Salakay ni Kublai

  ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

Sakupin Natin Ang China!’

‘Ninais nating manatiling buo ang China, hindi pinaghati-hati gaya ng ginawa ng mga taga-Europa, lalo na ng mga German at mga Russian, at ng mga Hapon, sinakop at inangkin ang iba’t ibang piraso ng China. Nais ng America na makapag-kalakal kahit na sino sa anumang bahagi ng China, hindi lamang sa sina-sariling ‘teritorio.’ Itong tuntunin ng ‘malayang labas-pasok’ (Open Door policy) ay hinayag ni President William McKinley at ipinilit sa mga taga-Europa at Japan ni John Hay, ang kalihim panlabas ng United States, nuong 1989...’     --Walter LaFeber, history professor sa Cornell University sa New York, panayam sa ‘The American Experience’ ng Public Broadcasting Service (PBS) tungkol sa pagwatak sa China matapos talunin ng Japan sa digmaan nuong 1894-1895

Sa tuntunin ng ‘Open Door’ dinaan ng United States ang pagpasok sa China nang hindi sumasakop sa anumang bahagi nito...dahil katatapos lamang sakupin ang Pilipinas at Hawaii at alam nilang hindi papayag ang mga mamamayan sa America sa isa pang digmaan uli...     --America and Asia, US State Department

PAULIT-ULIT niyaya si Felipe 2, ang hari ng España, na lusubin at sakupin ang China. Pasimuno si Diego de Artieda, isang capitan sa pangkat ni Legazpi. Sa kanyang liham nuong 1573, sinabi niyang payag siyang mamuno sa pagsakop sa timog baybayin ng China kung bibigyan siya ni Felipe 2 ng 2 barko at 80 sundalo. Mas maigi raw sakupin ito kaysa Pilipinas dahil mas mayaman. Sa kanyang pang-2 liham sa hari nuong Enero 8, 1574, sinulat din ni Andres Mirandaola, ang factor nina Legazpi, na mayaman ang China at malaki ang mahihita sa pagsakop duon. Isinulat naman nuong 1574 din ni Fernando Riquel, ang notario ni Legazpi, na kahit maraming tao sa China, kaya itong sakupin ng ‘60 conquistadores.’

Sumunod nagyayang sumalakay si Juan Pacheco Maldonado, isa pang capitan sa hukbo sa Manila, sa kanyang liham nuong 1575, nang humingi

siya ng 500 sundalong Español kay Felipe 2. Idinagdag pa niyang dapat ding sakupin ng 500 sundalo ang Japan at ang kalapit na kapuluan ng Lequios (Ryukyu Islands ang tawag ngayon, kinabibilangan ng Okinawa).

Pinaka-masugid nagyaya si Francisco de Sande, ang ika-3 governador sa Pilipinas (1575-1580). Sa kanyang liham sa hari nuong Junio 2, 1576, naglakip pa ng kanyang mga plano at tantiya kung anu-ano ang kailangan at gastos upang sakupin ang timog baybayin ng China. Pati si Gonzalo Ronquillo de Peñalosa, ang sumunod na governador (1580-1583), ay nagsumamo sa kanyang liham nuong Junio 16, 1582, bagaman at inamin niyang kulang ang hukbo sa Pilipinas nuon dahil kailangan ang 50,000 - 60,000 sundalo upang sakupin ang China. Sinaway silang lahat ni Felipe 2, inutusan pa si Sande na asikasuhin na lamang ang pagsakop sa Pilipinas.

Shanghai church

Pumuslit Sa China Ang Mga Frayle

HINDI lamang ang mga conquistador ang may gustong sumakop sa China. Ang mga frayle man ay ganadong tumuloy duon sa halip ng maglagi si Pilipinas. Unang nakarating duon ang 2 frayleng Augustinian, sina Martin de Rada at Geronimo Martin, nuong 1574 nang kasalukuyang lumulusob si Limahong sa Pangasinan. Kasama nila si Miguel de Loarca at 3 pang sundalong Español, at isang Sangley na marunong mag-Español, si Hernando, bilang tagapagsalita (interpreter). Balak nilang maglagi na duon, sulat ni Sande nuong 1576, subalit pagkaraan ng 5 buwan, pinabalik sila sa Manila ng Eng Kwantung, ang mandarin ng Chincheo, at ng iba pang mandarin ng Hokien (Fujian).

Nuong Junio 24, 1577, dumating sa Manila ang 15 frayleng Franciscan, pinamunuan ni Fray Pedro de Alfaro. Tutuloy sana sila sa China subalit pinigil sila ni Peñalosa dahil kulang na kulang ang mga frayle sa Pilipinas. Ayaw papigil, pumuslit sa China si Alfaro nuong Junio 15, 1579, kasama ang 3 frayle, sina Juan Bautista, Sebastian de San Francisco at Agustin de Tordesillas. Pagkaraan ng 3 taon, pumuslit din ang ilang frayle, pinamunuan ni Pablo de Jesus. Nagsumbong si Peñalosa kay Felipe 2; tapos, inutos niya nuong Marso 2, 1582, na walang frayle na makakaalis sa Pilipinas nang walang pahintulot ng governador.

Sa sumunod na 300 taon, maraming frayle ang nagtangkang magpalawak ng catholico sa China. Marami silang nabinyagan subalit sa walang puknat na pagpatapon at pagpuksa na ginawa ng mga mandarin, hindi natatag ang christianity sa China kundi nuong panahon na ni Jose Rizal nang, dinaan sa lakas at dahas, dinaig ng Japan, Britain, France at Germany ang hukbo at kaharian ng mga Manchu (Qing dynasty) at pinaghatian ang malalaking bahagi ng China, pati na ang lungsod ng Shanghai, sa kani-kanilang tinawag na ‘kung hanggang saan ang kaya’ (spheres of influence) na pilit sinuway ng America sa kanilang ‘Open Door policy.’

Limahong

Sumalakay Ang Intsik!

KAHIT nuong panahon pa ni Limahong, tinawag na Dim Mhong ng mga Intsik, matagal nang gumala ang mga Intsik sa Lingayen, sa kasalukuyang lalawigan ng Pangasinan. At bata pa si Limahong, nagkalat na siya ng lagim sa mga timog baybayin ng China hanggang sa nakainitan siya ng hari sa Beijing at inutos na hagarin siya hanggang madakip o makitil. Nagkataon namang nabalitaan ni Limahong na laksa ang yaman ng iilan-ilang Español na sumasakop nuon sa Pilipinas. Kaya masasabing pinag-adya ng tadhana nang Sumalakay si Limahong sa Manila at Pangasinan nuong 1574, matutunghayan sa website ding ito.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata