ANG KARANASAN NG PINAKAMARAMING DAYUHAN Ang ‘Parian’ Ay Para Sa Intsik ‘Napaganda nang maigi nitong Parian ang buong Manila kaya hindi ako kiming magsabi na walang lungsod o kabayanan sa España na dadaig dito sa ganda at dami ng makikita o mabibili. Aba’t lahat ng pagkain, gamit at kalakal ng buong China ay nandito na...’ --Domingo de Salazar, obispo sa Manila, Relacion delas Cosas delas Filipinas, 1583 ‘Kahanga-hanga ang lungsod na ito sa laki, nagulat ako pati sa mga gusali. Isa ay katangi-tangi, ang alcayceria na may lahat ng uri ng gamit, seda at ginto. Mahigit 400 ang mga tiendas ng 8,000 nagkakalakal na Sangley. At tuwing dating ng mga barko mula sa China, laging halos 14,000 Sangley ang nagbababa ng kanilang mga kalakal - magaganda at walang katulad sa Europa!’ --Pedro de Acuña, governador general, Manila, Mayo 1602, ulat sa PARIAN o PADIAN ay ‘puntahan’ sa lumang wikang Malay, sinusulat na pariyan o padiyan ngayon. May mga purok sa Sulu at Borneo na tinatawag pang Padian subalit nuong lumang panahon, ang ibig sabihin nito ay liwasan o luwasan (plaza, town square) - patag na lupa na walang bahay-bahay sa gilid o gitna ng nayon, karaniwang nasa tabi ng ilog o dagat at pinupuntahan o pinapariyan ng mga tao mula sa mga karatig (‘pagluwas’ o ‘pagliwas’ ang tawag nila sa paglakbay) upang makipagpalitan ng gamit, pagkain at ginto. Pagtagal ng panahon, ang ‘parian’ ay nagiging tatag nang ‘tianggi’ o ‘pamilihan’ (mercado, market), tinatayuan na ng mga tabing at silongan (tiendas, stalls). |
![]() Sa daan ng mga taon, ang mga ito ay nagiging mga gusali at bahay na, at ang ‘parian’ ay tinuturing nang tanging purok (centro, downtown) sa lumalagong nayon o kabayanan (pueblo, town). Paglawak ng mga lungsod, naging maunlad at malaking bahagi nila ang mga pamilihan, tinatawag na ngayong palengke, mercantiles o shopping malls. |
|
Pamilihan Ng Palay Nilagyan Ng Alcayceria UNANG pasok ng mga Español nuong 1571, ang parian ay nasa labas ng Manila (nanduon ang Post Office ngayon) na kalahati lamang ang laki nuon kaysa sa Intramuros na itinayo duon pagkatapos. Bihira at kaunti lamang ang mga Sangley na dumarating nuon at karaniwang pamilihan ng palay lamang ang tinawag ng mga Español na ‘parian de arroceros.’ Nagluluwas ang mga magsasaka sa looban ng kanilang palay upang ibili ng isda at pagkaing dagat na huli ng mga taga-Tondo, o ng mga gamit at gawang India at Indonesia na kalakal ng mga taga-Manila mula sa Borneo. Minsan santaon at ilang barko lamang ang dating ng mga Sangley nuong una. Sa anyaya ng mga Español, dumami at dumalas ang dating mula China, hindi lamang nagkalakal kundi nag-trabajo at nakitira na sa mga katutubo. Upang makapag-asawa ng mga Pilipina at mapabuti ang turing sa kanila ng mga Español, nagpabinyag pa ang maraming binata. Ang iba ay nagtayo na ng mga tienda permanente sa Parian, karamihan ay nangisda at nagtanim sa Tondo, sa kabilang panig ng ilog Pasig. Dahil ayaw ng mga taga-Manila na maglingkod sa mga sumakop sa kanila, maraming Sangley ang nag-carpintero at nag-cemento ng mga bahay, simbahan at convento sa Intramuros. Mayruon ding nag-muchacho at jardinero at tumira na sa bahay ng mga Español kahit na pinagbawal ng cabildo dahil sa takot ng ibang Español. |
Upang mapalago ang kalakal mula China at mapaigi ang pagbuwis sa mga Sangley, nagpatayo ng 4 gusali sa Parian si Gonzalo Ronquillo de Peñalosa, governador ng Pilipinas nuong 1580 -1583, bilang pamilihan ng sutla (alcayceria, silk market). Nuong 1581, sa sulsol ni Domingo de Salazar, ang unang obispo sa Pilipinas, sinimulang pilitin ng mga Español na duon lamang manatili ang mga Sangley at mula nuon, tanging mga Sangley na lamang ang tumira sa Parian, ang kauna-unahang Chinatown. Nasunog ito nuong Marso 19, 1583. Ang sumunod na governador nuong 1583-1584, si Diego Ronquillo, ay nagpatayo ng bagong Parian sa tabi mismo ng Intramuros. Walang naniwala nuong una na makakapagtayo ang mga Sangley sa putikan na pinili ni Ronquillo subalit, dinaan sa sipag at dunong, mas malaki kaysa dati ang itinatag nilang Parian - may 4 hanay ng mga gusali at bahay na naliligid ng mga lansangan. Hinayag ng mga Sangley na mas gusto nila ang bagong Parian subalit, dahil pulos pawid at nipa din ang mga bahay, ito man ay nasunog din. Mas malaki at mas matibay - tisa at cemento na ang mga bubong, sa halip ng pawid - ang ipinagawang Parian ni Santiago de Vera, ang governador nuong 1584 hanggang 1590. |
|
![]() May Sariling Governador Ang Intsik MAS MAGANDA ang mga itinayo ng mga Sangley, pati mga Español ay napahanga. Sa gitna ng bagong Parian ay may isang lawa (estanque, pond), ang labi ng putikan (pantano, swamp) na hinukay at pinataas ng mga Sangley. May estero (channel) ang lawa papuntang dagat at duon dumadaan ang mga barko na nagbaba ng mga kalakal mula sa China upang maipamudmod sa buong Manila. Sa gitna ng lawa ay may maliit na pulo, at upang makita ng lahat, duon pinarusahan ang mga criminal at mga nagkasalang Sangley. Mayroon silang sariling governador, karaniwang ang pinaka-matanda sa mga mayamang Sangley. Nuong 1581, ang governador ay si Co Song, at nagpabinyag siya sa pangalang Francisco Zongco, kasabay ni Tomas Syguan na dati ay tinawag na Guang Si. Bagaman at maraming Sangley ang nabinyagan, wala sa kanilang tunay na catholico, ayon kay obispo Salazar dahil walang marunong ng kanilang salita sa mga frayleng Augustinian na namamahala sa kanila nuon sa Parian at Tondo. Nuon lamang Mayo 1587, nang dumating ang mga frayleng Dominican na ipinatawag ni Salazar, nagsimulang pag-aralan ng mga frayle ang wikang Fukienese (Fujian ang tawag ngayon) at naturuan ang mga taga-Parian. Nasunog uli ang Parian nuong 1597. Pumayag si Francisco Tello, ang governador |
nuon, na itayo uli ito subalit inutos niyang mas malayo kaysa dati mula sa Intramuros na baka madamay sa susunod na sunog. Pagkaraan ng ilang taon, nagtatag ang mga frayleng Dominican ng isang nayon sa Binundok (Binondo ang tawag ngayon), ang magubat na gulod sa pagitan ng Tondo at Kiyapo (ligaw na damo na tumutubo nuon duon, Quiapo ang tawag ngayon) upang ihiwalay ang mga Sangley na nag-catholico at nag-asawa ng mga Pilipina mula sa mga hindi-binyagan sa Parian na, ayon kay Salazar, ay lubhang ma-vicio at hinahawa ang mga catholico sa kanilang mga lumang gawi. Itinayo ng mga frayleng Dominican sa tabi ng Parian ang kanilang convento ng Santo Domingo upang mapag-catholico ang mga Sangley. Nagtatag din ang mga frayle ng hospital para sa mga taga-Parian na, sa tuwa at pasalamat, ay maagap nag-abuloy ng salapi, pagkain at gamit mula nuon. Isang Sangley na herbulario, pagkatapos maging catholico, ay iniwan ang kanyang hanap-buhay at nilaan na ang kanyang buong panahon sa paggamot at paglingkod sa hospital. May mga herbulario at mga apothecario (boticarios, pharmaciotico ang tawag ngayon) sa Parian, nakasabit sa labas ang mga caratolas na naghahayag, sa wikang Sangley, ng kanilang dalubhasa. Nakatanghal din duon ang caratolas ng mga karinderya (cantinas, restaurants) na kainan ng mga Sangleys, mga katutubo, pati na ng maraming Español. |
|
Yumaman, Nalugi Ang Mga Español HINDI lamang kainan, pagamutan at kalakal ang natagpuan sa Parian. Nanduon din ang lahat ng manggagawa ng anumang bilihin at kailangan ng mga tao. Lahat ng mga gawang Español ay naglaho na, sabi ni obispo Salazar, basta nakita, napalitan ng mga gawang Sangley - mas maganda, mas mahusay at mas mura. Damit at sapatos, alahas at mga palamuting ginto at pilak, kahit na raw wala sa China, natutunan ng mga taga-Parian at nagagawa ng mas mahusay kaysa sa tinularan. Inulat ni Salazar, nagbukas ang isang Español ng pagawaan ng aklat (libro, book), katulong ang isang Sangley na, hindi nagtagal, natutunan lahat at nagbukas ng sarili niyang pagawaan ng aklat. At dahil mas mahusay ang gawa niya, nalugi agad ang Español at isinara ang kanyang pagawaan. Napaka-inam at napaka-mura ang mga gawa ng Sangley na gamit sa cavallo (horse) at kasangkapan sa bahay (muebles, furniture) na hinakot ang mga ito ng ilang Español at ipinagbili sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon), sa halip ng sutla (seda, silk) at porselana (chinaware) na karaniwang kalakal sa galleon trade. Marami ring mahusay magtanim sa mga Sangley, kahit na sa mga tigang at salat na lupa, napapatubo nila ang mga gulay at tanim mula sa España at Mexico. Kaya kasing dami ng pagkain sa Madrid o Salamanca ang mga pamilihan sa Parian, sabi ni Salazar. Marami rin daw gumagawa ng mga tinapay, gamit ang arina mula sa China, at nilalako nila sa mga panaderia o bitbit sa mga lansangan. Murang-mura ang bayad, malaking ginhawa ito lalo na sa mga Español na, kahit na maraming bigas sa Manila, ay naghanap ng hilig nilang tinapay. |
![]() ‘Sa ganito lamang nabubuhay ang mga mahirap dito,’ sabi ni Salazar. Nag-alaga din ang mga Sangley ng mga hayop na giliw kainin ng mga Español, gaya ng vaca (cattle) at kalabaw, na kasing lasa ng vaca, at mga kambing (cabras, goats) na natutunan kainin ng mga Español mula sa mga Moro na 800 taon sumakop sa España. Matumal magpakain sa mga sumakop ang mga Pilipino kaya ang mga Sangley ang nag-racion ng manok, itlog at mga gulay sa Manila. Isda at pagkaing-dagat ang karaniwang ulam nuon at inako ng mga Sangley ang pangisda at pag-alaga sa mga palaisdaan. Inilako nila nang napaka-mura - ang mga hindi nabiling isda ay iniiwan na lamang sa lansangan - kaya kayang-kaya ninuman magpakain kahit na sa malaking familia. |
|
Dumami, Lumakas Dahil Sa Mga Frayle MASIPAG ang mga Sangley at mahilig sa salapi, kahit na gaanong kaliit ang bayad sa kahit na gaanong bigat na trabajo. Tuso sila maghintay ng mahusay na panahon - mas mahal ang tinda nila kapag maraming salapi ang mga Español, subalit pinatatawad nila upang hindi maging sobra. Kapag naupahang mag-trabajo, mura lamang ang singil nila, isang real lamang sa maghapon, dala pa nila ang kanilang pagkain. Kaya madali nilang napalitan ang mga Pilipino bilang trabajadores at cargadores. Sa paglingkod sa mga frayle dumanak nang justo ang mga Sangley sa Pilipinas. Marami ang dumating, hindi marunong magpinta o umukit sa kahoy subalit pagkaraan lamang ng ilang taon, sila na ang nagtayo ng mga simbahan na gawa sa bato at cemento, at nagpalamuti sa mga ito ng pintura at mga estatwa ng santos. Kaya kasa-kasama sila ng mga frayleng kumalat sa buong kapuluan, kinatulong magtayo ng mga simbahan at convento, at magtatag ng mga kabayanan, gaya ng Pagsanjan (dating tinawag na Pagsangahan ng 2 ilog) Marami sa mga Sangley ang yumaman at naging ‘malakas’ sa pamahalaan, lalo na sa Manila, kaya nainggit at namuhi sa kanila ang mga Pilipino, pati na ang maraming |
Español, lalo na ang mga mahirap o maraming utang sa kanila. Ninakawan, winasak at sinunog ng mga Español ang Parian, katulong ang mga Tagalog, Kapampangan at mga Hapon, nang puksain nila ang aklasan ng mga Sangley nuong 1603. Pagkaraan lamang ng 30 taon, naitayo muli ang malaking Parian at napuno muli ng mga Sangley sa patuloy na kalakal ng galleon trade mula sa China.
Muling nasalanta ang mga Sangley nang sakupin ng mga British ang Manila nuong 1762. Hindi nasira ang Parian sa pagsalakay ng British subalit pinarusahan at ipinatapon ni Simon de Anda ang marami sa mga Sangley dahil sa pagkampi sa British: nag-abuloy ng salapi at tumulong pa laban sa Español bago umalis ang mga British nuong 1764. Pinagiba ang Parian ni governador Jose Basco y Vargas (1778-1787) upang makapagtayo ng ibang mga gusali. Ipinatayo niya uli ang Parian sa mas malayo sa Intramuros. Tuluyan nang winasak ang Parian nuong 1860, nang pinayagan nang tumira kahit saan ang mga Sangley at hindi na ikinulong sa sarili nilang Chinatown. |
|
Ang ‘Parian’ Sa Cebu PINAALIS agad ni Miguel Lopez de Legazpi ang mga tagapulo matapos sakupin ng mga Español ang Cebu nuong 1565. Ang mga Español lamang ang tumira sa kabayanan ng mga taga-Europa (poblacion de europeos) na tinawag na ‘Pinakabanal na pangalan ni Jesus’ (Santisimo nombre de Jesus, Most holy name of Jesus). Sina ‘raja’ Tupas at mga dating taga-Cebu ay itinapon sa tabi, ang poblacion de naturales na tinatawag ngayong San Nicolas. Inulit ni Legazpi ang pagtapon matapos nilang sakupin ang Manila nuong 1571. Ang mga Español lamang ang pinayagang tumira sa kabayanan na, matapos paligiran ng mga pader, ay tinawag na Intramuros (sa loob ng mga pader, inside the walls). Sina ‘raja’ Soliman at mga dating ‘maharlika’ ng Manila ay itinapon sa kalapit na putikang tinawag na malati dahil pinapasok ng tubig na maalat tuwing pagtaas ng dagat. (Ang mas malayo pang putikan sa luoban ay tinawag na makati dahil binabaha ng tubig na tabang tuwing malakas ang ulan at umapaw ang mga sapa sa paligid.) Matagal nang padalaw-dalaw sa Cebu ang mga nagkakalakal na Sangley mula sa |
![]() |
|
Cebu Chinos Lumaban Sa Katipunan NANG sarilinin ng Manila ang kalakal mula sa China, umunti nang umunti ang mga Sangley sa Cebu, lalo na sa madalas na pagpapatapon ng mga Español, - pinakahamig ang utos ng 2 magkasunod na governador ng Pilipinas, si Simon de Anda nuong 1764, at si Jose Raon nuong 1769, - at pulos mestizong chinitos na lamang ang naiwan sa ‘Parian de Cebu’ na ginawang kahiwalay na nayon nuong 1755. Kinamal nila ang kalakal sa Cebu at buong Visaya na iniwan ng mga Sangley hanggang natanyag ang ‘Parian de Cebu’ bilang bayan ng mga mayaman. Muling dumanak sa Cebu ang mga Sangley nuong bandang 1829, pagkaputol ng galleon trade at paglawak ng kalakal ng Pilipinas sa ibang bayan ng mondo, subalit sa bandang Ermita at Lutao (ang tinatawag ngayong Carbon Market) sila naglagi. Ang ‘Parian de Cebu’ ay nanatiling tahanan ng mga chinito na, matapos agawin ng mga Sangley at mga taga-Europa ang kalakal sa Visayas, ay nagsimulang mag-hacienda sa Talamban, Talisay, Naga at Carcar. |
Naging bahagi uli ng Cebu ang ‘Parian’ nuong 1849 matapos nasarili ng mga chinito ang mga barkong pangkalakal at pam-pasajero sa Visaya dahil ipinagbawal sa mga Sangley, at natatag sila bilang katuwang (partner) ng mga Español at mga frayle na namamala sa Cebu mula nuon. Kaya nang sumabog ang himagsikan nuong 1896, kumampi ang ‘Parian’ at nagbigay ng salapi sa mga Español laban sa Katipunan. Bumuo pa ang mga chinitos ng mga hukbo (voluntarios leales, loyal volunteers) at lumaban sa mga naghihimagsik nuong 1898 nang nadurog at nasunog ang ‘Parian de Cebu’ sa madugong labanan. Nakainitan ang mga chinito sa mga sumunod na taon at hindi na muling natatag ang ‘Parian de Cebu’ subalit sa 50 taon ng katahimikan nuong panahon ng Amerkano, yumaman uli ang mga chinito. Ngayon, kilala pa ang dating ‘Parian de Cebu’ bilang barrio ng mga aristocrata. |
|
Ang ‘Parian’ Sa Naga, Camarines Sur ‘PARIANCILLO’ ang tawag dahil maliit lamang ang ‘Padian’ o ‘Parian’ sa Naga na dinatnan ng mga Español at kalat-kalat ang mga Sangley na agad nilang pinilit na duon na lamang tumira upang madaling manmanan at gawing catholico. Nasunod ang kanilang pakana at nuong 1650, nakatayo sa Pariancillo ang 12 bahay ng mga Sangley, sa pahayag ni Antonio de San Gregorio, obispo sa Nueva Caceres, ang kabayanang itinatag ng mga Español sa Camarines. Nag-asawa ng mga Pilipina ang marami sa mga Sangley at lumaki ang kanilang mga angkan hanggang nuong 1744, bandang 100 taon matapos silang ipunin sa Pariancillo, ibinalita ng mga frayleng Franciscan na namamahala sa Naga nuon na malaki na ang ‘barrio’ ng mga Sangley at mga chinitos, ang anak-anakan (descendants) nilang mestizo. |
Karamihan ng mga Sangley ay nagkalakal lamang nuong una. Sa pagtayo ng mga simbahan at conventos ng mga Español, marami sa kanila ay nag-carpintero at nag-mason, at sila ang umukit ng lahat ng mga estatwa ng santo, marami ay pinagpupugay pa hanggang ngayon, gaya ng Nuestra Señora de Peñafrancia. Sa paglaho ng kalakal ng galleon trade at paghigpit sa kalakal ng mga Sangley, unti-unting nalagas ang Pariancillo. Nawala na ang mga Sangley. Ang mga chinito at chinita, pulos mga catholico na, ay itinuring nang mga Pilipino at nakihalo na sa iba’t ibang bahagi ng Camarines. Ngayon, walang nalabi sa ‘Pariancillo de Naga’ maliban sa isang lansangan na tinatawag pang Padian. |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |