KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Ang Mga May-ari Ng Mindanao

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Old Mindanao ANG mga taga-bundok ang may-ari nitong kapuluan. Mahilig silang mabuhay nang tahimik, nabubuhay ng masagana sa anumang itanim at anihin nila sa kanilang pali-paligid (kaingin, swidden farming, ang tawag ngayon). Sa mga gulod sa luoban nila itinatayo ang kanilang mga bahay. Naglaho na ang hilig nilang magpunta sa mga dalampasigan (playas, coasts) o maghanap-buhay sa dagat. Kaya nasanay na silang mabuhay sa liblib at mga ligaw na gubat, mahalagang sa kanila sapagkat mahirap pasukin at mainam na tanggulan laban sa sinumang sumalakay.

Duon sa liblib na sila isinilang at lumaki. Naputol ang pakipag-ugnayan nila sa ibang mga tao, kahit sa iba pang pangkat ng mga taga-bundok, kaya unti-unti silang nalayo sa kabihasnan at tinuturing na ngayong mga ligaw na tao (barbaros, wild people). Sa maraming puok tulad sa bandang Iligan at Samboangan, tinawag silang mga Subano. Sa Mindanao, tinawag silang mga Manobo at mga Mananape na ibig sabihin ay mga magaspang na tao, o mga tao na namumuhay parang hayop (brutos). Sa Jolo, tinawag silang mga Guinuanos (mga Guimbano ang tawag ngayon), at sa Timog Asia Basilan, sila ang mga Sameaca.

Kung saan sila nagmula, ang sapantaha ay hindi naiba sa paniwalang pinagmulan ng mga tao sa iba pang bahagi nitong kapuluan. Ang iba’t ibang wika dito ay batay na lahat sa mga wika ng mga Malay kaya mungkahi na dinala ng mga tao duon nuong lumipat sila dito. Pinagtibay itong sapantaha ng lagay ng mga pulo, magkakalapit at halos walang patid mula sa Burney at Macazar. Wala ng ibang kabit-kabit na mga pulo na maaaring pinagmulan ng mga tao.

Ang Mga Naunang Tao
nina Blair at Robertson, 1903-1906

Ang mga Manobo ay mga pugot-ulo (headhunters) na hindi-binyagang (heathen) Malay sa luoban ng Mindanao sa bandang ulunan ng ilog Agusan. ‘Tao’ ang ibig sabihin ng ‘Manobo’ sa wika ng mga Bagobo sa banda ng luok ng Davao (Davao Gulf).

Ang tamang taguri ay ‘Manuba’ o ‘Man Suba’ na katumbas ng ‘taga-ilog’ at maaaring itawag din sa mga tagabundok ng Misamis, ayon kay Ferdinand Blumentritt, kaibigan ni Jose Rizal at nag-agham (ethnologist) sa pinagmulan ng mga unang tao. Ang mga Mananape din daw ay mga hindi-binyagan na namamahay sa luoban ng Mindanao at baka kabilang sa mga Manobo o mga Bukidnon.

Ayon naman kay Wenceslao Retana, kilalang manalaysay (historian) nuong panahon ni Rizal, ang ‘Manap’ ay hindi tunay na pangalan kundi tukso lamang sa mga ligaw na tao (wild people). Ang ‘Sameaca’ naman, sabi ni Retana, ay hango sa ‘sumasaca’ na katumbas daw ng ‘tagasaka’ sa wikang Visaya, ang mga nagkaka-ingin sa mga bundok sa luoban. Mga Malay na Moro raw, subalit may ibang ulat na mga hindi-binyagan o pagano sila.

Tinawag ng mga Español lahat ng Muslim sa kapuluan na ‘Moro,’ alaala (recuerdo) ng kanilang paglaban (conquista) sa mga taga-Morocco sa Africa, ang mga tunay na Moro, na 800 taon sumakop sa España.

Brunei ang tinawag ni Combes na Burney, kaharian sa kanlurang hilaga (northwest) ng pulo ng Borneo. Ang Macazar ay dating Makassar, tinatawag ngayong Ujung Pandang, malaking lungsod sa kanlurang timog (southwest) ng Sulawesi, (Celebes dati).

Ang Mga Nagtaboy At Sumakop Sa

Naagaw ng mga dayuhang nagkakalakal ang mga baybayin, mga luok at mga ilog na iniwan ng mga namundok. Ang mga bagong salta ay mas bihasa (civilizado) at madaling nasaklaw ang kalakal at iba’t ibang layunin ng maunlad na pamumuhay. Kaya sila na ngayon ang mga tanghal na naghahari sa mga taga-bundok sa luoban, sa mga Subano, Sameaca at iba pang nabanggit na. Sa mga baybayin sa bandang timog, ang mga dayuhang naging ‘hari’ ng mga naunang tao ay tinawag na mga Lutao (mula sa ‘laut tao’ o ‘taong dagat,’ ‘orang laut’ sa wikang Malay).

Mga bagong dating lamang ang bansa ng Lutaya sa kapuluang ito, bagaman at mahigit sa dagat sila namumuhay at bihira lamang tumuntong sa lupa. Tulad sila ng haliging lumulutang sa tubig, maliksi at mahirap sakayan ng kahit na ano. Ang pagdamit nila nang tulad sa mga Moro, naka-turban sa ulo (putong ang tawag ng mga Visaya) at nagsu-suot ng marlota (bata, robe), pati na ang kanilang mga sandata ay nagpapahiwatig kung saan sila

Mga Naunang May-ari Ng Mindanao

nagmula. Pahiwatig din ang kanilang wika, tulad sa matatas na pananalita ng mga maharlika dito na lagi nang ginagamit tuwing may marangal na pagdiriwang o usapan. Katunayan, maraming salita ang hiram nila sa matatas na wikang ito.

Dahil bago-bago lamang ang pagsamba ni Mahomet (Islam) sa India at pinalaganap mula duon sa mga kaharian dito, maaaring maunawaan na kailan lamang sinakop ng bansang Lutaya ang mga baybayin dito.

Ang ibig sabihin ng malabo at paliguy-ligoy na sulat ni Combes ay may ‘salitang marangal’ at ‘salitang lansangan’ ang mga Lutao. Ang salitang marangal, ayon sa kanya, ay hawig sa wikang Sanskrit. Dahil dito, kuro ni Combes na nagmula ang mga Lutao sa India. Ang ‘salitang marangal’ at ‘salitang lansangan’ ay bansag din sa mga taga-Java sa Indonesia, kaya paniwala na nagmula duon ang mga Lutao. Kalakihan ng kabihasnan sa Indonesia hanggang ngayon ay mula sa India, dala ng mahigit 1,000 taon ng kalakal at ugnayan nuong nakaraan. --Blair and Robertson

Ang hari ng mga Lutao ay si Corralat ng mga Buhayen (Kudarat ang tawag ngayon). Ang

Guimbano pagkilala nila kay Corralat at ang kalakal at ugnayan nila sa mga Buhayen ay pahiwatig na bahagi sila ng bansang iyon. Ligtas sila sa pagtangkilik ng mga Buhayen na nuong nakaraan ay mas higit na tungkulin, at kinakampihan nila ngayon sa digmaan at ipinagtatanggol laban sa mga kaaway.

Dahil sa galing ng mga Lutao sa bakbakan, nagkakalakas-luob ang mga hari dito na salantain ang mga kapuluan dito. Natigil lamang ang pandarambong nang sakupin ng mga Español ang pulo ng Ternate. Pagka-tatag ng kuta duon, minabuti ng mga pinunong Moro na manahimik na lamang sa kanilang mga pulo kaysa sumuot sa panganib sa malalayo.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata