![]() ANG KARANASAN NG PINAKAMARAMING DAYUHAN Ang ‘Sangley’ Ay Intsik ‘Sinunggaban ng mga tauhan namin ang 2 dyong ng mga sangley at ninakaw lahat ng kalakal. Tapos dinala dito ang isang dyong, puno ng kinalkal at 4 bihag na sangley. Pinakawalan din namin pagkaraan ng ilang araw at pinauwi sa kanilang dyong, kasama ang iba pang sangley na naiwan sa pulo nuong unang binihag sila...Malaki ang lungkot ko sa dinanas ng mga pobre na wala namang kasalanan. Higit kong pighati ang balitang inuwi nila sa China, kung ano ang dinanas nila, ang magiging pagtingin sa atin duon...’ --liham nuong 1570 mula sa Panay para sa virrey (viceroy) ng Mexico, ni Guido de Lavezaris, governador ng Pilipinas pagkamatay ni Miguel Lopez de Legazpi nuong 1572 ‘Nuong nakaraang taon, 1572, dumating dito sa Manila ang 3 barko mula China; may 5 pang barkong nagpunta sa mga katabing pulo. Dala nila ang mga kalakal na karaniwang nilalako nila dito, lagi nilang nalalakbay dahil 8 araw lamang ang layag mula sa lupa nila...Para sa mga Español, mainam na gamit ang dinala nila, madaling nabili dahil kaming nandito ay maraming salapi, na kailangang kailangan naman ng mga sangley. Tuwang tuwa sila at nangakong babalik agad pagkaraan ng 6 buwan, at magdadala raw sila ng marami...’ --Hernando Riquel, notario ng cabildo sa Manila, Julio 1, 1573 |
||
Unang Harapan, Salpukan Agad UNANG nagkita ang mga Intsik at mga Español sa tabi ng Mindoro nuong Mayo 1570. Sa madugong bakbakan, binihag ng pangkat nina Martin de Goiti at Juan de Salcedo ang 2 barkong pangkalakal ng mga Intsik at pinapunta ang isa sa Panay, kung saan nakahimpil nuon ang hukbong Español ni Miguel Lopez de Legazpi, lolo ni Salcedo at conquistador ng Pilipinas. ‘Seng Li’ (maglalako, trader) ang tawag ng mga katutubo sa Intsik, tawag na ginaya ng mga Español. Ang mga Intsik na rin ang nagbigay ng taguring ito, mula sa 2 kataga sa kanilang wika sa lalawigan ng Fujian (ang dating Amoy), ‘sheng’ o ‘kalakal,’ at ‘lei’ o ‘lumilibot.’ ‘Sangley’ ang sulat ng mga Español at pagtagal, porto de Sangley ang naging pangalan ng nakausling lupa (tinawag na ‘kawit’ ng mga katutubo at Cavit o Caviti ng mga Español) na dinaungan ng mga barko mula China na nagkalakal sa Manila. (Naging Sangley Point ang pangalan nang pumasok ang mga Amerkano nuong 1898.) |
Mahigit 1 taon bago pa nagbakbakan sa tabi ng Mindoro, nabatid na ng mga Español na nagkakalakal ang mga Intsik sa Pilipinas, siniwalat sa kanila ng mga taga-Portugal na sumakop sa Macao at nagkalakal na sa China mula pa nuong 1557, halos 8 taon bago dumating sina Legazpi. Ibinalita ito ni Andres de Mirandaola, factor (business manager ang katumbas ngayon) sa pangkat ni Legazpi, sa kanyang liham kay Felipe 2, hari ng España, nuong Julio 8, 1569. Isinulat ni Mirandaola na mukhang mas matalino ang mga sangley kaysa sa mga nakatagpo nila mula nuong umalis sila sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon) nuong 1564. Nagsumbong daw ang mga Intsik na ninakaw ng mga Moro (tawag ng mga Español sa Muslim) ang kanilang mga kalakal kaya wala silang kayamanan maliban sa ilang piraso ng ginto at pilak, katumbas lamang ng 100 escudo o 1,000 real (salapi ng España). |
|
Mayayamang Lungsod Sa China NUONG 1560, umupa ang mga taga-Portugal ng maliit na pulo, tinawag na Kiao, mabato at walang tao, sa bukana ng Tang Kian, ang ilog ng Canton, at duon nila itinatag ang lungsod na tinawag nilang Macao. Mula nuon, sinarili ng mahigit 500 Portuguese ang mayamang kalakal ng Canton at Europa, sa maliit na upa ng 500 tael (14 kilo) ng ginto taon-taon, at pasuhol-suhol sa mga pinuno ng Intsik duon. Sinabi ni Mirandaola sa kanyang liham kay Felipe 2 na nabatid mula sa mga Portuguese na malaki, mayaman at matao ang China, na higit na maunlad kaysa inulat ni Marco Polo mahigit 300 taon sa nakaraan. Inilista ni Mirandaola ang mga pinakamalaking lungsod duon, simula sa Paquin (Peking, Beijing ang tawag ngayon) na lungsod ng hari ng China, si Montehe (si Moutson, ika-12 hari ng Ming), at ng kanyang anak, si Taysu (si Chintsong, tinawag ding Wan leh, 6 taon gulang lamang nang mamatay si Moutson nuong 1572; ang ina niya ang nag-hari hanggang nagka-sapat na gulang siya). Ang iba pang mayayamang lungsod ay Canton (ang Guangzhou ngayon sa lalawigan ng Guangdong na tinawag ding Kwantung dati), Nanquin (Nanking), Onan (Hunan), Huechiu (Hangzhou), Sensay (Shanghai), Sisuan (Szhechuan), Hinan (Hainan) at Chincheo. [ Matagal pinagtalunan kung ano at saan ang tinawag na Chincheo ng mga taga-Europa. Paniwala ngayon na ito ang buong baybayin (coast) ng Xiamen (dating tinawag na Amoy) sa lalawigan ng Fujian (ang dating Fukien na |
![]() tinawag ding Hokien).] Agad nakita ng mga Intsik na pagkakataong kumita ng malaki ang pagdating ng mga Español na may dalang maraming pilak (silver) mula sa mga mayaman at maraming minahan sa Mexico (Nueva España ang tawag dati). |
|
Pilak, Ang Simula Ng Galleon Trade NANG simulan ng mga taga-Manila ang lakbay-kalakal sa Mexico (Manila-Acapulco galleon trade) taon-taon, lalong nagbaha ng sutla (seda, silk), porselana at hampas-lupa mula sa China, kapalit sa pagkain (hibe o tuyong hipon ang pinaka-hilig nuon), pagkit (wax) at mga gamit-gamit. Higit sa lahat, pilak mula Mexico. Sa China nuon, mas kaunti ang pilak kaysa ginto kaya mas mahal. Lalo na pagkatapos ipitin ang kalakal nito ng mga pinuno sa Japan na tanging pinagmumulan ng pilak nuon, maliban sa India na lubhang malayo at mapanganib puntahan kaya hindi nilakbay ng mga Intsik. Ang pilak mula India nuon ay karaniwang kinalakal ng mga Arabe o taga-India sa Malacca (tinatawag ngayong Melaka, sa Malaysia) at sa Sumatra at Java (2 malaking pulo sa tinatawag ngayong Indonesia). Mga Muslim ang mga ito at sila ang naging tulay ng pagdanak ng Islam sa Malaysia at Indonesia. Bago makarating sa China ang pilak mula duon, maunti na lamang at napaka-mahal dahil dumaan na sa maraming kamay. Kaya kahit na bawal, pilit na itinakas ang pilak mula Japan ng mga magdaragat sa timog China. Sa laki ng kita, dumami ang mga nagpupuslit (smugglers) at hindi sinuway ng mga pinuno sa China kahit na lumawak ang pandarambong (piracy) duon at naging garapal ang suhulan (graft and corruption). Pulos tostones, salaping pilak sa Mexico, ang dala ng mga Español sa Pilipinas, kaya haribas ang mga Intsik upang magkalakal sa Manila. Kasama nila ang mga |
manggagawa at mga hampas-lupa mula sa timog China, sa mga lalawigan ng Fukien at Canton upang maghanap-buhay kahit paano sa Manila.
Pagkaraan lamang ng ilang taon, tinangka ng pamahalaan sa España at Mexico na bawasan ang paghigop ng China sa pilak ng Mexico, gaya ng pag-ipit na ginawa ng Japan subalit ang mga Intsik, nasanay sa puslitan at suhulan sa Fukien at Canton, ay patuloy na dumanak, kasabwat ang mga Español sa Manila na kanilang abay (salitang Fukien: business partner o katuwang sa kalakal). Nuong una, inanyayahan ng mga Español ang mga Intsik sa Manila upang kumita sila sa taunang kalakal sa Acapulco. Kailangan din nila ang husay ng mga Intsik sa pagtayo ng mga simbahan at bahay na bato at paggawa ng mga gamit at pag-ani ng pagkain ng mga taga-Manila. Hinikayat pa nila ang mga hampas-lupang Intsik na magtanim at magpalay sa pali-paligid dahil matumal at ilag ang mga Pilipino na magdala ng pagkain para sa mga dayuhan. Subalit sa pagdanak ng mga Intsik sa maraming puok ng Pilipinas, nagsimulang natakot ang mga Español - mayroon lamang 500 sila sa Intramuros samantalang umabot sa 20,000 ang mga Intsik nuong 1603, lagpas lamang ng 30 taon matapos agawin ni Miguel Lopez de Legazpi ang Manila mula sa mga katutubo. |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |