Mga Sasakyang Dagat Ng Ating Mga Ninuno
PINAGTATALUNAN hanggang ngayon, at malamang matagal pang pagtatalunan kung kailan nagsimulang gumawa ng mga sasakyang tubig (watercraft) ang mga tao sa silangang timog ng Asia (Southeast Asia). Subalit tiyak na ang karamihan ng mga nag-agham (scientists) na bandang 4,000 hanggang 5,000 taon sa nakaraan - nuong panahong itinatayo ang mga pyramid sa Egypt - magana nang naglalayag ang mga tagapulong timog sa dagat silangan (Pacific Ocean ang tawag ngayon) at dagat kanluran (Indian Ocean ngayon), sakay sa mga dambuhalang bangka na ginawa nilang sari-sarili. |
Saksi ang mga taga-Europe na dumayo mula nuong 1,500 taon sa nakaraan: Maliksi ang mga sasakyang dagat ng mga tagapulo, at mahusay silang maglayag nang malayo habang umiiwas sa bagyo o masamang panahon. At daig nila sa bilis ang mga barko ng mga taga-Europe. Iba’t ibang uri ang mga sasakyang dagat na ginawa at ginamit ng mga unang tagapulo na naging ninuno ng mga tao sa silangang timog ng Asia (Southeast Asia) - ang mga taga-Pilipinas, Malaysia, Indonesia at, haka ng ibang nag-agham, ng mga taga-Vietnam, Cambodia at Thailand. Lahat ng mga sasakyang dagat ay gawa sa kahoy at, kung saan mayruon, sa kawayan. Lahat ay nagsimula sa punong-kahoy na pinutol, inuka at hinugis nang patulis upang umusad nang mabilis sa tubig. Ito ang naunang sasakyang tubig (watercraft), tinawag na bangka (dugout canoe) at pinaka-marami sa lahat ng sasakyang tubig sa Pilipinas ngayon. |
Bangka muna
Ang bangka, pinausad sa pamamagitan ng sagwan (remo, oar), ang naging batayan ng iba pa, at mas malaking sasakyang dagat, sa buong silangang timog ng Asia at sa magkabilang dagat India at Pacific nuong unang panahon. Hanggang kailan lamang, gamit pa ito sa Hawaii, mahahabang bangka na sakay ng 10 o higit pang taga-sagwan (remeros, rowers). Ipinagdiriwang taon-taon ang dragon boat races (habulan ng mga bangka) sa Hongkong hanggang ngayon. Tinawag na baloto, lalo na sa bandang Mindanao, ginamit itong bangka pagtawid sa mga ilog, at pabagtas sa dagat kung malapit at nararating nang pabaybay sa dalampasigan. |
Naging tunay na sasakyang dagat ang bangka nuong kabitan ng katig (outrigger) sa isa o magkabilang tabi. Tinawag itong tapake (tapaque sa sulat ng Español) sa bandang Batangas at Mindoro, at karaniwang ginamit paglikwas sa nayon upang magkalakal o pagdalaw sa mga karatig pulo. Mas malayo ang narating ng tapake nang tayuan ng layag (vela, sail) na karaniwang hugis tatsulok (lateen, triangular) upang mabilis tugisin ang tungo ng hangin. Nuon natutong maglayag ang mga tagapulo.
Sumikat ang vinta bilang sasakyang dagat ng mga Muslim sa Sulu at Mindanao. Ang vinta ay karaniwang tapake na nilagyan ng malaking layag na hugis tatsulok nuong una at cuadrado pagkatapos gayahin ang layag ng mga taga-Europe na dumayo sa Asia. Ang mga tao sa mga kapuluan mula Basilan hanggang Tawi-Tawi, ang mga Bajao, Samal at iba pang Lutao (‘laut tao’ o taong dagat), ay karaniwang namahay sa kanilang mga bangka. Bihira silang lumapag sa lupa, madalas upang ilibing lamang ang patay, kaya lumaki silang bihasa sa paglayag sa dagat. |
Panahon ng ‘Parao’
Itong husay sa dagat, saliw sa malaking layag, ang dahilang napakabilis ng vinta at ang mga bangka ng mga taga-Guam na hinangaan nina Ferdinand Magellan nuong 1521. Subalit maliit lamang ang vinta at ang karaniwang gamit ay pangisda lamang, at dahil sadyang matulin, pagpuslit (smuggling) ng contrabando, kaya naging bantog. Upang makapag-kalakal nang malaki at upang makapag-sakay ng marami, kinailangan ang sasakyang dagat na mas malaki at mas matatag kaysa sa tapake o vinta. |
Batay sa tabâ at habà ng mga punong kahoy na naputol, naglunsad ng malalaking bangka ang mga tagapulo. Sa ilang bahagi ng Visaya, tinawag nilang basnig ang ganitong mas malaking bangka subalit parao ( prau at proa sa sulat ng mga taga-Europe at America), padao o palao ang lumawak na tawag sa maraming pulo sa silangang timog ng Asia at dagat Pacific na narating sa pamamagitan ng bangkang ganito nuong bago pa mag-panahon ni Jesus Christ (‘panaon’ ‘palawan’ o ‘paragua’ ang itinawag sa mga puok na dinadayo ng parau). Ang ibang parao ay dambuhala, nasasakyan ng 100 tao. Kinabitan pa ang mga katig sa tabi, ng lambat at sampahan ng mga taga-sagwan o imbakan ng mga ari-arian. Ginamit ang parao pangsalakay (war canoe), tulad ni Juan de Salcedo, apo ni Miguel Lopez de Legazpi, dahil nakaka-tawid sa dagat, nakaka-pasok sa mga ilog at maraming naisa-sakay na mandirigmang Bisaya at Tagalog na kakampi niya at tumulong sumakop sa iba’t ibang bahagi ng Luzon nuong 1570s. Mabilis, nakaka-singit kahit saan, at marami ang naisasakay, parao rin ang ginamit ng mga taga-Sulu, Mindanao at Borneo pagdambong (piracy) sa ibang bangka sa dagat o pagdukot ng mga tao sa Visaya at Luzon upang ipagbili bilang mga alipin. |
‘Balanghay’ o ‘Baranggay’ at ‘Koro-Koro’
Pinatayog at pinatulis ng mga tagapulo ang magkabilang dulo ng parao upang hawiin ang malalaking alon sa gitna ng dagat na madalas umaabot ng 2 o 3 metro ang taas. Nilatagan nila ng sahig (cubierta, deck) ang ibabaw ng parao upang may malakaran. Pang-silong sa init ng araw o patak ng ulan, nagtayo rin ang mga tagapulo ng maliliit na ‘bahay’ (‘balay,’ ‘baray’ o ‘baday’ sa iba‘t ibang wika sa timog Pilipinas). Ito ang tinawag na mga balanghay o baranggay ng maraming lumikas (migrate) sa Pilipinas. Ang pang-lakbay sa Hawaii ay 2 parao na walang mga katig at pinagkabit ng sahig at kubo. Itong ‘pinagsama’ na may 2 layag ang tinatawag ngayong ‘catamaran.’ |
Sa bandang Borneo, ang malalaking parao ay niluklukan ng magagarang ‘bahay’ o ‘kubo’ upang sakyan ng mga datu at iba pang pinuno ng mga tagapulo. Ito ang tinawag na
koro-koro (caracoa o caracao sa Español), madalas walang katig dahil pang-ceremonia at malalapit lamang ang nilalakbay. Kapag tumatawid ng malawak na dagat, parao rin ang gamit ng mga datu.
Marami at malalayo ang nilayag ng mga ninunong tagapulo. Karamihan ng inabot nilang mga pulo sa dagat Pacific ay walang mga tao, at ang gawi nila ng paggawa ng bangka ay nanatili nang walang pagbabago, tulad ng mga tagapulo ng Yami at iba pang tagapulo ng Batanes na nakarating sa pulo ng Taiwan na mga parao pa rin ang gamit hanggang nuong 1930s. Ang mga tagapulo na nagpatuloy pa-hilaga, nakarating at namahay sa dulong timog ng China, ang nagdala ng gawi ng paglalayag sa dagat duon. Ganuon din ang nangyari sa mga narating na puok sa India at Arabia. |
‘Dyong,’ ang barkong may ‘balát’
Namamangka, nangingisda at nagkakalakal ang mga tao duon, gamit ang kanilang mga bangka na malalapad, walang katig at walang layag. Ang mga taong dinatnan ng mga tagapulo daan-daan taon bago mag-panahon ni Jesus Christ ay palandas-landas lamang malapit sa dalampasigan, at hindi tumatawid ng dagat. Natuto silang gumawa ng mga bangkang pandagat at paano pumalaot sa gitna ng dagat. Ang mga taga-Arabia ay naakit gumawa ng mga bangka kahit na mga laki sa disierto dahil sa hilig nilang maglakbay-kalakal. Ang ginawa nilang mga bangka, tinawag na dhow, ay tulad sa mga parao. Pati ang mga layag ay tatsulok din. |
Hanggang ngayon, ang karaniwang bangka sa Arabia ay ang dhow na may tatsulok na layag, bagaman at hindi inukang punong-kahoy ang ginagamit nila. Dahil bihira ang punong-kahoy sa disierto, matipid sa kahoy ang ginawa nilang mga bangka, gaya sa gawi ng mga taga-Greece. Pinagpuputol nilang tabla ( planks) ang kahoy, bago pinagsapin-sapin hanggang mabuo ang ‘balát’ ng bangka o barko.
Natuto rin ang mga ninunong tagapulo mula sa gawi ng mga tao sa ibang bayan na narating nila. Mula sa mga Arabe, ginaya nila ang paggawa ng mga bangka o barko na pinagsapin-saping tabla. Kahit mas mahirap gawin, mas malaki naman ang nabubuong bangka o parao, at hindi na kailangang humanap ng dambuhalang punong-kahoy sa luob ng gubat - mapanganib dahil sa mga ligaw at mamamatay na taong gubat, at dahil sa layo ng bitbit sa mabigat na punong-kahoy. Ang mga ganitong barko na sapin-sapin ang ‘balát’ ay nauso sa Java, ang pinaka-mataong pulo sa Indonesia, at tinawag itong dyong. Malakas kasi ang kalakal-dagat duon dahil sa dami ng mga tao, at mas malaki ang kita kapag dyong ang gamit. |
Ang barkong tinawag na ‘sampan’ Sa pagkalakal nila sa malayo, nakarating at nauso rin ang dyong sa matao ring baybaying timog (southern coast) ng China, ang tinatawag ngayong Guanzhou (ang dating Canton), Macau, Hongkong at lalawigan ng Fujian (dating Fookien) at mahilig ding magkalakal-dagat, tulad ng kanilang mga tagapulong ninuno. Sa pagdanak ng mga Intsik duon, ang mga ginayang dyong ay nagawing tawaging sampan (champan sa mga Español), dahil ito ang pangalan ng malalapad na bangkang gamit sa mga ilog at dalampasigan ng China. Isa pa, dahil hindi tatsulok kundi cuadrado ang hugis ng ikinabit na layag, tulad ng layag ng mga sampan. |
Halos 600 taon bago dumating ang mga taga-Europe, ginamit ng mga Intsik ang sampan upang maglakbay-kalakal sa Luzon, Mindoro at Borneo. Naging gawi rin ng mga tagapulo mula nuong taon ng 977 na dumalaw sa China, kasama ang mga familia upang magpugay sa emperador ng China. Bandang 1490, nagpasiya ang mga Muslim na nagkalakal na humimpil nang palagian sa tabi ng nayon ng Tondo, sa kabilang panig ng ‘pasigan’ (daanan ng tubig, ilog ang tawag ngayon, at Pasig ang naging pangalan ng ilog). Ang mga Muslim ay mga taga-Mindoro subalit Butuan at iba pang bahagi ng Mindanao ang unang pinagmulan nila. Hindi rin naman nagtagal, sinalihan sila ng mga taga-Borneo na nagtatag ng kuta sa dalampasigan ng ‘ma-nilad’ na ilog na hinimpilan ng mga Muslim at tinawag na May Nilad mula nuon. Nang sakupin ng mga Portuguese ang Malacca nuong 1511, natagpuan nila ang isang kalapit na baranggay ng mga taga-Luzon, namalagi duon upang magkalakal. Bago dumating sina Ferdinand Magellan at Antonio Pigafetta sa Pilipinas nuong 1521, itinuro sa kanila ng mga taga-Guam kung paano makakarating sa Selani (batay sa gawi ng pagsulat ni Pigafetta, malamang ‘sa Lani’ ang sinabi sa kanya; paniwala ngayon na Leyte ang tinukoy). |
Pagkagaling nina Pigafetta mula sa Pilipinas nuong 1521, nabalitaan nila sa Indonesia na may isang barko ng mga taga-Luzon na bumili duon ng sandalwood, makinis at magaang na kahoy, karaniwang ginagawang bakya. Pagkarating nina Miguel Lopez de Legazpi nuong 1565, sinabi sa mga kasama niya sa Butuan na matalik ang ugnayan ng mga taga-Borneo at mga taga-Manila. Nang sakupin nina Legazpi sa Sugbu (Cebu City ang tawag ngayon) nuong taon ding iyon, natagpuan nila duon ang 2 lalaking magkapatid na taga-Manila, naglakbay sa Sugbu upang magkalakal at maghanap-buhay. Ginamit pa ang magkapatid bilang tagapagsalita (interpreters) ng pangkat ni Martin de Goiti pagsalakay sa Manila nuong 1570. Lahat ng ito ay pahiwatig ng magana at matagal nang lakbayan ng mga Pilipino at iba pang tagapulo sa iba’t ibang bahagi ng silangang timog ng Asia, lakbayan na nagpatuloy pa ng halos 30 taon pagkasakop sa Manila ng mga Español. Katunayan, mga Pilipino ang ginamit na tauhan at gabay (piloto, navigator) ng mga at Español na lumigid sa buong kapuluan upang magpalawak ng catholico. Matapos ng libu-libong taon ng paglalayag sa dagat ng mga tagapulo, dapat asahan na ang mga gumagawa ng bangka at barko ay igalang at hangaan. Tinawag na mga cagayan (cagallanes sa sulat ng Español, boatwrights sa English), karaniwang pinuno o maharlika sila ng kani-kanilang nayon. |
Naglaho ang gawi ng pagdaragat Simula nuong 1595, mabilis na nasalanta ang mga cagayan nang simulan ang balikang lakbay-kalakal ng barko ( galleon trade) sa Manila at Acapulco, sa Mexico, taon-taon. Ipinagbawal sa mga Pilipino ang maglayag nang walang pahintulot upang masarili ng mga Español lahat ng kalakal. Nais naman ng mga frayle na huwag ‘mahawa’ ang mga Pilipino sa mga Muslim sa paligid. Nilimas pa ng Español lahat ng mga cagayan at, mistulang bihag sa mga daungan (shipyards), pilit pinagawa ng mga galleon, dambuhalang barkong pangkalakal, at ng mga galeria ( galleys), mas maliit na barkong pandigma laban sa mga Muslim. Marami ang namatay sa mga panganib ng pagputol at paghakot ng mga puno sa gitna ng gubat. Marami rin ang namatay dahil hindi o bihira binayaran, nagkasakit dahil sa pagod, sakuna at kulang sa pagkain at gamot. Hindi miminsan nag-aklas ang mga cagayan sa Samar at Bicol dahil sa pahirap na dinanas nila at ng kanilang mga familia. Umiwas mula nuon ang mga Pilipino sa pagiging cagayan upang makaligtas sa pagdukot ng mga Español. At nang matigil ang galleon trade nuong 1815, lubusan nang naglaho sa Pilipinas ang dunong ng paggawa ng mga barko. At sa mahigit 300 taon ng pagbawal, ang gawi at dunong ng Pilipino na maglayag sa dagat ay lubusang nalimot na nang bumagsak ang kaharian ng Español nuong 1898. |