Tenerife, Septiembre 1519.

MARTES, ika-20 ng Septiembre 1519 nang umalis kami sa San Lucar at naglayag ayon sa ihip ng hangin pakanlurang timog Tenerife (southwest) na tinawag na labeiche. At nuong Septiembre 26, dumating kami sa Tenerife, isang pulo sa tabi ng Gran Canaria (Canary islands), na nasa ika-28 guhit pahilaga (28 degrees latitude north) at nanatili kami duon nang mahigit 3 araw upang mag-imbak ng pagkain at iba pang gamit na kailangan namin. Tapos, nagtungo kami sa isang daungan na tinawag na Monterose, upang 2 araw na mag-carga ng alquetran (pitch, gamit upang hindi sumipsip ng

FERDINAND MAGELLAN’S VOYAGE:   Ang Unang Pag-ikot sa Mondo Pigafetta Ferdinand Magellan

Ang Unang Español
Na Dumayo Sa Pilipinas

Primo viaggio intorno al mondo
ni Antonio Pigafetta

tubig ang mga kahoy ng barko.

Napag-alaman namin na sa Gran Canaria, may isang pulo na walang ilog o sapa na nakukunan ng tubig na inumin, ngunit minsan araw-araw, pag bandang tanghali, bumababa ang isang ulap mula sa langit at bumabalot sa isang malaking punong-kahoy duon. Tapos, nalalagas ang lahat ng dahon ng puno at maraming tubig na lumalabas sa mga dahon kaya, sa paanan ng puno, may isang malaking lawa ng malinaw na tubig na aakalaing ito ay isang malaki at buhay na tubigan (fountain). At sapat ang tubig duon upang mabuhay ang lahat sa pulo, tao man o hayop.

( Ito ay lumang alamat, panahon pa ni Pliny sa ancient Rome, tungkol sa pulo ng Hierro, at batay sa mga halaman (evergreens) sa Madeira at sa Grand Canary na nag-iipon ng maraming patak-patak na tubig mula sa hamog (mist, fog) ng dagat.)

Saint Elmo’s Fire.

HATINGGABI ng Lunes, Octobre 3, 1519, lumayag kami sa hangin na papuntang timog (south), tinatawag na Cyroc (Scirocco, southeast wind, mali dahil palayo sa tunay na tungo ni Magellan, kanlurang timog o southwest) ng mga magdaragat ng Levant (the Mediterranean) at pagkasuong sa kalawakan ng karagatan (Atlantic Ocean), nadaanan namin ang Cabo Verde (Cape Green) at naglayag nang maraming araw sa baybayin (coast) ng Guinea (sa kanluran ng Africa) o Ethiopia (mali uli, nasa kabilang panig ng Africa, sa silangan, ang Ethiopia), kung saan naroroon ang bulubundukin (mountain range) ng Sierra Leone, na nasa ika-8 guhit pahilaga (8 degrees latitude north). Kung minsan, sinalubong kami ng hangin, kung minsan tinulungan, at inulan kami nang walang hangin.

Kaya naglayag kami sa 60 araw ng ulan hanggang Equator (equinoctal line), bagay na pambihira at kataka-taka, ayon sa mga matanda na nakapaglayag na rito nang ilang ulit sa nakaraan. Ganoon man, naranasan namin ang iba’t ibang panahon mula nang narating namin ang ika-14 guhit pahilaga (14 degrees latitude north), at masama ang iba, bagyo at malakas na ulan, at hangin at agos ng dagat na salungat sa tungo namin kaya hindi kami nakausad. Upang hindi kami mamatay sa paglubog ng mga barko, karaniwang nangyayari sa pagdating ng salungat na bagyo, ibinaba namin ang mga layag at lumutang-lutang na lamang kami sa dagat.

( Pinatatalunan hanggang ngayon kung bakit ‘nakulong’ si Magellan at inabot ng 2 buwan narating ang Equator sapagkat 20 taon nang alam sa Europa nuon kung paano iwasan ang ‘patay na hangin’ (doldrums) sa tabi ng Africa, natuklasan ng mga Portuguese nuong 1499 pa. Dapat tumawid na sila papunta sa America pagkaraan pa lamang ng Gran Canaria, mahigit 1,000 kilometro bago makarating sa Cabo Verde, subalit pinili ni Magellan na baybayin ang Africa. Nang umangal si Juan de Cartegena ng Santo Antonio, inutos ni Magellan na sumunod na lamang siya sa Trinidad. Lalong naghinala ang mga Español kay Magellan.)

Nuong kalakasan ng isang bagyo, wala sa aming naniwala na makaliligtas kami sa kamatayan at umiiyak na kami sa takot nang biglang nagpakita sa amin nang ilang ulit ang katauhan ni San Anselmo (Saint Elmo) sa dilim ng langit, sa anyo ng nagliliyab na sulo sa tuktok ng poste ng layag (main mast) at nanatili duon nang mahigit 2½ oras, sa aming galak. Sinasabing kapag

lumapag si San Anselmo sa anyo ng apoy sa kahit anong barko na hinahalibas ng bagyo, hindi lumulubog ang barkong iyon. At nuong bandang huli, napakaliwanag ng liyab ng sulo na halos mabulag kami nang mahigit 15 minuto, nananawagan sa awa ng Dios hanggang biglang naglaho ang apoy, humupa ang bagyo, tumahimik ang dagat at gumanda ang panahon. Saint Elmo's Fire

(Ang Saint Elmo’s fire ay kidlat-kidlat na kumikisap sa tuktok ng mga barko kapag may bagyo at, ayon sa alamat, ay pahiwatig ng pagkalinga ng Dios.)

Nuon lumigid sa mga barko ang malalaking isda na tinawag na tiburoni (sharks, mga pating), na may malalaking ipin at kumakain ng tao sa dagat, buhay man o patay. Nabingwit ang ilan sa mga ito ng mga tauhan namin, gamit ang bakal na kalawit (hook), ngunit hindi masarap kainin kapag maliit pa, at lalo nang mapakla kung malaki na. Nakakita kami ng mga ibon-ibon na sari-saring uri, ang isa ay walang buntot. Mayroon pang ibon na sa likod ng lalaking ibon nangingitlog ang babaing ibon, at duon na sa likod nabubuo ang mga sisiw. At ang mga ibong ito ay walang paa at lagi na lamang nasa dagat. (Ang tawag ay storm petrel ngunit ito ay sabi-sabi lamang.) Mayroon ding ibon na nabubuhay lamang sa dumi ng ibang ibon. Totoo ito, ang tawag sa kanila ay cagaselo, at nasaksihan ko kung paano hinahabol ang ibang ibon hanggang dumumi ang hinahabol na ibon at sinasalo sa bibig ng cagaselo at pagkatapos kainin ang dumi, hindi na humahabol hanggang magutom na uli. Ganoon nang ganoon ang gawa ng mga ibon na iyon.

( Ang ibon ay tinawag na jaegar ngayon, dinadagit ang mga seagull at terns hanggang iluwa nila ang isda na kalululon lamang nila. Ito, hindi dumi, ang kinakain.)

May mga isda na lumilipad (flying fish) at ang nakita namin ay napakarami, para silang isang pulo sa dagat.

Nakaraang kabanata       Ulitin mula itaas       Balik Sa Tahanan       Lista ng mga kabanata       Susunod na kabanata