China at Pilipinas ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

Ang ‘Kuya’ Ay Intsik

Napakalapit ang mayaman at malawak na kaharian ng China sa kanlurang hilaga ng pulong ito.
Kapag naglayag nang maaga at maganda ang panahon, tanaw na ito kinabukasan...
--Domingo de Salazar, unang obispo sa Manila, liham kay Felipe 2, hari ng España, 1581

SA China, hindi China ang tawag sa China. Ang tawag ng mga Intsik sa kanilang bayan ay Zhong Guo. Duon unang nabanggit, halos 1,300 taon sa nakaraan, ang kapuluang tatawaging Pilipinas pagkaraan ng mahigit 600 taon. Ang mga taga-Europa ang nagbigay ng pangalang China nuong bandang panahon ni Ferdinand Magellan, balik-tawag sa Chinia o lupain ng mga Chin (Chin dynasty), ang angkang naghari nuong 265-316, nang unang nabalita ang kaharian ng mga Intsik sa Europa na sakop nuon ng imperio ng Roma (Roman empire).

Hindi Intsik ang tawag sa Intsik ng mga Intsik. Ang tawag ay ‘hoa’ (Chinese) subalit gamit ng marami ang ‘han,’ alaala ng taginting na panahon 2,200 taon sa nakaraan, nang naghari sa China ang angkan ng mga Han (Han dynasty). Ang ‘in chik’ ay ‘tiohin’ o ‘tio’ (uncle) sa wikang Hokien (tinawag ding Fokien, Fujian ang tawag ngayon) sa timog China. Duon unang nabanggit ang mga dayuhang tinawag nilang ‘hindi civilizado’ (barbarians) mula sa Ma-i, ang pulo na tinatawag ngayong Mindoro.

Walang nabanggit sa mga lumang kasulatan sa China na may Intsik na tumira sa Pilipinas nuong unang panahon. Kahit na ang mga pumaruon upang magkalakal, wala. Ito marahil ang dahilan kaya kaunti lamang ang mga katagang Intsik sa wikang Pilipino. Bandang 150 lamang ang nabilang ni E. Arsenio Manuel sa kanyang aklat, Chinese Elements in the Tagalog Language (Mga Katagang Intsik sa Wikang Tagalog, Manila, 1948), bilang na pinag-inam ni Gloria Chan Yap pagkaraan ng 28 taon sa kanyang Hokkien Chinese Borrowings in Tagalog (Mga Hiram na Katagang Hokkien sa Tagalog, Ateneo de Manila University) nuong 1974.

Karamihan ng mga kataga ay ukol sa mga gamit sa lungsod, at sa mga pamilihan, cocina at mga kainan. Kahit na ang mga salitang nakapasok sa mga lalawigan ay gamit sa mga tindahang sari-sari, at sa mga piging at handaan, at hindi maituturing na salitang provincia. Bihon, miki, mami at miswa - lahat ay hango sa mga kataga sa timog China ukol sa arina (flour) ng bigas (rice) o tinapay (wheat). Ang hopia at lumpia naman ay uri ng mga puto o bibingka (cake, pie, nakabalot sa arina). Ang petsay (mula sa bokchoy) ay nasabing repollo (cabbage) ng Pinoy, at pancit (noodles) ang pambansang ulam sa Pilipinas.

Ang ibang mga nahiram na kataga ay tukoy sa 27 iba’t ibang luto ng pagkain, bagaman at nagbago ang kanilang kahulugan. Halimbawa, ang pesa sa Fujian ay luto sa isda, samantalang sa Tagalog, ang pesa ay kahit anong pinakuluan, hindi isda lamang - pesang manok, atbp. Ang taho sa Fujian ay pinaalat sa asin, sa Manila ay kinakaing may matamis na sabaw.

Ang lumpia (eggroll, spring roll) sa Intsik ay laging frito, subalit sa lutong Pinoy ay maaaring sariwa (fresh). At ang pian-e-sit (quickly cooked dish o fast food) ay laging ginisa (chow, fried, sauteed) at maaaring walang noodle, subalit sa Pilipinas, ito ay laging noodle at maaaring hindi ginisa,

gaya ng pancit molo, luglog, pancit na may sabaw, atbp. Palatok din ang mga katagang Intsik sa pamilihan (market) - bakya (wooden clogs), bilao (winnowing basket), jusi (shirt cloth), suki (favored customer), susi (key), abay (business partner) at pakyaw (wholesale). Tunog Fujian din ang suwitik (trickster, madaya) at hiya (shame) subalit lubhang luma na ang kahulugan at damdamin ng mga ito upang maging hiram lamang mula sa Intsik na karaniwang tukoy sa mga bagong gamit o gawi na binitbit ng mga taga-Fujian sa mga Tagalog at iba pang dinatnan nila sa Pilipinas.

Ang Shanghai ay malaking lungsod sa silangang baybayin ng China subalit malamang ang lumpiang shanghai at iba pang uri ng lumpia ay nanggaling sa Fujian, ang lalawigan na kasing laki ng Luzon sa timog baybayin ng China. Katabi nito ang isang mas malaki pang lalawigan, ang Canton (Guandong ang tawag ngayon), ang pinagmulan ng pancit na favorito ng mga Pinoy, na malamang binitbit din ng mga taga-Fujian. Dati, ang 2 ito ay malalaking lungsod lamang na, gaya ng Bulacan at Canton Cavite, ay naging pangalan ng mga paligid nang mabuo bilang mga lalawigan, samantalang ang Shanghai ay napaloob sa lalawigan ng Jiangsu (ang dating Kiang-su).

Sa buong China, ang 3 lungsod na ito lamang ang nagka-gawi ng pagdaragat (seafaring tradition). Ang pinakamaliit nuong araw ay ang Shanghai, nagkalakal lamang sa hilagang baybayin ng China, sa Korea at Japan, at hindi lumago nang husto kundi nuong bandang panahon na lamang ni Diego Silang nang naglimayon na ang mga British, French, German at Amerkano sa dagat Pacific at nagtatag sa Shanghai ng kani-kanilang teritorio.

Ang dating lungsod ng Canton naman (Guangzhou na ang tawag ngayon) ay nahirati sa kalakal sa Hainan, Annam (North Vietnam ngayon), Champa (bahagi ng South Vietnam at Cambodia ngayon) at paminsan-minsan, sa India, Burma at Indonesia.

Nuong 1560, nagsimulang yumaman ang Canton nang itatag ng mga Portuguese ng maliit na daungan ng Macao sa bukana ng ilog Canton (Pearl river ang tawag ngayon). Sa upa ng 500 tael (lumang sukat ng Intsik, katumbas ng 21 kilo) ng ginto taon-taon, at madalas na suhol sa mga namamahalang mandarin (governors), sinarili ng kulang-kulang 1,000 bahay-kalakal (trading houses) ng Portuguese ang kalakal ng Intsik hindi lamang sa Portugal kundi pati na sa buong Europa. Lalong yumaman ang Canton nuong 1841 nang agawin ng British ang mga pulo ng Hongkong sa kabilang bukana ng ilog Canton at nagtatag ng kanilang daungan at mga bahay-kalakal.

Pinaka-masipag at pinaka-matagal naglayag-kalakal ang lumang lungsod ng Fujian, bagaman at pandarambong (piracy) at pagpuslit (smuggling) ang madalas inatupag ng mga tulisan (bandits) at balakyot (crooks) na nakihalo

sa mga hampas-lupang naglipana duon. Nuong Mingchow (‘lungsod ng Ming’) pa ang pangalan ng lungsod mahigit 1,100 taon sa nakaraan, nagtatag ang mga mandarin ng pang-ngasiwa ng kalakal-dagat (customs) duon upang suriin, at buwisan, ang mga barkong nagkalakal sa mga timog kapuluan - sa Taiwan at Ryukyus (kinabibilangan ng Okinawa, mga pulo na landas ng pagpuslit ng pilak mula Japan nuon), sa Pilipinas at Borneo. Ang perlas ng Jolo at camphor ng Borneo ay malaking bahagi ng kalakal sa Mingchow samantalaang may paniwala na malaki ang kagagawan ng mga takas ng Fujian, ang mga ‘talon barko’ sa Lingayen, sa pagtatag ng asinan, isdaan at pagtuyo ng hipon, bagaman at ang hibi ay batay sa wikang Hapon (‘ebi’).

Nuong 1387, naghimpil ng hukbo ang kahariang Ming (Ming dynasty) at pinailalim ang Mingchow sa lungsod ng Quanzhou upang sugpuin ang maraming mandarambong duon. Naging Chuan-chou ang pangalan ng baybayin ng buong lalawigan, pangalang binigkas na Chincheo ng mga Portuguese kina Miguel de Legazpi sa Cebu nuong 1568.

Mahigit 100 taon pang Chincheo ang tawag ng mga taga-Europa Amoy sa Fujian kahit Amoy na ang naging pangalan ng lungsod, ‘pintuan sa kaharian’ (gate of the grand mansion) ang kahulugan, dahil ito ang naging pangunang tagapaglabas (export) ng kalakal Intsik mula nang dumating ang mga taga-Europa nuong 1541.

Malaki ang kita ng sutla (seda, silk) mula Canton at ng porselana (porcelain, chinaware) mula Ching-teh-chen sa lalawigan ng Kiangsi, hinakot ng libu-libong taga-Fujian na nagsimulang dumanak sa Manila, lalo na nang umpisahan ng mga Español ang galleon trade, at binaha ng sutla ang buong America sa sumunod na 200 taon. Subalit ang pinaka-malaking kalakal ng Amoy ay tsaa (tea). Nakuha ng mga Pilipino ang hilig ng Español sa chocolate ng South America at cafe ng Arabia, subalit tsaa ang naging inumin ng buong daigdig - sa Europa, Asia at Russia - dahil sa sipag magkalakal ng Amoy.

Sa lungsod mismo, E-meng ang bigkas sa Amoy. Nang tumatag duon ang mga nalalabing hukbo ng Ming laban sa pagsakop ng mga Manchu nuong 1650, binago ng kanilang pinuno, si Koxinga, ang pangalan at ginawang Simeng (‘tandaan ang Ming,’ remember the Xiamen Ming). Nang manalo sa bakbakan ang mga Manchu nuong 1680, tinawag nilang Xiamen ang lungsod, pangalang gamit pa hanggang ngayon, bagaman at ginagamit pa ng mga taga-Fujian ang pangalang Amoy bilang tatak ng kanilang mga kalakal sa buong mondo.

Nakipag-ugnay at nakipagkalakal ang mga Intsik sa Pilipinas mula pa nuong 1,200 sa nakaraan, ayon sa mga lumang kasaysayan ng Intsik mula nuong panahon ng mga Sung (Sung dynasty, 960-1278). Dahil dito, may mga nagsasabi na nuon pa, pumasok na ang mga katagang Intsik sa mga wika ng Pilipinas subalit, gaya ng sapantahang sa China nanggaling ang pagsasaka (agriculture) at kabihasnan (civilization), ito ay salungat sa

mga katibayang nahukay at natuklasan na sa Pilipinas, sa timog-silangang Asia at sa China mismo. Ang pagsasaka ay nagmula sa Thailand, bitbit ng mga taga-Indonesia at mga taga-Burma, Cambodia at Vietnam na dumayo at tumao sa Pilipinas nitong nakaraang 3,000 taon. Dala rin nila ang mga gawi (culture) ng India (Hinduism) nuong una, tapos ng mala-Buddha (Buddhism) at nitong huli, ng Muslim (Islam). Napaka-dalang at napaka-unti ang lakbay ng mga Intsik sa kapuluan upang mabaon ang kanilang salita sa wika ng mga tao nuon.

Ayon kay William Henry Scott, dalubhasa sa kasaysayan ng Pilipinas at sa wikang Intsik, mahirap paniwalaang matagal na ang mga Intsik sa wikang Tagalog. Unang una, wala ngang sinulat nuon na lumipat ang mga Intsik sa Pilipinas. Pang-2, kaunti at mababaw lamang ang pasok ng mga katagang Intsik sa wika. Pang-3 at pinaka-mahalaga, may mga katagang Intsik na pumasok sa Bulacan lamang, at hindi sa ibang mga Tagalog sa bandang timog Luzon at sa Mindoro. Ito ang mga salita ukol sa pamilya (familia, family) at ugnayan ng mga magkamag-anak - ‘kuya,’ ‘ate,’ ‘diko,’ ‘ditse,’ ‘sangko,’ ‘sanse’ at ‘ingko’.

Upang mangyari ito, sabi ni Scott, kailangang marami at laksa ang naganap na pag-aasawa ng mga Intsik at mga Pilipina. At hindi nangyari ito kundi nuon na lamang sakupin ang Manila ng mga Español nuong 1571 at simulan ang mayamang kalakal na nagbunsod sa mga taga-Fujian na magsiksikan sa kapuluan. Mula nuon, ang wala pang 100 Intsik na natagpuan ay dumami hanggang 45,000 ang nabilang sa kanila nuong 1639, pagkaraan lamang ng 70 taon.

At nagsimulang tawaging kuya at ate ang mga naging anak nila.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata