NARITO ang mga batas nila para sa bawat tao. Lubha silang sunud-sunuran sa mga atas na kalikasan (nature), na binabalot ng kanilang kawalang malicia, kaya bale wala sa kanila ang anumang hindi kailangan sa pang-araw-araw na buhay. Lagi ko nang sinasabi na itong mga indio ay mga mahusay na filosofo at palagi nang nakatuntong sa kung ano ang tunay at tutuo. Sa kabilang dako, ang mga batas tungkol sa ibang tao ay kaibang-kaiba sa mga kailangan sa kalikasan, at ang mga batas na ito ay sukdulan sa lupit (tyranny), minsan ay maituturing na kahayupan (brutality) na. May nakita akong isang lalaki, ginawang alipin ang sarili niyang tatay. At kabaligtaran, mayruon din akong nakitang ama, inalipin ang sariling anak na lalaki. Kasi, kapag nagpahiram o gumasta ang isang tao para sa sinuman, minamahalaga nila at sinisingil tulad ng hindi kakilala, kahit na kamag-anak nila. Kaya kung tinubos ng isang lalaki ang kanyang tatay mula sa pagka-alipin sa ibang tao, tinuturing na alipin pa rin ang tatay, ng kanyang anak naman. Hindi naiba sa ‘bilihan’ ng alipin kung sila ay hindi magkamag-anak. Ganuon din ang turing kung ang tatay ang tumubos sa pagka-alipin ng anak. Kung sakaling sumiping ang isang dato o |
KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Pag-alipin At Iba Pang Batas Sa Mindanao
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
|
|
pinuno sa kanyang alipin at nagka-anak na lalaki ang alipin, nangyayari na malupit ang anak at, pagkamatay ng dato o pinuno, ginagawa niyang alipin ang sariling ina.
Mahinahon sila sa panahon ng tahimik at magalang sa isa’t isa, subalit hindi nila nilulutas o nilulunasan ang gusot na ito sa kanilang mga buhay. Kaya pagdating ng panahon ng gulo at nagipit sila, o nag-away-away sila gaya ng madalas nangyayari, lumilitaw uli ang mga pangahas nilang gawi, at nilalaspastangan nila |
kahit na ang kanilang mga magulang, kung alipin nila. Inuutusan nila ng kahit anumang nais nila, at hindi nila pinapayagang lumabas ng bahay. Ganuon sila pinagsisilbihan ng mga alipin nila, kahit na ng kanilang ina.
Lalong labis ang paglapastangan nila kung ang mga anak ang alipin. Kahit na ibang kamag-anak ay hindi pinapatawad, kaya may mga tio at tia na alipin ng kanilang mga pamangkin, at mga pamangkin na alipin ng kanilang tio at tia. |
|
Walang Awa Sa Mga Ulila HINDI nila alam kung ano ang kawang gawa (caridad, charity). Kahit na ano ang ibigay nila sa kapwa ay itinuturing nilang utang na dapat bayaran ng kahit na gaanong kalaking katumbas na ibig nila. Sinumang naulila o iniwan ng kanilang magulang, at humingi o tumanggap ng pagkain at tulong sa bahay ng iba, kahit na kamag-anak, ay ginagawang alipin. Anumang kabaitang ibinigay ay binabayaran ng pagkawala ng kalayaan. |
Karaniwang gawi ito sa buong kapuluan, subalit labis ang ginagawa sa Mindanao dahil saliw sa sinasamba nilang pangaral ni Mahomet. Walang kalayaan na hindi nila sinikap sugpuin kaya sa bansang ito, walang karaniwan at malayang tao tulad ng mga timagua sa ibang bansa. Wala nasa gitna ng lipunan, ang magkabilang dulo lamang - ang maharlika at ang mga alipin - at tutuong malawak ng pagitan ng dalawa. Maraming paraan upang masadlak ang mga tao sa ganitong pagka-api. At walang ligtas sa pahamak. |
Ang nakalalamang sa kanila ay ang mga may kapangyarihan, na tanging layunin ay magkamit ng sariling ikabubuti. Nagtutulungan pa ang mga mayaman at malakas upang parusahan ang sinumang sawimpalad na magtangkang umangal o sumalungat sa kanilang mga mithi. Natatakot ang ibang tao sa lupit ng parusa kaya hindi sila umiimik kahit na alam nilang walang sala ang nakasakdal. Kaya walang nagtatanggol o kumakampi sa pinagbintangan, samantalang sa panig ng nagsasamantala, sobra-sobra ang mga ‘saksi’ kahit na wala silang nakita o narinig. |
Laging Tama Ang Makapangyarihan MAPANGANIB ang dumayo ang isang tao sa isang baranggay o nayon na wala siyang kakilala o kung ‘malakas’ na kamag-anak na tutulong sa kanya. Kung sakaling nagkulang siya sa galang, may nagalit sa kanya, o lumabag siya sa batas, ihahabla siya at malamang malugi siya, mawala lahat ng kanyang kalakal at ari-arian. Baka pati siya ay parusahan ng pagiging alipin. Ang hirap kasi, kung hindi ka kilala duon, laging malaki ang parusa kaysa sa kasalanan, at kahit walang kasalanan ay pinarurusahan. Napaka-gahaman nila, at masyadong malupit maghiganti, isinasali pati mga kamag-anak. Kaya kahit isa lamang ang nagkasala, inaalipin nila ang buong familia. Nasaksihan ko mismo, inalipin ang 4 magkakapatid na lalaki dahil bastos ang isa sa kanila. Minsan pa, napunta ako sa Iligan, bansang napaka-bago, magaspang pa ang mga gawi nila. May isang babaing timagua (timawa) duon na naka-away at nagsalita ng masakit sa isang |
babaing maharlika. Umangal sa akin ang asawa ng maharlika, pinalaki ang kasalanan upang mas malaki ang parusa o multa.
Sabi niya sa akin, “Padre, kung wala lamang ang mga Español dito, at kami ang bahalang magparusa sa mga may kasalanan, matagal na naming tinadtad ang babaing iyan ng aming mga kampilan, at inalipin na sana namin ang lahat ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak!” |
Kabayaran Ng Kasalanan DAPAT sabihin na sa huling tuusan, ang may salapi ang nagwawagi. At maaaring kumita at yumaman kahit siya ang may kasalanan. Sapagkat pagka-gahaman ang naghahari sa kanila, at lahat ng kanilang mga batas ay ukol sa sariling pag-yaman. Kaya walang kasalanan na hindi nababayaran ng salapi. Maaaring ‘bilihin’ ang hatol, suhulan ang mga saksi, bayaran ang mga napinsala upang tumahimik, at burahin ang anumang bahid ng paglabag. May mga kasalanan na bitay ang parusa, subalit ito man ay napipigil ng salapi o ari-arian. Kahit na ang mga dukha na walang pambayad sa multa ay maaaring ipagpalit ang kanyang kalayaan, magkusang maging alipin kaysa maparusahan o mabitay. Ito ang karaniwang dahilan ng pagka-alipin ng mga tao dito. Nangyayari pa na kahit ang dato o pinuno ng baranggay, kung mahirap lamang siya, ay nagiging alipin ng isang timagua o karaniwang tao. |
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |