FERDINAND MAGELLAN’S VOYAGE:   Ang Unang Pag-ikot sa Mondo Pigafetta Ferdinand Magellan

Ang Unang Español
Na Dumayo Sa Pilipinas

Primo viaggio intorno al mondo
ni Antonio Pigafetta

Sulu

Sa Cavit at Subanin, na nasa mga pulo ng Butuan at ng Calagan (Caraga), tumutubo ang pinakamainam na kanela (cinnamon, kayumanis) at namarati kami duon ng 2 araw, upang mag-carga sa 2 barko. Hindi kami nakapagtagal pa at, upang makaangkas sa hangin na palusot nuon sa mga pulo duon, mabilis kaming naglayag pagkatapos ipagpalit ang 2 malaking kampit (cuchillo, knives) na nadenggoy namin sa governador ng Pulaoan (Palawan) sa kulang-kulang 8 kilo ng kayumanis (canela, cinnamon).

( Ang mga pulo ng Butuan at Calagan (Caraga): Ang ibig sabihin ni Pigafetta, ang mga pulo o baranggay na ito ay lahat nasa Mindanao na nuon ay wala pang pangalan at hindi pa tanto ng mga Español ang tunay na hugis at laki ng pulo.)

Hindi matayog ang puno ng cinnamon, mula 1½ hanggang 2 metro lamang ang taas, at kasintaba lamang ng daliri ang kapal, 3 o 4 lamang ang mga sanga, at ang talukap o balat ng puno ang cinnamon na inaani 2 ulit taon-taon. Malakas tumubo at kapag bagong usbong ang mga dahon, amoy cinnamon. Ang tawag nila ay caiumana. Ang tawag sa kahoy ay caiu (kayu, kahoy), at mana ay tamis, kaya kahoy na matamis (sweet wood, kayumanis).

Zzolo.

NAGBALIK kami sa pagitan ng pulo ng Caghaian at ng daungan (port) ng Chippit (Quipit ang tawag ngayon, sa Zamboanga del Norte) patungong silangang-timog upang tuklasin ang kapuluan ng Maluku (Moluccas, spice islands). May dinaanan kaming batuhan (coral reefs) na nakausli sa napakalalim na dagat na puno ng mga talahib-dagat (seaweeds), at maniwaring panibagong dagat ang pinasok namin sa bandang iyon. Paglagpas namin sa pulo ng Chippit sa silangan, natuklasan namin ang 2 pulo ng Zzolo at ng Taghima (Jolo at Basilan, patawid sa dagat ng Sulu, Sulu Sea), sa aming kanan o kanluran, at doon tumutubo ang mga perlas. Ang 2 malaking perlas ng hari ng Burne ay duon nagmula at ganito niya nahamig ang mga ito, ayon sa mga naisalaysay sa amin.

Napangasawa ng hari ang anak na babae ng hari ng Zzolo, at siya ang naghayag sa kanya tungkol sa 2 perlas na ari ng ama. Nagpakana ngayon ang hari ng Burne upang mapasakamay niya ang 2 perlas at, isang gabi, kasama ang 50 parao ng mga mandirigma, sinugod at dinukot niya ang hari ng Zzolo at ang 2 anak nitong lalaki at ikinulong sa Burne. Bilang tubos, utos niya sa hari ng Zzolo, kailangan niyang ibigay ang 2 malaking perlas.

Naglayag kami pasingit sa silangan at silangang hilaga (east by northeast) at nadaanan namin ang mga baranggay ng Cavit at ng Subanin, at pagkaraan ng 10 leguas (64 kilometro), ang isa pang pulo na may mga tao, ang Monoripa.

( Ang Monoripa ay malamang ang pulo ng Sacol sa tabi ng silangang Zamboanga. Ang Cavit at Subanin ay nasa kanluran ng Zamboanga. Kaya nakalagpas na ang paglayag nina Pigafetta sa silat ng Basilan (Basilan Strait), at patawid na sila sa Moro Gulf, palapit sa bahagi ng Mindanao na tinatawag ngayong Cotabato. Ang Cavit ay mula sa ‘kawit’ (hook, ang hugis ng lupa na nakalawit sa dagat.)

Nakaraang kabanata       Ulitin mula itaas       Tahanan ng mga kasaysayan       Lista ng mga kabanata       Susunod na kabanata