Moluccas, Noviembre 6, 1521. PATULOY kaming naglayag at nadaanan namin ang mga pulo ng Cheama (Kima ang tawag ngayon), Crachita (Karakitang, ngayon ay Karakelang), Para, at Zzangalura (Sanggeluhang ang tawag ngayon). Ang pulo ng Ciau (Siau) ay 10 leguas (64 kilometro) ang layo sa Sanghir at mayroon duong mataas at medio makitid na bundok, at ang hari duon ay si Raia Ponto. Ang pulo naman ng Paghinzara (Tagulandang ang tawag ngayon) ay 8 leguas (51 kilometro) mula sa Ciau (Siau) na may 3 bundok at ang hari ay si Raia Babintau. Ang lahat ng tao duon ay hindi binyagan (heathen). Sa silangan ng Cheama (Kima), may pulo na tinawag na Talaut (Karakelong na ngayon; ang mga pulo sa paligid ang tinatawag nang Talaud ngayon). Sa silangan ng Paghinzara (Tahulandang), 12 leguas (77 kilometro) ang layo, may 2 pulo na medio maliit, may mga tao at tinawag na Zzoar (Tifor) at Meau (Maju sa Molucca Passage, 129 kilometro sa silangang timog ng Tagulandang). Paglagpas namin sa 2 pulong ito, nuong Miercoles, Noviembre 6, 1521, natanaw namin ang 4 mataas na pulo sa silangan, 14 leguas (90 kilometro) ang layo. Sinabi ng piloto na kasama namin, iyong 4 pulo ay Moluccas (Maluku). Nagpasalamat kami sa Dios at sa tuwa namin, pinaputok namin lahat ng cañon. Hindi kataka-taka na galak na galak kami, sa hirap at panganib na dinanas namin sa nakaraang 2 taon sa paghahanap sa Moluccas. At sa lahat ng mga pulo duon, pati na sa Moluccas,ang pinakamababaw na dagat na nakita namin ay 100 at 200 fathom (183 - 366 metro) ang lalim, salungat sa sinabi sa amin ng mga Portuguese na hindi nakakapag-layag duon dahil maraming batuhan at madilim ang langit. Sila ay nalinlang. Tatlong oras na lamang bago bumaba ang araw nuong Miercoles, Noviembre 8, 1521, nang pumasok kami sa daungan (port) ng isang pulo na tinawag na Tadore (Tidor) at nagbaba kami ng ankla (anchor) nang umabot kami sa 20 fathom |
![]() ![]() FERDINAND MAGELLAN’S VOYAGE: Ang Unang Pag-ikot sa Mondo Ang Unang Español Na Dumayo Sa Pilipinas
|
|
(37 metro) babaw ng dagat. Pinaputok namin ang lahat ng cañon. Kinabukasan, dumating ang hari, sakay sa kanyang parao (malaking bangkang pandagat) at umikot sa mga barko namin. Sinalubong namin siya sa aming bangka (boat) upang magbigay galang, at pinalipat niya kami sa kanyang parao at pinaupo sa tabi niya. Nakaupo siya sa ilalim ng tabing na sutla (seda, silk), silong sa init ng araw. Nakatayo sa harap niya ang isa sa mga anak niyang lalaki, hawak-hawak ang setro (sceptre) ng hari. May 2 lalaking dala-dala ang gintong mangkok na hugasan ng kamay ng hari. May 2 ibang lalaki na may dalang gintong mangkok din na apaw sa nga-nga (betel). Pinayagan kami ng hari na dumalaw sa kanyang kaharian. Hinayag niyang matagal na niyang |
napanaginip na may darating na mga barko mula sa malayo at hindi kilalang lupain. Isinangguni daw niya sa buwan (moon) at nalaman niya na kami ang nakita niya sa panaginip. Tapos, umakyat sa aming barko ang hari, at kami ay humalik sa kanyang kamay. Sa mataas na likuran ng barko (poop) namin siya pinaupo sa silla (chair) na balot ng pulang pelus (red velvet). Binigyan din ng bata (robe) na hawi sa dilaw at bughaw na pelus. Bilang paggalang, naupo kaming lahat sa kanyang paanan. Hinayag ng hari na silang lahat ay sabik maging kaibigan ng mga Español at magsilbi sa hari ng España, at ituturing daw niya kami bilang mga anak at maaari naming ituring na tahanan namin ang kanyang kaharian. Mula ngayon, sabi ng hari, hindi na tatawaging Tadore ang pulo niya kundi Castille, sapagkat napakalaki ng pagmamahal niya sa hari ng España.
Hinandog namin sa kanya ang silla (chair) at ang bata (robe), maraming fino at makulay na tela, 2 cap (maliit na saklob sa ulo), 6 basong crystal, 12 patalim (cuchillos, knives), 3 malaking salamin (mirrors), 7 gunting (scissors), 6 suklay (combs) at marami pang iba. Para sa anak niyang lalaki, naghandog kami ng tela mula sa India na may palamuting sutla (seda, silk) at ginto, isang malaking salamin (mirror), isang cap at 2 patalim. Ang 9 pinuno na kasama ng hari ay binigyan namin ng tig-isang telang sutla, 2 cap at 2 patalim. Ang iba pang mga kasama ay hinandugan namin ng mga patalim, tela, at cap, hanggang sinabi ng hari na sapat na (enough). Sinabi ng hari na wala siyang handog sa hari ng España na kanyang panginoon (lord), maliban sa kanyang buhay. Maaari daw kaming lumapit sa kabayanan at kung may mga umakyat sa aming barko sa gabi, dapat naming patayin ng aming mga hackbut (arquebus, baril na de-sabog). Tapos, nagpaalam na ang hari at sila ay umalis na, at pinaputok namin ang lahat ng cañon. |
|
Si Rajah Sultan Manzor. ANG HARI ay isang Moro at 55 taon ang gulang niya, matikas at may charisma (royal presence). Mahusay siyang magtalumpati at bumasa ng mga bituin sa langit (astrology). Nang dumalaw siya, nakasuot siya ng puting camisa (white shirt) na fino (fine) at may bordang ginto sa balikat, at puti ring patadyong na nakapulupot sa kanyang baywang hanggang paa. Nakayapak siya at may putong na sutlang velo (silk veil) sa ulo na tinalian ng mga bulaklak. At ang pangalan niya ay Raia Sultan Manzor. Kinabukasan, Linggo, Noviembre 10, tinanong ng hari kung gaano kami katagal naglayag mula sa España at ano ang bayad at quintalada (pinayagang pansariling kalakal) ng hari sa amin. Humingi siya ng lagda (firma, signature) at watawat (banner) ng hari (ng España) dahil pasiya niya na mula nuon, ang Tadore (Tidor) at ang kalapit na Tarenate (Ternate) ay maging hawak ng hari ng Castille. Sinabi niya na handa siyang makipagpatayan para sa kanyang apong lalaki, si Colanoghapi, nakatakdang maging hari sa Tarenate, at para sa karangalan ng hari (ng España). Kung siya man ay magapi, pupunta raw siya sa España, kasama ang lahat ng tao niya, sakay sa isang dyong (junc) na pinapagawa niya. |
![]() Ang mga pulo ay nakahanay sa magkabilang panig ng Equator, sa kanluran (west ) at katabi ng malaking pulo ng Halmahera, dating tinawag na Gilolo, at ngayon ay kasama na sa lalawigan ng Maluku sa Indonesia.) Hiniling din niya na mag-iwan kami ng ilang tauhan duon, bilang paalaala ng hari ng España, at huwag na kami maghandog ng mga bagay na hindi man magtatagal sa mga kamay niya. |
Wala raw siyang sapat na kiandi (clovas, cloves) nuon upang punuin ang 2 barko, kaya dapat daw kaming magtungo sa pulo ng Bacchian (Bacan, tinawag ding Batjan dati, malaking pulo sa timog Maluku) at duon, madali kaming makakakuha ng maraming pinatuyong kiandi. Linggo nuon kaya hindi namin nais na magkalakal. Ang araw ng pangilin nila duon ay Viernes (Friday, the Muslim sabbath). Upang maunawaan ng inyong kamahalan, 5 ang pulo na tinutubuan ng kiandi - ang Tarenate (Ternate), Tadore (Tidor), Mutir (Motir), Machian (Makian) at ang Bacchian (Bacan). Ang Tarenate ang una at pinaka-malakas, at nuong buhay pa ang hari duon, siya ang panginoon ng halos ng lahat duon. Ang Tadore ang pulo na tinigilan namin, at ang hari duon ay nabanggit ko na. Walang hari sa Mutir at sa Machian. Ang mga tao duon ang namamahala sa sarili nila, subalit kung may digmaan ang hari ng Tarenate o Tadore, nagpapadala sila ng mga mandirigma upang tumulong. Ang isa pang pulo ay ang Bacchian at may hari duon. At mga ito ang lalawigan na tinawag na Maluku, kung saan tumutubo ang kiandi (clovas). |
Ang Kaibigan Ni Magellan. WALANG 8 buwan ang nakaraan mula nang namatay ang isang Portuguese, si Francisco Serrao, sa Tarenate. Siya ang capitan general ng hari ng Tarenate laban sa hari ng Tadore, at napaka-galing niya, napilitan ang hari ng Tadore na ibigay ang isang anak na babae upang maging asawa ng hari ng Tarenate. Pati ang mga anak ng halos lahat ng kanyang mga pinuno ay napilitang ipadala bilang siguro (hostages). Ang naging anak ng babae, apo (ng hari ng Tidor), ang napintong maging hari ng Tarenate ngayon. At napagpayapa ang labanan ng 2 pulo. Isang araw, nagtungo si Francisco Serrao sa Tadore upang bumili ng kiandi (clovas). Nilason siya sa utos ng hari ng Tadore, gamit ang mga dahon ng areca (betel, gamit sa nga-nga) at 4 araw bago siya namatay. Ipapalibing sana siya ng kanyang hari sa Tarenate ayon sa mga gawi duon, subalit tumanggi ang 3 kasama ni Serrao, na pulos catholico. May anak na lalaki at isang anak na babae si Serrao sa asawa na taga-Java. May naiwan din siyang 200 barilis (barrels) ng kiandi. Siya ay kamag-anak at matalik na kaibigan ng aming namatay na butihing capitan general (si Magellan) at ang dahilan kaya nagpilit (si |
Magellan) na maglakbay. Nang nasa Malacca (lungsod sa Malaysia na sinakop ng mga Portuguese) ang capitan, sinulatan siya ni Serrao paulit-ulit upang sabihing nasa Molucca siya. Nang tumanggi si Dom Manuel, ang hari nuon ng Portugal, na umentuhan ang capitan-general nang higit sa isang testoon (salaping pilak sa Portugal) buwan-buwan, sa kabila ng giting at pagsilbi niya, nagtungo siya sa España at duon, natanggap niya ang lahat ng hiling niya sa banal na hari (si Carlos 5).
Sampung araw pagkamatay ni Serrao, ang kanyang panginoon naman na hari ng Tarenate ang nilason at namatay pagkaraan ng 2 araw. Ang sariling asawa niya ang lumason sa kanya, nagkunyari na nakikipag-payapa para sa kanyang ama, ang hari ng Bacchian (Bacan), na dating ipinagtabuyan ng hari ng Tarenate. Ang 9 anak na lalaki ng nilasong hari ay sina Clechily momoli, Tadore unughi, Checchily de roix, Cili manxur, Cili paggi, Chialin checchilin, Catara, Vaiechuserich at si Colano ghappi. ( Magkasama sina Serrao at Magellan nagsilbi sa hari ng Portugal sa pagtuklas sa Malacca, pinamunuan ni Diego Lopes de Sequeira, nuong 1509-1510. Nuon nakuha ni Magellan ang alipin, si Enrique, sa Sumatra at dinala niya pabalik sa Portugal. Sinakop ng mga Portuguese ang Malacca sa sumunod na taon. |
At nuong Deciembre 1511, si Serrao ang capitan ng isa sa 3 barko ng Portuguese mula sa Malacca na humanap sa Maluku, pinamunuan ni Antonio de Abreu, at nakarating sa Bali, Sumbawa, Amboina at Ceram, subalit hindi nakarating sa Molucca. Nagbalik na lamang sila, may dalang spices na nutmeg at mace.
Lumubog ang barko ni Serrao at umagaw siya ng isang dyong sa pulo ng Banda subalit nawarak din ito. Kasama ni Pedro Afonso de Lorosa at 5 pang Portuguese, nagtuloy siya sa Ternate at nagsilbi sa sultan duon. Mula duon siya sumulat kay Magellan sa Portugal nang ilang ulit, hinahayag ang yaman ng Molucca, at mali-maling tantiya kung nasaan ito - sobra sa silangan ang itinuro. Naghinala ang mga Portuguese nang ayaw bumalik sa Malacca si Serrao. Nang nabalitaan nila ang paglakbay ni Magellan mula España, nagpadala sila sa Molucca ng isang pangkat-dagat, pinamunuan ni Tristao de Meneses, upang harangin si Magellan at dakpin si Serrao. Hindi natupad ni Meneses ang pakay, at 4 buwan pa lamang nakakaalis sa Molucca nang dumating duon sina Pigafetta. Sa ibang salaysay, nakapuslit daw si Serrao sa mga Portuguese na humahanap sa kanya, at ang mga ito ang nagsulsol sa isang Malay na babae na lasunin siya. May balita rin na nadakip si Serrao ng mga Portuguese at ipinadala ni Meneses sa Goa, sa India, subalit namatay siya sa barko. May pang-4 hayag na magkasabay nilason at namatay si Serrao at ang sultan ng Ternate, sa utos naman daw ng mga Arabe na nagkakalakal ng spices, karibal ng mga Portuguese.) |
Nakaraang kabanata Ulitin mula itaas Tahanan ng mga kasaysayan Lista ng mga kabanata Susunod na kabanata |