Conquistador Ng Pilipinas: Ika-15 kabanata
Chinese pirates attempt to carve a kingdom in the islands

Sumalakay Si Limahong Sa Manila, Pangasinan

Limahong

NAGLIPANA ang mga mandarambong at talipandas sa timog dalampasigan ng China nuong ipanganak duon si Dim Mhon, sa lungsod ng Tru Cheo, sa lalawigan ng Cuy Tan, na tinawag na Catim ng mga Portuguese, kaya lumaki itong marahas at tampalasan. Bata pa ang makikilala sa pangalang Limahong nang natutong magtulisan sa mga lansangan ng China, at paglaki, naging pinuno ng mahigit 2,000 tulisan. Lumaganap ang lagim niya sa buong timog China at inutos ng hari ng China sa mga pinuno sa timog na dakpin si Dim Mhon at dalhin nang buhay sa lungsod ng Tay Bin. Nabalaan ng mga kabig, nakatakas sa tabing dagat si Dim Mhon at, matapos lapastanganin ang buong kabayanan, tumakas na dala ang lahat ng sasakyang dagat duon.

Ligtas sa mga kawal ng hari ng China sa dagat, duon siya nangulimbat sa bawat nakatagpong barko o bangka, hanggang nakapag-ipon siya ng 40 barko. Nagsimula niyang dagitin ang mga lungsod sa dalampasigan ng China, at napansin siya muli ng mga pinuno ng hari. Sa isang lungsod ng mga tulad niyang mandarambong, sinalakay niya si Vinh To Quiam na nakatakas kasama ng 5 niyang barko, ngunit naagaw ni Dim Mhong ang 55 pang barko ni Vinh, kaya umabot ng 95 ang mga barko ng pangkat at nagmistulang hari siya sa dagat sa timog ng China. Pinagbuwis pa ang mga lungsod duon.

Pinalubog sa tabi ng Ilocos.
Nag-utos uli ang hari ng China, nagbuo ang mga pinuno duon ng 135 barkong pandigma, sakay ang mahigit 40,000 kawal, upang dakpin o patayin si Dim Mhong. Mabilis na tumalilis ang pangahas sa isang ligaw na pulo, tinawag na Ton Sua Qua Ti Canh, kulang-kulang 200 kilometro mula sa China ngunit nasa landas ng mga barko na nakikipagkalakal nuon sa Manila. Nadambong ng pangkat niya ang 2 sa mga barkong ito, at nalaman niya na iilan lamang ang mga Espanyol sa Manila at panatag ang mga ito, halos walang tanggulan. Dahil ipinagbawal ng hari ng China na makipagdigmaan ang mga Intsik sa mga katabing bayan, naging tiyak ang mga Espanyol na ligtas sila, kaya hindi man lamang isinampa ang mga kanyon sa paligid upang ipagtanggol ang lungsod. Takot si Dim Mhong sa sandatahang dagat ng China na humahanap sa kanya kaya nagpasiya siya na sakupin ang Manila at gawin itong kanyang kaharian at tanggulan.

Gulat ang mga taga-Ilocos, nuon lamang nakakita ng ganuong karaming barko, nang dumaan sa tabing dagat ang buong pangkat ni Dim Mhon nuong kalagitnaan ng Septiembre 1574. Madaling nakarating ang balita kay Juan de Salcedo sa itinatag niyang kabayanan ng Fernandina sa ilog Bigan (Vigan). Dumating din ang balita mula sa isang soldado niya, si Sargento Sayavedra, na nakasaksi sa pagwarak ng galley, ang maliit na barkong pandagat na inutusan ni Salcedo na humakot ng gamit at pagkain sa Manila. Namataan ito ng pangkat ni Dim Mhong at pinatay ang lahat ng 25 sundalong Espanyol at mga tagapulo na taga-sagwan (rowers) ng galley. Agad isinugo ni Salcedo ang 3 sundalo at 4 tagapulo na taga-sagwan sa isang bangka (canoe) upang balaan ang Manila sa lumalapit na pagsalakay.

Humarabas ang bangka nang ilang araw sa maghapong walang patid na pagsagwan upang abutan at lagpasan ang mga barko ng mga mandarambong, ngunit sadyang mabagal ang bangka kaysa mga nakalayag na mga barko kaya nabigo, at natambangan pa ito ng mga barko ni Dim Mhon papasok sa luok ng Manila (Manila Bay) nuong Septiembre 28, 1574, at napilitang sumadsad sa tabi ng Mariveles, sa lalawigang tatawaging Bataan sa mga darating na panahon, at tumakas sa gubat.

Nahuli ang babala, pinasok ang Manila.
Pinamamahayan ng mga pugot-ulo (headhunters) ang Mariveles nuon at hindi sumunod ang 3 sundalong Espanyol sa mga katutubong taga-sagwan papasok sa lilib ng gubat. Nagkanlong na lamang sila sa mga talahib kaya nakita nila ang pagsira sa kanilang bangka nang matagpuan ito ng mga tauhan ni Dim Mhon bago tumaloy ang mga ito papuntang Manila. Hindi lubusang nawasak ang bangka. Nakumpuni ito ng 3 sundalo at binalak nilang gamitin, pagsikat uli ng araw kinabukasan, upang ipagpatuloy ang pagluwas sa Manila, bagaman at mabagal na lamang dahil tsapi-tsapi ang bangka, wala pa silang mga taga-sagwan.

Pababa na ang araw nuong Septiembre 29, 1574 nang pasukin ng pangkat dagat ni Dim Mhon ang luok ng Manila kaya hindi sila natanaw ng mga taga-Manila, walang kamalay-malay sa dumating na panganib. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng nakaraang 9 taon mula nang dumating si Miguel Lopez de Legazpi, na muntik nang natapos ang paglupig ng mga Espanyol sa Pilipinas, ngunit sa hindi nalahad na dahilan, ginanap ni Dim Mhong ang una sa kanyang 2 kamalian. Tama ang kanyang pasiya na lumusod agad-agad bago sila mamalayan ng mga taga-Manila, ngunit sa halip na gamitin ang buong sandatahan, 700 tauhan lamang ang pinasalakay niya, pinamunuan ng kanyang kabig, si Siotong, isa ring mandarambong mula Japan.

Pumasok kayo nang tahimik para walang magising, tapos sunugin n’yo lahat ng bahay duon! Patayin ninyo lahat ng makita ninyo! Lahat ng tao!

Ito ang utos ni Dim Mhon nuong gabing iyon, 2 taon at mahigit 4 buwan pagkatapos itatag ni Legazpi ang kaharian ng Espanya sa Manila, at mahigit isang taon lamang matapos siyang mamatay duon. Maagap ang mga tauhang dala ni Sioco na lumunsad sa mga bangka sa kadiliman ng gabi, dala-dala ang mga pansunog na paputok (fire bombs) na gagamitin sa pagwarak ng Manila. Lumihis ang mga bangka mula sa bukana ng ilog Pasig upang umiwas sa mga mangingisda sa Tondo na parit-parito buong magdamag, at sa kabilang panig ng Manila sila nagtangkang dumaong. Ang hangin tuwing gabi ay palayo sa lupa at patungo sa dagat, at minalas pa ang mga lumulusob dahil malakas ang hangin nuong gabing iyon at inabot sila ng ilang oras bago nakaabot sa dalampasigan. Lalong malas, malayo nang halos 5 kilometro mula sa Manila, sa purok na tatawaging Ermita, kaya napilitan silang maglakad nang matagal. Mataas na ang araw, bandang ika-9 ng umaga nuong Septiembre 30, 1574 nang makarating sila sa Manila.

Pinatay si Goiti sa Bagumbayan.
Ang unang nakita ng mga mandarambong, sa tinatawag ngayong Bagumbayan, ay ang bahay ni Martin de Goiti, ang pang-2 (maestro de campo, master-of-camp) ng governador. Nakita rin ng ilang mga taga-Manila sa tabi ng dagat ang papalapit na mga sandatahan, na pinagkamalan nilang mga Muslim (Moro ang tawag ng mga Espanyol) mula sa Brunei, (sa Borneo, Burney ang bigkas ng Espanyol) na kaaway ng mga Espanyol. Takbuhan at sigawan ang mga taga-Manila upang ikalat ang babala.

Burney! Burney! Lumulusob ang mga Burney!

Kababangon pa lamang nuon ni Goiti, tinanghali sapagkat masama ang katawan. Narinig niya ang mga sigaw datapwat hindi siya naniwala sapagkat patapos na ang tag-ulan at alam niyang salungat ang ihip ng hangin, papuntang timog (south), kaya hindi maaaring magkapaglayag ang mga taga-Brunei papuntang Manila na nasa hilaga (north).

Mga lasing, tumahimik kayo!

Dumungaw sa bintana si Goiti at sinigawan ang mga lalaking humihiyaw sa takot, at nuon niya natanaw ang mga sumusugod na mandarambong ni Dim Mhong. Walang panahon, naisuot lamang ni Goiti ang kamisang bakal (iron mail shirt) at nahugot ang espada bago siya dinumog ng mga Intsik. Nagtitili ang asawa ni Goiti, suot ang saklob na bakal sa ulo (iron helmet), nilait ang mga Intsik na sumusunog sa kanilang bahay. Sinunggaban ng mga Intsik ang kanyang mga alahas at sinsing na ginto. Ninakaw pati ang damit na suot kaya hubad-hubad siya nang saksakin sa leeg ng mga mandarambong at iniwan, akala ay patay na. Ngunit buhay pa ang asawa ni Goiti at, sa gulo ng sunog, nakapagtago sa mga talahib sa labas ng bahay, at naligtas sa kamatayan.

Pinanuod ang pagsunog sa lungsod.
Napatay si Goiti, pati ang kasama sa bahay na 4 lalaki at isang babae. Natupok ng apoy ang bahay, na nagsilbing patibay sa mga hiyaw ng babala na mabilis na kumalat sa buong Manila. Natigil din ang paglusob ng mga Intsik dahil sa labanan at nakawan sa bahay ni Goiti kaya nagkaroon ng panahon ang mga Espanyol at mga kakamping mandirigma sa Manila na makatakbo sa dalampasigan. Nagtatayo pa sila ng tanggulan duon sa tabi ng fuerza (fort) nang lumusob ang mga tauhan ni Dim Mhon. Upang magkaroon ng karagdagang panahon, isang pangkat ng 14 sundalong Espanyol ang humarang sa dalampasigan at sumagupa sa mga Intsik. Napatay silang lahat ngunit nagka-panahon ang mga tauhan nina Capitan Velasquez at Capitan Lorenzo Chacon na tapusin ang barrigada (barricade) ng mga barilis na puno ng buhangin. Mula sa likod nito, pinagbabaril nila ang mga mandarambong. Matapos mapatay ang 80 kasama, umurong ang mga tauhan ni Sioco at nagtakbuhan sa kanilang mga bangka sa malayong pinag-iwanan at bumalik sa mga barko ni Dim Mhong. Balak nilang bumalik, kasama ang buong pangkat, upang ipagpatuloy ang pagwasak sa Manila. Manila 1571

Sa dagat, akala ni Dim Mhong na natupad ang kanyang mga balak nang makita niya ang mga sunog sa Manila. Ang laki ng kanyang puot nang ibalita ng mga umurong na buo pa ang sandatahang Espanyol. Binulyawan niya si Sioco at ang kanyang mga capitan. Pagkatapos, ginanap ni Dim Mhong ang pang-2 niyang pagkakamali. Ipinasiya niyang pagpahingahin ang mga tauhan nang isang araw bago lumusob uli dahil pagal na lahat sa magdamag na pagsagwan at maghapong labanan. Lumihis ang dambuhalang pangkat-dagat ni Dim Mhong at dumaong sa Cavite, at natapos ang unang labanan sa Manila.

Sumaklolo si Salcedo.
Nuong araw na iyon, Septiembre 30, 1574, maghapong nagsagwan ang 3 sundalo mula Mariveles sa kanilang tagpi-tagpi at mabagal na bangka. Huli na upang balaan ang mga taga-Manila, kasalukuyang nasusunog at nakikipagpatayan nuon sa mga lumusob na Intsik, ngunit mayroon silang pang-2 balita na mahalaga at kailangang makarating sa Manila kahit na paano. Habang nagpapatayan sa Manila, humahangos ang pangkat ni Salcedo sa baybayin ng kanlurang Luzon. Natagalan ang pag-alis ni Salcedo mula sa Ilocos dahil nag-ipon pa ng mga bangka, inagaw mula sa mga baranggay sa pali-paligid ng ilog Bigan, nag-imbak ng pagkain at inumin, at kumuha pa ng mga bagong tao upang magsagwan. Nawalan kasi sila ng sasakyan, at mga taga-sagwan, nang wasakin ang kanyang galley ng mga tauhan ni Dim Mhong at patayin lahat ng sakay nito. At 54 lamang sa 100 sundalo ni Salcedo ang kasama niya sa pagsaklolo niya sa mga taga-Manila.

Sa Manila naman, pagkaalis ni Dim Mhong, manhid pa ang mga Espanyol sa gulintang ng biglaang bakbakan, sa pagkapatay kay Goiti, ang pinakamataas na pinuno na tiningala ng mga sundalo sa Pilipinas pagkamatay ni Legazpi nuong nakaraang taon. Hindi lamang ang mga Espanyol ang gimbal sa nangyari, pati ang mga Sangley, ang mga Intsik na nagkakalakal sa Manila, ay nasindak sa pagdayo ng mga tampalasan na lagi nang dumadambong sa kanilang mga barko sa dagat. Lumapit ang isang kilalang nagkakalakal, si Sin Sai, kay Guido Lavezaris, ang ingat-yaman (treasurer) na pumalit kay Legazpi bilang governador ng Pilipinas, at isiniwalat ang lahat ng nalalaman tungkol sa mga mandarambong.

Babalik ang bakbakan!
Nuon nalaman ng mga Espanyol ang pangalan ni Dim Mhon, ang dinig nila ay Limahong, at ang matagal na niyang pangungulimbat sa China. Hindi sila hukbong ipinadala ng hari ng China, sabi ni Sin Sai. Isa ito sa mga pangamba ng mga pinuno sa Manila. Alam nilang ipinagbabawal ng hari ang makipagdigmaan ang mga Intsik sa mga katabing bayan. Kaba ng mga taga-Manila na nagbago ang alituntunin, na ang paglusob nuong araw na iyon ang simula lamang ng digmaan laban sa China.

Hindi! sabi ni Sin Sai. Katunayan, inutos ng hari ng China na dakpin at bitayin si Dim Mhon, at kasalukuyang hinahanap siya ng isang malaking sandatahang dagat na binuo upang durugin ang kanyang pangkat. Binalaan ni Sin Sai si Lavezaris sa gawi ng pandarambong ni Dim Mhong:

Hindi pa tapos si Dim Mhon, nagpapahinga lamang ng isang araw. Sa makalawa, babalik siya at mas malakas na pangkat ang lulusob sa Manila!

Maiglap na pinamunuan ni Lavezaris ang pagtayo ng mga dagdag na tanggulan sa fuerza sa tabi ng Manila. Duon tayong lahat paglusob uli ng mga Sangley, utos niya sa mga Espanyol, gamit ang tawag sa sarili ng mga Intsik sa Manila, Xang Leh (maglalako, sinulat na Sangley ng mga Espanyol). Sunod sa payo ni Sin Sai na hilig ni Dim Mhong gumamit ng apoy upang sunugin ang mga kalaban, ipinaalis ni Lavezaris ang bubong na pawid ng mga bahay sa Manila. Magdamag at maghapon kinabukasan, Octobre 1, 1574, nagtatag ng tanggulan ang mga Espanyol sa paligid ng fuerza, at lumikas duon lahat ng mga familia at mga kasama.

Ingat-yaman buong buhay, naisip ni Lavezaris nuong nakaraang araw pa na mag-imbak ng pagkain sa fuerza, sakaling saklawin ni Dim Mhon ang buong paligid at maging matagalan ang labanan. Matumal ang mga katutubong Tagalog sa Manila na maghakot ng pagkain para sa mga Espanyol, naaalaala pa nila kung paano sila nilupig wala pang 4 taon sa nakaraan, kaya inutos ni Lavezaris na dukutin ang 2 pangunahing pinuno ng mga Tagalog upang piliting magluwas ng pagkain ang mga tao. Datapwat kalat na ang balita sa buong puok na naghihintay lamang ang mga mandarambong sa Cavite at, batay sa nangyari nuong unang labanan, magagapi ang mga Espanyol sa susunod na paglusob ng mga ito.

Nag-aklas ang mga Tagalog.
Nuong Octobre 1, 1574, habang nagtatag ng tanggulan at lumilikas ang mga Espanyol, pumaligid sa Manila ang mahigit 1,000 katutubo sa kani-kanilang mga bangka, tinutuya, nilalait at isinisigaw ang napipintong pagkatalo ng mga dayuhan. Nuong umagang iyon, sa gitna ng kaguluhan, nakarating din sa wakas ang 3 sundalo mula sa Mariveles. Huli na ang babala nila tungkol sa pagsalakay ngunit sumigla at nabuhayan ng loob ang mga Espanyol sa pang-2 nilang balita: Pabalik na sa Manila ang pangkat ni Salcedo!

Samantala, kumalat sa buong paligid ang aklasan ng mga Tagalog. Ang lahat ng frayle ay binihag at dinuraan, sinampal, minurat, - ang mga pinakasidhing insulto ng mga tao. Pinatay ang mga alipin at utusan ng mga frayle at mga Espanyol. Pinagpapatay din ang mga kambing (goats) na ari ng mga Espanyol, mahilig uminom ng gatas nito. Ayaw kasi nila ang lasa ng gatas ng kalabaw, at wala pang vaca sa Pilipinas kaya mga kambing ang ginagamit. Nuong hapon ng patuloy na pag-aklas, kumalat ang balita na pinatay ang 2 pinuno na ipinabihag ni Lavezaris. Ipiniit ang 2 sa bahay ni Constable Osorio, ang punong pulis ng mga Espanyol, ngunit ipinagkaila nito na siya ang pumatay. Kagagawan daw ni Sancho Ortiz de Agurto, ang sargento ni Capitan Velasquez. Ipinapatay sa mga alipin ang 2 pinuno dahil sa pag-aklas ng mga Tagalog.

Nuong gabi ng araw na iyon, Octobre 1, 1574, dumating sa Manila sina Salcedo. Napagkamalan niyang mga bangka ng mga mandarambong ang mga nag-aaklas na Tagalog na nakapaligid sa Manila, sa dalampasigan ng luok at sa pampang sa timog ng ilog Pasig, kaya sa hilagang dalampasigan ng Tondo sila pumasok sa ilog bago biglang lumihis at umahon sa tabi ng Manila. Kahit 54 lamang ang dalang sundalo ni Salcedo, nagdiwang ang mga Espanyol, panalig na 10 mandirigma ang katumbas ng bawat sundalo. Lugod din sila sa pagdating ni Salcedo na, sunod kay Goiti lamang sa taas ng tingin ng mga Espanyol.

Nagkamali si Limahong.
Madaling araw, ika-4 umaga ng pang-3 araw, Octobre 2, 1574, nang lumitaw muli sa luok sa harap ng Manila ang pangkat-dagat ng mga mandarambong at nuon nabunyag ang mga pagkakamali ni Dim Mhong. Una, hindi na niya magamit bilang sandata ang sindak ng paggulat. Nagkaroon ng panahon ang mga taga-Manila na magtatag ng matibay na tanggulan, isinampa pa ang mga kanyon na dating nakalatag lamang kung saan-saan, at nakapag-ipon ng mga sandata. Higit sa lahat, nagkaipon-ipon ang mga sundalo sa lungsod at paligid, at kahit na bandang 200 lamang, sila ang pinakamahusay na sandatahan sa buong Europa nuon at, masasaksihan ni Dim Mhong nuong araw na iyon, tunay na mapanganib makatunggali.

Mahigit 1,000 tauhan ang pinalusob ni <>Dim Mhong sa 2 pangkat, isa sa panig ng ilog Pasig papasok sa Manila, at ang pang-2 pangkat sa dalampasigan, sa harap mismo at tuluy-tuloy sa fuerza. Naunang nakarating ang pangkat sa Manila na wala nang tao. Sinunog nila ang mga bahay, ang simbahan ng mga Augustinian at ang isang galley kinukumpuni at inihahanda sanang panglakbay sa Mindanao. Natagalan nang kaunti ang pang-2 pangkat, ang mga lumulusob sa dalampasigan, at nainip si Sargento Agurto, ang nagpapatay daw sa 2 pinuno ng mga Tagalog, at siyang pinuno ng mga Espanyol sa harap ng luok. Lumabas siya upang tanawin kung nasaan na mga mandarambong, nang bigla siyang dinamba ng mga ito na nakalapit na pala sa talahiban sa tabi ng fuerza. Nasangga ng kanyang camisang bakal ang halibas ng sibat ngunit binaril siya sa dibdib ng arquebus (baril na de-sabog ng mga taga-Europa) ng isa pang mandarambong, at napatay. Nadaig at napaurong ang mga Espanyol duon sa lakas ng sagupa ng pang-2 pangkat ni Dim Mhong, at bandang 80 lumulusob ang nakapasok sa fuerza.

Ginapi sa kuta ng Espanyol.
Hindi namalayan ng 80 lumusob sa loob, nagsimula nang umurong ang unang pangkat, ang ibang mga mandarambong sa loob ng Manila. Tapos, umurong pati na ang mga nasa harap ng fuerza sa dalampasigan, - sinagupa ng mga nag-aabang na sundalo sa ibang panig ng labanan at napipilan. Lubusang naiwanan ang 80 Intsik sa loob ng fuerza at walang awa silang kinatay ng mga Espanyol. Sinubukan ni Dim Mhong, naghihintay sa dalampasigan sa tabi ng mga barko niya, na patayin ang mga nagtatakbuhang mandarambong upang mapigil ang pag-urong, at mapalusob uli sa fuerza, ngunit nabigo at napilitan siyang umurong din, dala ang mga barko sa Cavite uli, sakay ang maraming sugatan. Mahigit 200, isa sa bawat 5 tauhan niyang sumugod, ang naiwang patay sa Manila, pati ang 80 naiwan sa loob ng fuerza, dahil walang binihag nang buhay ang mga Espanyol. Maliban kay Sargento Agurto, napatay 2 pang Espanyol, ang alcalde ng Manila, si Francisco de Leon, at isang marinero, si Sancho Ortiz.

Nagpahinga nang 2 araw sa Cavite sina Dim Mhon, inilibing ang mga sugatan na namatay, bago tumakas mula sa luok ng Manila nuong Octobre 5, 1574. Nag-amba siya ng maraming bangka sa bukana ng ilog Pasig upang hadlangan ang sinumang Espanyol na humabol sa kanya. Wala namang balak ang mga ito na lumaot sapagkat wala silang barko na mapagsasampahan ng kanyon at, kung walang kanyon, wala silang laban sa mga barko ni Dim Mhon. Sa pag-alis ng mga mandarambong, natapos ang pag-aklas ng mga Tagalog. Pinakawalan ang mga frayle, humingi ng patawad mula sa mga Espanyol, at naging mga masunurin uli. At natapos nuon ang kasaysayan ng isa sa 2 tanging pagkakataon na nasupil sana ang pagsakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Subalit hindi pa natapos ang kasaysayan ni Dim Mhon.

Tumanan sa Pangasinan.
Hindi nagtagal, nabalitaan sa Manila na nagtuloy ang pangkat ng mga mandarambong sa ilog ng Pangasinan, kulang-kulang 200 kilometro sa hilaga, at sinakop ang mga baranggay duon. Gaya ng gawi nina Dim Mhong sa China, dinukot ang mga pinuno ng mga baranggay upang mapilitang magbigay ng pagkain ang mga tao. At balita pa, nagsimula daw na dambungin ang mga barko na dumaan duon. Nagsumbong ang mga nanakawang nagkakalakal sa mga Espanyol sa Manila. Agad ipinatawag ni Lavezaris ang mga sandatahang Espanyol at mga kakamping mandirigma na kalat-kalat nuon sa buong Pilipinas. Ang mga sundalo ni Capitan Pedro Chaves sa Bicol, mahigit 100 sundalo mula Cebu, ang nalabing sundalo ni Salcedo sa Ilocos at iba pang mga sandatahan sa Visayas at Mindanao ay tinipon lahat sa Manila.

Pangasinan Tinapos muna ang fuerza sa Manila, tapos hinirang ni Lavezaris na pang-2 (master-of-camp) si Salcedo bilang kapalit ni Goiti bilang pinuno ng lahat ng sandatahang Espanyol sa Pilipinas. Si Salcedo nuon ang nanguna sa pangkat ng 256 sundalong Espanyol, at bandang 2,500 mandirigma - mga Visaya mula Cebu, Leyte, Bohol at Panay, at mga taga-Luzon, mga Tagalog na kampi sa mga Espanyol o nais makibahagi sa anumang makukurakot mula sa mga mandarambong ni Dom Mhon. Pati si Lakan Dula at mga anak at kamag-anak niya ay kasamang lumaot nuong Marso 23, 1575 sakay sa 59 parao, malalaking bangkang pandagat ng mga tagapulo. Pagkaraan ng 7 araw, dumating sila sa ilog Pangasinan nuong Marso 30, 1575. Itinutok nila ang 4 kanyon sa makitid na bahagi ng ilog upang hadlangan ang pagtakas nina Dim Mhon. Ibinalita ng mga tiktik ni Salcedo na may malaking tanggulan (defensive works) ang mga mandarambong na napapaligiran ng malaking barrigada (barricade) ng mga puno ng niyog. Hindi raw mahigpit ang pagbantay, nakahilera lamang ang mga barko sa tabi ng ilog. Bumuo ng 2 pangkat si Salcedo. Ang unang pangkat, 72 sundalo na pinamunuan nina Capitan Chaves at Capitan Chacon sa 9 na bangka, 8 tauhan sa bawat bangka, ay nagtangkang umagaw sa 1 o 2 barko ni Dim Mhon, gagamitin sana upang barahan ang ilog nang hindi makalaot ang mga mandarambong. Ang pang-2 pangkat, si Capitan Gabriel de Ribera at 28 sundalo ay sumalakay sa tanggulan upang hindi makatulong ang mga Intsik sa loob sa pag-agaw ng barko. Ang 2 pangkat ay sinalihan ng daan-daang mandirigmang Tagalog at Visaya.

Binuwag ang barrigada.
Nabigo ang tangka, hindi nakaagaw ng barko ang unang pangkat at sumama na lamang sa pangkat na lumusob sa tanggulan at pagsapit ng ika-10 umaga, nakapasok sa barrigada ang mga Espanyol at pinaslang ang maraming mandarambong na hindi nakatakas papunta sa fuerza ni Dim Mhon sa looban. Nakabihag sila ng mahigit 70 babae at mga anak, na binihag ng mga mandarambong mula sa mga lungsod sa China. May napatay na 5 Espanyol at mahigit 30 mandirigmang Visaya at Tagalog. Sa paglubog ng araw, napilitan silang umurong upang hindi mapipilan ng mga mandarambong sa dilim.

Kahit hindi nakaagaw ng barko, nabarahan din ang ilog ng mga barko ng mga mandarambong. Pagkaalis ng 2 pangkat nina Chaves, Chacon at Ribera, maniwaring nagkasalisi sa iba’t ibang sapa ng ilog Pangasinan, 35 barko na pinahakot ni Dim Mhon ng buwis na pagkain sa mga baranggay ang biglang lumitaw sa harap ng hinimpilan nina Salcedo. Sa gulat at sindak, nagtalunan ang mga Intsik at mabilis na tumakbo pabalik sa kuta ni Dim Mhon, iniwan ang mga barko. Hinalughog, winarak at sinunog nina Salcedo ang karamihan ng mga barko na nagsilbing pangharang sa ilog. Kinabukasan, si Salcedo mismo ang namuno sa buong sandatahan upang salakayin ang kuta ni Dim Mhon. Ngunit nang makita niyang lubusang matibay ito, umurong ang mga Espanyol at humimpil na lamang sa tabi ng harang sa ilog upang gutumin ang nakulong na mga mandarambong at hintaying sumuko ang mga ito.

Sa 4 buwan nakaharang sa ilog sina Salcedo, may dumating pang 200 mandirigma na sumapi sa mga Espanyol, mga taga-Ilocos at Pangasinan, ngunit hindi na lumusob pa uli pa si Salcedo, dala marahil ng atas ni Lavezaris na huwag lustayin ang buhay ng mga napakaunting Espanyol sa Pilipinas. Inaliw na lamang ng mga Espanyol at mandirigma ang mga sarili sa walang patid na sugalan at pagbuwis sa mga katutubo kaya lubhang nahirapan ang mga tagaruon sa paghakot ng mga pagkain para sa malaking pangkat, mahigit 2,000 tao. Hindi nagtagal, nagkaroon na rin ng malaking barko ang mga Espanyol na ginamit panghakot ng pagkain mula Manila.

Tumakas si Limahong.
Minsan, dumalaw sa pangkat sina Fray Martin de Herrada, pinuno (provincial) ng mga Augustinian, at Sin Say, ang Intsik na kakampi ng mga taga-Manila. Dumating din ang isang barko ng sandatahang dagat ng China, pinamunuan ni Omoncon, ang naatasan ng hari ng China na hanapin at bitayin si Dim Mhon, at nakita nito kung paano napipilan ang mga mandarambong. Hindi namalayan ng mga Espanyol, nakapagpagawa ng 30 barko sina Dim Mhon mula sa mga punong-kahoy sa paligid na gubat, at nahukay at napalawak ang isang sapa sa tabi ng ilog Pangasinan upang, nuong Agosto 4, 1575, nakapuslit ang lahat ng mandarambong at tumakas sa dagat ng China (South China Sea). Hindi na muli narinig si Dim Mhon sa Pilipinas maliban nuong pagkaraan ng ilang taon, nabalitang namatay siyang naghihirap at nag-iisa, wala nang mga tauhan, sa isang ligaw at ilang na pulo.

Bumalik ang mga Espanyol sa pagsakop sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Ipinagpatuloy ni Capitan Chaves ang pagsugpo niya sa mga baranggay sa Camarines. Nagbalik ang mga Espanyol sa mga pulo sa Visaya at Mindanao upang saklawin ang kani-kanilang encomienda, gaya ni Salcedo, na sinimulan uli ang pagtuklas sa lahat ng panig sa Ilocos.

Namatay si Salcedo.
Hindi natapos ang taon, pinalitan si Lavezaris bilang governador ng Pilipinas ni Francisco de Sande, taga-Caceres, sa Espanya at dating alcalde ng Audiencia (hawig sa mga fiscal at hukom ang tungkulin) sa Mexico. Sa pamamahala ni Sande, naganap ang pagsakop sa Camarines ni Capitan Chaves at nakapagtatag duon ng isang lungsod, ang Nueva Caceres. Sual

Si Sande mismo ang namuno sa isang sandatahang dagat, kasama ang 1,500 mandirigma mula Pangasinan, Cagayan at Visayas, na sumalakay sa Brunei, upang palitan ang hari (sultan) duon ng kapatid nito, na kampi sa mga Espanyol. Nagapi niya ang sandatahang dagat ng sultan at nasakop ang Brunei, ngunit pagkaraan lamang ng ilang araw, napilitang bumalik sa Manila dahil nagkasakit ang mga tauhan. Sa bandang Mindanao, inutusan niya si Capitan Rodriguez de Figueroa na lusubin ang mga Muslim sa Sulu (Jolo) na kakampi ng tinalong sultan ng Brunei. Napuksa ni Figueroa ang mga taga-Jolo at nagtuloy siya sa Mindanao upang tuklasin, at sakupin, ang mga baranggay duon na laban sa mga Espanyol.

Sa Ilocos, pagkatapos maglakad maghapon sa init ng araw, sa patuloy na pagtuklas sa mga baranggay duon, uminom ng maraming tubig na malamig si Salcedo at nilagnat, at namatay nuong Marso 11, 1576.

Si Koxinga, Ang Lagim Ng Formosa

SA MANILA, nuong Mayo 5, 1662, dumating ang sugo mula kay Koxinga, na kailangang pumailalim sa kanya ang Pilipinas at magbayad ng buwis (tribute) sa kanya ang mga Espanyol sa Manila. Nakakayanig man ang utos ng Intsik na conquistador ng Formosa, kagimbal-gimbal din naman ang kanyang sugo - si Vittorio Ricci (Victorio Riccio sa Espanyol), isang frayleng Dominican mula sa Florence, Italy. Kagulat-gulat din ang suot ni Ricci, ang makulay at mayamang baro ng isang mandarin, ang maharlika sa China.

Utusan ang frayle.
Naging frayle si Ricci sa colegio ng mga Dominican sa Rome nuong 1635 at simula nuong 1648 ay 7 taon na nagturo ng pagsamba at naglingkod sa mga Intsik sa Manila bago siya naipadala sa China upang tumulong mapalawak ang simbahang catholico duon. Nakatagpo niya at nakagiliwan siya ni Koxinga, ang malupit na mananakop ng tinatawag ngayong Taiwan, at tuluyang naging kawani na nito si Ricci.

Handa nang lumusob sa Manila si Koxinga at ang kanyang 100,000 hukbo, sakay sa kanyang 15,000 champans (mga sampan), barkong pandagat sa silangang timog (southeast), mas maliit kaysa sa dyong (Chinese junk) at mas malaki kaysa sa parao (proa). (Ang sampan ang madalas pagkamalang ‘junk.’)

Tinalo ang mga Dutch.
Kasama sa utos na pasabi kay Ricci, binalaan ni Koxinga ang mga Espanyol sa Manila na kapag tumanggi silang sumuko at magbuwis, gagawin niya sa kanila ang ginawa niya sa mga Dutch. Malaki ang ngitngit ng mga Espanyol subalit malaki rin kanilang takot, - 3 buwan pa lamang sa nakaraan, nilupig ng dambuhalang sandatahan ni Koxinga ang huling kuta (fort) ng mga Dutch at sinakop niya ang buong pulo ng Formosa (Taiwan ang tawag ngayon) at napalayas ang lahat ng dayuhan matapos ng 2 taon ng digmaan (1661-1662).

Koxinga

Magulo ang pinagmulan ni Koxinga at marami ang kanyang mga pangalan - Coseng, Cogsin, Tching-Tching Cong, at Pompoan. Isa pang pangalan, Kue-sing o Gue-sing-ye, ‘ampon ng hari’ ang kahulugan, ay isang pahiwatig, at nasabing inampon siya ni emperador Con Gun, maniwaring ang huling hari ng angkan ng Ming (Ming dynasty) sa China. May ibang ulat na si Tang, isang principe ng mga Ming ang umampon sa kanya. Ang mga Dutch daw ang unang tumawag sa kanya ng Koxinga. Anak siya ng makapangyarihang mandarambong na Intsik, si Zheng Zhilong, at ng isang Japonesa, si Tamura Matsu, at isinilang sa Hirato, sa Japan, nuong 1624. Nagtaksil ang ama, dating kakampi ng mga Ming, at sumanib sa mga Qing (Qing dynasty), ang mga taga-Manchuria na sumakop sa China simula nuong 1644. Laban si Koxinga sa baliktad ng kanyang ama at nang magahasa at nagpatiwakal ang kanyang ina nuong sakupin ng mga Qing (tinawag ng mga taga-Europa na Tartaro) ang lungsod ng Nan-an, lalo siyang napuot at isinumpang ibabalik ang paghahari ng mga Ming.

Ang tiyak lamang ngayon ay si Koxinga ang kahuli-hulihang pinuno ng hukbo ng mga Ming at matapos sakupin ng mga Tartar mula sa Manchuria ang kalakihan ng China pagkamatay ni Con Gun, sinikap niyang bawiin ang lungsod ng Nanquin (Nanking) na pusod ng kaharian. Naulat na 1 million ang kanyang sandatahan (sobra-sobra ang ulat ng frayleng Jesuit; mas kapani-paniwalang 100,00 ang mga kawal ni Koxinga) at nagapi sana niya ang mga Tartar kung hindi niya kinailangang sakupin muna ang 9 lungsod sa paligid nito. Nagkapanahong maghanda ang mga Tartar (mas angkop tawaging mga Manchu) ng 400,000 caballeros (cavalry; malamang 4,000 - 6,000 kabayo ang tamang bilang) na dagdag sa kanilang hukbo sa lungsod. Natalo si Koxinga kahit na nakuha ng hukbo niya ang una sa 3 pader na bumabalot sa Nanking na 65 kilometro ang laki paligid. Pagkabalik ni Koxinga sa kanyang pulo ng Hia Mun (tinawag ding Emuy o Amoy) sa tabi ng lalawigan ng Fookien (Fujian ang tawag ngayon), dinala niya ang 25,000 tauhan at nilusob naman ang pulo ng Formosa nuong Abril 1661. Pagkatapos mapatay ang 1,600 Dutch sa 9 buwan ng pagsukol, sumuko na si Governador Frederik Coyett, ang governador ng Dutch sa Formosa nuon. Pagkatapos, binalak ni Koxinga na sakupin ang Pilipinas, mas malaki at mas mayamang himpilan sa paglaban sa pagsakop ng mga Manchu.

Nagkamatayan sa sindak.
Tumanggi ang mga Espanyol sa utos ni Koxinga at pinulong ni Sabiniano Manrique de Lara, ang governador nuon, ang mga pinuno ng pamahalaan at ng simbahan upang makapaghanda sa darating na paglusob. Dahil 600 sundalo lamang ang nasa Manila, ipinatawag nila ang lahat ng hukbong naka-destino sa Yligan, Calamianes, Zamboanga at pati na ang mga sandatahan sa Ternate, sa Maluku. Nais ng ibang pinuno na patayin lahat ng Intsik sa Pilipinas datapwat nagpasiya silang ipatapon na lamang sa China ang mga Intsik na hindi catholico. Inilihim nila ang kanilang pasiya hanggang hindi naitatag ang mga kabayo at sundalo sa paligid ng Manila dahil sa inaasahan nilang dambulan ng mga Intsik, na baka mag-aklas pa laban sa mga Espanyol dahil sa malapit nang pagdating ni Koxinga.

Ngunit kung bagabag ang mga Espanyol, sukdulang sindak ang mga Intsik na nahulaan, nasabing may mga tiktik pa sa mga pulong, at nagkagulo nang husto sa Manila, pati na sa Cavite, lalo na nang biglang nag-alisan ang mga mayamang Espanyol, dala lahat ng ari-arian, papuntang Mexico. Marami ring mga Espanyol, mestizo at mga Tagalog ang kumutya sa mga Intsik na pupugutan silang lahat ng ulo, - condenado a muerte, - bilang ganti at upang hindi sila makatulong sa paglusob ni Koxinga. Mabilis kumalat sa mga Intsik ang tsismis na sa Mayo 25, 1662 ang nakatakdang pagbitay sa kanilang lahat, kaya nuong gabi ng Mayo 24, 1662, nagtakbuhan na sila at tumakas mula sa Parian, ang puok ng mga Intsik sa labas ng Intramuros.

Pinatay ang frayle.
Dinumog ng mga hindi binyagan ang muelle at nagsampahan sa mga barko. Marami ang hindi nagkasiya, nahulog sa tubig at nalunod. Kahit ang mga Intsik na catholico ay tumakas upang magtago sa mga gubat at bundok. Nalunod ang marami na nagtangkang lumangoy patawid sa ilog Pasig. Pinagbabaril ng mga sundalo mula sa Intramuros ang mga tumatakas mula sa Parian. Umabot sa Mariveles ang dambulan, inagaw ng mga Intsik ang mga champan na natagpuan duon at naglayag papuntang China. Maraming Intsik ang nagpakamatay na lamang sa loob ng Parian.

Nuong gabi ng Mayo 25, 1662, natagpuan ang bangkay ni Fray Jose de Madrid, frayleng Dominican na taga-Cebu na nagtapos sa Colegio de Santo Tomas sa Intramuros nuong 1646. Nagturo siya sa Santo Tomas bago napadala sa China upang tumulong magpalawak ng catholico duon. Nagbalik siya sa Pilipinas upang hindi mapatay nang usigin ng mga taga-China ang mga misionerio duon. Pinatay siya ng mga nag-aklas sa Parian upang mapilitan ang ibang Intsik na sumapi sa aklasan dahil, sa pagpatay kay De Madrid, hindi na sila patatawarin ng mga Espanyol. (Tatalakayin nang lubusan ang aklasang ito, at ang iba pang karanasan ng mga Intsik sa Pilipinas sa kasaysayang ‘Ang Kuya Ay Intsik,’ na sinasaliksik ngayon at isusulat sa mga darating na panahon.)

Pinuksa ang mga Intsik.
Dahil sa kaguluhan, nagalit ang maraming Espanyol at mga Tagalog na nagsimulang hanapin at patayin ang mga takas na Intsik. Humadlang sa kanila ang mga frayleng Jesuit at si Governador de Lara na nangakong hindi sasalangin ang sinumang Intsik na magbalik sa Manila sa loob ng ilang araw. Mapayapang makakapaglayag ang mga babalik sa China at papayagan silang dalhin ang kanilang mga ari-arian. Pinayagan pa niyang manatili sa Pilipinas ang ilang daang Intsik na kailangan ang paglilingkod sa Intramuros at sa mga tanggulan.

Ang mga hindi bumalik ay hinabol at pinatay ng mga Espanyol at ng mga Tagalog at Kapampangan. Ang 2 pinuno ng pagtakas mula sa Parian ay nabihag at binitay sa harap ng mga tao. Pagkatapos, ang mga Intsik sa Parian ay pinilit na tumulong sa pagpapatibay ng mga tanggulan sa Manila at Cavite. Palagi nang pinabantayan sa mga Tagalog ang mga Intsik sa Parian.

Lulusob si Koxinga.
Ang mga unang takas na Sangley ay mabilis na nagsumbong kay Koxinga sa Formosa na ipinapatay ng mga Espanyol ang lahat ng Intsik sa Pilipinas, hindi lamang ang mga nagkakalakal kundi lahat, pati na ang mga Intsik na nagpabinyag na catholico at nanirahan na duon. Sumabog ang puot ni Koxinga at isinigaw ang pasiya niyang lumusob agad sa Manila kahit na masama ang panahon at malamang mawarak ang kanyang pangkat-dagat sa bagyo. Kahit mawala ang kalahati ng hukbo ko, sigaw ni Koxinga, kayang durugin ng natirang kalahati ang mga dayuhan!

Balak ni Koxinga na sumugod agad at daigin ang bagyo at ang Espanyol subalit 2 ang humadlang sa kanya. Una, nais niyang bitayin ang kanyang anak na lalaki. Kin Sie ang pangalan ng anak, tinawag ding Sya, Tsing King Mai at Sipuan, at lumaki itong mahilig magbasa at mag-aral, hindi mandigma o maghari. Pinabayaan ang kahariang pinaghirapan ni Koxinga na makuha, at naging tamad at duwag ang hukbong ipinamahala sa kanya. Sa halip na pasupil, umaklas si Kin Sie, tinulungan at ipinagtanggol ng mga mandarin, ang mga maharlika, sa lungsod ng Vi Cheo (tinawag ding Fu Chau at Foo Chow).

Ang tadhana ni Koxinga.
Ang isa pang pumigil kay Koxinga ay inaapoy siya ng lagnat. Siya ay nasa Fort Zeelandia, isa sa mga kuta na inagaw niya mula sa mga Dutch nang mag-delirio siya, ‘nakakita’ ng libu-libong tao na pugot lahat ang ulo, humarap sa kanya at humiling ng ganti sa kalupitang sinapit nila. Pagkaraan ng 5 araw na lagnat, kinakalmot at inuuka ang sariling mukha at kinakagat ang sariling mga kamay, namatay si Koxinga, sumisigaw hanggang huli sa mga alalay niya na bitayin nila ang kanyang mga kaaway at ang kanyang anak, si Kin Sie.

Si Kin Sie ang nag-utos kay Ricci, ang frayle na isinugo sa Manila nuong Mayo 1662, na bumalik duon upang ibalita ang pagkamatay ng ama, at upang makipagpayapa sa mga Espanyol. Pagkatapos gawin ni Ricci ito nuong Abril 1663, nagbalik siya sa China subalit hindi nakapagtagal duon dahil inusig ng bagong hari ng China ang mga missionario at mga catholico.

Tumakas si Ricci sa Formosa nuong 1664 ngunit umabot din duon ang pag-usig ng mga catholico at napilitan siyang tumakas uli at nagbalik sa Manila nuong Marso 1666. Ipiniit siya duon ng mga Espanyol dahil sa pagsilbi niya para kay Koxinga. Pinawalan din siya pagkaraan ng panahon at nagkatungkulin sa mga Dominican ng ilang taon. Namatay siya sa Parian nuong Febrero 17, 1685.

Balik sa nakaraan         Ulitin mula sa itaas         Tahanan ng mga kasaysayan         Listahan ng mga pitak         Susunod na kabanata