Mga Caragas

KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Ang 4 Bansa Ng Mindanao

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Ang Mga Caraga

Caraga ang tawag ng Español sa mga mandirigma (guerreros, warriors) na natagpuan nila sa mga baybayin ng silangang Mindanao (bahagi ngayon ng mga lalawigan ng Surigao bagaman at ang lungsod na tinatawag pang Caraga hanggang ngayon ay nasa Davao Oriental). Kahit na matapos nabinyagang catholico, nanatiling mabangis ang mga Caraga, at libu-libo sa kanila ang ginamit ng hukbong Español upang sakupin ang iba pang bahagi ng kapuluan.

Bagaman at tinuring na hiwalay na bansa (nation) ng Español, kalipi sila ng mga Visaya, ayon kay Ferdinand Blumentritt, ang taga-Germany na nag-agham sa urian ng mga tao (ethnologist) at nakaibigan ni Jose Rizal sa Europe nuong bandang 1880s. Bantog si Blumentritt sa iba’t ibang wika ng mga unang tao (ancestral dialects) sa buong daigdig, at sinabi niyang Visaya ang wikang Caraga. Nag-iba lamang dahil nahaluan daw ng wika ng Manobo at ng Mandaya.

Kung gayon, tutuo rin ang kabaligtaran - may mga Mandaya at Manobo, kapwa mabangis sa digmaan, na natuto ng salita ng dayong Visaya at naturing na ‘Caraga.’ Mas kapani-paniwala ito sapagkat nuong panahon pa ni Rizal, naglaho na ang mga Caraga at nasaklob sa mga tao sa paligid. Maaaring sabihin, nagbalik lamang sila sa pagiging Manobo o Mandaya, kung nabuhay man sila bilang hiwalay na lipi (solera, ancestry) nuong una.

Ang Mga Maguindanao
nina Emma Helen Blair at James A. Robertson

Sa timog Pilipinas, ‘danaw’ o ‘lanaw’ ang tawag sa ‘lawa’ (laguna, lake), at ang mga ‘taga-lawa’ o mga tao sa ‘lawa’ ay tinawag na ‘Maging danaw,’ o Maguindanao sa sulat Español. Sa tuusan, lapat itong tawag sa mga Maranaw, ang mga taga-lawa ng Lanao (Laguna de Lanao, Lake Lanao), kabilang ang mga Ilanon (tinawag ding Ilanos at Ilanin) subalit sa kasalukuyan, tinuring silang hiwalay na tao sa mga Maguindanao, ang mga taga-ilog ng Pulanggi (Pulangi river, rio grande de Mindanao), bahagi ngayon ay tinawag sa pangalang ‘Maguindanao,’ o ‘Mindanao’ sa bulol na wika ng Español. Dahil sa dami nila - kabilang pa mandin ang mga Maranaw nuong panahon ng Español - itong bulol na tawag ang ibinigay na pangalan sa buong pulo.

Unang nabanggit ang mga taga-lanaw ni Antonio Pigafetta, ang taga-Italia na kaibigan at kasama ni Ferdinand Magellan nang unang sumulpot sa Pilipinas nuong 1521, bagaman at hindi sila nakaharap ni Pigafetta at sabi-sabi lamang sa kanya ng mga nakausap niyang mga tagapulo - malamang mga Subanon sa banda ng tinatawag ngayong Zamboanga del Norte.

Marami nang Muslim sa mga Maguindanao nang sakupin ng Español ang Cebu nuong 1565. Kaya sila tinawag na Moros (Moors, mga taga-Morocco, sa Africa). Subalit mahigit 50 taon na ang mga Español sa Pilipinas bago naging ganap ang pagka-Muslim ng mga Maguindanao (at mga Maranaw). Naging mahigpit na kalaban sila ng Español at iba pang mga catholico at, hindi man nila napigil ang paulit-ulit na pagsakop sa Jolo at Zamboanga, naharang naman nila ang pagpasok ng Español sa Davao, hindi nasakop kundi nang sugpuin ni governador Valeriano Weyler ang mga Maguindanao mismo nuong 1888-1891.

Kahit kanila ang pinaka-matayog na politica sa lahat ng mga Pilipino, sa nalabing panahon ng Español, at sa sumunod na panahon ng Amerkano, nautal ang kapangyarihan ng Maguindanao (at ng mga Maranaw) at hindi natanghal uli kundi mula nuong 1935, nang panahon na ng Pilipino sa Pilipinas.

APAT na bansa ang kilala sa pulong ito - ang mga Caraga, ang mga Mindanao, ang mga Lutao at ang mga Subano.

Pinaka-sikat ang bansa ng Caraga, kahit na pinaka-maunti, pinaka-tanyag naman ang mga ginawa nila. Nuong mga nakaraang panahon, takot ang lahat sa kanila. Kahit na ngayon, natatandaan pa sa mga pulo ng mga Pintado (tawag ng Español sa mga Bisaya dahil sa dami ng tattoo at pintura sa katawan at mukha) ang mga ligalig na idinulot ng mga Caraga, lalo na sa Leyte. Halos lahat ng nayon at barangay duon ay sinalanta ng mga Caraga dati-rati.

Kasama sa mga nasalanta ang Atin (Ours, ang lipunan ng mga frayleng Jesuit o Jesuit Order) nang dambungin (ng mga Caraga) ang kabayanan natin sa Palo at winasak ang lahat ng barangay sa tabi ng dagat. Binihag pati na ang frayle Redentor duon. Lahat ng mga tagaruon ay napilitang magtago sa mga bundok sa luoban. (Nuong mga panahong iyon, tungkulin ng Redentor na makipag-usap sa mga Muslim at tubusin ang mga catholico na dinukot at inalipin nila.)

Matapang at malakas ang mga Caraga kahit wala silang hari na katulong o kakampi. Kaya nila ang sinumang kalaban at lahat sa paligid ay takot sa kanila, maging sa dagat o sa lupa. Sa pulo-pulo, sila ang pang-una. At kapag sila ang katulong, kahit na ano ay maaaring matupad, gaya ng pagsakop sa lawa ng Malanao (Lanao Lake) at iba pang tagumpay na natamo mula nuong naging catholico sila at naging kakampi ng Español.

Ang pangalawang bansa ay ang mga Mindanao, kasama pati na ang mga kaharian ng Buhayen (maliit na kabayanan sa tabi ng ilog Buayan ngayon, subalit nuon ay malaking lupain sa tinatawag ngayong Maguindanao at Cotabato) sapagkat nuong mga unang panahon, lahat sila ay iisang bansa. At ngayon (nuong 1667), kahit na maraming naghahari sa kanila, magkaka-pareho ang kanilang mga gawi at wika. Matatapang sila at dahil nakapagbuo sila ng kaharian, iginagalang sila ng ibang mga bayan na higit na mas malakas kaysa kanila. Mga taksil sila at hindi dapat pagkatiwalaan dahil sumasamba na sila kay Mahomet.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata