KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667
Mabilis, Hindi Lumulubog Ang Banca
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
ANG mga bangka ng mga Lutao ay katulad ng ginagamit ng mga malupit na mandarambong. Ginagawa nilang mabilis na mabilis, upang maabutan ang sinumang hinahabol, o upang makatakas mula sa sinumang humahabol sa kanila. Ang mga digmaan nila ay para lamang makanakaw, kaya bumabakbak lamang sila kung walang panganib na masugatan o masira sila. Sakaling may panganib, kahit gaanong kaliit, na lugi sila, tumatakas sila agad. |
||
Maingat na maingat ang paggawa nila sa bangka upang ‘lumipad’ ito parang ibon sa ibabaw ng dagat. Maninipis ang mga tabla (planks) ng kahoy sa bangka, at hindi nila ginagamitan ng pako (nails). Sa halip, pulos rattan (cañas, reeds) ang ginagamit nilang pantali. Ang ibang tabla ay binubutasan nila at naka-usli upang matalian ng rattan sa luob ng bangka upang hindi pasukin ng tubig. Dahil magaang ang sahig ng bangka, nakakapag-lagay sila sa ibabaw ng mga palapag (suelos, decks) at mga akyatan (cabañas, upper works) nang kahit na gaanong kataas. Gawa ang mga ito sa kawayan (tinawag ding bombong sa bandang Manila, pinagmulan ng bambu sa Español, at bamboo sa English), at itinatali sa mga katig (cates, outriggers) sa magkabilang gilid ng bangka. Ang katig ay palutang (boyas, floats) na |
halos kasing haba ng bangka. Sa ibabaw ng katig, naglalagay sila ng 2 hanay ng taga-sagwan, kaya kahit maliit ang bangka, lagpas 12 metro lamang ang haba, nakasasakay ng 60 tao, at higit pa. May mga bangka, halos 22 metro ang haba, na kayang magsakay ng 300 tao. Kaya mas marami pang sakay sa labas kaysa sa luob ng bangka.
Upang mas mabilis ang takbo, kanya-kanya ang sagwan, isa sa bawat tao, at hindi nakakabit sa bangka. Ang ulo ng |
sagwan ay bilog parang dahon. Tabi-tabi ang mga tao, at sabay-sabay nilang kinakabig ang kani-kanilang sagwan saliw sa paghinga. Mas malalim ang hagod sa sagwan, mas mabilis ang sulong dahil makitid at mababaw ang bangka. Napaka-liksi ng bangka, ang mga mahusay magdagat lamang ang nakakagamit nito.
Sa gitna ng bangka, naglalagay sila ng tinatawang nilang “burulan” o “bayleo” andamio, scaffold) na may palapag (cubierta, deck) na lagpas 7 metro ang haba. Sa ibang bangka, abot 11 metro ang haba ng palapag. Dito nakapatong ang kubo (cabaña, hut) na tinatawag nilang “cayanes.” Balot ito ng mga dahon ng maliit na puno ng niyog (palmito) na tumutubo sa putikan (pantano, swamp). Dito sumisilong ang mga pinuno at mandirigma sapagkat wala nang iba pang bahay sa bangka. Mula rito sila sumusugod kapag bakbakan na. |
Nakasalalay ang tibay at husay ng bangka sa tinatawag nilang “cate” (“katig”) na nagpapalutang halos 3 metro mula sa magkabilang gilid ng bangka. Gawa ito sa 3 o 4 kawayan, bawat isa ay kasing taba ng bisig (braso, arm) o mas malaki pa, at halos kasing haba ng bangka mismo. Dahil dito, hindi tumitikwas ang bangka sa malaking alon at hindi lumulubog sa dagat. May katig halos lahat ng bangka sa kapuluan, pati na sa Burney (kaharian ng Brunei sa pulo ng Borneo) at Maluku (Moluccas, spice islands). Kapag walang katig ang bangka, hindi sumasakay ang mga indio dahil hindi ito ligtas sa dagat. Ito ang dahilan minungkahi ni Molina (hindi binanggit ni Combes ang buong pangalan at hindi na matunton kung sino ito) sa pamahalaan (consejo, council) na lagyan din ng palutang ang ating mga barko, kahit na raw mga supot (bolsas, bags) na puno ng hangin, upang makapag-layag nang hindi |
lumulubog sa dagat kahit na mapuno ng tubig, gaya ng naranasan niya sa mga bangka ng mga indio. May katwiran ang kanyang himok kung hindi magka-bagyo (buracan, typhoon) nang malakas na bubutas sa mga supot. Kaya lamang, masyadong malakas ang mga bagyo dito, malamang butasin ang mga supot at hilahin ang barko at wasakin. Marami nang naranasang ganito dito sa kapuluan. Kahit ilang oras lamang ang itagal ng bagyo, napapatid ang mga tali at dahil sa bigat ng dala, lumulubog |
agad ang barko.
Pati ang mga bangka ng mga indio ay nawawasak kundi lamang maliliit at nakakapag-kubli sa anumang luok (bahia, bay) o daungan (porto, harbor) na makita sa malapit. Kung talagang datnan ng bagyo na hindi maiwasan, naisasampa ng mga indio ang kanilang bangka sa dalampasigan (playa, beach) mismo dahil magaan lamang at nakakatawid sa mababaw na tubig, at nagkukubli sila sa lupa sa luoban. Katunayan, ganitong pagdaong sa dalampasigan ang ginagawa ng mga pangkat-dagat ng mga indio, mas madali kapag marami sila at kailangang hindi sila magkahiwa-hiwalay. Karaniwan, kung may bagyo, magkakalapit lamang ang mga pulo kaya madali makakita ng matatakbuhan. Subalit sa magandang panahon, mainam na gamit ang mga bangka at ligtas sa panganib kaya maganang sinasakyan ng mga indio. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |