AKLASAN NI MANIAGO SA PAMPANGA NUONG 1660 ‘Magbayad Kayo Ng Utang!’
Nuong unang pasok ng mga Español, natuklas nilang mahigit 10 baranggay at nayon ang nasa mga pampang ng ilog Pampanga... Pagkaraan ng bandang 40 taon, sapat na ang dami ng mga ‘Capampangan’ upang maka-abot sa mga sapa paakyat sa Porac at sa Masicu, tinawag pagtagal na Mexico. Sa gayon, lalong lumawak ang kanilang sakop hanggang sa mataas, at hindi gaanong maputik, na bahagi ng malawak na kapatagan... SUMUGOD sa Macabebe si Gobernador general Sabiano Manrique de Lara at 300 sundalong Español at Mexicano, may dalang 4 kanyon sa 11 sampans, upang harapin ang mga naghihimagsik na mga Kapampangan. Halos 100 taon na ang kahariang itinatag sa Manila ni Miguel Lopez de Legazpi at sukdulan na ang lupit at paglilinlang ng mga Español. Nag-aklas ang mahigit 1,000 Kapampangan sa mga gubat ng Malasinglo at Boco-Boco, sinunog ang kanilang mga bahay at isinumpa, ‘Hindi kami tutugot hanggang hindi napapalayas ang mga dayuhan!’ Mabilis na kumalat ang aklasan, ginatungan ng isang Kapampangan, si Jose Celis, na natuto ng galaw at batas ng mga Español nuong nagsilbi siya kay Francisco Samaniego y Cuesta, isang auditor sa Audiencia Real sa Manila. Nagtipon ang maraming nag-aklas sa malaking nayon ng Lubao, at hinirang na pinuno ang isang magiting na taga-Masicu (tinatawag ngayong Mexico) sa Pampanga, si Francisco Maniago. |
|
Maraming bumalik sa kanilang bara-baranggay upang ibalita ang simula ng himagsikan. Ilan daang Kapampangan ang nagkumpol sa Bacolor. Upang mapipilan ang pagsugod ng mga Español, nagtusok ng mga kawayan sa bukana ng mga ilog. Sumulat sila sa mga kaibigan sa Pangasinan at sa Ilocos.
‘Mag-aklas din kayo! Patayin natin lahat ng Español!’ Kaskas sa Manila ang frayleng Dominican, si Pedro Camacho, upang magsumbong kay governador general De Lara. Nagsumbong din si Juan Gomez de Payva, ang alcalde mayor (katumbas ng provincial governor ngayon) ng Pampanga. Subalit wala nang salapi, at iilan na lamang ang mga sundalo ng hukbo ng kaharian sa Manila. Naubos dahil panay ang padala sa mga kuta ng Español sa Maluku (Moluccas, spice islands, bahagi ngayon ng Indonesia) na patuloy na dinidigma ng mga tagaruon. May dumating na tulong mula sa Nueva España (New Spain, Mexico ang tawag ngayon), |
pinamunuan ni almirante (admiral) Manuel de Alarcon, subalit maliit na barkong patache lamang, ang San Damian, at napilitan pang sa Lampon dumaong, halos 500 kilometro ang layo sa Manila.
Kaya pinabalik ni De Lara si Camacho sa Pampanga upang awatin ang mga Kapampangan. Sinulatan din niya sina Jose Duque, ang frayle sa Sexmoan, at Isidro Rodriguez, ang frayle sa Baua, subalit patuloy na lumaganap ang aklasan hanggang nakarating sa mga barangay at nayon ng Bacolor, Betis, Porac, Minalin, Macabebe, Apalit, Candava, Arayat, Magalang, Gapan at Santor. At hindi lamang mga Kapampangan. Nagsimula na ring gumilas ang mga taga-bundok, ang mga Italon, Abacai, Calonasa at ang mga Ituri, na pilit inilipat ng mga frayle sa mga reduccion, mga baranggay na itinatag upang gawing catholico ang mga taga-bundok. |
Napilitan na si De Lara na hakutin lahat ng sundalo sa Manila upang supilin ang aklasan. Veterano ng digmaan, alam niyang magagapi siya sa harapang salpukan ng mga batikang mandirigmang Kapampangan kaya binalak ni De Lara na patalikod sila sabakan, at paisa-isa, hindi sabay-sabay. At ang ginamit niyang panlaban ay sindak, utak at laway.
Sa bahagi ng ilog Pampanga (Rio grande de Pampanga), maraming susô (caracoles, snails) at tulya (almejas, clams) na mahilig kainin ng mga bibi (patos, ducks). Kaya yumaman at dumami ang mga Kapampangan sa nayong tinawag na Maykabibi (naging Macabebe pagtagal) sa pag-alaga ng mga bibi. Sa dalas ng luwas nila sa Manila at dami at ng kalakal nilang balut, penoy at itlog na pula, pati na mga susô, tulya at mga bibi na mismo, nakaibigan |
nila nang matalik ang mga Español. Sila ang naging pinaka-tapat na kabig ng mga Español sa buong pulo ng Luzon. Sila, ang mga Maykabibi, ang pinili ni De Lara nuong Octobre 1660 sa kanyang salakay patalikod sa lalawigang tinawag nilang ‘Capanpanga.’
Kasama ng governor-general ang kanyang 12 pinunong militar, kabilang sina Alferez Francisco de Roa, General Felipe de Ugalde, General Juan Enrique de Miranda at General Juan de Vergara. Inabot halos 2 araw ang layag nila mula sa Manila dahil sa pag-alis sa maraming patibong (traps) na kawayan na nakatuhog paharang sa mga ilog at sapa. Ika-6 na ng hapon nang datnan nila ang mga Maykabibi, na nataong naghahanda pala nuon ng mga sandata upang sumanib sa aklasan kinabukasan. Hindi lumusob ang mga Español. |
MULA pa nuong panahon ni Legazpi, tapat na nagsilbi ang mga Kapampangan sa Español. Bakit sila naghimagsik ngayon? Dahil kulang ang kahoy. Maraming barko ang ginagawa.
Sa nakaraang 8 buwan, mula Febrero 1660, hinakot ng mga Español ang 1,000 Kapampangan mula sa iba’t ibang baranggay upang mag-trabajo bilang ‘buwis’ (repartimientos). Walong buwan pumutol at humakot sila sa gubat ng mga punong kahoy na gagawing mga barko sa Cavite. Tapos na sana ang paglingkod ng mga Kapampangan nang pabalikin sila sa gubat ni Juan de Corteberria, ang Español na kapatas nila. Nang umangal ang mga Kapampangan - matagal nang hindi nakita ang mga familia - malupit ang ginawang pagpilit ni Corteberria at ng mga alalay niya. At dahil nasa gubat, hindi sila nakapag-kalakal o nakapag-tanim kaya nagutom ang mga familia nila, kahit tinulungan ng mga kapit-bahay. Lalo pa’t hinakot ng mga Español ang mga palay (arroz, rice) mula sa kanilang mga baranggay. Babayaran daw subalit 200,000 pesos na ang utang sa palay, ayaw pa ring bayaran ng Español. Kaya nag-aklas ang mga Kapampangan. |
|
Hindi lumusob ang mga Español dahil sinigawan ni De Lara ang kanyang mga sundalo, ‘Maging matino kayong lahat! Huwag kayong mag-loco at ako ang sasabak sa inyo!’ Pinahinahon niya ang mga ito, inutos na igalang ang mga taga-Maykabibi. Maraming kaibigan ang mga taga-nayon sa mga sundalong kasama ni De Lara. Nakangiti at mapayapa, nakipag-kaibigan ang gobernador nang salubungin ni Francisco Salonga, ang pinuno ng Maykabibi, upang yayain si De Lara na sa bahay niya magtuloy. Sumama si De Lara kay Salonga, hindi pinansin ang convento ni Enrique de Castro, frayle ng Maykabibi, na abala at magdamag lumigid, pinagtago lahat ng mga dalaga upang hindi matukso ang mga sundalong Español at baka magkaroon pa ng bakbakan. Nakiusap si De Lara kina Salonga na huwag nang mag-aklas, at pumayag ang mga Maykabibi. Nabatid ito ng mga karatig baranggay at, dahil mataas ang tayo ng mga Maykabibi nuon, nakipag-payapa na rin sila sa mga Español. Si Agustin Pamintuan ng Apalit sana ang magdadala ng |
liham sa Pangasinan at Ilocos, niyaya ang mga tagaruon na mag-aklas din, subalit binawi ng mga taga-Apalit ang kanilang liham. Baka maharang pa ito ng mga Español at lalo silang malintikan.
Samantala, tiniyak ni De Lara, sanay at mautak sa digmaan, na mawalan ng kakampi ang mga nag-aklas. Ipinatawag niya ang pinuno ng Arayat. Kilala si Juan Macapagal, maraming kabig na mandirigma sa malaking nayon ng Arayat, sa tabi ng bundok na nilipana nuon ng mga kakampi niyang mga Aeta na mabangis sa labanan. Kung hindi lamang siya natakpan ng mas matikas na Francisco Maniago, malamang si Macapagal ang hinirang na pinuno ng mga nag-aklas na Kapampangan. Walang takot, sumunod sa patawag si Macapagal. Dinaanan niya ang mga kumpol ng mga nag-aklas at humarap kay De Lara. Yayamang hindi siya ang hinirang na pinuno ng aklasan, hinayag niya ngayon, Hindi ako nag-aaklas! |
Tuwang-tuwa si De Lara sa narinig dahil sa Arayat ang daan ng anumang tulong sa aklasan mula sa Pangasinan. Mapipigil kung kampi sa Español ang mga taga-Arayat. Pinuri ni De Lara at pinarangalan si Macapagal, hinirang na maestro de campo (master-of-camp), kanang-kamay ng governador sa lahat ng Kapampangan. Ipinangako niyang bibigyan niya ng marami pang gantimpala si Macapagal.
Sa ganitong paraan, nasukol ang mga Kapampangan na nawalan ng mga kakampi. Upang mapagtibay ang pagkampi ng mga taga-Arayat, ‘niyaya’ ni De Lara ang asawa at mga anak ni Macapagal na maging ‘panauhin’ (guests) ni General Francisco de Figueroa, ang alcalde mayor ng Tondo. Dahil sa parangal na ito, at sa dami ng mga pabuya na iginawad kay Macapagal, humanga ang mga Kapampangan at na-inggit ang mga pinuno ng mga baranggay na nag-aklas. Humupa ang alab ng aklasan. Isa-isa, nagsimulang nasindak ang mga pinuno at naghanap sila ng ‘lusot.’ Isang frayle, si Andres de Salazar, ang pinili nilang sugo upang mangatwiran |
kay De Lara. Hinayag nilang nag-aklas sila dahil malupit ang turing sa kanila ng mga Español ni Juan de Corteberria sa pagkahoy sa gubat. Hindi pa sila binayaran sa inutang na palay at mga gamit ng mga sundalo sa hukbo, umabot sa halagang 200,000 peso. Kahit walang salapi sa Manila, pumayag si De Lara na bayaran ang bahagi ng utang - 14,000 pesos - matigil na lamang ang aklasan. Inasahan niyang pambayad ang salaping dala mula Mexico ng barkong San Damian, nasa Pilipinas na at palapit sa Manila.
Isinugo niya si General Sebastian Rayo Doria kina General Juan Enriquez de Miranda at General Felipe de Ugalde upang makipag-payapa sa mga Maykabibi. Pagkatapos isulat ang kasunduan, ipinahayag ito sa Kapampangan upang maunawaan ng mga nag-aklas. Subalit iniba ng tagapagsalita (interpreter), si Amang Uensis, ang laman ng kasunduan. Sa halip na sabihin, ‘Sa ngalan ng mahal na hari, pinapatawad ang lahat upang maiwasan ang pagdanak ng dugo,’ ang kabaligtaran ang inihayag. |
Umikot pa si Amang Uensis sa mga nag-aklas at ikinalat na silang lahat ay paparusahan ng Español. Gimbal, naghimagsik uli ang mga Kapampangan. Binihag nila ang mga sugong general at hinirang na pinuno si Nicolas Maniago (hindi alam kung may ugnay kay Francisco Maniago) na agad sumigaw, ‘Maghanda kayong lahat! Lulusob tayo bukas!’ Sinamantala ng mga frayle ang isang araw na palugit. Lumigid sila sa mga naghihimagsik, ibinunyag ang sinungaling ni Amang Uensis at ihinayag ang pagpatawad sa lahat (general amnesty) at ang kasunduan ng payapa (peace agreement). Nang nalaman ni De Lara na binihag ang mga general, inutos niyang agad |
hambalusin ang mga tambol habang naghahanda ang kanyang hukbo upang lusubin ang mga Kapampangan. Pina-una ni De Lara ang mga sundalong naka-kabayo (cavalry), pinamunuan nina Capitan Luis de Aduna at Sebastian Villareal, pina-ikot sa tabi ng bundok upang harangin ang sinumang umurong duon. Pinabalik naman niya si Macapagal sa Arayat upang harangin ang sinumang tumakas papunta sa Pangasinan.
Malapit lamang ang campo nina De Lara at narinig ng mga nag-aaklas sa Maykabibi ang dagundong ng mga tambol ng papalapit na hukbong Español. Namataan din nila na napaligiran sila ng mga Español at, dahil sa mga baril at cañon ng mga ito, malamang mapatay silang lahat. Ipinasiya nilang itigil ang binabalak na paghimagsik muli. |
Paglubog ng araw, inutusan ng mga Maykabibi si General Rayo Doria na dalhin kay De Lara ang kanilang sulat ng pakikipag-payapa. Nagpadala rin ng sugo si De Lara, kailangang isuko agad ang kanyang mga general at ang mga ari-arian ng mga ito, o susugod ang kanyang hukbo. Pinakawalan ng mga Maykabibi ang mga general bilang pahiwatig ng pagsuko, at ipinatigil naman ni De Lara paglusob ng mga Español. Inutusan ni De Lara si Juan Gomez, ang alcalde mayor ng Pampanga, na dalhin kinabukasan ang mga pinuno ng aklasan upang sumuko nang harapan. Nangamba ang magkabilang panig - ang mga Español dahil marami pang mandirigmang nakapaligid sa mga pinuno at mahirap silang mapasuko sa utos lamang, at ang mga pinunong Maykabibi dahil baka sila parusahan ni De Lara. Nagparinig nuong gabing iyon ang mga pinuno, tunay ang kanilang pagsuko at nag-aklas lamang sila dahil pinilit ng kanilang mga tauhan. Ipina-alam naman ni De Lara na naniwala siya sa katwiran ng mga pinuno at wala silang |
dapat ikatakot na parusa. Pagkarinig nito, hindi na naghintay ng umaga o ng patawag ni Gomez ang mga Maykabibi. Sakay sa 80 bangka, nagtungo silang lahat kay De Lara.
Nabulabog ang buong campo ng Español sa dami ng mga Maykabibi at sa alanganing oras ng pagdating nila. Inakala na lumulusob ang mga Kapampangan, lalo na’t dala-dala lahat ng sandata, subalit hindi natinag si De Lara. Sinabi lamang sa mga Maykabibi na sa umaga sila mag-uusap. Tapos, natulog na si De Lara. Kinabukasan, hindi pinansin ni De Lara ang mga sandatang dala ng mga Maykabibi at tinatawag silang lahat upang makipag-usap. Ibinigay niya sa mga pinuno ang kasulatan (document) ng patawad sa lahat ng nag-aklas, at ng pangako na babayaran ang bahagi ng utang sa palay, ayon sa una nilang napag-kasunduan. Pagkatapos, inutos ni De Lara kay Gomez na tiyaking matuwid ang gagawing paghati-hati sa 14,000 peso na ibabayad sa mga Kapampangan. |
Sinabi ni De Lara sa mga pinuno na pauwiin na muna ang mga tao upang makapaghanap-buhay sila habang patuloy ang kanilang pag-uusap. Inamin niyang makatarungan ang hiling ng mga tao, subalit pinagalitan niya ang mga pinuno, mali ang ginawa nilang pag-aklas na muntik nang ikinasawi ng marami - Kapampangan at Español.
Kailangang pabalikin ang mga tao, sabi ni De Lara, upang pumutol ng mga punong kahoy na ginagawang mga barkong ginagamit sa kalakal sa Nueva España, at panlaban sa maraming kaaway na lumulusob nuon sa Pilipinas. Humingi ang mga pinuno ng panahon upang magawa ng mga tao ang kanilang mga bahay na sinunog, at magsaka muna sa kanilang mga bukid, upang hindi magutom ang mga familia nila habang nagpuputol sila sa gubat. Pumayag si De Lara at sa pag-alis ng mga pinuno, natapos ang isa sa 2 aklasan sa Pampanga. Upang matiyak na hindi na maulit ito, isinama niya sa |
Manila sa Francisco Maniago at binigyan ng tungkulin na alagaan ang mga Kapampangan duon. Ang iba pang mga pinuno ng aklasan ay pinalipat niya sa Manila upang mabantayan at madaling masupil, kung saka-sakali.
Pinagbitiw ni De Lara ng tungkulin sa pamahalaan ang isang Español, si Juan Camacho dela Pena, hindi inulat kung bakit. Hinirang niya si General Francisco de Atienza y Bañez, veterano laban sa mga Muslim sa Caraga at Zamboanga, bilang bagong alcalde mayor ng Pampanga. Hindi nagtagal, ang mga Kapampangan na rin ang humiling kay De Lara na magpatayo ng garrison ng mga sundalong Español sa Lubao upang harangin ang salakay ng mga Aeta mula sa Zambales, pati sa Arayat laban naman ang mga taga-Pangasinan na bantog sa bangis ng pagsalakay. Pinapunta ni De Lara si Capitan Nicolas Coronado, kasama ang 25 sundalo, upang magtayo ng kuta (fuerza, fort) sa Arayat. Si Capitan Juan Gimenez de Escolastica ang pinapunta niya sa Lubao. |
ANG PINAGKUNAN
Conquistas de las Islas Filipinas, covering 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, Valladolid, 1890, and
Francisco Maniago, by Robby Tantingco, on the 99 Kapampangans Who Mattered In History, And Why website, Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |