa kasunduan, sinisiraan nila pati ang mga kamag-anak pagbalik sa China, at hinahabla sa mga mandarin na pinuno nila duon. At mabilis magparusa duon. Laging may dalang kawayang pamalo ang mga mandarin, at kahit sino ay maaari hambalusin hanggang nais nila nang walang tanung-tanong. Kaya malaki ang takot nila sa mga mandarin. “Kailangan ding matakot sila sa atin sapagkat kahit sila ang gumagawa ng lahat para sa atin, hindi sila gagalang at susunod sa utos hanggang hindi pinaparusahan gaya ng mga mandarin nila. Kaya dapat hambalusin sila agad dito, gaya sa China, tuwing mahuling lumalabag sa batas at utos ng kaharian, hindi ang palipat-lipat na pagharap sa iba’t ibang jusgado gaya ng ginagawa nila ngayon. Nauubos lamang ang salapi nila dahil lahat ng daanang constable (police), abogado at notario ay kinakalkalan sila. “Sa huling tuusan, hindi kailangan ng mga Sangley ng tagapag-tanggol sapagkat marami silang alam na paraan, sa handog o trabajo nang walang bayad, upang maka-padrino ang mga Español, pati na ang mga frayle. Kaya kung mayruong batas o utos ng kaharian na ayaw nilang sunurin, napipi-pilan nila sa paki-usap o pagsamo sa kanilang mga padrino...” |
|
MULA pa nuong simula, nang dagitin ng pangkat ni Martin de Goiti ang unang barko ng Sangley na nakita nila, kinailangan nang ipagtanggol ng mga pinuno Español at mga frayle ang mga taga-China laban sa lupit at sakmal ng mga kapwa Español. Tutuong hirap ang tinamasa ng mga Intsik sa kamay ng mga Español sa halos 200 taon mula nuong 1570. Tutuo rin na kung hindi sa pagkalinga at sulsol ng Español, maaaring hindi dumami ang mga Intsik nang sapat upang makabuo hindi lamang ng sariling purok kundi pati na ng sarili nilang lipunan sa Pilipinas. At tutuo na kung hindi sa mga Sangley, malamang hindi nagtagal ang pagsakop sa Pilipinas ng mga Español. |
||
Ang mga kalakal na dinadala dito ng mga Sangley ay lubhang kailangan ng mga taga-Manila upang mabuhay nang matiwasay, pati na ng lahat ng naparito upang kumita ng salapi, hindi lamang ngayon kundi sa mga darating na panahon. Subalit itong taon na ito, sobra-sobra ang abuso at pagdayang ginawa sa mga Sangley, baka hindi na bumalik dito, o baka mahalan nang napaka-taas ang kanilang mga paninda...
NABAHALA nuong 1588 si Gaspar de Ayala, abogado (licenciado) sa Audiencia Real, dahil 12 barko lamang ang dumating sa Manila mula sa China nuong taon na iyon, at kaunti pa ang dalang mga kalakal. Sinumbong niya sa liham kay Felipe 2, hari ng España, na nagkalakal sa China ang mga barko mula sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon) at Peru, at hiniling niyang ipagbawal ito nang magkaruon ng hanap-buhay ang mga Español sa Pilipinas. Nakinig si Felipe 2 at inutos na mga barko lamang ng Manila ang dapat magdala ng kalakal ng China sa America. Sa pagbalik ng 30 - 50 barko mula China upang magkalakal sa Manila mula Noviembre hanggang Mayo taon-taon, nagsimula at nabuhay ang tinawag na galleon trade sa mahigit 200 taon na sumunod. |
||
‘Unti-unting lumago ang kalakal at napakaraming barko ng Sangley ang dumarating dito, punung-puno ng iba’t ibang kalakal - mga bungang-kahoy, arina, azucar, tinapay, polvora at bala sa cañon, at lahat ng uri ng tela at sutla. Napagara itong lungsod nang husto, kung hindi lamang sa mga sunog at bagyo, ito na sana ang pinaka-mayaman sa lahat ng sakop ng inyong kamahalan...’ -- liham para kay Felipe 2, hari ng España, ni Domingo de Salazar, obispo ng Pilipinas, 1581 Naakit sa dami ng kinikitang pilak ng mga Sangley, nagdatingan na rin ang mga barko ‘mula sa Japon at Cian’ (Japan at Thailand) nuong una, bago sila nausog at natakpan ng mga Sangley upang masarili ang kalakal ng galleon. Kulang ang dami ng mga Español, halos lahat ay nagsiksikan sa Manila, at wala rin naman silang gana na pagyamanin ang lungsod at kapuluan na sinakop, kaya ang mga Sangley ang naging bahala sa lahat. Mahusay na mga manggagawa at sanay magtayo ng mga lungsod sa China, sila ang natayo ng mga simbahan, umukit at nagpinta sa mga estatua at gumawa ng mga bahay na bato ng mga Español. Ang daan-daang Sangley mula sa Fujian at Guangdong na ‘sumabit’ sa mga barko ay naging libu-libo, hanggang sila na rin ang naging alilang tagapaglinis, at tagapagluto na nagpakain sa mga Español. Pagdaan ng mga taon, sila na rin ang nangisda, nagtanim ng mga gulay at nag-alaga ng mga manok, baboy at iba pang hayop na kailangan sa Manila. Maliban sa mga frayle, mistulang apostoles na sumuot, at namatay, sa mga gubat at bundok, hindi pinansin ng mga Español ang luoban ng Luzon at iba pang bahagi ng kapuluan, kaya nanatiling gubat ang mga paligid maliban sa mga nayon na tinatag ng mga frayle, tinayuan ng mga simbahan at convento kung saan hinakot ng mga sundalo ang mga katutubo sa paligid at sapilitang bininyagang catholico. |
||
‘Sabit’ uli ang mga Sangley sa mga frayle naman, unti-unti nilang napasok ang mga baranggay at nayon sa paligid ng Manila nuong una, tapos kahit ang pinakaliblib na bundok sa luoban. Sa ilang ligaw na puok, matapos sindakin at itaboy ng mga Español ang mga katutubong taga-bundok, nagtayo ang mga hampas-lupang Sangley ng sarili nilang mga bahay-bahay at naghanap-buhay sa bukid at dagat, mga bahay-bahay na pinagmulan ng mga purok sa Bataan na saganang nagka-kalakal ngayon sa alimango at palaisdaan, at ang ibang purok na kilala ngayon sa pato, balut at penoy sa Rizal at Laguna. Sumunod sa mga hampas-lupang ‘sabit’ ang mga mayamang nagka-kalakal hanggang naging karaniwan sa bawat nayon at kabayanan na magkaruon ng simbahan at tindahan ng Intsik. Matumal magluwas ng pagkain ang mga katutubo para sa mga Español na lumupig sa kanila, patuloy na nagbuwis, nagpa-trabajo nang walang bayad at pilit binago ang kanilang pamumuhay. Kaya ang mga Sangley ang nagtanim, nangisda, nag-alaga ng mga hayop, at nagluwas ng lahat sa Manila, na naging masagana sa pagkain. Dumating ang panahon, ang mga Sangley ang naging mga magsasaka (sapilitan sa ibang pagkakataon, gaya sa Calamba nuong una), taga-giling (rice millers) at taga-imbak (wholesalers, suppliers) ng palay hindi lamang sa Manila kundi sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Si Jose Rizal ang nagsabi, sa kanyang kuro sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga, ang ‘tamad’ na paratang sa mga Pilipino ng Español ay hindi likas kundi sadyang ginawa sa mahabang panahon upang salatin at mapalayas ang mga manlulupig. Hayag sa ibang ulat na itong paraan ang ginamit ng mga taga-Mindanao upang gapiiin ang 3 pagpasok sa kapuluan nina Juan Garcia de Loaysa nuong 1525, Alvaro Saavedra de Ceron nuong 1527 at Ruy Lopez de Villalobos nuong 1542, bago nagtagumpay si Miguel Lopez de Legazpi at nasakop ang Cebu nuong 1565, ang Panay nuong 1568 at ang Manila nuong 1570-1571, mga pagsakop na tulak lahat ng paghanap sa pagkain at malamang hindi nagtagal, sa ulat na rin ni Legazpi at ng sumunod na governador, si Guido de Lavezaris, at ng iba pang pinunong Español, kundi sa tulong ng mga Sangley. |
||
Naging Karibal Bago Naging Kalaban Ang Mga Sangley
‘Unang nag-kalakal ang mga Español subalit lugi agad silang lahat sa Sangley na maliit lamang ang puhunan, mas mura ang pamumuhay at ka-familia ang mga katulong kaya payag kahit maliit lamang ang tubo...’ --Bastiaan van de Loo, The Chinese in the Philippines ‘Simula’t simula pa, imbakan lamang ang Manila sa kalakal na ipinagpalit ng mga Intsik sa pilak, landas lamang ng daan-daang milyon ng dolyar na umagos sa China mula sa Nueva España...’ --David Joel Steinberg, The Philippines: A Singular and a Plural Place MAHIGIT 60,000 pesos ang kinita taon-taon, milyon-milyon ang katumbas ngayon, sa licencia lamang ng mga Sangley na tumira na nang lagi sa Pilipinas, nuong bago sila naghimagsik nuong 1639. Nagbuhay mayaman ang mga Español sa Intramuros sa paupa ng kanilang mga gusali at lupa sa Parian at paligid ng Manila. At libu-libong mga pinuno ng pamahalaan ang nagkamal nang malaki bago umuwi sa America at España. Subalit maraming Español ang muhi sa mga Sangley dahil sa inggit, kaibang gawi ng mga Sangley, hindi pagsamba sa catholico, at pagsuway sa mga batas. Mga Español tulad ni Miguel de Benavides, pang-3 obispo sa Manila at nagtatag ng Universidad de Santo Tomas, at mga pinuno gaya nina Gomes Perez Dasmariñas at Juan Niño de Tavora, kapwa naging governador ng Pilipinas. Paulit-ulit ipinatapon ang mga Sangley, at tuwing nag-aklas, ipina-puksa sila sa mga katutubo subalit paulit-ulit din silang niyaya uling bumalik at magkalakal sa Manila. Hanggang nuong naghimagsik ang mga Sangley, pati ang mga nabinyagan na, at tumulong sa British na sumakop sa Manila nuong 1762-1764. Binitay at ipinatapon ng mga Español ang mga Sangley at mula nuon, pinatila ang buhos ng mga taga-China maliban sa ilang libong pumasok, at lumabas uli, para sa kalakal ng mga galleon sa Mexico. |
||
Hindi Na Sila Kailangan BANDANG 1750, nakapaglatag na ng sapat na bukid, haciendas at conventos ang mga frayle upang mabuhay nang matiwasay sa mga lalawigan. Tatag na rin ang pagsakop sa mga nayon at kabayanan upang maasahan ang buwis at polo, ang pa-trabajo nang walang bayad, ng mga katutubo, sa patas ng kanila na ring mga pinuno, ang principales. Nakapagkamal na rin ang mga frayle ng sapat na yaman upang sakupin ang dating hanap-buhay ng mga Sangley - pati na ang pautang, pag-fondar ng mga imbakan, kiskisan at pag-viaje ng mga kalakal patungo, at pamula, sa Manila. Upang kumita nang sarili sa halip ng pasahurin ng kaharian, biniyaya ng España na sarilihin (monopoly) ng mga pinuno ang lahat ng kalakal sa kani-kanilang lalawigan. Masugid nilang pinuksa |
ang anumang paglabag sa kanilang pagsarili ng
kalakal. Binawalan pa ang mga indio na bumili o maglako maliban sa kanila, sa banta ng mabigat na parusa. Upang lalong bumilis at lumaki ang hamig, lubhang mura ang bili nila mula sa mga katutubo, at sobra-sobra ang taas ng mga inilako nila sa mga ito. Katulong nila sa lahat ng ito ang mga mestizong Intsik, ang mga anak at apo ng mga Sangley pumuslit sa mga luoban nuong nakaraan.
Mahigit 50 taon tumagal ang ganitong sagana ng mga Español at frayle bago bumagsak ang kaharian ng España. Sa pamuno ni Napoleon Bonaparte, sinakop ng France ang España nuong 1808. Hindi natigatig ang Pilipinas nuong una subalit nadama sa kapuluan ang mga balam ng pagsakop sa mga sumunod na taon. Una, ipinasara ni Napoleon ang lahat ng convento ng mga frayle sa España nuong 1812 at inilit lahat ng ari-arian nila. Binawal sa |
mga frayle sa Pilipinas ang pag-uwi sa España. Pangalawa, naghimagsik ang mga sakop ng España sa America at simula nuong 1811, isa-isa silang nakalaya - Argentina, Peru, Mexico, Chile, Paraguay, Bolivia at Uruguay. Maraming napatalsik na pinuno duon ang sumiksik sa Manila. Itinigil ng Mexico ang pagtustos sa pamahalaan ng Manila - umuwi mula sa Acapulco ang huling galleon nuong 1815.
Nagsimulang mamulubi ang mga Español sa Pilipinas, sabay sa pagdami ng mga walang hanap-buhay mula America. Nagapi si Napoleon nuong 1814, sa tulong ng hukbo ng Britain, at naibalik ang hari ng España, si Ferdinand 7. Tapos, ang mga taga-España naman ang naghimagsik nuong 1820 at inalis uli si Ferdinand 7. Natuloy ang gulo sa maraming sumunod na taon sa agawan sa kapangyarihan sa España. Nuon nagsimulang natigatig ang Pilipinas. |
Naging Kakampi Ang Mga Sangley ‘Nagbago ang mga layunin ng Madrid, mula sa pagtustos sa pagiging catholico nabaling sa pagpa-paunlad ng kalakal at pagpapa-lawak ng pagbubukid...’ --David R. Sturtevant, Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940, 1976 KAILANGAN nang maghanap-buhay ang Manila. Naglaho ang tustos mula Mexico at lubhang gulo at hikahos ang España kaya sinikap nilang tustusan ng mga nasa Pilipinas mismo ang patuloy na pagsakop sa kapuluan. Nuong una, unti-unti at dahan-dahan ang pagbagong ginawa palakad sa pamahalaan. Naglabas lamang ng mga batas na pang-akit sa mga Español, upang dumami ang mag-fondar at lakihan ang tustos sa mga bagong hacienda at fabricas sa Pilipinas. Subalit hindi sapat kaya nuong 1820, sinimulang tastasin ang maraming pagbabawal na 200 taon nang iral upang lumawak ang pagka-kalakal sa kapuluan. Kahit sino, hindi na lamang mga Español, ay pinayagang magkalakal sa Manila at paligid. |
Nagpasukan ang mga nagka-kalakal mula Britain, France, Germany at iba pang taga-Europe, mula Japan at ang bagong bayan ng United States of America. Subalit pinaka-marami at pinaka-malaki pa rin sa lahat ang salapi ng mga manggagawa at nagpu-fondar (investors) sa Amoy at Canton kaya inalis na ang paghadlang sa pagpasok nila sa Manila. Wala nang Parian, napuno agad ang Binondo at binawi ng mga Sangley ang dating panguna nila sa kalakal ng lungsod at paligid. Pagkaraan ng 11 taon, nuong 1831, hindi na Manila lamang, pinayagan na ring pumasok sa Zamboanga ang mga Sangley at iba pang dayuhan upang magkalakal. Tapos, bumilis at sunud-sunod nang pina-iral ang pagpa-palawak sa kalakal. Nuong 1839, pinayagan nang pumasok sa luoban ang mga Sangley. Pagkaraan ng 4 taon, nuong 1843, binigyan pa sila ng karapatang magtayo ng mga tindahan gaya sa mga Español, at magkalakal nang pantayan. Sumunod na taon, pinigil na ang pag-sarili (monopoly) ng kalakal ng mga pinuno |
sa mga lalawigan. Nuong 1855, pati Iloilo ay ‘binuksan’ sa kalakal ng mga Sangley at ibang dayuhan. Sumunod ‘binuksan’ ang Cebu nuong 1863.
Naka-tiwangwang na ang Pilipinas. Bumuhos ang mga Sangley sa iba’t ibang lungsod, mas marami kaysa nuong nakaraang 200 taon, at mabilis na kumalat sa luoban. At kaiba sa nakaraan, dahil sa mga nangyari sa China nuon, hakot ng marami sa mga dumating ang yaman ng buong familia, ng buong angkan pa, at walang balak bumalik pa China sa mahabang panahon. Kaya malaking yaman ang kumalat sa mga lalawigan, lalo na mula sa paligid ng Manila, sa Bulacan, Pampanga at Tarlac. Parang nag-ilog na baha, umagos ang mga bagong Sangley at nabawi ang pautang, pagpa-palay at iba pang kalakal na dating ‘ari’ ng Sangley. Higit pa, pinasok ng mga ito ang azucar, abaca, paglakbay sa pulo-pulo, at iba pang mga bagong kalakal na sinimulan upang mapaunlad ang pagbubukid at industria sa Pilipinas. |
Nausog Ang Mga ‘Bagong Indio’ PARANG naanod sa baha, binitawan ng mga mestizong Sangley ang mga ‘hawak’ na kalakal at iniwan ang tiyak na pagka-lugi sa kamay ng mga bagong Sangley. Bumaling na lamang sila sa mga gawain na hindi na kayang pasukin ng mga Sangley, ang medicina, pharmaceutica, pag-aabogado at iba pang gawaing licenciado at de campanilla (professions) na dumadami duon. Kailangang sa Manila pag-aralan ang mga ito, tapos sa España upang magdalubhasa, at duon natipon at nagkasama-sama ang mga anakan ng |
mestizong Sangley, ang mga ‘bagong indio’ na lubusang hiwalay na sa pagka-Intsik.
Nakasagap sila, sa unang panahon, ng mga bago at maka-taong damdamin mula sa Europe at America.
Isa pang gawaing dinumog ng mga ‘bagong indio,’ bawal pa sa mga ‘bagong Sangley,’ ay ang pag-inquilino tulad ni Francisco Mercado Rizal. Sunod sa patakaran ng kaharian na palawakin ang pagbubukid (agriculture) sa Pilipinas, maganang dumami at lumawak ang mga hacienda at dumami ang mga inquilino. Marami sa mga bagong dating mula sa Amoy at Canton |
ay mga hampas-lupa at naging magsasaka sa mga bagong hacienda.
Hindi nagtagal, natanto ng lahat na ang ‘tunay’ na yaman sa ganitong gawain ay nasa pag-aari ng lupa. Nasabay pa man din sa pagdanak ng mga ‘bagong’ Español mula America at España, naging mainit ang agawan sa lupa ng mga Español at mga frayle. Dumating ang panahon, pati ang mga pinuno ng mga katutubo, ang principales at ang mga kakampi nilang ‘bagong indio’ ay naki-agaw na rin, at mistulang nakawan ng lupa ang nangyari sa maraming puok. Pati ang familia ng mga Rizal at naipit sa labu-labo. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |