PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: KASAYSAYAN NG MUSICA Ang Himig At Indak Sa Mindanao MALABO, malamang naglaho na, ang mga kasaysayan ng pinagmulan ng tugtugin, sayaw at awit sa Pilipinas. Ang mga pinakaunang ulat, pati na ang pahayag ng unang pagdating ng mga Espanyol ni Ferdinand Magellan, ay nagsaad na malawak at magana |
|
ang musicas, cantas at instrumentales sa buong kapuluan nuong 400 taon pa sa nakaraan. Laman din sa mga alamat bago pa dumating ang mga Espanyol, gaya ng Darangen ng mga bayani ng Maguindanao at Maranao, na ang sagayan o sayawan ng mga mandirigma (war dance) ay saliw sa kulintangan, ang himig ng mga agong, gimbal at iba pang gamit tugtugin (gong and drum ensemble). Ang sagayan ay bahagi ng sikaran, ang gawi ng bakbakan (martial arts) na sinunod ng mga mandirigmang Muslim. Pinairal din ng mga Muslim sa Mindanao ang mga ugali ng himig at awit. Sa mga Maranao, ugali ng mga batang lalaki na nais matuto ng mga nakagawiang awit (traditional songs) na maging morit (student) ng matandang goro (teacher), nagsisilbi nang walang bayad bilang kapalit sa kanilang pag-aaral. Ang mga Tausog ay mayroon ding gawi ng pag-aaral ng paggabang, ang pag-awit saliw sa tugtog ng kulintangan, ng tata gabbang, ang pagtugtog ng kulintangan lamang (solo musical instruments) at ng tata biyula, ang pag-awit nang walang kasaliw (vocal solo). Nagkaroon din ang iba pang Muslim, ang mga Maguindanao, Yakan at Samal, ng mga ugali ng himig, sayaw at awit. Ang pagsamba sa Islam ay pumasok sa Sulu at Mindanao mahigit 600 taon sa nakaraan kaya masasabing nauso ang sagayan at kulintangan sa Mindanao 200 taon bago dumating ang Espanyol, nuong ika-14 sandaang taon (14th century.) Subalit bago pa pumasok ang mga Muslim, may awit, sayaw at himig na ang mga katutubo sa Pilipinas, napapagtibay ng nalalabi pang mga pangkat ng nagpag-iwanang katutubo (native minorities) sa hilagang Luzon, sa pulo ng Mindoro at pulo ng Palawan, at sa kapuluan sa timog Mindanao. Sa Mindanao, maliban sa mga Muslim, lubhang matanda ang mga himig ay awit ng mga Bagobo, Manobo, Bukidnon, Tagakaolo, Bilaan, Mansaka, Subanon, Mandaya at iba pa. Karaniwang may pakay (functional) ang kanilang mga katutubong himig (indigenous music) na inuukol sa pang-araw-araw na buhay (daily activities) o sa mga tanging panahon (special occasions). Sakop ng mga himig ang halos lahat ng gawain at damdamin ng mga tao, mula sa sayaw na buwa-buwa ng mga Bukidnon, ang pagkalong at pag-ugoy sa pinapatulog na sanggol (lullaby), ang binanug na sayaw ng lawin (hawk) at binakbak na sayaw ng palaka (frog), hanggang sa sayaw ng maramihan, gaya ng dugsu, ang sayaw ng mga dalaga, ang pigagawan, ang indak ng mga nag-aagawan, at ang saet, sayaw ng mga mandirigmang Manobo (Manobo war dance). Pinakabantog, ulat sa lahat ng kasaysayan ng Pilipinas, ang himig at awit ng nag-aanyito (sinulat na maganito ng mga Espanyol), ang pag-aalay at panawagan sa mga anyito at diwata na tinawag na kaliga sa Bukidnon at Binaylan sa Agusan. Ang awit, himig at tugtog ay pinagsasama-sama sa pag-aalay na ito, sa pamumuno ng babaylan (native priests, priestesses) at madalas, ng datu at mga pinuno ng baranggay. Nakarating sa kasalukuyan ang mga panawagan at awit ng dasal, bagaman at ginawang catolico at tinatawag ngayong pabasa tuwing mahal na araw (Lent). Huwag pansinin ang mga katagang binibigkas at maririnig pa sa pabasa ang himig ng mga unang Pilipino. Nuong mga unang panahon, ang panawagan, sayaw at awit ay sinasaliwan ng kulintangan, ang pangkat tugtugin (orchestra) ng mga katutubo. (Pasintabi: Ang kulintang ay kaibang tawag sa agong (gong), kuling-kuling ang dating tawag sa campanilla (hand bell) at kalembang ang tawag pa hanggang ngayon sa campana (church bells). Sa tunog na lamang ng mga pangalan, natatanto na ang tunog ng mga pangkat tugtugin.) Ang gamit nila ay halu-halong likas (native) o mula sa ibang bayan (imported) gaya ng mga agong na gawa sa |
tanso (copper, bronze) at karaniwang nanggaling sa Indonesia (kung saan nila tinawag na gamilan ito) bagaman at malamang ginawa sa India, Thailand o China. Galing dayuhan din, at gawang tanso rin ang gimbal (cymbal sa English, pompiyang sa Tagalog). Ang mga likas na gamit tugtugin ay mga bumbong (tambor, drum) na gawa sa kawayan (ang bamboo ay hiniram ng mga Amerkano at kasama na sa salitang English ngayon), o kahoy na binalutan ng balat hayop (leather), karaniwang kambing (goatskin). Bantula ang tawag ng mga Bukidnon sa bumbong. Taguntong ang isa pang tawag nila. Ang tinawag na gimbal ng mga Mansaka ay hindi tanso kundi ang bumbong na kahoy na binalot ng balat. Isa pang gamit tugtugin na pang-pangkat o pang-sarili ay ang ihip (flauta, flute) na tinawag ding torotot at bansi sa Tagalog at pulala (long flute), yangyang (right flute) at kebing (jews harp) sa Mindanao. Karaniwang gawa sa kawayan, naulat din ang paggamit sa Mindanao at Visayas ng ihip na gawa sa kabibi (concha, conch shell). Sa Mindanao, ang tawag dito ay budyong. Ang pinaka-bantog na tugtugin ay ang kudyapi, tinawag sa Mindanao na kutiyapi, piyapi at kudlong o kuglong. Tinawag na laud ng mga Espanyol (at lute ng mga Amerkano), masipag nilang sinupil ang paggamit nito (pati na ng mga kulintang) dahil sa ugnay nito sa mga dating pagsamba ng mga katutubo, at pinalitan ng kahawig na guitara (at pinalitan ang kulintang ng campanilla at campana ng mga catolico). Ngayon, sa mga liblib at bundukin na lamang ng mga napag-iwanang katutubo ginagamit ang kudyapi, na natunton ng mga nag-agham (scientist) na ginagamit din duon pa sa Burma, sa kabilang panig ng Thailand. Pasintabi: Hindi pa natatanto ang ugnayan kung sa Burma nanggaling ang kudyapi o dinala ito duon ng mga taga-Indonesia o ng mga Pilipino. Malamang, sa tagal ng panahon, nagpalit-palitan ng mga kudyapi ang mga tao nuon. Hindi itinuturo sa mga paaralan, subalit magana ang lakbayan, ugnayan, at lipatan ng mga katutubo ng buong silangang timog (southeast Asia), kasama pati ang Thailand, Vietnam, Cambodia at Burma. Hindi lamang mga Malay ang kamukha ng mga Pilipino. Iba-ibang hugis ang kudyapi, ayon maniwari sa pagpugay sa mga diyos-diyos o sa mga gawaing panghanap-buhay. Karaniwang hugis ay parang bangka o parang buaya na sinasamba dati ng mga Pilipino (at maniwaring ng mga taga-Burma rin). Maaaring patugtugin ito ng kalabit o hagod ng daliri (plucking, strumming). Sa Mindanao, kung minsan ay ginagamitan ito ng panghilis (bow) ng dayuday (spike fiddle bow), hinahagod na parang viola. Pangsarili na lamang ang madalas na gamit sa kudyapi, lubusang natigil na ang gamit nito sa pangkatang tugtugin, napalitan ng agong ng mga Muslim, ng organo ng mga catolico at ng guitarra ng mga mang-aawit (singers, entertainers). Kaya ang mga himig at awit nito ay ukol sa pag-ibig at pagkasawi, pagmamahal at pagmamaliw, ang kani-kaniyang damdaming nasasa-puso ng umaawit at tumutugtog ng kudyapi. |
Ang pinagkunan:
Traditional Music In The Philippines, Hans Brandeis Homepage,
aedv.cs.tu-berlin.de/~brandeis/phil_music.html
Ulitin mula sa itaas Balik sa Tahanan ng Mga Kasaysayan Ng Pilipinas |