Mandarins

  ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

Ang ‘Bundok Ng Ginto’ Sa Cavite

Nang patayin ng mga Sangley si governador Gomez Perez Dasmariñas nuong Octobre 25, 1593, nasawi rin ang paglusob niya sa Maluku (Moluccas, spice islands) at bumalik ang hukbo niya mula sa Visaya. Malungkot pero suerte dahil hindi nagtagal, dumating ang isang dambuhalang hukbong dagat mula sa China - walang dalang kalakal, sangkatutak ang mga tauhan, at may kasamang 7 mandarin, nakalantad ang mga sagisag ng kapangyarihan. Wala silang pahiwatig kung bakit sumulpot at umalis nang walang kibo matapos masdan ang maraming sundalong Español. Sospecha sa Manila na tinaon ng mga mandarin ang pag-alis ni Dasmariñas upang sakupin ang Pilipinas. Si Luis Dasmariñas, anak ng pinatay na governador, ang namuno sa cabildo (ang pamahalaan nuon ng Español) at pinatibay niya ang tanggulan sa Manila. Sa magkahalong ngitngit sa sinapit ng ama at pangamba sa pagsalakay ng mga mandarin, naging mainit ang mata niya sa mga Sangley at sa kanilang Parian.     --Antonio de Morga, Sucesos de las Islas Felipinas, 1607

Liham: Ang Pakay Ng Hari Ng China

AKO si Chan Chian, ng angkan ng mga Au, ang governador ng lalawigan ng Hoquien, sugo ng hari ng China at utusan ng kinapon ng angkan ng mga Cou. Sa ngayong ika-10 araw ng ika-4 buwan ng ika-31 taon ng paghahari ni Landec, ayon sa aming calendario.

[ Ang liham na ito, isinalin ng isang frayleng Dominican na marunong ng salitang Hokien o Fukien (Fujian ang tawag ngayon), ay hinatid kay governador Acuña 4 araw bago lumapag sa Manila ang mga mandarin. Ang Au ay Hao ngayon. Hari ng China mula pa nuong 1572 si Landec o Wan leh, namatay nuong 1620. Ang mga kinapon (caponados, eunuchs) ay taga-paganap (virreyes, viceroys) ng hari, sila lamang ang mga lalaking pinapapasok sa palacio. Naulat na may 14,000 kinapon ang nagsisilbi sa hari nuon.]

Dahil humarap sa hari si Cho Heng na kilalang marangal na lalaki at hinayag na puede sa bayang ito kumuha ng 100,000 tael ng ginto at 300,000 tael ng pilak na ihahandog niya sa hari taon-taon, sa sarili niyang gastos, upang hindi na magbayad ng buwis ang mga tao, kaya inatas ng hari sa kinapon na si Co Chay ang hacer caso nitong ginto.

Kasama ni Cho Heng ang 4 lalaki, nagsabing sa labas ng Hayten, sa lugar na tinawag na Lician, may isang bundok daw na tinatawag na Heyt Coavite sa gitna ng malawak na dagat. Wala raw may-aring hari na binabayaran ng

buwis ng mga tao na malayang pinupulot lamang ang ginto at pilak na parang garbanzos sa laki at dami. Nakita raw niya, sa bawat bahay sa Coavite ay may isang medida ng ginto kung mahirap ang nakatira, at 100 ganta kung mayaman. Iniipon daw nila upang pambayad lamang sa mga Sangley na dumadayo duon upang maglako ng mga gamit-gamit.

[ Ang tael ay lumang sukat sa China katumbas ng 1½ onsa (ounce) o 42½ grams. Ang Lician ay Luzon, ang Coavite ay Kawit, ang usling lupa na pinagmulan ng pangalang Cavite at tinatawag ngayong Sangley Point. Ang medida ay katumbas ng 3 ganta, ang ganta ay 3 litro.]

‘Sa ngayon, walang ginto at walang pinagkukunan ng ginto ang iyong kaharian,’ sabi ni Cho Heng sa hari. ‘Mas madaling kumuha ng ginto sa sinasabi ko kaysa humingi sa iyong mga mamamayan. Tutuo at nakita ko mismo at wala akong hinihingi sa iyo kundi payagan mo akong maglayag duon. Ako ang hahanap sa mga tauhan, ako ang gagasta sa kailangan upang hukayin ang ginto, at pagdating dito ngayong taon na ito, makikita mo sa mga barko ng mga nagkakalakal sa Lician taon-taon. At sa susunod na taon, doble ng ipinangako ko ang magiging ginto at pilak mo, masisiyahan ka at matutuwa ang lahat ng tao sa kaharian!’

[ Pinakinggan ng hari ang samo ni Cho Heng dahil padami nang padami ang mga kaaway ng kahariang Ming at palaki nang palaki ang buwis niya sa mga tao upang labanan ang himagsikan ng mga tao at paglusob ng mga taga-labas.]

Hukbong China Payo ng lahat mula sa iba’t ibang lalawigan ng kaharian na isang butil lamang ang laki ng Lician, na wala silang narinig na may ginto duon, na huwag pansinin ang sungaling ni Cho Heng, subalit pumayag ang hari at pinalaot niya si Co Chay at kaming mga mandarin upang hanapin itong ‘bundok ng ginto.’

Ang mga taga-Hayten ay natakot, baka kung ano ang mangyari, ni hindi humingi ng pahintulot na magkalakal sa Manila gaya ng gawi nila taon-taon. Balak nilang umiwas sa anumang gulo subalit inutos ng hukom sa Chiochio na kailangan nilang tuparin ang kanilang mga kasunduan, may ginto man o wala.

Ito ang tanging balak namin kaya hindi dapat mabahala ang governador ng Lician, walang dahilan upang maghinala o mangamba ng masama. Tiyak ko na nagsisinungaling si Cho Heng kaya inutos ko na bilisan nilang siyasatin kung may ginto nga o wala, at isama ang isang naguatato (interpreter) upang lalong madali ang aming pag-alis. Hindi namin nais magtagal sa bayang ito at, maniwala sa akin, hindi kami papipigil dito sa inyo.

[Ang Chiochio ang tinawag na Chincheo ng mga Español nuong bagong dating nuong 1570, na batay sa maraming ibang ulat, ay ang baybayin ng Fujian (dating Fukien o Hokien). Sapantaha rin na Hay Ten ang 2 magkatabing lalawigan ng Fujian at Guangdong (ang Canton o Kwantung) na naging suki ng mga taga-Manila. ]

Ang Pagdating Ng 3 Mandarin

TUWING Febrero o Marso taon-taon karaniwan ang dating mula sa China ng 30 barko, mas marami kung minsan, upang magkalakal sa Manila. Nuong 1603, nahuli sila, gitna na ng Mayo, at 14 barko lamang ang dumating. Sakay sa pinakahuling barko ay 3 mandarin, mga governador ng hari ng China. Pinuno nila si Chan Chian na humingi ng pahintulot bago sila lumapag ng barko nuong Mayo 23 upang humarap kay governador Pedro de Acuña.

[Natagalan at kaunting barko lamang ang dumating sa Manila nuong 1603 dahil sa takot ng mga nagkakalakal mula sa Hay ten na sagupain ng mga Español sina Chan Chiang at ang mga mandarin.]

“Katabi ako ng governador nuon at natanaw ko sa ventana ang pagdating nila,” ulat ni Geronimo Salazar, fiscal sa Audiencia. “Ang 3 mandarin ay sakay sa tig-isang silla na pasan-pasan ng 4 lalaki. Sa magkabilang tabi ay 6 guardias, dala-dala ang kanilang pana at palaso. Sumusunod sa kanila, sakay sa cavallo, ang isang Sangley na kalihim daw ng mga mandarin. Sa harap ang lakad ng 6 Sangley, nakataas ang mga sibat na may caratola sa dulo, nakasulat sa ginto, alguacils (marshalls, pulis) sa wika nila. May 6 pang Sangley sa harap nila, nakaladlad ang mga watawat at mga sagisag na iba’t ibang kulay, nakasulat din ang taas ng kapangyarihan ng mga mandarin.

“May Sangley, ‘upos’ na justicia raw, ang may hawak na bakawan, kasing taba ng brazo at kulay itim. Sa harap niya lumakad ang mga alagad nila - 2 ay may dalang mga cadena na pangtali sa mga dinadakip; may 2 namang may dalang mga lubid, pangtali sa mga hinahataw. Ang ‘upos’ ang tagahataw, gamit ang dala-dalang bakawan. Nakaka-patay daw ng tao sa ilang hampas lamang. Paligid-ligid sa kanilang lahat ang 5 Sangley na tagatugtog. Ang isa ay may 2 tambor, at 4 ay nagpu-pompiyang. Walang tigil ang 2 Sangley na taga-sigaw sa magkabila, ‘Tabi kayo! Dumadaan ang mga mandarin!Kowtow Takbuhan! Nagtago lahat ng Sangley na nasalubong. Iyong mga hindi nakatakas, lumuhod at yumuko sa lupa (kowtow) bilang pagpugay, gaya ng gawa sa China.”

Pagdating sa tanggapan ni governador Acuña, bumaba sila at iniwan sa labas ang mga silla, watawat at lahat ng gamit. Maigsi subalit malugod silang binati ni Acuña matapos sabihin ng mga tagapag-salita ang pakay ng mga mandarin na makita ang ‘pulo ng ginto sa Cavit.’ Ipinagpaliban ni Acuña ang paksa ng ginto, niyaya ang mga Sangley na magpahinga sa 2 bahay na inilaan sa kanila. Malaki ang sospecha ng mga Español, pati sina Salazar, Luis Dasmariñas at Antonio de Morga, at pag-alis ng mga mandarin, napilitan si Acuña na pahinahunin sila.

Nabulabog uli ang mga Español pagkaraan ng 2 araw, Linggo ng hapon, nang ipahagupit ng isang mandarin ang isang negro. Kinabukasan, ipinahagupit din ang isang Sangley sa luob ng sariling bahay. Mayroon pa raw isang pinahirapan, inipit ang kamay. Tapos, sinunggaban ng 2 alguacils ang isang catholicong Sangley na muchacho ni Pasacalle Christoval Tellez, auditor sa Audiencia, sa utos ng isang mandarin. Pinigil sila ni Morga na kasamang umangal pagkatapos kay Acuña, inaako raw ng mga mandarin ang paggawad ng katarungan sa Manila.

Ipinatawag at tinanong ni Acuña ang mga mandarin. Akala ba nila, kung may ginto nga sa Cavite, na papayag ang mga Español na kunin na lamang nila basta? Inutusan kami ng hari, sagot ng mga mandarin, at kailangan naming tuparin bago kami makabalik sa China. Upang madali ang usapan, pumayag si Acuña at pinahatid agad sa Cavite ang mga mandarin.

Nasaan ang ginto?

Pagdating sa Cavite, hinarap ng mga mandarin si Cho Heng na sumagot, ito nga ang puok at ang ginto ay nasa buong paligid. Nang pilitin siya ng mga mandarin, sinabi ni Cho Heng na siya ang bahalang makipag-usap sa hari. Ang talaga raw ibig niyang sabihin ay maraming ginto at yaman ang mga katutubo at mga Español sa Manila at kung bibigyan siya ng mga barko at tauhan ng hari, kaya niyang kunin lahat ng ito dahil nakarating na siya dati sa Luzon at alam niya ang lugar, at ibabalik niyang puno ng ginto at yaman ang mga barko.

Nang mabalita ito sa Manila, sang-ayon ang mga Sangley sa Parian at ang mga Español na mas kapani-paniwala ito kaysa sa unang hayag ng ‘bundok ng ginto.’ Pag-alis ng mga mandarin, hindi nabawasan ang sospecha ng mga Español, pati na si Miguel de Benavides, pang-3 arsobispo ng Pilipinas. Sinulsulan nila si Acuña na tibayan ang tanggulan ng Manila laban sa biglang salakay ng hukbong dagat ng China.

Pinatay Ang Nag-ulat Ng ‘Bundok Ng Ginto’

NANATILI ang hinala ng mga Español na ang tunay na dahilan ng pagdalaw ng mga mandarin ay usisain ang lakas ng hukbong Español, hindi ang ‘bundok ng ginto’ sa Cavite.

Sa China, nang masiwalat ang sinungaling ni Cho Heng, inutos ng hari na bitayin siya. Pinugot ang kanyang ulo at ibinitin sa kulungan ng ibon (jaula, birdcage). Hindi nito napigil ang mga madugong nangyari sa Pilipinas nuong

taon ng 1603 din. Samantala, hindi napipilan ng mga Ming ang paglawak ng mga himagsikan ng mga tao na sakop nila, marami ay laban sa laki nang laki ng buwis na sinisingil ng hari - pambayad sa pagpalaki sa hukbong lumalaban sa mga naghihimagsik na dumadami dahil sa paglaki ng buwis.

Higit na mapanganib ang pagsalakay ng mga taga-labas, lalo na ng mga taga-Manchuria na tumapos sa paghahari ng mga Ming at sumakop sa buong China nuong 1644. Ang pagbagsak ng mga Ming ay naging madugo rin para sa mga Sangley sa Pilipinas nuong 1662.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata