KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Iba-ibang Ugali Ng Mga Subano

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Ang mga Bagani ay nagbibihis tulad ng inilarawan ni Combes at binibilang nila ang mga tao na inutas nila sa dami ng mga buhok na nakabuhol sa gilig ng kanilang mga kalasag (shields). Isinuko ng isang Bagani, nag-ngalang Macusang, ang kanyang kalasag kay Padre (Pablo) Pastells upang ipahiwatig na hindi na siya papatay ng mga catholico. May 108 bigkis ng buhok na nakatali sa kalasag...     --Wenceslao Emilio Retana, 1897.

Dalisay Ang Mga Babae
May isang katangian ang mga Subano na kaiba sa ibang bansa dito. Kilala sila sa hinhin at pagka-dalisay ng kanilang mga babae. Mahalaga sa kanila na donselya (doncella, virgin) ang kanilang mga dalaga at hindi sumiping sa lalaki kundi pag nag-asawa na. Kahit na ang mga matandang dalaga ay dalisay kapag nag-asawa. Dala marahil ng talagang mahiyain silang lahat at bahagya lamang nagka-muwang tungkol sa lahat ng bagay. Anuman ang dahilan, pambihira ito at kaibang-kaiba sa mga gawi ng mga Lutao at iba pang bansa dito na sukdulan ang laswa at karaniwang mahalay ang ugnayan ng mga lalaki at babae.

Mahirap patagalin itong pagka-dalisay ng mga babae kaya nabantog ang gawi ng mga Subano. Pati ang mga pinuno at maharlika ng mga Lutao ay panatag - binibigay nila ang mga anak na babae sa mga Subano upang palakihin nang mahinhin. Wala silang tiwala sa sarili nilang mga baranggay at nayon at sadyang inilalayo ang mga anak na babae. Hindi nila binabawi ang mga anak kundi kapag panahon upang ipakasal na. Saka lamang nila pinapayagang pumasok sa kanilang baranggay at nayon ang sariling mga anak na babae, nang ligtas na sila sa panganib ng pagsiping nang lihim.

Palitan Ng Asawa
Sa kabilang dako, may isang ugali ang mga Subano na lubhang kasuklam-suklam, daig at natatakpan ang iba pa nilang mas maliit na kasalanan. Sapagkat gawi ng mga lalaki na makipag-palitan ng asawa. Nagtatawaran sila kung dapat magbayad ang isa, at kung magkano. Tapos ng kasunduan, ipinag-diriwang nila ang contrata, nagsasayawan at naglalasing tulad ng iba nilang mga piging. Tapos, lumilipat na ang mga asawang babae. Lahat ng kanilang pagdiriwang ay ganuon, inuman at sayawan.

Mga Babaing Maharlika ANG mga Subano at mga taga-bundok ay nagbibihis katulad ng mga taga-baybayin na kaugnayan nila. Kaya iyong mga Subano na nakikipag-kalakal sa mga Lutao at mga Moro ay nagda-damit tulad ng mga Lutao at mga Moro. Samantala, ang mga Subano na nakikipag-kalakal sa mga Visaya tulad ng mga taga-Caraga at mga taga-Dapitan at nagda-damit tulad ng mga ito.

Ganito rin kagulo ang kanilang mga pamahalaan. Nakikipag-digmaan sila, hindi sabay-sabay at hindi sama-sama laban sa iba, kundi kanya-kanya at kahit sino ay kinalaban. Lagi silang may sandata, at wala silang sinusunod kundi iyong mga mas malakas at mas mabangis kaysa sa kanila. Wala silang mga batas kundi ang ipag-higanti ang anumang pag-hamak o pagsira na dinanas nila. Gayun pa man, kahit na anong puot at bagsik ng pag-higanti ay naaawat kapag nabigyan ng handog o kapalit na yaman.

Kaya naman madalas ang patayan sa kanila. Kapag nagkaruon ng kaunting yaman o pambayad ang isang lalaking Subano, alam niyang maaari siyang pumatay ng tao nang ligtas sa parusa o higanti ng mga kamag-anak. Pumapatay sila upang maturing na “magiting” at magkaruon ng karapatang magsuot ng putong na pula (turbante sangre, red turban). Para magkaruon lamang ng ganitong putong, pinapatay nila kahit na matalik nilang kaibigan. Inaabangan nilang makatulog o makalingat, saka nila sasabakan.

Itong “bantay salakay” ang tinuturing nilang “giting” at katapangan, ang pagpatay sa walang laban.

Mas masahol ang ugali ng mga Subano sa banda ng Caraga. Duon, kailangang 7 lalaki ang patayin bago maturing na “magiting.” Ang karapatan duon ay magsuot ng putong at bahag (baxague, G-string) na guhit-guhit.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata