Galeria

  ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

Dasmariñas, Pinaslang Ng Mga Sangley

‘Sinunggaban ang bandang 30 Sangley at pinilit na maging taga-sagwan sa isang galeria na hinahandang maglakbay sa Iapon (Japan). Naparito ang mga Sangley upang maghanap-buhay para sa kanilang mga familia kaya umangal sila sa akin. Kung hindi raw sila puwedeng maghanap-buhay, sana payagan na lamang silang bumalik sa China. Walang nakinig sa mga pakiusap ko at tinangay nga ang mga Sangley sa paglakbay at hanggang ngayon, hindi pa bumabalik. Tapos, naghanda ng isa pang sasakyan upang maghakot ng bigas para sa mga unang naglakbay at naghanap uli ng mga Sangley na taga-sagwan. Nagtakbuhan ang 200 Sangley na naparito ngayong taon na ito. Pati ang mga Sangley na matagal na rito, bandang 200 din ang tumakas at nagtago. Kaya halos walang tao ngayon sa lugar ng mga Sangley sa kabila ng ilog, na dati ay masagana at puno ng tao.’ -- Domingo de Salazar, unang obispo sa Manila, 1583

SI Gomez Peres Dasmariñas ang namamahala (corregidor) sa Murcia at Cartagena, sa España, nang hirangin siya ng hari nuong 1589 na governador ng Pilipinas. Dumating siya sa Manila nuong Mayo 1590 at agad nagtatag ng hukbo, palit sa pangkat-pangkat ng mga sundalo na walang namamahala at walang sahod. Pagkaraan ng 3 taon, nilunsad niya ang talagang balak niya - ang sakupin muli ang pulo ng Ternate, sa Maluku (Moluccas, spice islands, bahagi ngayon ng Indonesia) na nabawi ng mga katutubo, katulong ng hukbong dagat ng mga Dutch mula sa Netherlands. Matagal niyang inilihim sa lahat hanggang nabuo niya ang hukbo ng 900 sundalong Español at mga taga-Mexico at 200 sasakyan - mga barko, galeria (galleys) at iba pa.

Nabunyag lamang ang kanyang pakana nang ihabilin niya ang pagtanggol sa Manila kay Diego Ronquillo, ang kanyang kanang-kamay (maestro de campo), at ang paggawad ng katarungan (justicia) kay Pedro de Rojas, isang abogado (licenciado).

Pinauna niya ang kanyang anak, si Luis Dasmariñas, sa Visayas, dala ang karamihan ng mga barko upang mag-ipon ng pagkain, sandata, at maghakot ng mga Pintados (tawag ng Español sa mga taga-Cebu at iba pang Visaya dahil pulos tattoo), ang matagal nang kaaway ng mga Moro (tawag ng Español sa Muslim) at mga taga-Maluku, upang tumulong sa pagsalakay. Sumunod si Dasmariñas mula sa Cavite nuong Octobre 24, 1593, kasama ang 40 Español sa isang galeria na may 28 sagwan. Binayaran niya ang isang pangkat ng mga Sangley bilang taga-sagwan (ayon kay Jose Rizal, 250 ang kasamang Intsik). Kaiba sa karaniwang gawi, hindi niya pinatalian ng cadena ang mga Sangley, ni hindi kinuha ang mga sandatang dala ng ilan, para hindi umayaw ang ito na sumama sa

digmaan. Kasabay ng ilang maliit na sasakyang dagat, naglayag sila nang 115 kilometro hanggang narating kinabukasan ang pulo ng Caça (Marikaban ang tawag ngayon, ayon kay Rizal) sa tabi ng Punta del Açufre (Sulphur Point) sa gilid ng Luzon. Napilitan silang humimpil duon nuong gabi dahil sa salungat ang malakas na hangin. Ang ibang kasabay na sasakyan ay tumigil mas malapit sa pulo. Nang tulog na ang lahat, sinimulan ng mga Sangley ang aklasan (mutiny).

Ang pinuno nila ay si Pua Ho Go at 3 araw pa sa nakaraan, binalak na ng pangkat na agawin ang barko sa unang pagkakataon, upang makaiwas sa pagsagwan at sa pagsalakay sa Ternate, at upang makuha at salapi, pagkain at gamit sa barko, pati ang barko na mismo. Sa kalaliman ng tulog bago magbukang liwayway (dawn), sabay-sabay silang nagsindi ng mga candela, nagsuot ng puti upang magka-aninawan, at sinalakay ang mga Español. Pinagtataga nila ng catan (bolo, itak ng Intsik) ang mga bantay muna, tapos ang mga natutulog.

Bantay-salakay Sa Marikaban

NAGISING sa ingay si Dasmariñas, akala sumayad sa lupa ang barko kaya walang pasubaling lumabas ng kanyang cuarto (captains quarters). Sinalubong siya ng taga sa ulo ng nag-aabang na mga Sangley at bumagsak siya pabalik sa silid. Kinaladkad siya ng 2 muchaco subalit patay na nang ihiga siya sa cama. Pinasok ng mga Sangley ang silid at pinatay din ang 2 muchacho.

May ilang Español ang nakatakas, tumalon sa dagat at lumangoy patungo sa pulo at sa mga kasamang barko. Nakita ng mga Español sa ibang barko ang mga ilaw ng candela at narinig nila ang ingay subalit hindi nila inakala na may aklasan, hanggang inabot sila ng mga lumangoy na takas mula sa galeria. Dahil sa dilim, wala rin silang nagawa at, pagsikat ng araw nuong umaga, nakita nilang malayo na ang galeria at hindi na nila kayang abutan.

Sa galeria, 2 lamang ang nakaligtas na Español, si Juan de Cuellar, ang

Marikaban kalihim ni Dasmariñas, at isang frayleng Franciscan, si Fray Montilla. Sa isang silid sa gitna ng galeria sila natutulog at duon sila nagtago, hindi lumabas hanggang pagsikat ng araw nang binihag sila ng mga Sangley. Pagdating sa Ilocos, ipinagpalit ng mga Sangley ang 2 bihag sa mga tagaruon ng tubig na inumin para sa kanilang paglaot pabalik sa China. Ang 2 bihag ang nagdala ng balita pagdating sa Manila.

Pagkaraan ng panahon, nabalitaan na hindi nakarating sa China ang mga nag-aklas. Dinala sila ng hangin sa kaharian ng Cochinchina (tinawag ding Annam, Vietnam ang tawag ngayon) at binihag ng hari sa lungsod ng Tonkin. Kinuha lahat ng salapi, ari-arian at mga sandata, pati 2 cañon na gagamitin sana sa pagsalakay sa Maluku. Ang galeria mismo ay pinabayaang tangayin ng dagat. Itinaboy si Pua Ho Go at ang mga nag-aklas na Sangley na nagsitakas kung saan-saan.

Iba Pang Aklasan Laban Sa Español

NUONG sinasakop ni general Joan Ronquillo ang mga Moro (tawag ng Español sa mga Muslim) sa Mindanao, nagpadala ako sa kanya ng isang pangkat ng 30 sundalo, pandagdag (reenforcements) sa kanyang hukbo. Papunta sila duon, sakay sa isang champan (barko ng Intsik), nang mag-aklas ang mga Sangley na tauhan sa barko. Pinatay ng mahigit 40 Sangley ang 25 sa mga sundalo, pati ilang babae na nakasakay din sa barko. Nakatakas lamang ang iba nang tumalon at lumangoy sa dagat.

Nagkataon naman na naglalayag malapit duon ang pangkat ni Capitan Gregorio de Bargas, inutusan ko tungkol sa ibang pakay. Nang nalaman niya ang nangyari, hinabol niya at ginapi ang barko ng mga nag-aklas. Pinatay niya ang 40, ang 9 Sangley na naiwang buhay ay binihag niya at ipinadala. Hinarap sa akin nuong makalawa, Junio 20, 1597. Kanina, binitay sila sa utos ko, sa harap ng iba pang mga Sangley at mga indio na nakatira dito (sa Manila).
  --liham ni governador Francisco Tello kay Felipe 2, hari ng España, mula sa Manila, Junio 22, 1597

Ang Naganap Sa Pilipinas Nuong 1609 Hanggang 1610
Sucesos delas filipinas desde 1609 hasta 1610
ni Gregorio Lopez, frayleng Jesuit

NUONG panahong iyon, dinambong ng mga Dutch ang lahat ng barkong nagkakalakal mula China. Sa pamuno ni Francois Wittert, humarang ng kanilang hukbong dagat sa banda ng Bataan at nilimas lahat ng sasakyang pumasok sa bahia de Manila (Manila Bay). Hindi sila tumigil hanggang lumabas ang hukbong Español mula sa Cavite at sinagupa sila sa Playa Honda, sa tabi ng Zambales.

Samantala, dumating ang panawagan mula sa Maluku (Moluccas, spice islands), kailangan daw nila ng tulong duon at wala silang mabalingan kundi Pilipinas. Inutusan si Christoval de Azcueta Menchaca, ang pinuno (maestro de campo, master-of-camp) ng hukbong Español. Kumuha siya ng mga tauhan sa Oton (kabayanan sa Iloilo, himpilan ng hukbong dagat ng Español sa pulo ng Panay) at nagdala ng salapi ang mga gamit sa Maluku, sakay sa 2 galeria (galley, maliit na barko na may layag at mga sagwan) at ilang maliit na sasakyang dagat.

Ang mga taga-sagwan sa 2 galeria ay mga bilanggong Hapon at Sangley na nahatulang magsilbi sa barko bilang parusa. Parang aso at pusa, karaniwang magka-away ang mga ito, subalit nuon, nagsabwatan sila. Pabalik sa Oton, nag-aklas sila sa 2 galeria. Balak nilang maghintay hanggang siesta, nang tulog lahat ng Español at, dahil maliwanag ang araw, wala silang iniiwang gising upang magbantay. Sa pangunang galeria, nabisto agad ang pakana dahil isiniwalat ng isang Hapon. Dinakip at pinarusahan ang mga kasabwat, at naglagay ng mga bantay ang mga Español.

Sa pang-2 galeria, walang umamin at minalas ang mga Español na nagsi-siesta nuon. Unang inutas ang pinuno, si Capitan Cardoso, - pinalakol sa ulo habang natutulog. Ang pumatay ay isang Sangley na favorito niyang utusan. Pinakawalan nito ang ibang bilanggo, at may 50 silang pumatay sa iba pang mga Español na natutulog nang walang sandatang katabi.

Ang sargento lamang ang may espada (sword) at nakalaban siya, katulong ang isa pang Español na nakadampot ng malaking kalaykay ng cañon (cannon ladle) at pinang-hambalos. Sinaksak ng sargento ang isang Sangley bago siya tumalon sa dagat, iniwang nakatuhog pa ang espada. Tumalon din sa dagat at lumangoy ang ibang Español. Ang iba naman ay nakalunsad sa bangkang dala-dala ng galeria kaya mayroon ding ilang Español ang nakatakas at nagbalita tungkol sa aklasan (mutiny).

Sa galeria, patuloy ang pagpatay na ginawa ng mga nag-aklas. Kahit na ang ibang mga bilanggo, basta hindi Hapon o Sangley, pinatay nila. Ilang bilanggo ang tumalon din sa dagat, subalit hindi nila nakalag ang cadena (chain) na nakatali sa kanilang mga paa at habang nakabitin sila sa gilid ng barko, pinutol ng mga nag-aklas ang kanilang mga paa at nagbagsakan sa dagat ang mga kaawa-awa, nalunod lahat.

Malaki ang hinagpis ng mga Español nang marinig ang balitang marami sa kanila ang napatay sa aklasan. Lubha rin ang takot na baka kumampi sa mga Dutch ang mga nag-aklas at idagdag ang galeria na inagaw nila sa hukbong nagdadambong pa nuon sa bahia de Manila, subalit hindi ito nangyari. Katunayan, hinabol ang galeria ng isang barko ng mga Dutch subalit hindi inabutan. At nakatakas ito, kung saan, walang nakaalam.

Nag-aklas Din Ang Mga Hapon

ISANG taon naghanda si Pedro de Acuña, governador ng Pilipinas, bago siya nagka-sapat na lakas upang sumalakay sa Maluku (Moluccas, spice islands). Mula sa Manila, dumaan siya sa Iloilo at nuong Mayo 31, 1603, lumunsad mula duon ang hukbo papunta sa Maluku. Bago siya nakabalik, nagkagulo hindi lamang sa Manila kundi pati sa ibang bahagi ng Pilipinas.

Ang Audiencia Real ang namahala habang wala si Acuña at agad nilang tinangka na itaboy ang mga Hapon na matagal nang nanggugulo sa Manila. Nang tangkaing paalisin ang mga Hapon, umalma ang mga ito at kumuha ng mga sandata upang makipagbaka. Agad nag-armas din ang mga Español at muntik nang magdigmaan sa Manila. [ Ayon sa Historia de Philipinas ni La Concepcion, nakaaway ang isang Hapon at pinatay ng isang Español kaya nagkagulo ang 2 pangkat. ]

Mahigit 1,500 ang mga Hapon at malamang talunin ang ilan-ilang Español na iniwan ni Acuña sa Manila, kaya mabilis na pumagitna ang mga frayle at inawat ang 2 pangkat. Pagtagal, napahinahon nila ang mga Hapon at marami sa kanila ang pumayag, kahit na galit, na sumakay sa mga barko upang alisin sa Pilipinas.

May mga gulo pang nangyari bago nakabalik si Acuña nuong Mayo 31, 1606. Ayon kay Jose Rizal, ipinamalita ng mga kalaban ni Acuña na natalo ang salakay sa Maluku at marami sa mga Español ang napatay. Nang marinig ito ng mga taga-Camarines at mga Visaya, nagsimula silang sawayin ang mga frayle. ‘Kung nanalo ang mga taga-Maluku,’ sumbat nila sa mga frayle, ‘bakit kami susunod sa inyong mga Español, hindi n’yo naman kami kayang ipagtanggol laban sa mga Moro!’ Ngayon daw, tutulong pa ang mga taga-Ternate sa pagdambong sa mga Visaya at mga taga-Camarines. Tumahimik lamang ang mga katutubo nuong dumating si Acuña, dala-dala ang bihag na hari ng Ternate.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata