Mestizos now Mestizos before

  ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

Ang Mestizo Ay Naging Intsik

Sa lupit ng urian ng lahi, ang tinawag na ‘mestizo’ ay ang mga anak lamang ng katutubo at Español o iba pang taga-Europa... Nuong panahon ng Español sa Pilipinas, nadaig sa dami ang mga ‘mestizo’ ng mga anak ng katutubo at mga ‘Sangley,’ at sa halip na ‘chino,’ tinawag nilang ‘mestizo’ ang mga sarili...
--Wikipedia, The Free Encyclopedia, Mestizo

Isa sa bawat 20 tao sa Pilipinas nuong 200 taon sa nakaraan ay ‘mestizong’ Intsik, umabot ng 120,000 at pinaka-marami sa buong timog silangang Asia... Kaugnay ng mga kapwa mayaman, binuo nila ang kataas-taasan ng katutubong lipunan. Catholico at mala-Español, unti-unti nilang ituring ang mga sarili na Filipino, taguri na hanggang nuon ay turing lamang sa ‘purong’ Español na isinilang sa Pilipinas...   --Caroline S. Hau, Notes on Indonesian-Chinese and Filipino-Chinese Literature

Sa Europa, ginamit ng mga ilustrado na sagisag ng tapang ng mga katutubo ang pasaring na ‘indio’ at tinawag ang mga sariling los indios bravos... Nagtawagan din silang ‘inchic’ dahil madalas silang napagkamalang Intsik sa España...     --Ambeth R. Ocampo, Looking Back, Jan. 30, 2004

PINAKA-MATAAS sa lipunan ng Pilipinas nuong panahon ng Español ang peninsulares, ang mga galing sa España. Sila ang nagpilit na tawagin silang ‘Castila’ kahit na bihira sa kanila ang nagmula o nakarating man lamang sa Madrid o anumang bahagi ng Castillia. Maliban sa governador general at mga hukom at fiscal ng Audiencia Real, ang mga ‘Castila’ na nakarating sa Pilipinas, kabilang na ang mga frayle, ay karaniwang mga provinciano mula sa mga mahirap na familia at nagsilbi sa simbahan o pamahalaan upang magkaruon ng hanap-buhay. Sunod sa katayuan sa lipunan ang insulares, mga Español na ipinanganak sa Pilipinas ng mga magulang na Español. Kahanay nila sa lipunan ang mga Español mula sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon), Peru, Gran Colombia at iba pang mga sakop (colonies) sa America ang tinawag na ‘Americanos’ bagaman at pinilit nilang sila man ay mga ‘Castila’ at mas mataas kaysa sa insulares. Sumbat naman ng insulares na pulos mga mestizo ang Americanos kaya mas mababa ang katayuan kaysa kanila.

Mas mababa nga ang mestizos, anak ng Español at (karaniwan) ng babaing katutubo o indio. Kabilang sa kanila ang mga anak ng mestizo at mestiza, o ng isang mestizo at isang katutubo (karaniwang babae ang katutubo). Ang insulares at mga mestizo sa Pilipinas ang tinawag na Filipinos nuong panahon ng Español. Sunod pababa ang indios, mga katutubo (natives) ng kapuluan na pinailalim at naging tagapagsilbi ng mga Español. Saliwa sa paniwala ng marami, hindi sila ang pinaka-mababa sa lipunan ng Pilipinas. Mas aba sa lahat ang Sangleyes, ang mga dayo mula China. [Kalaban ang mga Moro (tawag ng Español sa Muslim) at hindi tinuring na ‘tao’ hanggang hindi itinatwa ang kanilang pagka-Muslim at pumailalim sa Español.]

At Naglaho Ang Mga Mestizong Intsik

ISANG araw bago siya bitayin, nuong Deciembre 29, 1896, binasa ng isang notario ang hatol kay Jose Rizal sa kanyang piitan sa Fuerza Santiago. Tapos, pinalagdaan ng notario sa kanya ang kasulatan bilang patibay na naunawaan niya ito, subalit umangal si Rizal: Mestizos now

Walang katunayan ang paratang, walang katarungan ang sentencia sa akin!

Hindi lamang iyon ang angal ni Rizal. Nakahayag sa kasulatan na siya ay ‘chino indio’ - isang ‘mestizong’ Intsik! Matama niyang ginuhitan ito at pinalitan ng ‘indio natural,’ bago tahimik na nilagdaan ang kasulatan.

Hindi lamang si Rizal ang bumura sa kanyang pagka-Intsik. Ang lolo niya, si Juan Mercado y Monica, ay ‘capitan’ sa Biñan bagaman at apo ng isang ‘purong’ Intsik. Ginamit niya ang kanyang katungkulan upang burahin ang ‘chino indio’ sa kasulatan ng kanyang familia sa municipio upang makaiwas sa dagdag na buwis sa mga mestizong Intsik.

Ang Unang Naglaho Muna Ay  

KASAMA sa pagiging pinaka-aba ang paglibak at pagmalupit ng lahat kaya tulad ng ninuno ni Rizal, si Lam Co ng Amoy (ang Xiamen ngayon), karamihan ng mga Sangley ay nagsigasig maka-ahon sa pagka-sadlak sa ilalim ng lipunan. At tulad uli ni Lam Co na bininyagang ‘Domingo’ sa San Gabriel, ang simbahan sa Parian, nuong 1697, nag-catholico ang maraming Sangley upang makakampi ang mga frayle na makapangyarihan sa Manila, at siyang namahala sa maraming bahagi ng Pilipinas.

Matanda na nang nag-asawa si ‘DomingoLam Co sa anak ng isang Intsik na taga-pakyaw (wholesaler) ng palay kaya nakaalis siya sa Parian at nakarating sa La Laguna bilang magsasaka ng palay sa hacienda ng mga frayleng Dominican sa Biñan. Itong pagsaka ay isa pang paraang ginamit ng mga Sangley upang mapagbuti ang buhay - at makaalis sa paglibak sa mga Intsik na laganap sa Manila. Kahit Intsik din ang naging asawa ni Domingo Lam Co, binigyan niya ng pag-asang makahiwalay sa pagka-Intsik ang anak nang pabinyagan niya sa pangalang Francisco Mercado y Chinco.

Kilalang maka-taong Español at ginalang si Francisco Mercado, dating capitan ng barko na napamahal sa mga taga-Laguna na nasa kanyang encomienda. At kahit siya ay isa nang magsasaka, angkop ang ‘Mercado’ (market, pamilihan) sa isip ni Domingo Lam Co sapagkat kaugnay sa magka-kalakal (comerciante, trader) na tunay niyang hanap-buhay. Ang paggamit ng pangalang Español ay isa pang hakbang ng mga Sangley na lumipat na sa Pilipinas upang matago ang kanilang pagka-Intsik.

Ang anak ni Francisco, si capitan Juan Mercado y Monica, ang bumura

  Ang Maraming Sangley

ng ‘chino indio’ sa kasulatan ng kanyang familia sa municipio ng Biñan. Bihira sa mga lumikas na Sangley ang nagkaruon ng ganuong pagkakataon. Nagpatuloy na lamang silang mag-ala-Español sa dami at haba ng pangalan at pagsamba ng catholico upang mabura ang kanilang pagka-Intsik, lalo na ang kanilang mga anak na hindi na naturuang magsalita ng Intsik.

Namatay si Juan nang 9 taon gulang lamang ang bunso, si Francisco Engracio Mercado y Alexandra. Inaruga siya ng kapatid, si Potenciana, isang matandang dalaga na 20 taon ang tanda sa kanya. Pinag-aral ni Potenciana si Francisco ng Latin, kahawig ng Español na bawal pag-aralan ng mga indio, upang maunawaan ni Francisco ang salitang Español kahit paano. Pagkaraan ng ilang taon, namatay ang asawa ng isa pang kapatid, si Petrona. Lumipat ang magkapatid sa Calamba upang tulungan ang viuda na magsaka sa katabing hacienda na ari din ng mga frayleng Dominican. Nakilala ang sipag at dunong ni Francisco Magsasaka kaya ilang ulit dinagdagan ng mga frayle ang bukid na sinasaka. Upang kumita ng malaki, nag-inquilino si Francisco, ipinaupa ang mga bukid sa ibang magsasaka kapalit ng kalahati ng ani. Sila na ang pinaka-mayamang familia sa Calamba nang mamatay si Potenciana nuong 1847.

Naging Ka-socio Ng Español, Naging ‘Bagong Indio’

ANG pagiging inquilino ay isa lamang sa mga hakbang na tinahak ng mga Sangley na namarati sa Pilipinas upang yumaman. Isa pang hakbang ang pagpapa-utang (usura, loan sharking) sa mataas na hamig, laganap sa kapuluan mula pa nuong bago dumating ang mga Español, at nuong panahon ni Francisco ay malugod na gawain ng lahat ng may salapi, pati na at lalo na ang mga frayle sa kanilang mga hacienda.

Nang tinawas ang paglikas ng mga Sangley mula nuong pagpa-patapon (deportacion, expulsion) nuong 1765, dahil itinatwa na nila ang pagka-Intsik, napasok ng mga bagongindio’ ang mga hanap-buhay na sinarili dati ng Sangley sa mga lalawigan - pakyawan at pagluwas sa Manila ng palay, bungang-kahoy (frutas), gulay at iba pang mga ani sa bukid, ang pagtayo ng mga imbakan (bodegas, warehouses) at mga tindahan (tiendas, stores), at pagtustos (fundar, investment) sa mga bago at sumisibol na kalakal, tulad ng mga lakbayan (viajes, transportation) at Magpapalay pagawaan (fabricas, factories). Natuto ng sipag at tipid sa China, walang inatupag ang mga ‘bagong indio’ kundi

ang magpa-yaman, yaman na ginamit nila upang lalong tumaas sa lipunan. Kaya sa luob lamang ng 3 anakan (generation), ang angkan ng magsasakang Domingo Lam Co ay yumaman na nang sapat upang maging ‘capitan’ sa Biñan ang apo, si Juan Mercado.

Kasabwat ng mga frayle sa pagpalago ng mga hacienda, at ng mga pinunong Español sa kalakal ng Manila at mga lalawigan, agad naka-familia ng mga ‘bagong indio’ ang principales, ang mga angkan ng dating mga datu at punong-bayan na ginawang governadorcillos, cabezas at capitanes del barrios, ang mga kapatas ng mga frayle sa pamamahala sa bawat nayon at kabayanan sa Pilipinas. Nagkaruon ang mga ‘bagong indio’ hindi lamang ng katayuan kundi ng katungkulan na rin sa lipunan sa pagiging mayaman, ‘ninong’ at asawa ng mga principales at ng ibang mayaman ding ‘bagong indios.’

At ng mga familia ng mestizong Español.

Sa unang 230 taon ng pagsakop sa Pilipinas, bihirang Española o mestiza ang nakarating kaya karaniwang mga babaing katutubo ang napangasawa ng mga Español, pati na ang mga frayle. Karaniwan din sa maraming Español at frayle na gamitin ang kanilang kapangyarihan upang magkamal ng malaking kayamanan. Yaman na nilustay ng kanilang mga anak na mestizong Español, pati na ng mga anak ng pari, kaya kapalaran ng mga apo, ang ika-3 anakan ng Español, ang mawalan ng salapi at mabaon sa utang upang patuloy na magbuhay mayaman. Upang makabayad ng utang o patuloy na maka-utang, ipinakasal ng maraming mestizong Español ang kanilang mga anak sa mga ‘bagong indios.’

Nagsimulang maging ‘mestizos’ ang mga ‘bagong indios.’

Nadaig Sa Dami Ang Ibang ‘Mestizos’

WALA pang 50 taon matapos supilin ang paglikas mula sa China, ang mga ‘bagong indio’ ang naging pangunahing ‘Sangley’ sa Pilipinas. Sila rin ang naging pangunahing ‘mestizos.’

Nuong 1810, kasi-simula ng ika-19 sandaan taon (19th century), mahigit 2.3 milyon lamang ang mga katutubo sa kapuluan, sakop at pinamahalaan ng kulang-kulang 5,000 Español at mga frayle. Alalay nila ang mahigit 20,000 mestizong Español, karamihan ay anak o apo ng mga Español at mga frayle. Mahigit 10,000 ang mga Sangley na parit-parito pa rin taon-taon upang magkalakal para sa galleon trade. Karamihan ng mga Español at mga frayle, at lahat ng mga Sangley, ay nagkumpol sa Manila. Samantala, kalat sa halos lahat ng lalawigan ang mahigit 121 libong ‘bagong indio.’

Sa tingin ng mga katutubo, sila ang Sangley, hindi ang mga nasa Manila na bihira nilang nakita. Marami sa kanila, at patuloy na dumarami, ay anak at apo ng mga nag-asawa ng mestizang Española. Walang kaibahan ang anyo at mga pangalan nila sa mga ‘bagong indio’ na nagkunyari na rin upang makataas nang kaunti, kaya nagsimulang ituring ng mga katutubo na ‘mestizo’ ang lahat ng mga ‘bagong indio.’

Kaiba sa mga Sangley at mga Español, nakisama sa mga katutubo ang mga ‘bagong indio’ na naging ‘mestizos.’ At kaiba sa mga Sangley na nilibak at dinaya ng mga katutubo, malugod na tinanggap ang mga ‘bagong indio’ sa lahat ng hanay ng lipunan sa kapuluan.

Lubhang makalahi (racist) ang mga Español, pati na ang mga mestizong Español mula sa mataas at mayamang familias, kaya kahit nakaharap nila araw-araw ang mga katutubo, lagi nang mababa at ‘nasakop’ (conquered) ang turing nila sa mga ito, at sa mga ‘mestizong Sangley,’ ang tinawag nilang chinos indios. At upang walang makampihan ang mga katutubong nais makalaya sa lupit at libak ng Español, pilit nilang hiniwalay ang mga Sangley.

Madali nilang nagawa ito, pagkaraan ng pagpa-tapon nuong 1765, dahil natigil ang pagpuslit ng mga hampas-lupa na dati-rating ‘sumasabit’ sa mga barko mula sa China. Ang mga nagka-kalakal na Sangley na lamang ang nag-viaje sa Pilipinas mula nuon - mga mayaman at malakas sa China na mapag-imbi sa dukha, maging katutubo man o kapwa nilang Intsik. Isa pa, mga suwail at taksil sa tinubuang lupa ang tingin nila sa mga Sangley na hindi na bumalik sa China. Nahaluan din ng inggit dahil malayang nagkapag-kalakal kahit saan ang mga suwail samantalang sila ay pigil sa Manila lamang. Kaya kusang lumayo ang mga Sangley sa mga katutubo at mga chinos indios.

Tinangka rin ng mga Español na ihiwalay ang mga katutubo mula sa mga chinos indios subalit nabigo sapagkat batid ng mga ito na sa maganang ugnayan at pakibagay hindi lamang sa mga kapwa nilang chinos indios kundi pati na sa mga katutubo - principales o mga magsasaka - nakasalalay ang kanilang yaman, laya mula sa paglibak, at katayuan sa lipunan. At sa paglibot-libot nila sa mga lalawigan, nahawa sila sa pag-iisip ng mga katutubo at naging tulay sa paglawak, lalo na sa paligid ng Manila, ng damdamin ng mga tao na magkakatulad ang kanilang mga hangarin.

Ina ni Rizal

Bagong Buhay, Bagong Pangalan

SUMUNOD na taon pagkamatay ni Potenciana nuong 1847 saka lamang nag-asawa si Francisco Mercado. Pinili ang isa ring ‘bagong indio’ tulad niya, si Teodora Alonso y Quintos na may dugong Ilocano, Tagalog, Intsik, Español at kaunting Hapon. Dahil sa nagmula sa mayamang angkan ng mga pari, abogados, principales at mercados, nakapag-aral nang hindi-pangkaraniwang taas, dunong at pagka-makatao si Teodora, mga aral na itinuro niya sa mga anak.

Nabulahaw ang bagong mag-asawa nuong 1849 nang iutos ni governador Narciso Claveria na mag-apelyido ang mga katutubo, mula sa isang listahan ng mga pangalang Español. Nakakalito raw sa pamahalaan ang magkaka-hawig na pangalan ng maraming tao, at lalong nakakalito ang maraming kautubo na isa lamang ang pangalan. Ang tangka ni Claveria ay taasan ang buwis ng mga katutubo, buwisan ang lahat, at hulihin ang mga hindi nagbabayad ng buwis subalit sinamantala ni Francisco upang palitan ng pangalan ng kanyang familia.

Hindi na sapat turingan ng magka-kalakal na ‘Mercado’ lamang ang kanilang hanap-buhay. Pinili ni Francisco, palibhasa ay nakapag-aral ng Latin, ang pina-igsing tawag sa lumang Español, hindi na gamit ngayon, sa ika-2 ani ng palay sa luob ng isang taon, ‘Rizal.’ Mas angkop, pasiya ni Francisco, sa ‘pang-2 buhay’ nila bilang bagong familia na may pang-2 hanap-buhay sa palay at bigas (arroz, rice). Tulad ni Francisco, sinamantala ng mga anakan (descendants) ng Sangley ang pagpalit ng mga pangalan,

Ama ni Rizal bagaman at marami sa kanila ay nakapaluob na sa mga angkan ng mga Aquino, De Leon, Mendoza, Reyes at iba pang mestizong Español mula sa Mexico at Latin America na napangasawa ng kanilang mga anak at apo. Kaiba kay Francisco, may mga Sangley na kumapit sa huli at kaisa-isang tali nila sa China - ang pangalan ng kanilang angkan.

Nuong panahon na iyon, 1765 hanggang 1839, nang naging tatag at ala-Español ang pangalan ng mga may dugong Sangley, batay sa puok o pangalan ng ninuno ang mga pangalang Intsik. Gawi rin nuon sa Fujian, kung saan nagmula ang karamihan ng Intsik sa Pilipinas, na gamitin ang ‘Ko’ (Gu sa wikang Canton at Mandarin) bilang parangal kasama ng pangalan, tulad ng ‘Señor, Mister, Apo, Manong, Mang, Ka’ o ‘Tanda’ (gaya ng Tandang Sora). Isinama nila nang gawing ala-Español ang mga pangalan, at ganito natutunton ngayon ang mga lumang angkan ng mga Sangley, - ang mga Yujuico, Syngco at iba pang apelyidong may ‘Ko.’

Ang ‘Ko’ ay tatag ding pangalan sa Fujian (Gou sa wikang Canton at Gao sa Mandarin), tawag sa naglaho nang lungsod duon, kaya may mga angkan ng Intsik na may 2 ‘Ko’ sa pangalan, tulad ng pinaka-tanyag, ang mga Cojuangco.

Subalit tinatak man ng iba ang pagka-Intsik sa pangalan, sa pagtitik nila nang ala-Español, at sa sulat, anyo at kilos, lalo na ng kanilang mga anak at apo, silang lahat - ang mga Mercado, Aquino, Cojuangco at iba pa - ay naging hindi na Intsik.

At Naglaho Ang ‘Chinos Indios’

SA mga lalawigan man, nilibak, tinukso, at paminsan-minsan, pinatay din ang mga Sangley, lalo na at patakaran ng Español na ihiwalay sila sa mga katutubo nang huwag magtulungan sa himagsikan. Subalit bilang magka-kalakal o magsasaka, madalas kung hindi man araw-araw nagkaharap at napilitang nakitungo ang mga Sangley sa indios, bilang ‘suki’ sa bilihan o ‘kasama’ sa bukid. At sa pagyaman ng matipid at masigasig na mga dayuhan, nagsimula silang ituring ng mga katutubo na mainam na kaibigan, compadre at ninong. At para sa maraming dalaga, asawa.

Tulad ng gawi sa China, ang mga ina ang nag-alaga at nagturo sa mga anak, kaya karaniwang lumaki ang mga bata sa mga gawing katutubo. At gawi sa kapuluan na malayang maghalu-halo ang mga magkalaro at magkababata, at dahil kapwa magiliw sa mga anak, tinanggap ng mga Sangley at ng mga katutubo ang pagsasama-sama ng kanilang mga anak. (Sinaway ng mga magulang na Español na makihalo ang mga anak maliban sa mga kapwa Español o mestizong Español.)

Ang mga Sangley na na-familia sa mga Español ay masigasig na kumilos ‘mestizo,’ pinilit pang tawagin silang ‘Castila’ din. Dahil medio maputi, masalapi at naka-familia ng kanilang mga pinunong pincipales, tinawag ng mga katutubo ang iba pang anak ng Sangley na ‘mestizo’ rin. Subalit kaiba sa mga ‘mestizong Español,’ hindi tinanggap ng ‘chinos indios’ ang taguri ng ‘mestizo.’ Sa lahat ng ulat nuon, at pagkatapos, ng panahon ng Español, wala kahit isang nabanggit na umamin ng pagka-‘indio chino’ maliban na lamang sa sapilitang licencias at iba pang kasulatang Español (documentos). Tulad ng mga anak ni Domingo Lam Co, sa hindi na maunawaang dahilan, tinuring ng mga ‘bagong indio’ na sila ay mga katutubo, hindi ‘mestizo.’

Katutubong pari, hindi frayle, ang pinili ni Francisco Mercado Rizal na buminyag sa anak niyang isinilang nuong Junio 1861, si Jose Protacio. Hindi rin frayle kundi sacerdote (secular priest), si Gregorio Meliton Martinez de Santa Cruz, ang arsobispo (1862-1875) na kumumpil (confirmation) kay Jose. At ang piniling patron niya, si Santo Protacio, tadhana o hindi, ay isang martyr.

Rizal, hindi na Mercado, ang apelyido ni Jose bagaman at hinimok ng mga magulang na Mercado ang gamitin niya pagpasok sa Ateneo de Manila upang mag-aral ng medicina. Nasangkot kasi sa escandalo duon ang mas matandang kapatid, si Protacio, sumama nuong nakaraang mga taon sa panawagan na pagbutihin ng Español ang turing sa indios, bigyan ng mga kalayaan at karapatan, at - higit na ligalig sa mga frayleng Jesuit na nagpapalakad sa Ateneo, ilaan sa mga katutubong pari ang mga paroco (parishes) sa Pilipinas. Salungat sa mga magulang, si Protacio na rin ang pumilit kay Jose na Rizal ang gamitin hindi lamang sa Ateneo kundi sa buong buhay niya pagkatapos. May kaugnayan man o hindi ang paggamit sa pangalan, tutuong nasangkot, naging pangunahin pa si Jose Rizal sa pag-sigasig na butihin ang buhay ng mga katutubo.

Tinangka rin ng mga Español na ihiwalay sa indios ang dumadami, at lumalakas, na mga ‘indios chinos’ subalit lubusang nabigo sila sapagkat nuong panahon pa ni capitan Juan Mercado, matatag nang nakipag-isa sa mga katutubo ang mga ‘bagong indio.’ At nuong panahon ni Jose Rizal, naging ganap ang pagwaksi sa pagka-Intsik ng mga angkan ng Sangley.

Ang kanilang anakan (generation) na ayaw magpatawag ng ‘mestizo,’ nang magkasama-sama sa Manila at mga lungsod ng Pilipinas at España, ang nagsimulang tumawag sa mga sarili na ‘ilustrado’ at ‘Filipino.’

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata