LUBOS ang kapangyarihan ng mga hari at ang lakas nila sa pamamahala sa mga tao, subalit dahil lawak dito ang kahirapan, kulang sila sa yaman at karaniwang kailangan nilang sumangguni sa ibang tao upang masunod ang kanilang mga hangarin.

Ang paglitis ng katarungan at payapa ay hawak ng tinatawag na “zarabanda,” ang pinaka-mataas na hukom (chief justice) at siyang nagpapasiya (juez) sa mga usapin (asuntos, suits) at nagpapayo (adviser) kung ano ang dapat na parusa (sentencia).

Sa labas ng nayon ng hari, ang mga pinuno (ang mga datu) ang nakiki-alam sa lahat ng bagay kahit kailan nila naisin, at walang batas na pumipigil sa kanila. Madamot, inggit at sakim ang mga pinuno. Kahit ano ay sinasamantala nila. Sinumang saktan nila ay walang natakbuhan sapagkat sa bakbakan ng pinuno at karaniwang tao, laging kampi ang hari sa mga pinuno. May kapangyarihan kasi ang mga pinuno, at kaya nilang siraan ang hari. O alisin sa pagka-hari.

Walang likas na lakas ang hari. Ang kanyang kapangyarihan ay nasa pagkilala lamang ng mga pinuno, kaya kahit isang alipin ay kayang tumanggi sa kanyang utos.

  KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Ang Pamahalaan Sa Mindanao

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Isang dahilan umunti ang mga tao sa Mindanao at Visaya ay ang pagbihag sa kanila ng mga mandarambong na Lutao. Sinulsulan ang pagdaragit ng mga Moro sa Borneo, Celebes, Macazar, Gilolo, Ternate at iba pang bahagi ng Maluku. Sila ang bumili at umalipin sa mga bihag na dinala at ipinagbili ng mga Lutao...
--Pablo Pastells, SJ, at si Wenceslao E. Retana, sa kanilang paglimbag muli sa Historia ni Combes

Sultan Ganito ang nangyari sa Jolo nuong nakikipag-usap si Alexandro Lopez, frayleng Jesuit, upang mapalaya ang isang catholico. Bihag ang catholico ng isang taga-Jolo na alipin duon. Tinawaran ni Lopez ang ‘tubos’ (rescate, ransom) sa catholico. Nakiusap pa ang hari ng Jolo sa alipin na tanggapin ang alok ni Lopez. Ayaw pumayag ng alipin at walang nagawa ang hari.

Malinaw na ang utos ng hari ay abot lamang hanggang sa nais sundin ng mga tauhan, na sinusunod siya kung ikabubuti lamang nila.

Ang Lakas Ng Mga ‘Orangcaya’

TINANGHAL ng mga pinuno ang mga sarili bilang maharlika. Mayruon pa silang mga tanging parangal, pahiwatig ng kanilang ‘taas’ sa lipunan. Ang karamihang parangal ay ‘Tuam’ (Tuan ang gamit ngayon) na katumbas ng ‘señor’ sa España. Ang ibang pinuno ay tinawag na “Orancaya,” ibig sabihin ay “may kaya” o “mayaman.”
(Sa wikang Malay, ang “orang” ay “tao,” at ang “kaya” ay “lakas” o “kapangyarihan.” Magkatumbas ang “Orancaya” at “Maharlika.”)

Ito ang pinaka-mataas na parangal sa kapuluan, katumbas sa titulo ng grandee na tukoy sa España sa mga makapangyarihan. Sila, nuong nakaraan, ang tinawag ng ating Mahal na Hari na “Ricos Homes” (“rich men”).
(Matagal pa bago napalitan ang “grandee” ng “don” na dating parangal sa hari at mga anak-hari lamang.)

Ang iba pang mga pinuno ay may parangal na katumbas sa ating “caballeros” (mga magiting, knights) at “hijos-dalgo” (mga maginuo o

nobles, umigsi sa “hidalgos” pagtagal). Wala na silang iba pang pabuya maliban sa karangalang ito.

Ang mga ka-dugo ng hari ay tinawag na mga “cachil” tulad sa gawi ng mga hari sa Terrenate, Tidores at Xilolos (mga kapuluan ng Maluku (Moluccas, spice islands) sa Indonesia, Ternate, Tidor at ang dating Gilolo, Halmahera na ang tawag ngayon).

Ang mga ka-dugo ng hari sa Jolo ay may parangal na “Paguian.”

Ang mga Orancaya ang naging pinuno ng mga tauhan at umangkin sa mga baranggay at nayon, bagaman at kini-kilala nila ang hari duon. Subalit maliban sa pagbayad ng buwis, wala nang iba pang kapangyarihan ang hari duon. Malaya ang mga Orancaya na gawin ang anumang maibigan nila, at sila ang bahala sa mga tao, walang nang iba.

Kailan man multahan sila ng hari, o hingan ng buwis, ipinapasa nila ang gastos sa mga tao na

itinuturing nilang mga alipin. Inaagaw pa nila ang mga anak upang ipagbili at maging alipin ng iba.

Madalas nilang gawin ito, kahit na nuong napailalim na sila sa ating mga Español. Dapat usisain maigi ang bawat alipin na ipinagbili nila, kung paano naging alipin, sapagkat natuklasan ng mga Español na marami ay hindi naman tunay na alipin at walang karapatan ang mga Orancaya na ipagbili sa atin. Kahit sinong nasalubong o nakita ay nilinlang, kinaladkad at ipinagbili sa ating mga Español. Wala namang nagawa o naka-angal sa kanila dahil sukdulan ang pagka-api ng mga Subano.

Una, hindi nila naunawaan na ipinagbili sila. Wala silang muwang makipag-usap sa ibang tao, lalo sa ating mga Español. Tapos, hindi sila marunong, wala ring lakas, umangal sa ginawa sa kanila. Tahimik na lamang nilang tinanggap ang pag-api sa kanila. Dahil dito, wala kahit isang Subano o indio dito na masasabing malaya. Kahit na mga pinuno nila ay tinuring ng mga Orancaya na mga alipin.

‘Alipin Ko Silang Lahat!’

NARANASAN ko ito nuong visita ko sa isang mapanganib na puok. Upang mapanatag ang mga Subano, isinama ko ang isang Lutao na pinuno nila nuong bago dumating ang mga Español, at iginagalang pa hanggang ngayon (nuong 1667) sa buong baybayin ng Siocon.

Tinipon ko ang mga tao at kanilang mga pinuno sa baranggay at pinangaralan sa pagmamahal ng simbahang catholico.

Biglang sumabat ang pinunong Lutao: “Huwag kang mag-abala sa kanila, Padre, sapagkat alipin ko lamang silang lahat.”

Sinabi niya ito sa akin nuong katabi namin ang mga pinuno ng baranggay. Inasahan kong mag-alsa ang mga pinuno sa yabang at paglibak na narinig nila, subalit kabaligtaran ang nangyari. Lalo silang naging maamo sa punong Lutao, at tinuring nila ang sinabi nito na pahiwatig ng pagkalinga - tulad ng mga handog ng isang principe sa kanyang mga tauhan.

Hindi sila alipin subalit isinilang at lumaki sila sa pagsunod sa mga Lutao kaya sanay na sanay na silang magpugay sa mga ito. Kahit na napa-ilalim sila sa pamahalaan nating mga Español, kahit na ipinagtatanggol natin sila mula sa pag-api, sumusunod pa rin sila sa mga utos ng Lutao dahil ito ang gawing kinagisnan nila.

Harinawang masaway ang gawing ito ng magkatulong na pamahalaan ng Español at patnubay ng ating mga frayle, ngayon at mayruon na silang nalalapitan sa kanilang kaapihan.

Kaya Kumampi Sa Español

SINALAYSAY sa akin ng pinuno ng nayon ng Baluasan, malapit sa Samboangan (ang Samboanga City ngayon), ang dusa na dinanas nila sa kamay ng mga Lutao. Mapalad daw sila na dumating ang mga Español at pinigil ang pag-api sa kanila, at ipinagtanggol ang kanilang pagiging malaya.

Ipinagtapat niya sa akin, “Kayong mga Español, kung hindi kayo dumating, o kung nagtagal bago

kayo dumating, malamang wala na kayong dinatnan sa amin. Malamang naubos na kaming lahat dahil ipinagbili kami sa mga taga-Macasar.”

Lumuwag and dibdib ko sa mga sinabi niya. Naging tapat at masigasig sila sa ating mga Español dahil wala silang ibang nalapitan upang masagip mula sa pag-api ng mga Lutao.

Ganito ang uri ng pamahalaan ni Corralat (si Kudarat). Dahil binigyan niya ng kapangyarihan

ang mga alalay niya, at pinabayaang gawin kahit ano ang maisipan, kinilala siyang hari ng mga ito, at naging tatag ang kanyang pagka-hari. Itong mga alalay niya, na naghahari ngayon sa mga Subano, ang naghinagpis sa pagdating nating mga Español. Umangal sila ngayong napa-ilalim sila at kailangang sumunod sa mga utos at batas ng pamahalaang Español dahil nabawasan ang kanilang layang sundin ang kanilang layaw. Ang kanilang kasakiman ang nagbunga ng sindak at pagka-api ng kaawa-awang bansa ng Subano.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata