![]() ANG KARANASAN NG PINAKAMARAMING DAYUHAN 1603: Sapilitang Himagsikan Sa ‘Parian’ ‘Kung nais mong maulol ang aso ng iyong kapitbahay, ipamalita mong asong ulol ito!’ Itong matandang kasabihan ang lagi nang gamit ng mga palalo upang piliting maghimagsik ang mga tao...
-- Jose Rizal, kuro nuong 1888 sa
|
|
MAY isang matandang Sangley sa Parian, nakatira na sa Manila nuon pang 1574 nang sumalakay si Limahong. May tsismis pang nagsilbi siya kay Limahong subalit malamang hindi tutuo. At nuong 1603, iginalang na siya ng marami, lalo na’t nabinyagan siya nuong panahon ni governador Santiago de Vera sa pangalan ni De Vera mismo, kaya ang pangalan niyang catholico ay Juan Bautista de Vera o ‘binyagan ni Vera.’ Matalino at masipag, yumaman siya at naging kaibigan ng mga governador sa Manila. Dalawang ulit siyang nahirang na alcalde ng mga Sangley sa Parian, at marami siyang mga ampon at inaanak sa Manila. Ang pangalan niya sa Semigua, ang pinagmulan niya sa Chincheo (ang Fujian ngayon), ay Eng Kang. Siya, sabi ng mga Español, ang utak ng himagsikan sa Parian nuong 1603. |
Wala pang 1,000 ang mga Español, kabilang na ang mga frayle, samantalang tantiyang mahigit 30,000 ang Sangley sa Pilipinas nuong Julio 1603. Ang ilan daan ay nag-catholico na, at nakatira sa mga baranggay na itinatag ng mga frayle sa kabilang panig ng ilog Pasig, sa Baibai at Binondoc. [Ito ang naging kabayanan ng San Nicolas, San Fernando at iba pa, mula sa Binondo patungo sa dagat, ayon kay Jose Rizal nuong 1888.] Subalit nuong 1603, daig karamihan sa mga Sangley ay hindi binyagan, mga mangingisda, mason, cargadores, at trabajadores sa magkabilang panig ng ilog Pasig. Dahil sa dami nila, dahil sa liit ng hukbong Español, dahil sa pagdalaw ng 3 mandarin nuong nakaraang Mayo, at dahil sa biglang sulpot ng hukbong dagat ng 7 mandarin nuong 1593, laganap sa Manila ang pangamba na aagawin ng China ang Pilipinas. At katulong daw nila ang mga Sangley. |
Mag-aaklas ang mga Sangley! Paulit-ulit nagbabala si arsobispo Miguel Benavides at mga frayle. Pati ibang mga Sangley ay nagsumbong sapagkat tutuong libu-libong Sangley - mga criminal na takas mula sa China - ang naghikayat ng aklasan upang sila ang maghari sa Manila. Daig karamihan sa mga Sangley ay mapayapa at tumanggi sa gulo. Napagitna, naipi sila sa mahigpit na pilit na mga pusakal sa isang panig, at sa pahirap ng takot na mga Español sa kabilang panig. Nakiusap sila kay Eng Kang. |
Upang mabawasan ang sospecha ng mga Español, lumapit si Eng Kang kay governador general Pedro Acuña at inalok na ang mga taga-Parian ang magpapa-tapos sa tuktok ng pader ng Intramuros. Mag-aabuloy daw ng tig-4 real ang bawat Sangley. Malaking kayamanan ito kaya natahimik nang kaunti ang mga Español.
Subalit nagpakana pa rin si Acuña, sakaling magkagulo nga. |
Kapwa Nagbaka-sakali, Nagka-tutuo Tuloy 300 TAON nang magka-away ang China at Japan. Sa Manila, malapit ang purok ng mga Hapon sa Parian. Ipinatawag ni Acuña ang mga pinuno ng Hapon. Ipinagiba rin niya ang mga bahay sa Parian na masyadong malapit sa Intramuros. Tapos, pinahukay niya ang paligid upang hindi maakyat ang mga pader, kung sakaling may sumalakay. [Ginawang Muni Golf Links ang hukay nuong panahon ng Amerkano.] Inutos niya sa lahat ng panday (blacksmiths) at magbabakal (iron mongers) na gumawa ng mga sibat, pana at palaso, na hinakot lahat sa luob ng Intramuros. Nag-ipon din siya ng maraming pagkain, sakaling mapaligiran sila ng kaaway. Inutos niya sa lahat ng pinunong Español at frayle na namamahala sa mga Sangley na ilista lahat ng kanilang mga alaga, ang sandata ng mga ito, at kung sila ay mapagka-katiwalaan o hindi. Tinupad lahat ng utos ni Acuña. Nabulabog ang buong Luzon, lalo na nang kumalat ang kanyang babala sa mga pinuno sa Pampanga at iba pang mga lalawigan na mag-ipon duon ng mga sandata, pagkain at mandirigma upang saklolohan ang Manila kung sakaling magkagulo. Nagbaka-sakali lamang si Acuña, angkop sa tungkulin ng masinop na governador, subalit nabuo sa |
isip ng mga taga-Manila na tutuong sasalakay ang mga Sangley.
Tinanong ni Acuña ang mga Hapon kung maaasahan silang tumulong sa Español kung sakali. Lumaki ang puso sa tiwala ni Acuña, sumumpa ang mga Hapon na handa silang makipag-patayan sa mga Sangley. Itong ‘lihim’ na pagni-niig, sinadya man ni Acuña o hindi, ang naging mecha ng pagsabog ng aklasan. Ipinagyabang ng mga Hapon ang himok sa kanila. Naniwala ang mga Sangley na balak ni Acuña na lipulin silang lahat. May mga Hapon pang humingi ng suhol sa mga mayamang Sangley, babalaan daw nila pag-oras na ng patayan, upang magkaruon sila ng pagkakataong makatakas. Mula nuong Julio 1603, araw-araw nilibak ang mga Sangley bilang taksil at tinuring na parang mga aso. Dinaya, ninakawan at marami ang binugbog ng mga Español at mga mestizo nuong una, at pagtagal, pati na ng mga katutubo (indios, natives). Maraming Españoles, mestizos, Hapones at indios ang sumulsol sa mga Sangley na mag-aklas na nga, nang maagaw nila ang mga kayamanan at ari-arian ng mga ito. Iyon pala, hindi lamang si Acuña ang nagbaka-sakali. |
Ang 2 ‘Kuta’ Ng Mga Sangley NASINDAK ang mga Sangley, naging mapanganib na ang Manila para sa kanila. Namundok agad ang iba, may ilan na bumalik na sa China. May 300 catholicong Sangley sa Tondo at Binondo, hinakot ang kanilang mga familia sa mga bangka at tumawid sa Intramuros at nagmakaawa, wala raw silang balak mag-aklas. Pinauwi sila ni Acuña, sinabing walang paglipol na binabalak. Natanaw ng mga Español sa Intramuros na hangos ang mga Sangley, ipinagbili lahat ng kalakal at ari-arian, pati and kanilang mga damit at zapatos (mahalagang ari-arian nuon), kahit na sa barat na halaga. Pilit pang pinagbayad lahat ng may utang sa kanila. Naghahanda na sa gulo, bulong ng mga taga-Manila subalit paniwala ng mga pinunong Español na balak ng mga Sangley na tumakas, hindi mag-aklas. Hindi nabahala sina Acuña dahil talaga namang nais nilang bumalik sa China ang mga Sangley. May hindi makaalis na 400 taga-Amoy (bigkas: EM-we o I-meng, Xiamen ang tawag ngayon; pulo sa bukana ng ilog Lung-kiang (dragon river) sa Fujian). Sila ang pinaka-mayaman at kinilalang mga pinuno sa Parian. Hindi pa ubos ang kanilang paninda, at marami silang maiiwan kung magka-hakutan pabalik sa Chincheo (Fujian). Pinuno nila si Eng Kang. Upang may matakbuhan ang mga Sangley, nagpatayo ng lihim na ‘kuta’ si Eng Kang sa bundok ng San Francisco del Monte, 2 leguas (9 kilometro) mula sa Intramuros at malayo sa anumang bakbakan na maaaring mangyari. Buong Agosto at Septiembre 1603, mahigit 600 Sangley ang inatasang |
![]() Tinakda nila na biglang mag-aklas sa fiesta ni San Andres Apostole (Saint Andrew the Apostle) sa katapusan ng Noviembre, nang abala sa simbahan, pagdiriwang at lasingan ang mga Español. Nakatago ang mga itak at patalim, papasok sila sa Intramuros, kunyari maghahandog sa mga kaibigan nilang Español ng mga manok at baboy, mga tela at zapatos upang hindi maghinala ang mga guardia. Pagkapasok, 4 Sangley sa bawat bahay, sabay-sabay nilang papatayin ang lahat ng Español, babae at lalaki, matanda at bata, pati ang mga frayle. Bilang himpilan, nagtatag ng lihim na ‘kuta’ ang 200 Sangley sa liblib na putikan (swamp) halos 3 kilometro sa likod ng Tondo. Kaunti lamang ang inimbak na bigas at sandata sapagkat hindi nila balak magtagal duon, at kailangan nila ang mga sandata pagsalakay sa Manila. |
Natuklasan, Sumabog Ang Aklasan SAGSAG si Juan de Talavera, ang pari sa Quiapo, at nagsumbong kay arsobispo Benavides nuong Septiembre 26, 1603. Nagkumpisal daw ang isang babaing indio (‘negrita’ ang sabi) na kasintahan ng isang Sangley at isiniwalat ang gagawing aklasan. Gimbal ang mga Español, napatigagal at walang ginawa. Matapos ng halos 4 buwang pag-usig sa mga Sangley, natigilan sila ngayon at kaharap na nila ang kinatakutang aklasan. Nagkasundo ang mga pusakal na Sangley na hindi makakaila ang himagsikan hanggang katapusan ng Noviembre. Pina-aga nila ang pagsalakay sa Octobre 4, 1603, Sabado, fiesta ni San Francisco ng Asisi. Hapon ng Viernes pa lamang, Octobre 3, nagpuntahan na ang 2,000 Sangley sa lihim na ‘kuta’ sa likod ng Tondo. Napansin ng mga tagaruon ang pagdaan ng pangkat-pangkat na mga Sangley, pulos mga sanggano, at isinuplong nila sa mga Español. Isa sa mga nakapansin si Luis Dasmariñas, nakatira malapit sa simbahan at convento ng Binondo. Madali siyang nagpasabi sa Intramuros, humingi ng mga sundalo upang upakan ang mga Sangley. Katatanggap pa lamang ni Acuña ng pahatid ni Dasmariñas na lumusot sa Tondo ang 300 Sangley na mga hampas-lupa [Jardineros ang taguri ni Dasmariñas, tukoy sa mga nagsasaka at nagtatanim ng gulay (earth tillers), ang pangunahing hanap-buhay sa China. Ang Español at ang Moro ang nagturo na dapat libakin at yurakan ang mga nagbubungkal sa lupa (peasants), ayon sa laos nang gawi ng feudalism.] nang dumating sa Intramuros si Eng Kang, sakay sa isang |
duyan (hamaca) na pinasan ng mga utusan. Balita niya kay Acuña,
Nag-aaklas na ang mga pusakal! Nagpulong sina Acuña, Benavides, at mga pinuno ng hukbong Español at ng simbahan. Inutusan nila si Cristoval de Axqueta na magdala ng 20 sundalo kay Dasmariñas at magbantay sa Binondo. Tahimik, tumanod na rin ang hukbong Español sa mga pader ng Intramuros, kasama ang maraming frayle na humawak na rin ng mga sandata. Alinlangan ang mga Español sa mga taga-Parian. Mungkahi ng iba na lipunin silang lahat upang mapawi ang panganib sa tabi ng Intramuros subalit sinalungat nina Acuña, walang katarungang patayin ang mga walang sala na naparito lamang upang magkalakal nang marangal. Pinasiya nilang ikanlong ang mga taga-Amoy sa convento ng mga frayleng Augustinian sa luob ng Intramuros. Pinabalik si Eng Kang sa Parian. Bago naghatinggabi, nagkasama-sama na ang mga pusakal na Sangley sa ‘kuta’ sa likod ng Tondo. Pinaghati-hati nila ang 2,000 tauhan sa pamumuno ng 40 ‘capitan’ at, saliw sa hiyawan at tunog ng mga torotot, sumalakay sila. Una nilang sinunog ang bahay ni Estevan de Marquina at pinatay ang buong familia, maliban sa batang anak na babae na, sugatan, ay iniligtas sa gubat ng isang alila. Pinatay ng mga sanggano si Bernardo de Santa Catalina, isang frayleng Augustinian, at sinunog ang mga bahay sa paligid sa Tondo. |
Bakbakan Sa Malate SUMALAKAY sa Quiapo ang isang pangkat ng mga nag-aaklas. Bandang 20 indios ang pinatay bago sinunog ang simbahan. Namatay sa luob ang isang maharlikang babae at isang batang lalaki. Tumawid sa ilog Pasig ang pangkat at sinalakay ang baranggay ng Laguio sa kabilang pampang. Hindi nakatakas lahat ng mga indio bago sila pinatay, at sinunog ang mga bahay duon. [Ayon kay Rizal nuong 1888, naglaho na ang Laguio at malamang ito ang kalapit-bahayan (suburb) ng La Concepcion, sa pagitan ng Ermita at Malate, dahil may lansangan na tinawag na Laguio duon.] |
Sa Malate namahay ang mga angkan ni Rajah Soliman, Lakan Dula at iba pang maharlika pagkasakop ni Miguel Lopez de Legazpi sa Manila nuong 1571. Napailalim man sa mga Español, marami pa rin silang mga mandirigma at tauhan kaya napipilan nila ang mga Sangley, na umurong sa kanilang ‘kuta’ upang mag-ipon ng mga kasama sa muling salakay kinabukasan. Mula sa Intramuros na mahigpit na nakapinid, kitang-kita ang pagliyab sa paligid, at dinig na dinig ang hiyawan ng mga nag-aklas at ang tili ng mga pinatay nila. Walang nagawa ang mga Español. |
Naghiganti Ang Anak Ni Dasmariñas Pagka-patay sa kanyang ama, hinirang na governador si Luis Dasmariñas... Dahil mga taga-Quan Chou (Guangzhou ngayon, pangunahing lungsod ng Guangdong, ang dating Canton) ang pumatay sa kanyang ama, pinapunta niya duon ang pinsan niya, si Fernando de Castro, upang magsumbong... Binigyan din niya ang 7 mandarin na dumating nuong 1594 ng isang liham sa gintong cajon para sa ‘pamahalaan ng China,’ hinahabla ang ginawang maltrato sa kanyang ama...
MAGDAMAG ding nangamba na lamang sina Dasmariñas sa Binondo. Maagang-maaga ng Sabado, Octobre 4, humingi siya ng dagdag na sundalo. Nagdalawang isip si Acuña, nagpilit naman ang pamangkin niya, si capitan Tomas Bravo de Acuña, kaya pinasugod siya, pati sina Juan de Alcega, Pedro de Arzeo, Gaspar Perez at 120 sundalo. Kasama rin ang 70 Español na casadores (militia) na pinagbantay ni Dasmariñas sa Binondo, kasama ni Gaspar Perez. Tapos, pamuno sa 140 sundalo, lumusob sina Dasmariñas sa Tondo. Dambulan at hiyawan sa buong Manila. Buong umaga, tanaw sa Intramuros ang libu-libong Sangley na lumikas palabas sa lungsod. Tumatakas lamang sila sa lihim na ‘kuta’ sa San Francisco del Monte subalit hindi ito alam ng mga Español kaya alala ang mga ito na sumasanib ang mga Sangley sa himagsikan.Takbuhan sa sindak ang mga indio, hila-hila ang mga familia, humanap ng taguan. Kumatok ang iba sa Intramuros subalit hindi walang pinapasok maliban sa 2 frayle, sina Francisco Gomez de Arellano at Fernando de los Reyes, na |
![]() Tanghali na nang marating nina Dasmariñas ang simbahan ng Tondo. Nakatagpo nila ang malaking pangkat ng mga nag-aaklas, mahigit 1,000 Sangley na sumusunog sa Tondo. Isang oras silang nagsalpukan paligid sa simbahang bato, bago napipilan ang mga Sangley nang biglang sumalakay si Gaspar Perez at ang 70 casadores mula sa Binondo. Umurong sa kanilang ‘kuta’ ang mga nag-aaklas, iniwan ang 500 patay at nasugatang kasama. Bumalik sa Binondo sina Perez, Pedro Arceo at mga casador. Pina-una naman si alferez (lieutenant) Luys de Ybarren upang tuntunin ang mga Sangley. Natagpuan niya ang ‘kuta’ at lubhang maraming kalaban duon. Hinimok ni general Alcega na maghintay sila ng tulong mula sa Intramuros subalit, sukdulan ang puot sa mga Sangley, sumalakay agad si Dasmariñas. Napaligiran sila at nadaig ng halos 1,500 Sangley, at may 30 lamang ang nakaligtas nang buhay, pati isang frayle, si Fray Farfan. Itinakbo ng 4 sundalo sa Intramuros ang balita ng pagkapatay kay Dasmariñas. |
Winasak Ang Parian, Sinalakay Ang Intramuros SINIKAP ni Eng Kang na makabalik sa Intramuros. Nakaalis lamang siya sa Parian nuong hapon ng Sabado, Octobre 4, pagkatanggap ng balita ng tagumpay ng aklasan sa Tondo, at mapatos siyang pumayag na iwanang bihag ang kanyang ina-anak, si Juan Untay, at si Tsi Kan, ang kanyang mayaman at matalik na kapanalig. Sa Tondo, nagbalik ang mga nag-aklas sa kanilang ‘kuta’, nakatuhog sa mga kawayan ang mga ulo nina Dasmariñas, Alcega at Acuña. Hanggang gabi, libu-libong Sangley mula sa paligid ang sumanib sa kanila, paniwalang magtatagumpay uli sila sa paglusob sa Intramuros kinabukasan. Sa Intramuros, ipinagbawal ni Acuña na ibalita ang pagkalipol kina Dasmariñas kaya ilang araw ang nagdaan bago nabatid ng mga Español ang naganap. Nabihag ng mga bantay na Español ang isang Sangley na lumalangoy sa ilog Pasig papunta sa Parian. Matapos pahirapan sa Intramuros, umamin ang Sangley na kasama siya sa aklasan at naghahatid siya ng balita mula sa Tondo. Pinugutan siya ng ulo. Nuon dumating ni Eng Kang at sinabing natagalan siya dahil tumanggi siya sa maghapong hikayat ng mga naghihimagsik na maging pinuno ng aklasan. Ipinakulong siya ni Acuña. Pagsapit ng gabi, dinala sa Parian ng mga Sangley sa Tondo ang ulo ng maraming Español na napatay nila, at pinag-ibayo ang yakag sa mga taga-Parian. Marami ang sumanib na sa aklasan bagaman at may 1,800 ang tumanggi, mga kampon ni Eng Kang, at nanatili sa Parian. Kinabukasan, Linggo, Octobre 5, natanto ng mga naghihimagsik na hindi na babalik si Eng |
![]() Nuong gabi, bumalik sila sa Parian, winasak ang mga bahay at ginamit ang mga kahoy sa paggawa ng mga hagdan at torre upang maakyat ang mga pader sa Intramuros at, dadaanin sa dami, matalo nila ang mga Español. |
Sumaklolo Ang Mga Visaya Inupakan at ninanakawan ng mga indio ang mga Sangley. Nang makita ng mga Hapon, sumali na rin sila...pinatay lahat ng nakitang Sangley. Tapos, nagsitakas lahat, ang isa ay may bitbit na baul, isa naman ay may hawak na pantalon, ang iba ay may pasang mga supot, puno ng seda at mamahaling ari-arian ng pinaslang na mga Sangley... --Miguel Rodriguez de Maldonado, SUMUSULPOT pa lamang ang araw nuong Lunes, Octobre 6, nang lumusob ang libu-libong Sangley upang simulan ang pinaka-mapanganib na araw sa himagsikan ng 1603. Hila-hila nila ang mga hagdan at torre na magdamag nilang ginawa upang masampa ang mga pader of Intramuros at gapiin, sa wakas, ang mga Español. Batid nina Acuña na tiyak na talo sila kung makapasok ang mga kalaban, kaya sinalubong nila ng mga cañon at dinurog ang mga torre at hagdan, habang pinagbabaril ng lahat, pati ng mga frayle, ang mga Sangley sa tarangka (gate) sa tapat ng Parian at sa harap ng Dilao. Patung-patong na ang mga patay at sugatan, dinumog pa rin at pinilit ng mga nag-aaklas ang 2 tarangka. Sa harap ng Dilao mas nanganib ang mga Español kaya dito inipon ni Joan Xuarez Gallinato ang ilang sundalo at ang 400 Hapon at biglang lumusob palabas sa tarangka. Nagulat ang mga Sangley at napaurong sa dahas nina Gallinato, kahit 400 lamang laban sa libu-libo. Natuloy sa takbuhan pabalik sa Dilao. Tumugis sina Gallinato at mga Hapon hanggang sa luoban. Sinunog nina Gallinato ang bigas na natagpuan duon subalit bigla silang binalikan at sinalakay ng mga Sangley. Hindi na sila abot ng cañon at baril |
mula sa Intramuros kaya napipilan ang pangkat, nataranta ang mga Hapon, at nagtakbuhan sila pabalik sa tarangka. Muntik na silang nasalanta kung hindi tumatag si Gallinato at ilang sundalo sa harap ng tarangka at nakipagsabak hanggang nakapasok lahat ng sundalo at Hapon. Nakaligtas man sila, nanganib uli ang tarangka sa harap ng Dilao nang dumugin uli ng mga Sangley, sa harap ng mga cañon at baril sa mga pader ng Intramuros. Alam ng mga Español na matatalo sila, kahit na kakampi nila ang mga Hapon, kung walang dumating na tulong. Himala, biglang lumitaw ang pangkat dagat ni capitan Luys de Velasco - isang caracoa (bangkang pandagat ng Borneo, hawig at mas malaki kaysa parao, bangkang pandagat ng mga Visaya) at maraming mga bangka na puno ng mga Pintado, mandirigmang pulos tattoo mula sa Cebu at ibang pulo sa Visaya. Marami silang arquebus at, habang pabalik-balik sa ilog Pasig, pinagbabaril nila ang mga Sangley kahit umurong na sa Parian at sa Dilao. Maghapon ng Lunes at Martes, walang tigil na binaril ng mga Pintado ang mga Sangley hanggang, sa sumunod na araw, nalansag ang aklasan. |
Habulan, Tumulong Ang Mga Tagalog Tinangka ng mga Sangley na himukin ang mga Tagalog na sumali sa himagsikan subalit tumanggi ang mga ito na kumampi laban sa mga Español. Sa halip, pinatay ng mga Tagalog lahat ng mga Sangley na nabihag nila ... NAGSIMULANG tumakas ang mga Sangley mula sa Manila nuong Miercoles, Octobre 8, 1603. Isang pangkat ang namundok sa banda ng Pasig at Antipolo. Ang pang-2 pangkat ay naglakas luob tumawid sa Pampanga patungo sa Ayonbon (Bayambang ngayon, sa Pangasinan). [Ayon kay Rizal, 400 Sangley ang nabihag ni Hernando de Avalos, alcalde ng Pampanga. Sunod sa utos ni Acuña, ginapos sila at dala-dalawang kinaladkad sa isang verdugong Hapon at pinugutan ng ulo. Nanduon daw si Diego de Rivera, frayleng Augustinian na sumulat tungkol sa pakyawang pugutan. Pinangaralan daw niya ang mga Sangley subalit 5 lamang ang pumayag magpabinyag at mamatay na catholico. Mas maigi sana kung si alcalde Avalos ang pinangaralan na mag-asal tao, sabi ni Rizal.] Ang pang-3 at pinaka-malaking pangkat ng mga Sangley ay bumaybay sa lawa ng Bai (Laguna de Bay ang tawag ngayon) at nagtungo sa mga bundok ng San Pablo at sa nayon ng Batangas (ang Batangas City ngayon). Paniwala ng mga Español, balak ng mga Sangley na magtanggol hanggang dumating ang tulong at dagdag na lalaban mula sa Chincheo (Fujian). Binigyan ni Acuna ng 70 sundalong Español si Velasco at |
ipinahabol ang mga tumatakas. Abala sa pagnakaw sa Parian at Dilao ang mga Pintado at mga Hapon, kaya mga frayle lamang at walang mandirigmang kasama sina Velasco nang, sakay sa mga bangka, tumugis sila sa mga ilog. Hindi naman nagtagal, sinamahan sila sa mga bangka-bangka rin ng mga Tagalog mula sa paligid, nais maghiganti sa lagim at pagnakaw ng mga Sangley ng bigas at pagkain. Sa dami ng mga Tagalog, lumaki at naging hukbo na ang pangkat ni Velasco. Una nilang inabutan ang mga Sangley na patungo sa Pasig at Antipolo. Tapos, ang pang-2 pangkat ng mga Sangley na tatakas sana sa Bayambang, Pangasinan. Wala nang pagkain o sandata ang mga Sangley kaya wala ng laban nang upakan ng hukbo ni Velasco. Mahigit isang linggo nilang hinabol at pinagka-katay ang mga tumatakbong Sangley. Sa mga frayleng kasama ni Velasco, pinaka-sumikat si Antonio Flores na sundalo bago naging hermanong Augustinian (lay brother). Nasabing 600 Sangley ang walang awang kinatay niya nuong habulan. Sunod binalingan nina Velasco ang mga Sangley na tumakas sa Laguna, at nuon sila nahirapan sapagkat ito ang pinaka-malaking pangkat, at kasama ang mga pusakal na nagsimula ng himagsikan, na mayroon pang mga sandata. Nuong huling araw, isang malaking pangkat ng mga pusakal ang nag-abang at tinambangan ang mga Español. Napatay nila si Velasco at 10 sundalong kasama, at natigil ang habulan. Bumalik sa Intramuros ang mga sundalo at nag-uwian naman ang mga Tagalog. |
Binitay Si Eng Kang, Lahat Ng Sangley Kuro ni Rizal na walang sala sina Eng Kang at karamihan ng mga matagal nang taga-Parian, at pinaratangan lamang upang pagtakpan ang kagagawan ng mga Español, - na ang pagmalupit nila ang nagtulak sa mga Sangley na mag-aklas upang ipagtanggol ang mga sarili. Pati si arsobispo Benavides, na muhi sa mga Sangley, ay umamin na naghimagsik sila dahil talagang naniwala na papatayin silang lahat ng mga Español, kahit na walang balak na ganito si Acuña. At dahil nag-aklas sila, sabi ni Rizal, nagka-tutuo ang kanilang kinatakutan, at ipinapatay silang lahat ni Acuña. UMUUSOK pa ang Parian at mainit pa ang pagpatay sa mga Sangley at pagnakaw ng mga Pintado at Hapon nang dumating sa Manila ang 1,000 Kapampangan na ipinadala ni alcalde Avalos, may dalang mga pana at palaso, sibat, itak at kampilan. Kasali na ang mga Kapampangan sa nakawan nang kaladkarin ang matandang Eng Kang, natuklasang nagtatago sa luoban ng Parian, at sinakdal ng pamumuno sa aklasan. |
Ipinabitay siya ni Acuña kahit ayaw umamin ni Eng Kang, hinayag pa nuong Sabado, Octobre 11, nang inilalapat na ang bigting lubid sa leeg niya, na tapat siya sa España at mamamatay siyang catholico at malinis ang budhi. Pagkabigti, pinugutan siya at isinabit ang kanyang ulo sa Parian. Hinati sa 4 ang kanyang katawan, sinunog ang kanyang bahay at binudburan ng asin ang lupa upang walang tumubong halaman. Inilit ng pamahalaan ang lahat ng kanyang ari-arian. Sumunod na Miercoles, Octobre 15, binigti din ang 2 pang catholicong Sangley, sina Miguel Onte at Alonso Sagoyo, mga pinuno rin sa Parian at kasabwat daw ni Eng Kang sa himagsikan. Pagkatapos, inutos ni Acuña sa mga lalawigan na patayin lahat ng Sangley duon. |
Puksaan Sa Laguna At Batangas Mahigit 23,000 Sangley ang sinabing napatay subalit ang tutuo ay mas marami pa. Pinaliit lamang ang bilang upang hindi mahalata na, labag sa utos ng hari, maraming Sangley ang pinayagang pumasok sa Manila ng mga namamahala dahil sa suhol... Mahigit 500 mandirigmang Tagalog ang ipinatawag ni Acuña mula sa Tondo at paligid ng Manila, dahil lubhang maunti na ang mga sundalo sa Intramuros. Bandang 200 Español lamang ang naipon ni Acuña, mas marami kaysa sundalo ang mga casador at mga frayleng nagsandata sa halip ng manalangin. Pati ang mga Hapon ay umunti, 300 na lamang ang naipon. Si capitan Cristoval de Axqueta Menchaca ang naatasang pumuksa sa mga Sangley sa Laguna at Batangas. Nuong Lunes, Octobre 20, sama-sama ang mga Español, Hapon, Tagalog at Kapampangan na namangka sa ilog Pasig at lawa ng Bai. Mula sa Bai, punong lungsod (capital) ng lalawigan nuon, naglakad ang hukbo, nilimas ng mga Tagalog ang mga paligid, subalit wala silang natagpuang Sangley hanggang nakarating sila sa San Pablo. Duon nagtayo ng ‘kuta’ ang 1,700 Sangley. Nagpahinga ang hukbo nang 4 araw, at sumunod na umaga, ang mga indio at Hapon ang pinasugod ni Axqueta, sumunod sa likuran ang mga Español. Ang mga Kapampangan ang nanguna. Dahil wala nang bala sa baril ang mga Sangley, madaling nawasak ng mga mandirigma ang ‘kuta.’ |
![]() Nagpahinga uli ang hukbo nang 3 araw bago lumakad papunta sa nayon ng Batangas (ang Batangas City ngayon). Nanduon ang halos 3,000 Sangley, naghahanda ng mga bangka upang bumalik sa China. Kukuha raw ng mga sandata at kakampi, sospecha nina Axqueta. Inabot ng 4 araw ang paglakad ng hukbo kaya nagpahinga sila muna bago sumalakay kinabukasan. Mahigit 1,100 Sangley ang napatay sa 6 oras na bakbakan nuong Noviembre 10. Nakatakas ang iba at, habang nagpahinga ang mga Español, inutos kay Ventura de Mendoza, ang pinuno ng mga Kapampangan, na habulin at patayin ang mga tumakas. |
Ang Katapusan Ng Himagsikan MARAMING sugatan sa mga Español subalit wala kahit isang namatay dahil ang mga indio at Hapon ang pinanlaban nila - kaya 12 Kapampangan, 8 Tagalog at 6 Hapon ang napatay. Mahigit 23,000 Sangley ang tantiyang napatay, karamihan ay nagtangkang sumuko. Bandang 200 lamang ang naiwang buhay - mga bihag na kiniladkad Manila upang maging alipin at taga-sagwan sa mga galeria (galleys, barkong pandagat na may layag at mga sagwan). Nuong Noviembre 12, 2 araw pagkatapos ng pakpuksa sa Batangas, nakarating sa Manila ang balita ng tagumpay at, sa sulsol ng mga Español na kasera (dueños, landlords) sa Parian, ipinatigil ni Acuña ang pagpatay sa mga Sangley basta magpunta sila sa Manila. Dahil dito, bandang 300 Sangley ang lumabas sa pinagtaguang gubat at putikan. Nagbalik din sa Parian ang ilang Sangley na itinago ng kanilang mga ‘suki’ sa Intramuros. Bumalik sa Intramuros ang hukbo ni Axqueta nuong Viernes, Noviembre 14, at nagdiwang ang mga taga-Manila subalit mula nuon, nahirapan ang mga Español dahil natigil ang kalakal at pagawaan sa Parian. Nagipit din ang |
mga pagkain na dati ay saganang hinahatid mula sa mga ‘jardin’ ng mga Sangley. Naglaho din ang pag-alaga ng mga hayop, paghawi ng mga tela at pagtahi ng mga damit, pati zapatos - mga gawain na ayaw nang tuparin ng mga indio mula nuong sakupin sila ng mga Español.
Nangamba pa si Acuña na wala nang magkalakal at magdala ng pagkain sa Manila mula sa China. Sa halip, baka magpadala ang hari ng China ng hukbong dagat upang ipaghiganti ang pagpuksa sa napaka-raming Sangley. Pinapunta niya sa Macao si capitan Marco de la Cueva at isang frayleng Dominican, si Luys Gandullo, upang makiusap sa mga tuton, aytao at mandarin sa Canton (ang Guangdong ngayon) at sa Chincheo (Fujian ngayon). Tumangging maghiganti si Wan Leh, ang emperador ng angkan ng Ming nuon, at ayaw magpasaway ng mga taga-Amoy, kaya 13 barko ang dumating mula sa China nuong sumunod na taon at nagkalakal sa Manila. Para makipag-kaibigan, inalok ni Acuña na ibalik ang mga ari-arian ng mga taga-Parian na napaslang. Pumayag ang mga mandarin subalit hindi nakarating sa China ang mga ari-arian, ‘natangay’ sa Manila pa lamang. Kasapakat ang isang Sangley, si Huang, matalik na kaibigan ni Acuña. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |