KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Ang Mga Taong ‘Lumulutang Sa Tubig’
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
|
Ang Mga Lutao ‘Laut’ ang tawag sa ‘dagat’ sa timog Pilipinas, at ‘Laut-tao’ o ‘magdaragat’ ang mga namumuhay sa mga bangka o dalampasigan, at ‘lumalaot’ sa dagat araw-araw. Hawig sa ‘Orang-Laut’ o ang ‘tao ng dagat’ na tawag sa wikang Malay. Nabulol ang ‘Laut-tao’ sa ‘Lutao’ nang narinig at isulat ng Español nuong una nilang nakatagpo ang mga taga-Zamboanga. Ayon kay Ferdinand Blumentritt, ang taga-Germany na nag-agham sa urian ng mga tao (ethnologist) at nakaibigan ni Jose Rizal sa Europe, kabilang ang Ilanon sa Lutao. Malamang dahil magkahawig ang kanilang salita, bantog kasi si Blumentritt sa iba’t ibang wika ng mga unang tao (ancestral dialects) sa buong daigdig. Subalit sa ulat na ito ni Combes, hiwalay sa Lutao ang Ilanon na malaganap nuon sa mga baybaying dagat (seacoasts) sa banda ng Malabang (bahagi ngayon ng lalawigan ng Lanao del Sur). Ang tinuring ni Combes na Lutao ay ang tinatawag ngayong Bajao at Samal, tinagurian ng Amerkano at mga taga-Europe na ‘mga palaboy sa dagat’ (sea gypsies) dahil halos buong taon, taon-taon, nakatira sa kanilang mga bangka nang hindi lumalapag sa lupa. Sabi ngayon na nagmula sila sa Johore at iba pang maliliit na pulo sa lusutan ng Melaka (Malacca Strait) bago kumalat sa maraming puok ng Indonesia hanggang sa mga baybayin at pulo ng Sulu at Basilan. Hanggang ngayon, may mga nayon ng Bajao sa timog ng Borneo at sa Makasar, sa timog ng Sulawesi (dating tinawag na Celebes). May mga Samal naman ay iniwan na ang buhay-dagat at tumira na sa mga nayon at kabayanan ng Zamboanga at Sulu. |
|
ANG pangatlong bansa ay ang Lutaya, karaniwang natatagpuan sa mga pulo ng Mindanao, Jolo at Basilan. Sa mga lugar na ito, ‘Lutao’ ang tawag sa kanila, ibig sabihin ay ‘tao na lumalangoy at lumulutang sa tubig.’ Sapagkat ganito talaga ang kanilang gawain at katauhan. Wala silang alam na bahay kundi ang kanilang banca (boat). Kahit sa mga nayon (villages) na pinagsama-samahan nila, ang mga bahay nila ay nakatuntong sa lupa na lumilitaw lamang kapag mababa ang dagat (marea baja, low tide). Nakapatong ang mga bahay sa mga haligi (poste) na gawa sa punong-kahoy na ibinaon sa lupa upang maging mga tukod. Kapag mataas ang dagat (marea alta, high tide), baha sa ilalim ng mga bahay nila, at malayo ang gilid ng lupa. Napaka-lalim ng tubig sa silong ng mga bahay, kahit malalaking banca ay maaaring sumuot sa ilalim. Napaka-giliw sila sa dagat, at walang halaga sa kanila ang lupa kaya hindi sila nagtatanim o nag-aani ng pagkaing lupa. Wala silang hanap-buhay kundi mangisda, at anumang kailangan nila ay ipinapapalit lamang sa isda at anumang ma-ani nila sa dagat - kahit na ang mga kahoy na ginagamit nila sa paggawa ng kanilang mga banca at mga bahay, at panggaton sa pagluluto. Dahil hindi sila ‘nakatali’ sa lupa, nakakalibot at nakakalipat sila kahit kailan. Hindi sila nagtatagal kahit saang lupa, kahit na sa mga nayon nila, at tanging ‘tahanan’ nila ang dagat at lagi silang nagkalat sa iba’t ibang dalampasigan (las playas, beaches) at nangingisda sa mga lawa (las bahias, bays) sa paligid. Nakapa-ilalim sila sa mga hari ng Mindanao, Jolo at Basilan subalit hindi tangi at kung sino lamang ang sumasakop sa puok na marating nila. Matatagpuan sila sa buong baybayin ng Mindanao, mula sa Samboangan (Zamboanga City ang tawag ngayon) hanggang sa ilog ng Mindanao (rio grande de Mindanao, bukana ng ilog Pulangi malapit sa kasalukuyang Cotabato City), subalit wala silang takdang tahanan maliban sa dagat. Ang naiba lamang ay ang mga Lutao na lumipat at tumira na sa lungsod ng Cebu at sa nayon ng Dapitan (ang pinagtapunan kay Jose Rizal nuong 1892, sa kasalukuyang lalawigan ng Zamboanga del Norte). |
||
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |