HIMAGSIKAN SA ILOILO NUONG 1663
Ang Mga ‘Diyos-Diyos’ Ni Tapar Religious Uprising in Central Visayas in 1663 Dueñas na ang pangalan ng Laglag. Kahabag-habag itong ugali na lumaganap sa Pilipinas - pinapalitan ng mga dating pangalan ng mga bago na walang ugnay sa puok o kahit na sa Pilipinas mismo. Lumalabo tuloy ang kasaysayan ng kapuluan nang walang katuturan kundi yabang lamang ng kung sinu-sinong gobernador general, alcalde o cura... -- Tirso Lopez, OSA TULAD NG mga propheta sa Biblia, mahabang panahon naglimayon nang nag-iisa si Tapar sa liblib ng mga gubat sa pulo ng Panay at, pagkaraan ng maraming taon, ‘nagpakita’ sa kanya ang mga diwata, ang mga dating diyos ng mga katutubo, sa anyo ng mga punong kahoy, at sa luob ng mga yungib (cuevas, caves). Tumanda siya sa ‘pakikipag-usap’ sa mga diwata na nagturo sa kanya ng mga lumang dalangin at panawagan, at kung paano sumamba tulad ng dati sa mga espiritu sa paligid at sa mga kaluluwa ng mga yumaong ninuno. Una siyang namataan sa gubat ng Malonor, gumagala nang nakatalukbong at balot ang buong katawan ng mahabang tela, gaya ng suot ni Jesus Christ. Isa-isa, dinayo at sinamahan siya ng mga katutubo hanggang dumami ang mga tinuruan niya sa dating pagsamba at panaghoy sa mga nuno at mga diwata. Lumawak ang pangaral niya ng religion sa mga karatig baranggay sa bundok, ang Misi at ang Camantugan. Hindi nagtagal, sumampalataya rin pati na ang mga baranggay sa paanan ng bundok, ang Sibucao at ang Sumandig. Lahat ng mga baranggay na ito ay pinagsama-sama ng mga Español bilang mga ‘visita’ ng nayon ng Laglag (Duenas ngayon). |
|
Binuo Ang ‘Diyos-Diyos’ Sinimulang tawagin si Tapar ng mga tao na ‘Amang’ (padre, father) at nagtayo sila ng simbahan (templo, church) sa gitna ng gubat upang duon mag-alay sa mga diwata ng mga handog (sacrifices) na baboy, manok, at sari-saring pagkain. Gaya sa misa ng mga catholico na itinuro ng mga frayle, uminom sila ng alak tuwing simba sa kanilang templo. Lihim na kumalat sa buong pulo ng Panay ang pagkilala kay Tapar bilang isang propheta. Upang makatulong sa pamamahala at pangaral sa mga tao, hinirang ni Tapar ang mga matalik niyang kasama bilang mga ‘apostoles.’ Tinawag ang isa sa pangalang ‘Anak ng Diyos,’ ang isa pa ay ‘Espiritu Santo.’ Isang apostol na babae ay naging ‘Maria Santisima’ (‘kabanal-banalang Marya,’ ‘most holy mother’). Ang iba pang sumasampalataya ay hinirang niyang mga ‘obispo’ (bishops) at mga ‘papa’ (popes). Sila ang bumuo ng pagsambang tinawag ng mga tao na ‘diyos-diyos.’ |
Sinakop, Hinati-hati Ang Panay Nuong 1569, sinakop ang pulo ng Panay ng mga conquistador ni Miguel Lopez de Legazpi mula sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon). Sagana ito sa palay at sari-saring pagkain, at higit na mahalaga, maraming magsasaka na pinilit ng mga Español na magsilbi sa kanila. Sa agawan ng mga frayle sa kapuluan, ‘inangkin’ ang pulo ng Panay ng mga Augustinian, ang unang pangkat ng mga frayleng dumayo sa Pilipinas. Nuong 1663, hinati ang Panay sa 2 lalawigan ng Panay at Oton. Ang himpilan ng gobernador ng unang lalawigan ay nasa nayon ng Panay (dating Pan Ay ang tawag), sinakop nuong 1581. Pinamahalaan ang 9 malalaking nayon na tinayuan ng simbahan ng mga Augustinian - Dumarao at Aclan nuong 1581 din, Batan nuong 1601, Dumalag at Mambusao, kapwa nuong 1606, at Ibahay (Ibajay ang tawag ngayon) nuong 1611. (Itinatag ang kabayanan ng Capiz nuong 1707.) Ang pulo ng Romblon ay napunta sa mga frayleng Recollect. |
Pugad Ng Mga Babaylan Sa pang-2 lalawigan ng Oton (dating tinawag na Ugtong), nagtatag ang mga Augustinian ng 8 convento at simbahan upang gawing catholico ang mga tagapulo na nagsisilbi sa kanila. Unang natatag ang doctrina sa nayon ng Oton, malapit sa nayon (lungsod ngayon) ng Iloilo nuong 1572, isang taon pagkatatag ni Legazpi ng pamahalaang Español sa Manila. Sumunod ang Tigbauan nuong 1575, Dumangas nuong 1578, Antique, 1581, Jaro, 1587, Guimbal, 1590, at Pasig (Passi ang tawag ngayon) nuong 1593. Nuong 1608, itinatag ang simbaban sa nayon ng Laglag. Bahagi ng ministerio nito ang 2 visita sa mga baranggay ng Sibucao at Sumandig, kapwa nasa ilog Araut, at 3 baranggay sa bundok, ang Camantugan, ang Misi at ang Malonor. Itong mga puok ang pugad ng mga babaylan. |
Palabigasan ng Español Nuong 1663, hindi pa nailalatag ang malalawak na bukid sa gitnaang Luzon (central plains) at halos lahat ng palay ng mga Español sa Manila ay galing sa Panay kaya mahigpit ang hawak ng mga frayle sa pulo. Ang nayon ng Iloilo ang naging himpilan ng alcalde mayor (katumbas ng provincial governor ngayon). Nuong 1663, ang governador ay si Pedro Duran de Montfort, admiral ng hukbong dagat ng España, at mayruon siyang 200 sundalong Español, 100 mandirigmang Kapampangan, at maraming cañon. Matigas ang ulo ng mga indio (ang tawag ng Español sa mga Pilipino) sa Panay at matibay ang panalig nila sa mga babaylan na, tulad kay Tapar, ay mga pari ng lumang pagsamba sa kapuluan. Malaking hirap ang dinanas ng mga frayle sa pagbinyag sa mga taga-Panay na, sa anumang waglit, ay bumabalik sa pagsamba sa mga diwata at mga añito (ang iba ay kaluluwa ng mga yumaong ninuno). |
Bantog Sa Babaylan Pinaka-bantog sa ganitong ugali ang Malonor. Laging may babaylan duon, ayon sa mga frayle. Karaniwang mga babae, nangunguna sila sa panaghoy sa mga añito. Bilang frayle ng Laglag, si frayle Francisco de Mesa rin ang frayle ng visita nito, ang Malonor. Si De Mesa ay Español na taga-Manila bagaman at may ulat na galing siya sa Mexico. Nag-frayle siya nuong 1644 sa convento de San Pablo sa Manila at nagsilbi sa Dumalag nuong 1656 bago siya inilipat sa Laglag nuong 1659. Matagal nang babaylan sa Malonor si Tapar bago dumating si De Mesa, at ilang taon bago natunugan ng frayle ang lihim ni Tapar - nang umabot ang kanyang mga pangaral, at mga ‘apostoles’ hanggang sa mga karatig nayon ng Jaro at Pasig (lungsod ng Passi ngayon). Nuong 1663, bigla na lamang sumambulat ang lihim nang matanto ng frayle na marami nang ‘diyos-diyos’ sa mga baranggay na iyon, at natunton niya ang pinagmulan sa Malonor kung saan malaganap ang pagsamba ni Tapar. Nagsumbong si De Mesa kay alcalde mayor Pedro Duran bago sumugod sa Malonor upang sugpuin ang mga tumiwalag sa pagka-catholico. |
Walang Karapatang Umayaw Magpabingyag Walang karapatan ang mga indio na tumangging maging catholico, ang panalig ng mga frayle sa kapuluan, kaya itinuturing nilang paghihimagsik (revolution, sedition) ang pagtanggi o paglayo sa simbahan, at maysala (criminal, subversive) ang mga tumakas o sumamba sa ibang religion. Samantala, 3 capitan ng hukbo ang pinasalakay ni Duran, sina Gregorio de Peralta, Nicolas Becerra at Francisco Duarte. Kasama nila ang 2 alalay (ayudantes, adjutants), sina Pedro Farfan at Pedro Brazales. Dala nila ang ilang sundalong Español, mga mandirigmang Kapampangan, - at mga Merdica, mga mandirigma mula sa pulo ng Siao, sa Maluku (Moluccas, spice islands, bahagi ngayon ng Indonesia) na bantog sa tapang at bagsik. Sa landas papunta sa Malonor, tinangka ni De Mesa na daanin sa pakiusap ang mga kampon ni Tapar, pati ang mga pinuno ng Laglag na hindi sumama sa ‘aklasan’ ni Tapar. Tumanggi sila kay De Mesa subalit pinilit pa rin silang maging sugo (mensajeros, messengers) sa mga ‘nag-aklas.’ Ipinasabi ng frayle sa mga ‘diyos-diyos’ na itigil nila ang pagsamba sa mga diwata at makipagkita sa kanya sa labas ng gubat. Nagtungo sa gubat ang mga pinuno. |
Wala Nang Takot Pagbalik ng mga pinuno, sinabi nila kay De Mesa na ayaw makipagkita ang mga kampon ni Tapar sapagkat ligtas sila sa pinagtataguan nila sa luob ng gubat. Kasama raw nila ang ‘la Santisima Trinidad’ (Holy Trinity) - sina Amang Tapar, ang ‘anak ng Diyos’ at ang ‘Espiritu Santo.’ Nanduon din daw ang mga ‘apostoles’ at ang ‘Maria Santisima.’ Ipagtatanggol daw sila ng mga ito, sa tulong ng mga himala ng mga diwata. Ipinasabi ng mga ‘diyos-diyos’ na hindi na sila takot sa mga Español, at hindi na nila kailangan ang mga frayle sapagkat mayruon na silang mga ‘papa’ at mga ‘obispo’ sa simbahan na kaiba sa catholico, at higit na ibig nila. Dapat daw matuwa si frayle De Mesa, sabi nila, sapagkat hindi nila sinaktan ang mga catholico o winasak ang mga simbahan kahit na nasa kapangyarihan nilang gawin ang mga ito, sa tulong ni Amang Tapar. Pagkarinig nito, pinasiya ni De Mesa na kung ayaw ng mga ‘diyos-diyos’ lumabas sa gubat, siya na ang papasok sa gubat upang kausapin ang mga |
Sumugod Kahit Nag-iisa ‘diyos-diyos.’ Subalit pinigilan siya ng mga indio sa Laglag. Nagbago ng isip si De Mesa at sa baranggay ng Malonor siya tumuloy nang nag-iisa, labag sa payo ni Martin de Mansilla, ang frayle ng Pasig (Passi), na maigi pang hintayin ang mga sundalo dahil mapanganib at matigas ang luob ng mga indio sa Malonor. Palubog na ang araw nang dumating si De Mesa sa kanyang kubo sa tabi ng simbahan ng Malonor. Inusisa niya ang mga indio kung nasaan ang templo ng mga ‘diyos-diyos’ at kung gaano karami sila. At kung mayruon silang mga sandata (armas, weapons) - balak ni De Mesa na tulungan ang mga sundalong Español, papalapit upang puksain sina Tapar. Subalit walang ipinagtapat sa kanya ang mga taga-Malonor. Walang nagawa, natulog na lamang si De Mesa sa kanyang kubo, balak bumalik sa Laglag kinabukasan. Samantala, nagtungo sa templo sa luob ng gubat ang mga tao upang sumangguni kay Amang Tapar. Nagkaisa silang lahat na ang dapat gawin ay patayin si frayle De Mesa. |
Patayan Sa Hatinggabi Pagsapit ng hatinggabi, pumasok ang mga ‘diyos-diyos’ sa Malonor. Pinaligiran nila ang kubo ni De Mesa at, sabay sa hiyawan at pagkutya, tinusok nila nang tinusok ng sibat ang sahig, na gawa sa silat-silat na kawayan. Tinamaan si De Mesa at nasugatan. Lumundag siya palabas sa ventana. Mababa lamang ang kubo at mabilis siyang nakatakbo sa katabing libingan (cementerio, graveyard), habol-habol ng mga ‘diyos-diyos’. Sinibat siya ilang ulit at bumagsak si De Mesa. Yumakap na lamang siya sa cross ng isang nitso (nicho, grave) sa tabi ng simbahan, habang patuloy siyang sinibat nang sinibat. Winasak at sinunog ng mga ‘diyos-diyos’ ang simbahan at kubo ni De Mesa bago tumakas pabalik sa pusod ng gubat. Magkasabay dumating sa Laglag ang mga sundalong Español, kasama si Lorenzo Tallez Mucientes, at ang balitang pinatay si frayle De Mesa. Hinintay nila ang pagdating ni alcalde mayor Pedro Duran, at 2 araw ang |
Ipinakain Sa Buaya nagdaan bago sila nagtungo sa Malonor. Natagpuan nila ang bangkay ni De Mesa sa paanan ng cross, kamamatay lamang at tumutulo pa ang dugo. Inilibing siya kinabukasan. Tapos, walang patawad at walang tigil na inusig ng hukbo ni Duran ang mga ‘diyos-diyos.’ Matagal ang paghanap, at maraming tiktik (espia, spies) at mga taksil (traidores, traitors) na ginamit ang mga Español, hanggang nabihag nila ang mga pinuno ng ‘aklasan.’ Ang mga lumaban ay walang abog-abog na binitay. Kinaladkad ang kanilang mga bangkay (cadaver, corpse) hanggang sa ilog Araug (ngayon ay ilog Jalaur), sa nayon ng Iloilo, at ipinakain sa mga buaya (cocodrilos, crocodiles). Ang bangkay ni ‘Maria Santissima’ ay tinuhog at itinarak sa bukana ng ilog Ilian sa tabi ng Laglag, upang kainin din ng mga buaya. Ang iba pang bihag na ‘diyos-diyos’ ay ipinakain din sa mga buaya kahit buhay pa sila. |
ANG PINAGKUNAN
Conquistas de las Islas Filipinas, covering 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, edited and published by Tirso Lopez, OSA, Valladolid, 1890, Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |