KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Mga Lalaking Naging Babae
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
SA bansang ito, may isang uri ng mga lalaki na tinawag na “labia.” Hindi sila nag-aasawa at malinis sila sa buhay, sang-ayon sa kalikasan. Tapat sila at masipag sa pagtupad ng mga dapat gawin, kaya tiwala ang lahat sa kanila. Pinapayagan silang makihalo sa mga babae, kahit sa mga dalaga, nang walang hinala. Nagbibihis sila parang mga babae, pati na tapis (falda, skirt) na ginagamit nilang saya. Hindi sila gumagamit ng sandata o sumasali sa mga karaniwang gawain at dahas ng ibang mga lalaki. Ni hindi sila nakikihalo o nakikipag-usap sa mga lalaki. Pulos mga babae ang kasama at kausap nila, at ang gawain nila araw-araw ay maghawi (tejer mantas, cloth weaving) ng mga tela tulad ng ibang mga babae. Kaya kaibang-kaiba ang kanilang buhay na masasabing mapanganib dahil sa gulo at kawalan ng batas dito. Subalit hindi nila iniinda ang panganib ng anumang mangyari sa kanila. Mahinahon silang namumuhay at kahit minsan ay hindi sila nagsamantala, hindi nila nilapastangan ang mga babaing kasa-kasama nila. Maaaring likas sa kanilang pagka-tao, o baka sinasadya nilang hangarin, subalit panatag ang lahat sa katapatan nitong mga “labia.” Iginagalang pa nga sila ng mga tao, parang mga ermitaños ng sarili nilang pagsamba (religion). Katunayan, hindi maiiwasan na hangaan sila kung susuriin ang linis ng kanilang buhay. Sa bansang ito na hindi catholico at walang kinikilalang Dios, kaginsa-ginsa na mayruong mga lalaking lagi nang mahinahon at tapat, ganuong ang ibang mga lalaki ay walang inatupag kundi ang magkasala at maghangad ng labag sa utos ng Dios. |
‘Manang Bali’
Sa Malay ngayon (nuong 1897), tinatawag silang “bido.” Nagbibihis sila parang mga babae at sabi ng ibang tao, sila ay mga bakla (hermafroditas, homosexuals)... --Wenceslao E. Retana
SINURI ni Henry Ling Roth, sa kanyang aklat, Natives of Sarawak and British North Borneo na nilimbag sa London, England, nuong 1896, itong mga lalaki sa Borneo na nagdadamit babae. Duon, ang tawag sa kanila ay “Manang Bali.” Nagiging binabae (unsexed) muna sila bago sila nagbibihis na babae at, mula nuon, ginagaya nila lahat ng kilos at sabi ng mga babae. Kung sino ang pinakahawig sa babae ang itinatanghal na nagtagumpay.
Marami ang humihingi ng tulong sa “Manang Bali” at kung masipag, karaniwan ang yumaman sila. Ang pagiging “manang” ay hindi sinasadya o itinuturo, kundi biglang nangyayari o pinipiling gawin ng isang lalaki paglaki at umabot sa tanging gulang.
Kapag naging lubusan ang kanyang pagiging “manang,” itinatanghal siya at maaari pa siyang maging pinuno ng baranggay o nayon. Marami siyang tungkulin, siya ang umaawat sa mga labanan, at lahat ng mga gusot ay isinasangguni sa kanya. Kahit ang yaman niya ay hindi kina-iinggitan sapagkat madalas gastahin para sa mga tao, at lagi siyang nalalapitan ng mga may kailangan.
May iba pang “Manang Bali,” upang mabuo ang kanilang pagka-‘babae,’ ay nag-aasawa ng isang lalaki. Ang lalaking naging asawa ay kinukutya ng ibang mga lalaki at nililibak ng mga babae. Lubusan siyang nakapa-ilalim at sunud-sunuran sa asawang “Manang Bali.” Kapag may-asawa na, karaniwang umaampon ang “Manang Bali” ng mga anak. Kung may mga anak bago naging “manang,” kailangang ibigay muna ang kanilang mga mana (herencia, inheritance) para maging ‘malinis’ ang kanyang pagiging “manang.” |
|
Kasaysayan Ng 2 ‘Labia’ NAKA-KILALA ako ng 2 ‘labia’, bininyagan ko pa ang isa, si Toto, nuong ‘visita’ ko minsan sa Siocon na 20 leguas (96 kilometro) mula sa Samboangan papunta sa Dapitan (sa baybayin ng kasalukuyang lalawigan ng Zamboanga del Norte). Lubha akong nasiyahan sa pagiging catholico ni Toto.
Una kong nabalitaang may ‘labia’ na nagtatago sa kabilang baranggay. Hindi ko alam kung bakit, baka takot na labag sa utos ng Dios ang pamumuhay niya. Nuong nakilala ko na siya, isiniwalat niya sa akin na tinakot siya ng mga tao. Ikukulong daw siya ng mga Español kapag nahuli siya. Tinulungan siyang magtago ng mga tao at inilihim ang ‘labia’ sa akin. Kung sino pa ang malinis ang buhay, siya pang inilayo nila sa akin, kaya himala (milagro, miracle) na nagkatagpo kami. |
Nang isumbong sa akin ang lihim, sinugod ko ang Malande, ang baranggay na pinagtaguan. Alam kong ipag-kakaila ng mga tao na may ‘labia’ duon kaya dinaan ko sila sa daya. Tinipon ko lahat ng mga tao upang magsimba sa lilim ng mga punong kahoy (arboles, trees) sa labas ng baranggay. Napaka-dukha kasi ng mga taga-baranggay, walang malaking bahay o ibang magaganapan ng misa. Hindi ko sila pinayagang umalis kahit sa anong dahilan. Alam kong magugutom sila pagkaraan ng ilang oras kaya hindi ko sinimulan ang misa hanggang hindi nila inilalabas ang ‘labia’. Binantaan ko pa sila na pag tagal, isasama ko ang mga pinuno at maharlika ng baranggay sa Samboangan (Zamboanga City ang tawag ngayon). Katumbas ito ng pagbihag at pagkulong kaya nasindak ang mga Subano. Sari-saring katwiran ang sinamo nila upang mapatawad sila. Pinatawad ko naman upang madali ang usapan. Tapos inutos ko sa kamag-anak ng pinuno ng baranggay: |
“Kunin mo siya agad at hindi ako titinag dito hanggang hindi siya dumarating.” Hindi ko tinukoy kung sino ang pinahanap ko subalit alam ng lahat kaya humangos agad sa baranggay ang kamag-anak. Pinatahimik ko lahat ng tao at pinagbawal kong magsalita sila kahit na ano habang naghihintay kami. Wala pa rin imik, hinatid ng kamag-anak ang ‘labia’ sa akin. Kaya ganuon, sa luob lamang ng isang oras, nakatagpo ko rin sa wakas si Toto. Nang natanto niyang pagmamahal at hindi parusa ang salubong ko sa kanya, nagkusa siya agad mabuhay bilang catholico. Hindi ko na rin ipinagpaliban para ligtas na siya sa infierno (hell) pag-alis ko. Tinuruan ko siya agad at bininyagan sa pangalang Martin dahil kaarawan ng santo nuon (Noviembre 11). Mula nuon, dinadalaw niya ako tuwing madako ako duon, at lagi siyang nagdadala ng pagkain para sa akin at sa kasama ko na gumanap na ninong (padrino, godfather) nuong binyagan ko siya. |
Malinis Na Buhay NATAGPUAN ko ang isa pang ‘labia’ sa Pangutara sa kapuluan ng Jolo. Catholico na siya, bininyagan sa pangalang Santiago (Saint James) ni Fray Alexandro Lopez, ang apostol (apostle) ng mga taga-Jolo.
|
Masayahin si Santiago, laging tumatawa, dala marahil ng linis ng kanyang budhi, sapagkat mahinahon siya at walang bahid ng anumang kasamaan. Tahimik ang buhay niya at nagdulot siya ng ligaya sa mga kasama niya. Hindi ko dapat kaligtaan ang napansin ko sa pagkatao ng mga ‘labia’, ayon sa nakita ko sa dalawang nakilala ko. Ang katawan at anyo nila ay tulad sa mga caponado (eunuchs) at lagi nang malamig ang kanilang kilos kaya wari kong likas ito sa pagkatao nila, na ipinanganak silang ganito. Sa bayan na sukdulan ang init, malaganap |
ang lagim, at napaka-dukha ang buhay, tulad ng naranasan ng sinumang nagtagal dito, kapansin-pansin ang hinay at pantay na isip ng mga ‘labia’.
Dahil malinis ang kanilang pamumuhay at walang anumang kasalanan na maisusumbat sa kanila, sa tingin ko, ang mga ‘labia’ ay kababalaghan (prodigy) ng langit para sa kabutihan (virtue). Sapagkat walang yumuyurak sa kabaitan, kahit na ang mga ligaw na tao (barbaros), kundi lagi na lamang iginagalang sa walang ibang dahilan maliban sa sang-ayon ito sa kalikasan. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |