KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Mga Parusa: Bitay, Pagputol Sa Kamay
Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
SUKDULAN ang muhi nila sa magnanakaw, at lubhang malupit ang parusa bilang babala. Pinuputol ang mga daliri ng magnanakaw, kaunti o mas marami batay sa ninakaw. Kung minsan, dahil sa laki ng kasalanan, pinuputol pati ang daliri sa paa. Subalit itong parusa, gaya ng iba pa, ay maaaring tubusin din ng salapi. Nababayaran man ang muhi, may mga kasalanang tinatangi na napaka-laki, hindi kayang tumbasan ng multa o paki-usap, at walang bisa ang suhol (soborno, bribe). Ang kailangang parusa ay bitay (execution). |
Multa, 1 Taon Asawa Ng Iba PINAPATAY ang lalaki kapag nahuling sumisiping sa asawa ng ibang lalaki. Subalit madalas nakakatakas ang lalaki, kaya ang kanyang yaman at ari-arian ang pinarurusahan. Sa galit at gahaman ng asawang lalaki, pati ang asawang babae ay minumultahan nang malaki. Dito kasi, hiwalay ang yaman at ari-arian ng asawang babae, walang pakialam ang asawang lalaki maliban sa kung anuman ang ihabilin sa kanya ng babae. Kaya maaaring multahan ang asawang babae na parang hindi kakilala. Pagkatapos naman bayaran ng asawang babae at ng suwail na lalaki ang multa, panatag na ang asawang lalaki, tulad ng panatag nating mga Espaρol pagkatapos nating patayin ang 2 taksil. Subalit dito sa kapuluan, may gawi silang mapagsamantala at maka-hayop. Ang bayad na multa ay para sa isang taon, kaya isang taon nagsisiping ang asawang babae at suwail na lalaki nang walang angal ang asawang lalaki. Pagkatapos ng isang taon, bumabalik ang asawang babae sa siping ng asawang lalaki nang walang dagdag na multa. Tahimik silang nagsasama uli. |
|
Isa sa mga walang patawad ay ang kasalanan sa kalikasan. Nakikita sa lupit ng parusa ang hilakbot (horror) nila dito, sapagkat sinusunog nang buhay ang maysala, pati na ang kanilang bahay. Lahat ng ari-arian ng maysala ay sinusunog din dahil nabahiran (contaminated) daw ng kanilang kasalanan. Kung minsan, kinukulong nila ang maysala at hinuhulog sa dagat upang malunod. Tapos, saka nila sinusunog ang bahay, bukid at mga ari-arian nito upang burahin (borrar, erase) ang kasamaan (malo, evil). Sumban ang tawag nila sa kasalanang ito, ang |
pag-aasawa ng magka-familia (incest). Malaki ang takot nila dito, dala marahil ng mahabang karanasan mula pa sa kanilang mga ninuno (antepasados, ancestors). Natutuhan nila na kapag pinabayaan, naghihirap ang lahat ng tao hanggang hindi sinusupil ang sala at pinagdurusa ang mga nagkasala. Sabi nila, wala nang ibang lunas na maaaring makatubos sa galit ng langit.
Kaya kahit kailan sila dumanas ng matagal na tuyot (drought), salot (peste, plague) at anumang pagdurusang dulot ng langit, hinahanap agad nila ang lumabag ng sumban. |
Ibinalita sa akin ang isang caso ng sumban nuong 1651, nang masidhi ang naganap na tuyot, natuyo pati ang mga ilog (rios, rivers) at bihirang tubig ang nakaabot sa dagat sa baybayin ng Siocon. Ang mga indio na alaga ko duon ay nagsumbong sa akin, nakikipag-asawa raw ang isang babae sa kanyang anak na lalaki. Hiniling nila na parusahan ko ang mag-ina, at dapat daw ay bitay ang ipataw, ayon sa kanilang gawi. Kahit na gaanong kalupit ito, sabi nila, kailangang walang patawad sapagkat walang ibang makaka-pantay na parusa. |
Ganito rin ang balitang dumating mula sa pulo ng Basilan subalit ito ay mga hina-hinala (sospechas, superstitions) lamang at dala ng pagka-sitsit (chismosos, gossipy) ng mga tagaruon. Wala silang alam tungkol sa mga lihim ng kalikasan kaya sinusunod na lamang nila ang mga natutuhan sa nakaraan. Napaka-laki ng takot nila sa pulong iyon dahil sa dinanas nila nuong matagal na, bagaman at na-alaala pa nila nang malinaw sapagkat naging malaking aral (leccion, lesson) at babala (aviso, warning) para sa kanila. Nuon daw, kumulimlim ang langit (leaden skies) nang 2 taon, at wala kahit isang patak ng ulan na bumagsak. Mayruon daw kasing isang indio na inasawa ang sarili niyang anak na babae. |
Tinangka raw ng ama (padre, father) na itago ang kanyang sumban subalit ito ay batid ng langit (heaven knows) at alingaw-ngaw ang kanyang lihim sa sama ng panahon. May kapangyarihan ang indio at iginagalang siya sa Basilan kaya walang nangahas na usigin (accuse) siya, o kahit siyasatin (investigate) lamang. Hanggang lumala ang gutom sa bawat baranggay at nayon, at kinalimutan ng mga tao ang paggalang, at niyurakan nila ang atas ng kanilang mga gawi. Binihag nila ang nagkasalang mag-ama (padre y hija, father and daughter) sa isang kulungan na, sang-ayon sa lahat ng tao, nilagyan ng mga pabigat na bato at hinagis sa dagat. Pagkatapos |
nito, umaliwalas ang langit at, pabuya sa pagwasto nila sa pagkakamali ng sumban, bumagsak ang malakas na ulan at nagbalik ang sagana sa pulo.
Ganito ring kalupit ang parusang iginawad ng mga taga-Jolo sa 2 mag-ama na ikinulong at hinulog sa dagat. Subalit sitsit lamang at hindi tutuo ang paratang sa kanila kaya sinagip sila ng Dios at pinalutang ang kulungan. Binigyan pa ng lakas ang mag-ama na lumangoy buong maghapon hanggang nakarating sa pandinig ng hari (rey, king). Namangha ang hari at inusisa ang nangyari. Lumitaw na mali ang paratang at walang sala ang mag-ama na sinagip at pinalaya nang buhay. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |