KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Ang ‘Hari Ng Buhayen’
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
|
Ang ‘Buayan’ Ang pangalan ay “buaya” (crocodile) at ang dugtong na “han” o “an,” pahiwatig ng “tahanan,” kaya ang ibig sabihin ay “kung saan nakatira ang mga buaya...” --Retana and Pastells, Combes, 1897 Ang tama ay Buayan, mula sa tawag sa ilog ng Buaya na naging tawag sa mga taga-ilog nuong unang panahon. Ang ilog ng Buayan ngayon ay isang karaniwang ilog sa bukana ng luok (bahia, bay) ng Sarangani, malapit sa General Santos City sa timog Mindanao. Subalit 400 taon sa nakaraan, ang ‘puok ng mga buaya’ o Buayan ay nasa 120 kilometro sa kanlurang hilaga (northwest), malapit sa kasalukuyang maliit na kabayanan ng Pendu sa tabi ng tinatawag ngayong ilog Mindanao (rio grande de Mindanao). Maraming naging pangalan itong malaking ilog na bahagi ng ilog Pulangi na bumagtas pa-kanlurang timog (southwest) mula sa bundukin ng Kitanlad sa kasalukuyang lalawigan ng Bukidnon. Sa haba ng takbo ng Pulangi, sumanib ang malaki ring ilog Mulita sa lalawigan ding iyon. Mula naman sa lawa ng Buluan (Laguna de Buluan, Buluan Lake) sa timog ng dating Cotabato (lalawigan ng Maguindanao ngayon), tumagas ang ilog Buluan at dumugtong sa Pulangi sa putikan (pantano, swamp) malapit sa kabayanan ng Pendu. Patuloy ang agos pa-kanlurang hilaga (northwest) hanggang sa kasalukuyang lungsod ng Datu Piang. Samantala, sa kanlurang timog (southwest), nagtagpo ang ilog Maganoy at ilog Allah sa tinatawag ngayong lungsod ng Sultan sa Barongis. Nagtuloy ang magkasama nang tubig hanggang nadugtong sa Pulangi sa Datu Piang din. Ayon sa mga ulat ng Español, sa banda ruon, tagpuan ng 2 malaking ilog sa gitna ng kalatagan na palabigasan ng gitnaang Mindanao, natatag ang kaharian ng Buayan. Sa mga ulat ng Español, marami ring naging pangalan ang kahariang 60 kilometro mula sa bukana ng ilog sa luok ng Illana (Illana Bay): Boayen, Buayen, Bugaien, Bagaien, Bugayen, Buhahayen, Buyaen, Buyahen, Buyayen at Buyen. |
|
ANG mga Lutao ang gamit ng lahat ng ibang bansa bilang mandirigma sa kanilang mga digmaan sa dagat. Ang mga mandirigma ng ibang bansa ay ayaw sumagupa sa dagat, at lumalaot lamang kung sapilitan. Marahil dahil dito, wala silang laban sa mga Lutao na masipag namang sumalakay kapag nakita nilang ayaw makipag-hamok ng mga kalaban at mananalo sila nang walang panganib o pinsala. Kaya sinumang maraming kampon na Lutao ang itinuturing na makapangyarihan dahil kinakatakutan sa dagat at mga baybayin ang kanilang pandarambong at pag-alipin sa mga tao. Malagim din ang pagharang nila sa mga lusutan patungo sa iba’t ibang pulo upang nakawan at bihagin ang sinumang magdaan. Ang taga-Buhayen ang tunay at karapat-dapat na hari subalit bale-wala siya sa mga tao kahit marami siyang tauhan sapagkat wala siyang mga Lutao. Samantala, kinatatakutan ang hari ng mga Mindanao (bulol na turing ng Español sa mga Maguindanao) kahit kaunti lamang ang kanyang mga mandirigma - isa lamang sa bawat 20 Buhayen - dahil marami siyang mandirigmang Lutao at kaya niyang makipag-digmaan kahit kailan, at kahit saan. Bihira at madaling natatapos ang labanan sa mga pulo. Mabundok kasi at mahirap pasukin ang mga luoban at kahit kailan may sumalakay, takbuhan agad ang mga tao at nagtatago sa gubat. Karaniwang nakakaligtas sila, ayaw humabol ng mga sumalakay dahil mahirap maghanap at walang lakas ang haribas ng mandirigma sa sukal (maleza, undergrowth). Karaniwan ding ligtas ang yaman at mga ari-arian ng mga tao dahil naging gawi sa matagal nang ligalig sa buong paligid na ibaon sa lupa at itago ang mga ari-arian na hindi nabubuhat pagtakas sa bundok. Kaiba ang mga labanan sa dagat. Sinumang may lakas sumagupa sa dagat ay kinilalang makapangyarihan kaya, nuong nakaraan, lahat ay nagbayad ng buwis sa hari ng Mindanao upang hindi sila madambong. Nuong panahon ni Huisan, ang ama ni Corralat, hinangad pa nilang magbuwis din lahat ng mga Pintados (mga Visaya na pulos tattoo). Mahigit 20,000 din ang nagbuwis sa kaharian ng Siaco sa malayong pulo ng Burney (ang kaharian ng Brunei sa pulo ng Borneo). Ito rin ang dahilan naging tanyag ang maliit na pulo ng Jolo kahit na kaunti lamang sila sapagkat sa dagat, kapantay nila ang lakas ng mga Mindanao dahil marami silang kakamping Lutao. |
||
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |