Talipapa

  KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Hukuman At Paglitis Sa Mindanao

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Nasaksihan ni Padre Pastells ang bisa ng parusa ng kumukulong tubig, at ginamot niya ang mga paso ng binata na pinilit ng mga pinuno na ilubog ang kanyang mga kamay duon upang patunayang wala siyang kasalanan. Karaniwang hatol din duon na ilubog sa tubig ang buong katawan ng pinagbintangan at ng nagbintang, at kung sino ang unang umahon ay siyang may sala...
--Padre Pablo Pastells, SJ, at Wenceslao Retana, sa kanilang limbag ng Historia ni Combes

KUNG ano lamang ang nakikita sa kalikasan, iyon lamang ang sinusunod ng mga hukom. Hindi sila nagtatalo nang matagal at hindi sila tumatanggap ng magkaka-salungat na paliwanag ukol sa dapat gawin. Hindi sila nadadaig sa dami ng mga batas, ni hindi sila nag-aaksaya ng kahit na katiting na papel. Lahat ng paglitis (trial) - ang bintang (acusacion, charges), ang pagtanggol (peticion, defense) at paglalahad ng katibayan (prueba, evidence) - ay ginaganap katulad nuong panahon ni Noah (mula sa biblia, ang nakaligtas sa deluvio universal nuong matagal na nakaraan).

Kung walang mga katibayan, pinasu-sumpa nila ang mga kasangkot sa usapin. Sapat na ito para sa kanila sapagkat nakakatakot itong tungkulin, dala-dala ang ‘parusa ng langit’ sa sinumang mangahas magsinungaling (mentira, perjury), at hatol ng hukom sa sinumang napatunayang nagsabi ng hindi tutuo.

Sakaling may tiwala ang mga kasangkot na tutuo ang kanilang pahayag, hindi nagkakasiya ang mga hukom sa salita lamang. Sasangguni rin sila sa paglitis sa apoy (trial by fire), gamit ang baga ng uling (hot coals) o ang init ng nagbabagang bakal (hot iron). Tulad ito sa dating gawi sa España at iba pang bayan nuong unang panahon na wala pang kabihasnan (civilizacion) at walang muwang (ignorante) pa ang mga tao.

Kapag napaso at nagpaltos (quemar, burned) ang sinakdal (acusado, defendant), parurusahan siya. Kung hindi, hinahatulan siyang walang sala, at ang nagsakdal (acusador) ay kailangang magbayad sa pinsala

(restitucion, damages) na dinanas ng isinakdal.

Ang gawi ng paglitis sa apoy ay maniwaring natutuhan ng mga Moro mula sa mga taga-Terrenate (pulo ng Ternate sa Maluku (Moluccas, spice islands) sa Indonesia), kung saan sinusunod pa ito hanggang ngayon (nuong 1667). Subalit duon, walang nasusunog dahil lubhang bihasa (experto, skilled) ang mga taga-Terrenate sa kulam (hechiceria, sorcery). Alam nila lahat ng halaman (hierbas, potions) at agimat (encantos, amulets) laban sa apoy kaya nahahawakan nila ang baga (brasas, embers) na parang mga bulaklak lamang.

Nililibing nang buhay.
Mayruon pa silang parusa sa paggahasa (rape) o paki-apid (adultery) na ilibing nang buhay ang sinakdal at kapag nakatakas, hinahatulan siyang walang sala. Subalit karamihan ng nahatulan nang ganito ay nakakaligtas. Sinasabi kong madalas nangyayari ito sapagkat nasaksihan ng mga Español sa Terrenate. Bantog duon ang mga babae na palasak (notorious) sa pagsiping sa ibang lalaki subalit lagi nang nakatakas sa libing at dahil dito ay nakaligtas sa hinala ng kanilang mga ka-baranggay.

Maraming nagbalita sa akin nito nuong ako ay nagsilbi sa Maluku. Isiniwalat sa akin na gamit sa pagtakas ang isang gamot (drug) na binibili mula sa mga manggagamot (herbularios) ng sinumang nasakdal. Itinuro pa sa akin kung sinu-sino ang mga bantog (famoso) na manggagamot na maaaring suhulan upang magbigay ng pang-lunas (medicacion).

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata