Aklasan!

5 BUWAN kaming nagtagal sa tinawag na Puerto San Julian (Port Saint Julian), mula Marso 31 hanggang Agosto 24, 1520, kung saan maraming hiwaga ang nangyari sa amin. Ang isa, pagkapasok na pagkapasok namin sa puerto, ang mga capitan ng 4 na barkong kasama namin ay nagsapakat (conspiracy) na patayin ang capitan-general.

Ang mga nagsapakat ay si Juan de Cartagena, ang kapatas ng lahat na tauhan sa buong pangkat-dagat (veedor general, fleet overseer); si Luis de Mendoza, ang ingat-yaman ng pangkat-dagat (treasurer of the fleet) at capitan ng barkong Victoria; si Antonio de Coca, isang tagatuos (contador, accountant) ; at si Gaspar Quesada, capitan ng barkong Concepcion.

Natuklasan at nagapi ang aklasan. Pinatay si Mendoza sa saksak at hinati sa 4 ang kanyang katawan (quartered). Pinugutan ng ulo si Quesada at hinati rin sa 4 ang bangkay niya.

Nagtangka uling mag-aklas si Cartagena pagkaraan ng ilang araw. Ipinatapon siya at iniwan duon sa tinawag na Patagoni (ngayon ay Patagonia, bahagi ng Argentina). Ayaw siyang ipabitay ng capitan-general sapagkat ang Emperador Carlos 5 mismo (Charles V, holy roman emperor and king of Spain) ang nagtanghal kay Cartagena bilang capitan ng barkong San Antonio.

Binitay

Pigafetta Ferdinand Magellan

FERDINAND MAGELLAN’S VOYAGE:   Ang Unang Pag-ikot sa Mondo

Ang Unang Español Na Dumayo Sa Pilipinas

Primo viaggio intorno al mondo
ni Antonio Pigafetta

( Sa ibang ulat, si Cartagena ang pinuno ng barkong San Antonio nang umalis sa España ang pangkat-dagat subalit bago pa nabagtas ang Equator, dinakip siya at nilitis, at si De Coca ang ipinalit sa kanya. Hindi nahayag kung bakit subalit malaki ang hinala ng mga Español kay Magellan na isang Portuguese. Pagdating sa Puerto San Juan, pinalitan din si De Coca ni Alvaro de Mesquita, Portuguese at kamag-anak - pinsan o pamangkin - ni Magellan. Ito ang nag-udyok sa mga Español na magsapakat uli nuong gabi ng Abril 1 hanggang madaling-araw ng Abril 2, 1520, nang agawin ng mga nag-aklas (mutineers) ang 3 pinaka-malaking barko.

Pamuno sina Cartagena, Mendoza, Quezada at Sebastian de Elcano (Sebastian del Cano). Nalinlang sila ni Magellan, pinapuslit ang mga tauhan sa isang bangka, inakyat ang barkong Victoria at pinatay ang pinuno duon , si Mendoza. Sinaksak siya ilang ulit ni Gonzalo Gomez de Espinosa, ang punong pulis o constable ng pangkat-dagat. Nabawi sa dahas ang 3 barko at pinarusahan ang mga pinuno. Hindi pinarusahan si Del Cano dahil siya ang pinaka-magaling na piloto sa buong pangkat-dagat at kailangan siya sa paglakbay.)

Ang isa pang pangyayari ay nawasak ang barkong Santiago habang nag-uusisa sa baybayin. Ngunit lahat ng mga tauhan ay nasakip sa isang himala, sapagkat ni hindi sila nabasa.

( Katunayan, walang himala. Isa sa 37 tauhan ang namatay. Si Joao Serrao, isang Portuguese, ang ginawang pinuno ng Santiago pagkatapos ng aklasan, at bumabagtas sila patimog sa Puerto Santa Cruz nang nawasak ang barko sa batuhan nuong Mayo 22, 1520.)

Dalawang tauhan ng Santiago ang bumalik sa amin at nagbalita. Madaling nagpadala ang capitan ng mga tauhan, pasan ang sako-sako ng pagkain (biscuit) sapat para sa 2 buwan, upang saklolohan ang mga nasakuna. Araw-araw paparuon, natagpuan namin ang mga bagay-bagay mula sa lumubog na barko. Sa pinangyarihan namin natagpuan ang mga tauhan, 25 leguas (120 kilometro) ang layo. Masama ang daan at puno ng mga tinik kaya 4 araw bago namin narating. Sa gabi, natulog kaming ginaw na ginaw sa gubat-gubat. Walang tubig sa daan maliban sa yelo (hielo, ice) at kakaunti pa.

Duon sa Puerto San Julian, maraming mga tulya, tinawag na mejillon, na may mga perlas (pearls)

Atlantic Ocean

sa loob. Matatagpuan din duon ang incense, ostrich, fox, at mga ibong tarat.

Sa tuktok ng pinakamataas na bundok duon, nagtayo kami ng isang matayog na cross, pahiwatig na ang puok ay ari na ng hari ng España. Tinawag naming Monte de Christo (Mountain of Christ) ang bundok. Umalis na kami.

Sa bandang 51 guhit patimog natagpuan namin ang isang ilog ng malinaw na tubig at muntik na kaming mamatay duon dahil sa lakas ng hangin.

( Umalis sila sa Puerto San Julian nuong Agosto 24, 1520. Dito iniwan si Cartagena, kasama ang isa pang kaaway ni Magellan na, sa ibang ulat, ay isang frayle mula sa France. Pulos Portuguese na, at pulos kaibigan o kamag-anak ni Magellan ang mga pinuno ng mga barko - si Duarte Barbosa, bayaw ni Magellan, sa Victoria; si Alvaro de Mesquita, pamangkin o pinsan ni Magellan,sa San Antonio; at si Joao Serrao, sa Concepcion. Sa Puerto Santa Cruz sila dumaong. Itong ilog ang natuklasan ni Serrao nuong Mayo 3, fiesta ng cross kaya tinawag ng ganoon, bago nawasak ang Santiago.)

Nagtagal kami nang 2 buwan sa tabi ng ilog, at nag-imbak ng tubig inumin, kahoy at isang uri ng isda na isang bisig (brazo) ang haba, maraming kaliskis at masarap kainin. Inutos ng capitan na magkumpisal kaming lahat at mag-communion bilang mga mabuting catholico bago kami umalis nuong Octobre 18, 1520.

Nakaraang kabanata       Ulitin mula itaas       Tahanan ng mga kasaysayan       Lista ng mga kabanata       Susunod na kabanata