KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Ang Bansa Ng Mga Subano
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
Ang mga bahay sa itaas ng mga punong kahoy ay unang napansin ng pangkat ni Miguel Lopez de Legazpi pagsakop nila sa Cebu nuong 1565. Kapuna-puna, walang nakitang bahay sa taas ng puno ang pangkat nina Ferdinand Magellan nuong 1521, pahiwatig na bagong gawi ang pagba-bahay nang malayo sa lupa. |
Ang Mga ‘Taga-ilog’ Mga ‘Taga-ilog’ ang ibig-sabihin ng Subanon, ang itinawag sa iba’t ibang kalaban ng mga Muslim (ang tinawag na moros ng mga Español) na namahay sa mga tabing ilog sa kanlurang bahagi ng Mindanao (western Mindanao). Nuong panahong sinulat ni Combes ang kanyang Historia de las Islas de Mindanao, ang mga ‘Subanon’ ay kalat sa mga bundok ng Zamboanga, ng ilang bahagi ng Cotabato, at ng bandang Dapitan sa tinawag nuong malaking lalawigan ng Misamis (hati ngayon sa Misamis Occidental at Misamis Oriental; ang Dapitan ngayon ay nasa Zamboanga del Norte). Inulat sa mision ng mga Jesuit nuong 1656, 11 taon sa nakaraan, na ang Subanes ay mga pagano, kauri ng mga tagapulo sa paligid, at tumatahan sa mga ilog sa tangway (peninsula) ng Sibuguey sa kanlurang Mindanao. Ang mga ulat ngayon tungkol sa Subanon ay sang-ayon o hango sa Historia ni Combes. |
|
ANG Subano ang pang-4 bansa, namamahay sa gilid ng mga ilog. Sa kanila ang pangalang “Suba” na katumbas ng “ilog” sa wika ng karamihan ng mga bansa sa Mindanao. Sila ang pinaka-aba sa lahat, dahil sa kanilang pagka-mahirap, sukdulang dukha, at dahil din sa karaniwan silang mailap at ligaw. Hiwa-hiwalay ang kanilang mga bahay, halos 5 kilometro ang layo sa isa’t isa, at bihira silang nakikipag-ugnayan sa mga kapwa. Ang mga magkakakilala lamang ang namamahay nang sama-sama. Nagtutulungan sila at itinatayo ang mga bahay nila sa mga matayog na punong kahoy, napakataas - hindi naabot ng hinagis na sibat. Lubhang dukha at maliliit ang kanilang mga bahay kaya kasya sa iisang punong kahoy lamang. Ang pag-akyat ay isang hagdan, inukit na haligi o buong punong kahoy. Binabatak nila ang hagdan at ipinapasok upang walang maka-akyat, kaya panatag silang natutulog sa gabi. Wala silang alam maliban sa kung ano ang kailangan sa kanilang hanap-buhay, at ayaw nilang magsikap nang higit sa kailangan nila kaya wala silang naiipong rangya. Hindi sila sanay sa kabihasnan. Mabangis sila pagsilang, at buong buhay umiiwas makitungo sa ibang tao. Hindi sila lumalayo sa kanilang tahanan, at tumatanda silang nag-iisa sa kanilang kubo-kubo. Wala sa silang hangad makita ang dagat, kahit na iyong mga nakatira sa malapit at nakarinig ng balita tungkol sa lawak ng tubig, at ang bagyo at kilabot na nagaganap duon. Sapat na kanila ang makita ang ilog na katabi ng kanilang kubo. Ayaw nilang makipag-sapalaran upang magkamit ng higit pa. Nasanay sila na walang kusa, huwag maghangad o magsikap kaya wala silang naituturo sa atin tungkol sa pagpa-ginhawa sa buhay o ikakarangal sa sarili. Upang makamit ang mga ito, kailangan nating akuin ang mga tungkulin, kailangan nating sumuong sa mga panganib na walang kinalaman sa araw-araw na buhay. |
||
Ang Mga Pinuno, At Paano Napailalim Ang Mga Subano Ang pinuno ay tinawag na “timoly” ng mga Subano, “hari-hari” ng mga Mandaya, “masali campo” ng mga Montes, “matado” ng mga Monobo, “bagani” ng mga Bagobo, at “dato” o “sultan” ng mga Muslim.
Kung sino ang marunong magbalak at nakaliligtas sa panganib ang itinuturing nilang magiting at tinatanghal na pinuno. Subalit ang buong bansa ng Subano ay nasa ilalim ng mga Lutao, at bawat baranggay ay kumikilala ng isang pinunong Lutao na binabayaran nila ng buwis (tributos, taxes). At ang pinunong ito ang siyang hari nila, at may hawak ng kanilang kapalaran, buhay at kamatayan. Nuong una, malaya sila sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Mindanao at nakikipag-kalakal lamang sa kanila ang mga Lutao. Subalit matalino ang mga Lutao at naagapan nila ang kawalang muwang ng mga Subano na hindi nagsama-sama upang ipagtanggol ang mga sarili, hanggang naging sukdulang mga alipin sila, at patuloy na napailalim nuong pagsikat ng mga Lutao. Kaya ngayon, lagi na lamang inaapi ang mga Subano at pinagsa-samantalahan ng mga Lutao. |
||
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |