Lanao   KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Si Manooc, Bayani Ng Dapitan

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Ang “Malanao” ay hango sa “lanao,” tawag sa lawa (laguna, lake), at sa “ma,” ibig sabihin ay “taga.” Matagal nang “Malanao” ang tawag sa taga-lawa ng Lanao (Lake Lanao)...   Nuong 1596 itinatag ng 2 frayle, sina Valerio de Ledesma at Manuel Martinez, ang unang mision sa ilog Butuan. Nuon din ‘ibinigay’ sa mga Jesuit ang pulo ng Mindanao. Dahil walang arsobispo sa Manila (1598 dumating si Ignacio Santibañez, at namatay pagkaraan lamang ng 2½ buwan) ang pamahalaan ng simbahan (cabildo eclesiastical) ang ‘nagbigay.’ Sang-ayon si governador Francisco Tello (1596-1602) ngunit naghabla ang mga frayleng Recollect sa ‘pag-ari’ sa lawa ng Lanao. Pasiya ni governadorJuan Niño de Tabora (1626-1632) na mga Jesuit ang ‘may-ari,’ hatol na inulit ni governador Sebastian Hurtado de Corcuera (1635-1644) nuong Septiembre 5, 1637.     --Blair and Robertson

UNANG nakilala ni Manooc, ang principe ng mga Dapitan, ang mga Español mula sa kanyang ama, si Pag Buaya, sa mga pahayag mula nuong unang natanaw ang pangkat-dagat (escuadra, fleet) ni Ferdinand Magellan (nalito si Combes, sina Miguel Lopez de Legazpi ang nakaibigan nina Pag Buaya). Si Manooc ang unang nabinyagan sa mga Dapitan, at tinanggap niya ang pangalang Pedro Manuel Manooc.

Pagkatapos ng mga tagumpay niya sa Manila at Camarines, nagpatuloy ang pagkamagiting ni Manooc. Nakipag-digmaan siya at nilusob ng kanyang mga mandirigma sa kanilang hukbong dagat (war fleet) ang mga taga-Mindanao at mga taga-Jolo, sa kanilang mga bahay. Sa isang pagsalakay nina Manooc, nasalubong nila ang pangkat-dagat ng hari ng Jolo, 12 dyong na nagkataong palaot upang mandambong sana. Maraming napatay sina Manooc sa mga taga-Jolo. Nakatakas at nakauwi ang hari ng Jolo, subalit naagaw naman ni Manooc ang dyong ng hari mismo.

Dinigma rin ni Manooc ang mga Caraga na kasalukuyan nuong nagkakalat ng lagim sa buong Mindanao. Tinalo at sinakop din niya ang nayon ng Bayug ng mga Malanao (mga Maranaw ang tawag ngayon). Natangi siyang tagapag-tanggol ng mga frayle at Español sa harap ng maraming kaaway, at sa tapang at giting niya napalaganap ang mga hangarin ng Español.

Katulong si Laria, pinsan ni Manooc, nang sakupin ng mga Español ang

kapuluan ng Maluku (Moluccas, spice islands) at tumanggi siya sa bayad, kahit na pagkain, para sa sarili niya at sa mga tauhan niya. Kasama rin siya lagi nang 7 ulit lusubin ni Manooc ang pulo ng Jolo nang nagpakita siya ng buong giting.

Ang pangalan ni Gonzalo Maglenti (maniwaring Mang Lintik ang tunay) ay katumbas ng ‘taga-hagis ng kidlat.’ Manugang siya ni Manooc at kasamang lumaban sa mga Mindanao (mga Magindanao ang tawag ngayon) nang tangkain nilang sakupin ang buong pulo ng Mindanao. Si Maglenti ang sumakop sa lahat ng mga nayon at baranggay sa baybayin ng kanlurang Mindanao mula sa nayon ng Sidabay (Siraway ang tawag ngayon), 48 kilometro ang layo sa Samboangan (Zamboanga City ngayon), hanggang sa luok ng Pangil (bahia de Pangil, Panguil Bay ang tawag ngayon, sa dulong timog ng Iligan Bay).

Mula sa halos 300 kilometrong baybaying ito, hinabol at sinagupa niya ang lahat ng nagdaang pangkat-dagat ng mga Mindanao at mga Malanao. Binigyan din niya ang babala ang mga Español sa Cebu at Oton (sa pulo ng Panay) tuwing may lumaot na pangkat-dagat ng mga Muslim.

Sa lahat ng digmaan, kasa-kasama ni Maglenti ang kanyang anak na lalaki, si Pedro Cabelin, mula nuong 7 taon gulang pa lamang kaya lumaki itong walang takot. Ipinagpatuloy niya ang pagsabak sa mga kaaway ng Español. Sa ngayong 30 taon gulang, sinasabing nakapatay na siya ng mahigit 200 tao sa labanang mano y mano (hand-to-hand combat).

Hindi nahuli sa giting ang mga babaing Dapitan. Si Manooc ang ama ni Mariya Uray, ang asawa ni Maglenti, na nabubuhay ngayon bilang sagisag ng puri at kabutihan. Tumanggi siyang maging asawa ng mga hari ng Jolo dahil walang pitagan ng mga hindi binyagan.

Si Madalena Baloyog na kapatid ni Manooc ay tinitingala ng mga Subano. Sa kanyang amuki lamang, hindi ginamit ang dahas ng kanyang mga mandirigma, pumayag ang mga ito na pailalim sa kapangyarihan ng Español. Tinanghal siya ng mga pinuno ng mga Subano na punong ginang (señora, lady) at mapag-panatag (pacificadora, peacemaker).

Nakita ang kanyang kapangyarihan nang maghimagsik ang mga taga-Butuan, pinatay ang mga Español na alcalde mayor at pari duon. Napasuko niya at napatahimik ang mga naghihimagsik sa pakiusap lamang, nang ipinangako niyang patatawarin silang lahat nang walang parusa.

Bago siya namatay, hinabilin ni Manooc sa kanyang mga anak na nais niyang malibing sa lungsod ng Cebu at pagkatapos, ilagak ang kanyang mga buto sa cathedral. Sinunod ng mga anak ang habilin. Sa huli, kailangang ihayag na ang paglaganap ng pagsambang catholico sa mga kapuluan dito ay dahil sa giting at katapatan ng mga Dapitan.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata