![]() ANG KARANASAN NG PINAKAMARAMING DAYUHAN Porselana Ng Mga Taginting
Ang pangalan ni Ka Mayeng sa tatak-sulat ng Intsik (Chinese logographs) ay katumbas sa ‘mainam,’‘kabayo’ at ‘pilak’ (silver), kaya nalansi si Berthold Laufer at isinulat niya sa kanyang ‘Mga Ugnayan ng Intsik sa Pilipinas’ (‘The relations of the Chinese to the Philippines,’ Washington 1907) na may handog na mga kabayo at pilak ang mga taga-Pangasinan sa hari ng China. Napulot naman ni Wu Ching-hong ang mali sa kanyang ‘Pagtayog at Bagsak ng Kalakal Panlabas ng Guangzhou at ang Ugnay Nito sa Pilipinas’ (‘The rise and decline of Chuanchou’s international trade and its relation to the Philippine Islands,’ Taipei 1962). Dito naman napulot ang mali ng ilang aklat sa Pilipinas na gamit pa hanggang ngayon, kahit na hindi na inulit ni Wu ang kamalian sa mga sumunod niyang aklat.
|
|
Ang Bagong Kaharian. NUONG 1368, naghimagsik ang mga Intsik sa pamumuno ni Chu Yaun-Chang, ibinagsak ang kahariang Yuan ng mga Mongol, at ipinalit ang tinawag niyang kaharian ng Mataginting (Ming dynasty). Pinalitan din ni Chu ang kanyang pangalan, ginawang Hong-Wu. Agad ginapas ni Hong-Wu ang mga gubat, nagpagawa ng 427 barko at pinakalat ang mga sugo niya upang anyayahan, pilitin kung ayaw, ang mga bayan at kaharian sa pali-paligid ng China na magbigay galang sa bagong kaharian. Pagkaraan ng 3 taon, nuong 1371, dumating ang mga pinuno ng Borneo upang kilalanin ang kapangyarihan ng mga Ming. Sumunod na taon, nuong 1372, ang mga taga-Okinawa naman ang dumating sa Beijing (dating tinawag na Peking). Pagkaraan ng isang taon pa, dumating at nagpugay ang mga pinuno ng Luzon (pangalang ibinigay ng mga Intsik, Liu-sung o ‘ang malayong puok’). Ang isa sa mga sumunod na hari, si Yung Lo, ay mas magilas nagsugo sa pali-paligid nuong 1403 hanggang 1405, upang ‘suyuin ang mga hindi-civilizado at bigyan sila ng mga tuntunin.’ Dahil sa ‘mga tuntunin,’ inakala dati na may mga mandarin at bahagi ng China ang Pilipinas nuon, subalit ang pahiwatig nito ay pagkilala lamang sa hari ng China at kasunduan tungkol sa buwis, kalakal at ugnayang bayan (diplomatic relations). |
Ilang puok sa Pilipinas ang sumagot sa anyaya. Nuong Octobre 17, 1405, magkasamang nag-alay ng buwis ang mga pinuno ng Luzon at Mao-li-wu, kasabay ng mga sugo mula Java. (Ang Mao-li-wu, tinawag ding Ho-mao-li, ay maaaring Marinduque o isa pang pangalan ng Mindoro. Ang sugo nuon ay si Tawnu Makaw, isang Muslim. Baka ang talagang pangalan niya ay tao o tauhan ni Mang Kaw; ang Mang nuon ay parangal sa magiting o pinuno.). Sa sumunod na 5 taon, nagdala ng buwis taon-taon ang mga taga-Pangasinan, tinawag na Feng-chia-hsi-lan ng mga Ming. Nuong Septiembre 23, 1406, ang dumating ay si Ka Mayeng (chief Kamayin);
|
Dumalaw Ang Buong Familia Mula Sulu UNANG naulat sa pahayag ng mga Intsik ang Sulu nang lusubin nila ang Borneo nuong 1368; napalayas lamang nang sumaklolo ang hukbo ng kahariang Majapahit mula sa pulo ng Java, sa Indonesia. Unang nagpugay sa Beijing ang mga taga-Sulu nuong Septiembre 12, 1417 nang 3 pinuno and dumating, kasama ang kanilang mga asawa at mahigit 300 kamag-anak at utusan. Nag-alay sila sa emperador ng paala-ala (plaque, memorial) na nakaukit sa ginto, pati na mga perlas, mga bahay ng pagong, camphor at mamahaling bato. Ang mga pangalan nila ay itinala ng mga ministro bilang Pa-tu-ko-pa-ta-la (Paduka Batara) ng silangang bayan, si Ma-ha-la-chih-ko-la-ma-ting (Maharaja Kulamating) ng kanlurang bayan, at si Pa-tu-ko-pa-la-bu (Paduka Prabhu) ng bunduking (‘tung’ o cueva ang sulat ng Ming, subalit mas angkop na paniwalaang si Prabhu ay pinuno ng mga taga-bundok.) Pagkaraan ng isang linggo, pinarangalan sila sa harap ng hari bilang mga maharlika ng kaharian. Si Paduka Batara ang hinirang na hari ng Silangan, mas mataas kaysa 2 kasama niya, si Kulamating na hari sa kanluran at si Prabhu na hari ng bundukin. Maniwaring si Prabhu ay hindi kalipi ng kanyang mga kasama, at hula na siya ay taga-silangang hilaga ng Borneo |
dahil sa dalang camphor na tumutubo duon at hindi sa Sulu. Ang paduka, batara at maharaja ay mga parangal sa India na hiniram ng mga taga-Indonesia. Sa mga salaysay ng Brunei, ang hari sa Sulu ay laging tinatawag na batara nuon.
Halos isang buwan bago umalis, sinamahan ang mga taga-Sulu ng mga ministro at sundalo ng hari, bitbit ang handog sa kanila - mga porselana, mga damit-maharlika (costumes) at mga sagisag (insignia), mga kabayo, 200 balumbon ng sutla (seda, silk) at ilang daang libong salaping tanso (copper coins). Binigyan din sila ng ginto at pilak na sapat upang mabayaran ang gastos ng kanilang pagpunta sa China, may tubo pa. Subalit sa himpilan ng Techchow sa lalawigan ng Shantung, namatay si Batara. Dali-daling dumating ang mga ministro ng hari at nagpatayo ng libingang bantayog 2 kilometro sa hilaga ng lungsod, at ibinurol siya sa parangal na ‘taimtim at tapat’ na hari. Nakatarak pa ang paala-ala (memorial) nuong 1935, tumagal nang mahigit 500 taon. Si Tumahan, ang panganay ni Batara, ang hinirang na bagong hari. Siya, ang asawa at 2 pang anak na lalaki ni Batara ay binigyan ng tahanan, kasama ng 18 nilang utusan, upang makapag-luksa nang 3 taon, ayon sa gawi nuon, subalit sa hindi naulat na dahilan, 6 taon bago umuwi sa Sulu sina Tumahan, ang asawa ni Batara, at ang mga katulong nila nuong 1423. |
Nagka-angkan Ang Taga-Sulu Sa China NAGPA-IWAN sa Techow ang 2 pang anak na lalaki ni Batara. Ang nangyari sa kanila ay nahayag pagkaraan ng 300 taon ng mga manalaysay ng Te-chou-hsiang Tu-chih (Chinese Library of local gazeteers) nuong panahon ni Yung Cheng, hari ng China mula nuong 1723 hanggang 1735. Sa mga Intsik at mga Manchu sa Tehchow, ang sabi, ‘may mga Muslim at ang angkan ng Wen at An...mga anak-anakan ng hari ng Sulu na nasa gitna ng dagat silangang timog. Nuong panahon ni Yung Lo ng kaharian ng Ming, dumalaw ang hari at pauwi, namatay siya sa Tehchow... Ang pang-2 anak, si Wenhali, at pang-3 anak, si Antulu, kasama ng 18 katulong, ay nagpaiwan upang bantayan ang libingan. Nuon, hindi sila marunong ng salitang Intsik subalit inaruga sila ng mga Muslim duon at tinuruan silang lahat ng pagsamba sa Islam, pati ang mga anak-anakan nila. Ngayon, mayroon nang 56 ang mga familia nila, at nag-aasawa sila ng mga Muslim duon.’ Ayon sa iba pang ulat sa Tehchow nuong 1673, 1788 at 1935, namatay si Batara nuong Octobre 23, 1417. Pagkaraan ng 3 buwan, inutusan ng emperador ang isang mandarin, si Chang Chien, upang ‘ayusin’ ang Kumalalang (ang Kumalarang ngayon, sa Zamboanga del Sur, malapit sa |
Pagadian City). Bihasa na sa pag-‘ayos’ si Chang, ilang taon siyang namahala sa Borneo matapos itanghal na hari ang 4-taon-gulang na anak ng hari na namatay sa lungsod ng Nanking. Marami siyang dinalang mamahaling handog sa hari ng Kumalarang, si Kanlai Ipentun, at namarati duon nang 2 taon.
![]() |
Isa Pang Taga-Sulu Namatay Sa China ISA pang ‘naayos’ maniwari ni Chang habang nasa Mindanao ay ang mga maharlika sa Sulu. Nuong 1420, nagpugay sa emperador ang mga sugo na ipinadala ng hari sa kanluran, si Kulamating o ang tagapag-mana niya. Nuong sumunod na taon, 1421, nagsugo rin ang nanay ni Batara at inabutan pa ng pangkat ni Paduka Soli, bunsong kapatid ni Batara, sina Ipentun sa Beijing, nang handugan niya ang emperador ng malaking perlas, halos ika-4 na bahagi ng isang kilo ang bigat. Samantala, habang pauwi, sinapit ni Ipentun ang samang-palad ni Batara at ng hari ng Sulu. Namatay siya pagdating nila sa Fujian nuong Mayo 27, 1421. Inayos ang kanyang burol ni Yang Shan, ang taga-ngasiwa ng pagsamba, at inilibing siya sa parangal ng emperador na ‘masigasig at mahinahong’ hari. Hinirang din ng emperador na si Lapi, ang kanyang anak, ang magmana ng kaharian ng Kumalarang. Bilang pasalamat, nagpadala si Lapi ng isang pangkat, pinamunuan ni Batikisan, upang magpugay sa emperador. Nuong Noviembre 3, 1424 naghandog sila ng isang paala-ala (memorial) na nakaukit sa ginto. |
Pagkaraan ng isang linggo, nagpugay din ang ilang pangkat mula sa iba’t ibang bayan, kabilang si Shen-ya-li-pa-yu (baka Sanggilaya).
Sa lahat sa Pilipinas, ang Sulu ang pinakamaraming ulat. Sa Ta Min Hui Tien (‘Pangkalahatang talaan ng atas Ming,’ Great Ming compendium of laws), nakalista ang mga handog-pugay mula sa Sulu, karamihan ay kapansin-pansing angkat (imported) lamang - camphor, paminta, lata (tin) at mga kahoy na hindi tumutubo sa Sulu. Kapansin-pansin din na ‘pinuno’ lamang ang tawag ng mga Ming sa mga nagpugay mula sa Luzon, Mao-li-wu at Pangasinan samantalang wang (‘hari’) ang turing sa mga taga-Sulu, kapantay ng Malacca na pinaka-malaking kaharian sa timog silangan nuon. Maniwaring balak ng mga Ming na iwasan ang dating paglandas sa Luzon, Mindoro at Brunei at maglayag nang tuloy-tuloy papunta sa mayamang kalakal sa Maluku (Moluccas, spice islands) upang mas malaki ang kita. Balak na madaling naunsiyami. Nuong 1511, sinalakay at sinakop ng mga Portuguese ang Malacca. Madali silang lumusob sa Maluku, sinundan at kinalaban ng iba pang hukbong dagat mula España, the Netherlands at Britain. Ang kalakal ng spices at mga bayan sa timog silangan ay inari ng mga taga-Europa. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |