Pana at palaso   KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Ang Sandata Ng Mga Negrito

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Isa sa talagang matigas na kahoy ang “magcono,” kasing tigas ng bakal. Kapag nilagari ang kahoy na ito na may nakatusok na pako, parehong napuputol nang hindi nararamdaman ang kaibahan ng kahoy sa bakal. Sinabi pa ni Padre Pastell, nakakita siya ng kahoy na ito, naging bato na pagkaraan lamang ng 25 taon.   --WE Retana, Natives of the southern islands, 1887

PANA at palaso ang sandata ng mga Negrillos sa Mindanao. Madali kasi gawin, kahit saan kunin ang mga sangkap (materiales) sa paligid, at madali rin matutunan at bitbitin, angkop na angkop sa kanilang pamumuhay. Nilalagyan ng lason ang mga palaso kaya lubhang mapanganib. Kahoy ang tulis ng palaso subalit napakatigas, kaya hindi nila kailangan ang bakal (hierro, iron). Gumagamit din sila ng “zarbatana,” sumpit na isang bisig (brazo, arm) ang haba. Natutunan nila ang paggamit nito mula sa mga taga-Jolo na natuto naman mula sa mga taga-Borneo. Ang bala ng “zarbatana” ay maliliit na pana (dardos, darts) na may bahid na lason. Napaka-tapang ang kamandag ng lason (veneno, poison), kahit isang patak na dugo lamang ang lumabas mula sa sugat, tiyak ang kamatayan kung hindi nalagyan agad ng lunas (remedio, antidote)

Laging 2 ito ang sandata ng mga taga-Burney (kaharian ng Brunei sa pulo ng Borneo) kaya tuwing lulusob ang ating mga sundalong Español, marami silang dalang panlaban sa lason. Natuklasan nila sa sarili nilang karanasan na isang mabisang lunas ay ang tae ng tao. Kung minsan, kinakabitan nila ng matulis na bakal ang isang dulo ng “zarbatana” at ginagamit nila bilang sibat (lanzas, spears) kung masyadong malapit ang kalaban. Subalit hanggang maaari, sinusumpit na lamang nila ang mga kalaban. At napaka-husay nila sa paggamit ng “zarbatana,” nakakatama sila ng ibon na 20 o 30 hakbang ang layo.

Ang Sandata Ng Mga Taga-Jolo

Si Pedro de Almonte Verastegui ng Sevilla, España, ay seriosong sundalo na nagsilbing general, at admiral ng pagsalakay sa Maluku. Kinilala sa pagiging tapat at marangal na tao, tinuring siyang kapantay ni governador Sebastian Hurtado de Corcuera, at nuong 1638, sinakop niya ang Jolo. --Wenceslao E. Retana, 1897

ANG mga Guimbanao sa Jolo ay mas mabangis at mas masigasig sa labanan. Nagbabalot sila ng katawan mula ulo hanggang paa: saklob sa ulo (casco, helmet), mga bakal sa bisig (bracelets) at pinagkabit-kabit na bakal sa katawan (cota de malla, coat of mail), at mga bakal na takip sa binti (greaves). Walang panlaban sa mga bakal na ito, hindi tumatalab ang espada (sword), maliban sa paputok (armas de fuego, firearms, nuong panahon ni Combes, ito ay mga baril de-sabog o arquebus, at mga cañon). Ito ang natuklasan ng mga Español nang salakayin ang sakupin ni general Pedro de Almonte Verastigui ang Jolo.

Hinakot ni Verastigui ang mga mandirigma mula sa Ternate (pulo sa Maluku, Moluccas, spice islands) upang ipanlaban sa mga Guimbanao. Sandata ng mga mandirigma ay mga kampilan (cutlass) na kayang pumutol ng tao kahit patayo subalit wala silang nagawa. Kahit gaanong lakas nila tagain ang mga Guimbanao na nakasuot ng bakal, tumatalbog lamang ang kanilang mga kampilan. Kaya umurong silang lahat.

Mula sa magkabilang balikat, naglalagay sila ng 2 bakal na panangga,

Taga-Maluku kasing taas ng nuo, upang hindi mapugutan ng ulo. Pinupulupot nila sa baywang o dibdib ang saya ng kanilang damit upang mabilis silang makaluhod o makasikad sa labanan. Nagkakabit sila ng mga balahibo ng ibon at manok sa ibabaw ng ulo. Wala silang iniiwang hindi gamit sa bakbakan. Pati ang mga mata nila ay nanlilisik.

Kasama sa paghanda sa bakbakan, gumagamit sila ng opium na nagpapa-bangis sa kanila, hindi nila iniinda ang takot at sugat sa digmaan.
(Nuong panahon ng Español, pinayagan ang mga Intsik na gumamit ng opium subalit ipinagbawal sa mga indio, bagaman at gumamit din nang lihim. --W.E. Retana)

Sinusugod nila ang pangkat ng mga kalaban, kahit sa gitna ng dagat, winawasak at pinapatay lahat. Hawak ang kanilang mga sibat, kris at balarao, nilulundag nila ang bangka ng mga kalaban. Patalon-talon sila kung makipag-laban kaya parang sumusulpot sila kung saan-saan, at nalilito ang mga kalaban at mas madling napapatay. Mahirap din sila barilin o paputukan ng cañon dahil sa liksi.

Ang Sandata Ng Mga Magindanao

ANG kampilan ay gaya sa sandata ng mga taga-Turkey, isang gilid lamang ang matalim at walang tulis na pantusok sa dulo. Ang gamit ng mga Mindanao ay kaiba sa kampilan ng mga taga-Ternate, mas malaki at mas mabigat kaya hindi sinusukbit sa baywang, pinapasan na lamang sa balikat nang walang takip.

Mapanganib kahit na sa may hawak kung hindi marunong gumamit, sinadya ng mga Mindanao na makapatay ang kampilan nila sa isang hampas lamang, hawak sa 2 kamay - isa sa hawakan at isa sa gilid na walang talim. Dahil sa laki at bigat, matagal - baka masaksak pa ng sibat ng kalaban - bago maitaas ang kampilan upang ihampas uli sa kalaban. Kaya may iba pang sandatang ginagamit ang mga Mindanao, sibat, kris at panangga (escudo, shield) tulad ng ginagamit ng mga ibang bansa.

Subalit lahat sila, ang mga Mindanao at ibang mga bansa, ay nagsisimula nang gumamit ng mga baril. Marami nang mga baril at paputok ang nabili nila mula sa ating mga kaaway, at mahusay na silang gumamit pati na ng mga cañon. Pati mga bangka nila ay mayruong nang mga culverin, esmeril at iba pang maliliit na cañones.

(Dagdag na pahayag ni Wenceslao Emilio Retana y Gamboa
sa muling paglimbag ng Historia ni Combes nuong 1897:
)

Ang mga sandata ng mga taga-Mindanao ay sarili nilang gawa, tulad ng kanilang mga damit. Ang kanilang mga sibat at kampilan ay taginting sa tigas at talim. Sila mismo ang gumagawa ng forma pagpanday ng kanilang mga sandatang bakal. Ang suksukan at hawakan ng kanilang mga kris ay maraming palamuting ginto. Ang hawakan ng kris ni Dato Ayuman ng Tabiran ay sinasabing purong ginto, at may nakaukit na pangaral mula sa Koran sa wikang Arabia.

Ang karaniwang sandata nila ay mga patalim: kampilan, tuwid o pilipit na kris, itak, bolo, ligdao, sundang, balarao, badis at iba’t ibang uri ng sibat. Pantanggol, nagsusuot sila ng mga pinagkabit-kabit na tanso, bahay ng pagong (tortoise), balat ng punong malibago, o makapal na tela na nakapulupot sa dibdib.

Pinapahiran nila ng lason ang tusok ng kanilang sibat at palaso mula sa dagta ng punong kahoy na tinawag nilang “quemandag.” Ginagamit din nila ang lason ng pulang langgam (red ants) at mga alakdan (scorpion). Kung minsan, nilalagyan din nila ng lason ang tusok ng kanilang mga balarao (cuchillos, knives) at panaksak (daggers). Para bala ng kanilang mga sumpit, gumagawa sila ng mga maliliit na pana (darts) na bakal, buto, kawayan o palmetto.

Sa tanggulan, gumagawa sila ng mga patibong (traps) at mga hukay na tinarakan ng matutulis na kawayan. Gumagamit din sila ng mga paputok, mga lantaka at iba pang baril na gawa nila o binili sa Intsik, bawal na kalakal nuong panahon ng Español.

Ang Mga Pinagkunan
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson,
inilathala sa Manila, 1903-1906, Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998
Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History, ni William Henry Scott,
New Day Publishers, Quezon City, 1984 revised edition

Nakaraang kabanata           Balik sa itaas           Lista ng mga kabanata           Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          E-mail ng tanong at kuru-kuro