KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Damit Pang-araw-araw, Damit Pang-Kasal

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

SIMPLE lamang ang damit nila, walang mga patigas (stiffenings) o sapin-sapinan (linings) para kumapal ang tela. Pare-pareho ang kanilang suot, para bang bawal ang maiba sa pagbihis. Mainit ang panahon kaya maluwag ang mga damit. Madaling madali ang paghugis, pagsukat at pagtabas, sila-sila na lamang ang tumatahi ng kanilang mga suot. Ito ang dahilan kulang na kulang sila sa pakisama. Ayaw nilang magtipon at maki-isa sa isang baranggay o nayon dahil

hindi nila kailangan ang tulong ng ibang tao. Sa bawat bahay, alam nilang gawin lahat ng kailangan nila, kaya hindi naman nila ginagawa kundi kung kailangan na. Halimbawang nangisda ang isang tao, iyong sapat lamang sa kanyang gutom ang hinuhuli niya. Hindi sila nagsisipag upang maka-ipon ng higit pa.

Magkakatulad ang damit ng mga maharlika at mga alipin. Nag-iiba lamang kung may pagdiriwang (fiesta, celebration) nang inaasahang mag-bihis nang maganda ang mga mayaman. Sa mga panahong iyon, nagsusuot sila ng mga sutla (seda, silk) at iba pang magarang damit, may butil-butil (butones, buttons) o puntas-puntas (encajes, laces) na ginto. Pati kanilang mga kris na lagi nilang dala ay pinaga-ganda kapag may kasiyahan. Binabalot ang mga suksukan (vainas, sheaths) at mga puluhan (puños, hilts) ng pira-pirasong ginto at nakar (perlas, pearls). Ang iba ay katumbas ang halaga ng 9 alipin. Subalit pang-araw-araw, hindi nagka-kaiba ang damit at anyo ng mga tao.

Ang karaniwang suot nila ay mga salawal (pantalones, breeches) at makapal at maigsing pang-ibabaw (chaqueta, jacket) na, kaiba sa mga taga-Europe, ay hindi isinusuot sa ibabaw ng pangtaas (camisa, shirt). Sa kanila, isinusuot itong pang-ibabaw nang nag-iisa, at wala nang ibang takip ang dibdib. Kung minsan, mahaba ang laylayan (falda, hem) nitong pang-ibabaw, tulad ng suot ng mga taga-France. Kahit may mga butil-butil (butones), hindi nila isinasara ang harapan ng pang-ibabaw na naiiwang bukas at nakalitaw ang kanilang dibdib. Kaiba ito sa gawi sa ibang bahagi nitong kapuluan. Kaiba rin ang patulis (puntiagudo, pointed) na tabas (corte, cut) nila sa laylayan at dulo ng manggas ng pang-ibabaw.

Ang kanilang mga salawal ay malapad at kulay puti, katulad ng mga pang-luob (ropa interior, underwear) na suot nating mga Español sa luob ng ating mga pantalones (pants). Itinatali nila ang salawal sa baywang ng isang tela na sobra ang haba kaya pagkatapos ibuhol, nakalaylay ang 2 dulo nito hanggang tuhod. Manipis lamang ang salawal subalit hindi masyadong malaswa dahil natatakpan nang kaunti nitong taling tela. Kung wala sila nitong tali, pinupulupot nila ang 2 braza (3½ metro) ng katulad na tela o sutla sa baywang at binibigkis ang magkabilang dulo sa harap. Sa ganitong paraan, natatakpan nila ang buong salawal at hindi na nakakahiya ang anyo.

Kapag may pagdiriwang, mamahaling tela ang pinupulupot nila, at sobra naman ang ‘pakita’ (ostentacion, display) nila. Ang ibang tela ay katumbas ng 30 0 40 reales (4 o 5 pesos). Nagsusuot din sila ng salawal na tulad sa mga Malay, nakatahi tulad ng ating pantalones subalit hindi kasing sikip (apretado, tight). Laging gawa ito sa sutla at may ‘gara’ (decoracion, fringe) na ginto sa ibaba, o kaya ay butil-butil at palamuti sa laylayan (borde, hem) na puro o pinilipit na ginto. Kaya kahit sa mayabang na pagdamit, hindi sila nag-aaksaya ng yaman.

Sa ulo, naglalagay sila ng putong (turban) na karaniwan sa mga Moro sa India, subalit sa hindi nawawala sa mga tao dito. Kahit hanggang ngayon (nuong 1667), lahat ng pinuno at maharlika ay nahihiyang makita na walang putong.

Ang Suot Ng Mga Babae

KARANIWAN ang damit ng mga babae. Mula sa maninipis at maliliit na piraso ng tela na hinahawi dito, gumagawa sila ng parang supot (saco, sack) na 9 dangkal (palmas) ang haba at butas sa magkabilang dulo. Sinusuot nila mula sa baywang pababa, karaniwang hanggang sa tuhod. Binubuhol nila sa baywang ang sobrang tela upang hindi bumagsak.

Ito ang suot nila araw at gabi. Pagtulog, nili-lilis lamang nila ang ibabang bahagi nitong supot at itinatalukbong hanggang sa ulog, kaya nagsisilbi itong kumot (sabana, sheet) at tabing (cortina, curtain) na rin. Ito lamang ang sukat ng rangya (opulence) at ginhawa (comfort) sa kanilang higaan (cama, bed) na manipis na banig (colchon, mattress) lamang.

Itong supot na sinikap nilang laging malinis ang kaisa-isang panangga nila laban sa ginaw at lamok. Sapat na sapat lamang ito sa kanilang kailangan. Walang pagkaka-iba ang mga maharlika sa mga alipin - kahit na si Tuambaloca, ang regina ng Jolo, mismo, at ang mga marangal sa Samboangan, mga babaing hindi nagkukulang sa pag-alaga sa sarili. Maliban na lamang, pagtulog ng mga pinaka-mataas na babae, nagla-laylay sila ng isang tabing na walang sapin.

Ito lamang ang takip nila para hindi masilip ng ibang tao na walang paki sa kanilang pagtulog, sa kanilang mga bahay na, dahil sa liit, ay walang mga dinding at hiwalay na mga silid. Kaya kung saan-saan na lamang sa sahig natutulog ang maraming tao na nakatira sa bawat bahay. Kung may naiba man sa may-ari ng bahay, maganda nang kaunti ang kanyang tulugan subalit hindi ang kanyang damit.

Alahas Sa Pagdiriwang

ANG damit pambihis (vestidos fiesta, gala dress) ng mga babae sa bansang ito ay karaniwang pantaas (camisa, shirt) na tinawag nilang “sayuelo.” Katulad ito ng pantaas na suot nila araw-araw, sinisikipan lamang nila sa dibdib at sobra-sobra ang haba ng mga manggas (mangas, sleeves). Abot kung minsan ng 3 o 4 varas (lumang yarda ng Español, maigsi ng 5 pulgadas (inches) kaysa metro) ang haba ng manggas subalit pinung-pino (fino, delicate) ang tela, naitutupi (trenzado, plaited) nila nang maganda.

Dinadagdagan nila ang kanilang damit ng palamuti (decoraciones) na karaniwan ay ginto (oro, gold). Nagsusuot din sila ng mga sinsing sa bisig (pulseras, bracelets) na isang pulgada ang lapad. Kung malaki ang pagdiriwang, nagsusuot sila ng 3 o 4 sa bawat bisig. Maganda ang gawa sa mga sinsing at masaya makita ang maraming babae na may suot nito.

Patolas” ang tawag nila sa balabal (capa, cloak) na suot ng mga babae sa mga kasayahan. Ito ay mamahaling sutla na minsan-minsan ay may mga sinulid (hilo, thread) na ginto. Paglabas sa bahay kapag karaniwang araw, ang suot na balabal ng mga babae ay mahaba at itim ang kulay. Natatakpan nito nang kaunti ang pangit nilang damit pang-araw-araw, at madalas, ang hubad na bahagi ng kanilang katawan na hindi sila tinatakpan ng damit. Gamit-gamit nila itong balabal bilang pantaas (camisa, shirt) at pambaba (falda, skirt). At walang pinag-iba itong balabal na itim kahit na gaanong kayaman o kahirap ang nagsusuot.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata