La Mar Pacifico.

NOVIEMBRE 28, 1520, Miercoles, nang lumunsad kami mula sa estrecho ( 38 araw nilang binagtas mula sa Atlantic Ocean). Naglayag kami sa dagat Pacifico nang 3 buwan at 20 araw nang walang nakuhang pagkain o tubig kahit na ano. Ang pagkain lamang namin ay mga biscuit na naging pulbos na sa tanda, pulos bulati at uod, at mapanghi sa ihi ng mga daga na ngumat-ngat sa mga ito.

Dilaw at malabo na ang tubig na ininom namin. Napilitan kaming kainin ang mga balat ng vaca (leather) na nakabalot sa poste ng layag, pampigil ng pagka-bali ng poste sa malakas na hangin. Matigas na ang mga balat dahil natuyo na sa araw, ulan at ihip ng hangin kaya binabad namin sa tubig dagat nang 4 - 5 araw, tapos inihaw sandali sa ibabaw ng baga ng

Pukapuka

Pigafetta Ferdinand Magellan

FERDINAND MAGELLAN’S VOYAGE:
Ang Unang Lakbay Pag-ikot Sa Daigdig

Ang Unang Español Na Dumayo Sa Pilipinas
Primo viaggio intorno al mondo
ni Antonio Pigafetta

uling (embers) bago namin kinain. Kinain pati ang mga daga, na ipinagbili isa-isa, at ang ilan sa amin ay hindi nakabili ng sapat upang makain.

Gutom na, naghirap pa kami sa sakit (scurvy) na tumama sa karamihan ng mga kasama namin. Namaga ang kanilang mga gilagid kaya hindi sila nakakain. Namatay dahil dito ang 29 kasama namin (sa listahan ng mga barko, 7 lamang ang namatay), pati ang isa sa mga gigante na binihag namin at isang indio na dinukot namin mula sa bayan ng Verzin (Brazil). Mayroon pang 24 - 30 tauhan ang nagkasakit ng sari-saring karamdaman, sa mga paa, bisig at iba pang bahagi ng katawan, kaya ilan-ilan lamang ang nalabing malusog. Sa awa ng Dios, hindi ako nagkasakit ng anuman.

Sa buong panahon na iyon, naglakbay kami ng 4,000 leguas (19,200 kilometro) patawid sa dagat Pacifico na lapat na lapat ang pangalan sapagkat hindi kami binagyo kahit minsan. Wala rin kaming nakitang lupa maliban sa 2 maliit na pulo na walang tao, mga punong-kahoy lamang at mga ibon, kaya tinawag naming mga pulo ng sawimpalad (Islas malas, Islands of Misfortune). May 200 leguas (1,280 kilometro) ang layo nila sa isa’t isa, at wala

kaming nadaungan upang makahimpil. Duon nakita ang malaking uri ng isda na tinawag ng mga tauhan na tiburoni (sharks, mga pating). Ang unang pulo ay nasa ika-15 guhit patimog, at ang pang-2 pulo ay nasa ika-9 guhit patimog.

Bawat isang araw, nagkapaglayag kami ng 50 - 60 leguas (240 - 288 kilometro) o higit pa sa tuloy-tuloy na daloy ng hangin. Kung hindi kami tinulungan ng Dios at ng Inang Virjen (Virgin Mother) sa ganda ng panahon at pagkamit ng pagkain at inumin, malamang namatay kami duon sa napaka-lawak na dagat. Ang paniwala ko, wala sinuman ang makapaglalakbay uli duon gaya ng ginawa namin.

( Sa ibang pahayag, ang unang pulo na binanggit ni Pigafetta ay dinatnan nila nuong Enero 24, 1521, fiesta ni San Pablo, kaya tinawag na Albo o San Pablo. Malamang ito ay ang Pukapuka, isa sa kapuluang tinatawag ngayong Tuamotu Archipelago.

Ang pang-2 pulo, nakita pagkaraan ng 11 araw at tinawag na Ysla de Tiburones (Island of Sharks, pulo ng mga pating) ay malamang ang Wostok o Flint Island, kasama sa kapuluang tinatawag ngayong Manihiki Archipelago. Humimpil nang 2 araw duon sina Magellan upang magpahinga at kumain ng mga isdang nahuli nila. Ang bahagi ng dagat na ito ay nasa hilaga ng kilala ngayong French Archipelago.)

Nakaraang kabanata       Ulitin mula itaas       Tahanan ng mga kasaysayan       Lista ng mga kabanata       Susunod na kabanata