KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Mandirigmang Dagat Ang Mga Taga-Jolo
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
|
2 Tunay Na Salakay Isinilang si Antonio de Abarca nuong Septiembre 13,1610 sa Villalba, sa Cuenca, España. Pumasok siya sa convento nuong Marso 23, 1628 at nakarating sa Pilipinas nuong 1632, bago siya nakatapos mag-frayleng Jesuit nuong Enero 21, 1649. Nag-misionario siya sa Mindanao at Visaya. Naging rector din siya sa Carigara (sa Leyte) at sa Cebu. Patungo sa Roma bilang procurador, namatay siya sa barko malapit sa Acapulco, Mexico, nuong Enero 23, 1660. --Blair and Robertson, 1906 Upang lalong naunawaan kung paano makipaglaban ang mga taga-Jolo, isasalaysay ko ang dalawang sagupaan. Isa ay nangyari sa isang taga-Dapitan na dati kong nakasama sa paglalayag nang ilang araw. Pauwi siya sa kanyang banca isang araw nang masalubong niya ang isang pangkat ng mga taga-Jolo. Pumilas ang isang sasakyan mula sa pangkat at hinabol siya. Tatlong ulit sumugod ang mga taga-Jolo upang barilin siya, subalit may dalang baril (musket) ang taga-Dapitan at pinaputok niya kaya hindi nakalapit ang mga humahabol. Sa ika-3 putok, nasira at lumubog sa dagat ang baril ng mga taga-Jolo. Wala nang paputok, umalis agad ang mga taga-Jolo. Ganito rin ang nangyari kay Antonio de Abarca, isang frayleng Jesuit, at sa mga kasama niya nang iwan nila ako sa Dapitan upang magtungo sa pulo ng Bohol. May isang maliit na pulo sa tabi ng Bohol, Illaticasa ang pangalan at walang nakatira duon. Mula rito, 3 dyong ng mga taga-Jolo ang sumalubong kina fray Abarca isang legua (halos 5 kilometro) bago nila narating ang pampang ng Bohol. Isa lamang ang baril nina Abarca at siya lamang ang marunong gumamit nito kaya 30 ulit siyang bumaril nang bumaril. Hindi nakalapit ang mga taga-Jolo at nakatakas sina Abarca sa pampang. |
|
KILALA sila sa buong paligid bilang mandirigma, ang malagim na hukbo sa mga digmaan sa bahaging iyon ng mondo na karaniwang ginaganap sa dagat at dalampasigan. Bantog din sila sa galing ng mga banca na gawa nila, at sa galing ng paglayag nila sa dagat, maging sa bakbakan o paglakbay. Dahil naka-ugnay nila lahat ng tao sa lawak ng paglaot nila upang mangisda at makipag-kalakal kanino man, sila ang naging pinaka-maalam tungkol sa iba’t ibang pangkat duon. Kaya kahit sila ang pinaka-maliit na bansa, sila naman ang namayani sa lahat, maging sa mga hari na maniwaring nakakataas sa kanila. Sa pamamagitan ng dahas, higanti at pautang-luob, naitatag nila ang alipinan (esclavitud, slavery) sa mga kapuluan. Wala silang inatupag kundi ang magkalakal at mandambong at paniwala nilang tiyak ang tagumpay nila at ligtas sila sa panganib dahil sa galing nilang maglayag at magsagwan, at sa bilis ng kanilang mga banca. Tutuo naman, sapagkat hindi sila abutan ng ating mga sasakyang dagat (buques, Spanish warships) kaya lumulusob sila kahit saan nila gusto. Ang karaniwang salakay nila ay sabay-sabay na dadaong sa dalampasigan at sasalakay lahat habang humihiyaw nang buong lakas. Nagugulat ang mga kalaban, natataranta at nagkakahiwa-hiwalay, at nagtatakbuhan na lamang sa halip na magsama-sama at magtanggol. Mas mahinahon sila sa gitna ng dagat, kung wala rin lamang panganib na nagbabanta sa kanila. Nakikipag-laban lamang sila kung may pakinabang, at hindi upang matanyag, kaya ayaw nilang sumabak kung maraming masasaktan o mapapatay sa kanila, at kung hindi tiyak ang ang kanilang panalo. Subalit kapag nakatagpo sila sa dagat ng kaya nilang dagitin, hinahabol nila at karaniwang inaabutan nila bago ito makarating sa pampang at makatakas. Kung mapanganib, kahit gaanong kaliit, hindi sila lumulusob agad. Nililigid nila ang kalaban hanggang mapagod ang mga ito at manghina. Saka nila sasabakan nang husto, pauulanan ng mga sibat at palaso na hinahagis nila sa 2 kamay, kaya walang makalabas sa mga kaaway upang magtanggol. Ganito napipilitang sumuko ang kahit gaanong kalakas na kalaban paglapit ng mga Lutao. |
||
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |