emperador Kangxi

  ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

1686: Munting Aklasan Ng Mga Pusakal

1596: Hindi tutuo na mapanganib ang mga Hapon dito. Ang mapanganib ay ang mga Sangley na sali-salibat ang dumog dito... Nag-iingat kaming lahat sapagkat wala kaming tiwala sa kanila...   --Francisco Tello, governador general (1596-1602)

1597: Sobra-sobra ang nakapasok na hindi-binyagang Sangley. Dito sa Manila at paligid lamang, 15,000 ang nakatira. Marami pa sa ibang lugar. May kasamang mga pusakal at mga patapon na hindi na puedeng bumalik sa China... --Miguel de Benavides, arsobispo (1603-1605)

LAGI nang maraming pusakal (criminals) at bulakyot (violent) mula sa Chincheo (Fujian ang tawag ngayon) ang kahalo ng mga Sangley sa Parian, subalit nuong bandang 1680 hanggang 1686 talagang napakarami ang dumanak sa Manila. Mula pa nuong panahon ni Koxinga (basahin sa nakaraang kabanata) libu-libong taga-Chincheo ang lumikas hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bayan sa timog silangang Asia dahil sa walang tigil na digmaan laban sa mga Manchu na sumakop sa China at nagtatag ng bagong kaharian, ang Qing.

Nang sakupin ni Koxinga, taga-Chincheo rin, ang pulo ng Formosa (ang Taiwan ngayon) nuong 1662, maraming napilitang sumama dahil winasak at sinunog ng mga Manchu lahat ng lungsod at kabayanan sa Chincheo at iba pang lalawigan sa timog China upang walang makatulong kay Koxinga. Pagkamatay niya nuong 1662, sinimulang salakayin ng mga Manchu ang Formosa na nasakop din nuong 1683, panahon ng kanyang apo.

Pinalayas ang mga taga-Chincheo mula sa Formosa at pinabalik sa salanta nilang lalawigan. Marami sa mga walang natuluyan o hanap-buhay ay pumuslit sa Pilipinas at nagtiyagang maghampas-lupa (farmers) o alila

(servants) para sa mga Español dahil malupit sa mga Intsik ang ibang bayan sa timog silangan. Maraming maralitang naiwan sa Chincheo ang nagnakaw at nang-dambong na lamang, kaya kumalat ang mga pusakal at bulakyot.

Nagpadala ang haring Qing, si Kangxi (1662-1722), ng isang mandarin upang lipulin ang mga pangahas. Ubod ng lupit ang mandarin, mahigit 60,000 daw ang ipina-bitay, kaya maraming tumakas sa Manila at duon nag-pusakal. Ilag sa kanila ang mga mayaman sa Parian, at ilan ay nahuli at ikinulong, pati si Ting Co, dinakip dahil sa ‘abuso de Sangley’ (unnatural act, kantot sa puwit) na kinasuklaman ng mga frayle at bawal sa Pilipinas. Sa tagal ng pagkakulong, natuto si Ting Co ng wikang Español at naging tagapagsalita (interpreter) at alalay (comisario, trustee) ng mga tanod (guardias, jailers).

Pagkaraan ng maraming taon sa luob ng kulungan, napalaya rin si Ting Co. Agad siyang naki-barkada sa mga pusakal at mga takas mula sa Fujian, at nabuhay sila sa panakaw-nakaw sa mga kapwa Sangley sa labas ng Parian, at sa mga indio at paminsan-mindan, sa mga Español. Kung mahigpit ang panahon, nagnakaw din sila kahit sa luob ng Parian.

Puente Grande

Ayaw Sumanib Ng Mga Dukha

Alam nila na walang kinabukasan ang panakaw-nakaw, hindi sila yayaman sa ganitong gawain, at lalong tumatagal, lalo silang nahuhuli at napaparusahan. Kaya nagpakana sila ng malaking aklasan at nang makasunggap sila ng maraming salapi at ari-arian, at makabalik sila sa China nang mayaman at ligtas sa parusa ng Español. Nagkasundo ang 300 mga pusakal gaya ni Ting Co, at pinili nilang pinuno ang isang pusakal na bagong dating, nuong taon na iyon ng 1686, mula sa China. Hinimok nilang sumapi mga mahirap sa Parian subalit matumal ang mga ito, nais maghintay kung may pag-asang manalo ang kanilang aklasan bago sumanib.

Pulis At Español Pinatay

TIYAK ng mga Español pagkatapos ng aklasan, na matagal na pinag-talunan, at marami ang nagtalo tungkol sa aklasan. Nagtaka sila at nailihim ito ng napakaraming tao, hindi lamang sa mga Español kundi pati na sa mga mayaman at nagka-kalakal sa Parian na, kung natunugan ang balak, at tiyak na nagsumbong sana sa mga sundalo o sa mga frayle, sapagkat sila at ang kanilang mga yaman at ari-arian ay nasa panganib sa ganuong aklasan.

Pagdating ng takdang oras, isang araw ng Agosto, nagtipon ang mga nag-aaklas, dala ang kanilang sandata - kung anuman ang nanakaw, napulot o nahugis nila nang lihim. Sabay-sabay at magulo, sinalakay nila ang bahay ni Pedro de Ortega, ang pinuno ng pulis (alguacil mayor, police chief). Natagpuan nila si Ortega sa bahay, kasama ang isa pang Español, si Nicolas de Ballena, at kapwa nila pinatay.

Sinugod din at pinasok ang bahay ni capitan Diego Vivien, ang alcalde mayor sa Parian, upang patayin ito. Subalit nauna nang kaunti ang pagsalakay kay Ortega at narinig ni Vivien ang ingay. Nahulaan niya kung

ano ang nangyayari at tumakbo agad kahit walang suot na damit. Tumuloy siya sa Puente Grande, ang tulay patawid sa ilog Pasig, na alam niyang laging may bantay (garrison) na mga sundalo. Naligtas siya at nagsumbong.

Walang inabutang tao ang mga pangahas na pumasok sa bahay ni Vivien. Naghalungkat na lamang sila at ninakaw lahat ng nakitang ari-arian. Hindi nila natagpuan ang nakatagong kayamanan ni Vivien, bandang 3,000 pesos na baryang pilak (silver coins). Dahil abala sa pagnakaw sa bahay ni Vivien ang mga nag-aklas, naabutan sila ng mga sundalo at mga mandirigma na pinasugod mula sa Intramuros. Madaling nahuli ang ilan sa mga nag-aklas, subalit nakatakas ang karamihan. Habang nangyari ang lahat ng ito, nanatiling tahimik sa Parian, pahiwatig na walang balak ang mga Sangley duon na sumanib sa pag-aklas.

Nabihag si Ting Co at binigti, kasama ng 10 nag-aklas. Ang bangkay niya ay hinati sa 4 piraso at ikinalat, kasama ng 10 bangkay, sa iba’t ibang bahagi ng ilog Pasig at wawa (estuary) ng Tondo, hanggang sa dulong ( Point) Tanyon sa Tambobong.

Amoy gate

Pugutan Sa Pasay

MAY nagsumbong na maraming nag-aklas ang nagtago sa Pasay. Sumugod si general Tomas de Andaya, kasama ang isang pangkat ng Merdeca, mga mandirigma mula sa Maluku (Moluccas, spice islands). Pagbalik nila, may dala silang 11 pugot na ulo ng mga napatay nila. Kumalat ang tsismis na nagsimula ang aklasan sa panaderia ng Manila, na palakad ng mga Sangley. Binalak daw na lagyan ng bubog ang mga tinapay na pagkain ng mga Español araw-araw. Wala kahit anumang katibayan, pinaalis pa rin lahat ng Sangley sa panaderia, pinalitan ng mga Español na dating panaderos sa España at Mexico. Subalit wala silang nagawa sa init at alimuom (humidity) ng Manila, at sa dami ng tinapay na kinakain ng mga Español. Hindi nagtagal, nakiusap ang mga Español sa mga Sangley na bumalik na sa panaderia. Nagkaruon uli ng maraming tinapay sa Manila at natahimik ang mga Sangley sa Parian mula nuon hanggang 1762.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata