Pangasinan

ANDRES MALONG, 1660

‘Ang Hari Ng Pangasinan’

BANTOG sa buong Pangasinan nuong 1660 si Andres Malong, pinuno ng Binalatongan (San Carlos city ang tawag ngayon). Pati ang mga Espanyol sa sumakop sa Pilipinas mula pa nuong 1571, halos 100 taon sa nakaraan, ay kumilala sa kanyang giting at itinanghal siyang pinuno (maestro de campo) ng buong lalawigan, sunod lamang sa mga Espanyol. Bilang pangunahing alalay ng mga dayuhan, maraming natutunan si Malong, ang isa ay kung paano maghari sa pamamagitan ng dahas at pagmamalupit, subalit marami rin siyang nalimutan, gaya ng paano maging makatao.

Ang paghahari ang matagal niyang binalak, at nang mag-aklas ang mga Kapampangan sa pamumuno ni Francisco Maniago nuong 1660, pinasiya niyang panahon na upang palayasin ang mga dayuhan. At pinili niya ang munting baranggay ng Malunguey.

Bigong pagsubok sa Malunguey.
Sa unang sabak nina Malong, dapat sana ay madali nilang nasakop ang Malunguey subalit hindi nila inasahan, biglang lumusob ang 12 sundalong Espanyol at mga mandirigmang Tagalog mula sa isang champan, malaking bangkang pandagat, at pinatalsik sina Malong sa dami ng baril at kanyon. Lihim sa lahat, maging sa ibang pinuno sa Manila, nakutuban ni Sabiniano Manrique de Lara, governador ng Pilipinas nuon, at isang batikang sundalo, na malamang gayahin ang naganap na aklasan ni Maniago sa Pampanga ng mga pinuno ng ibang lalawigan, kaya pagkasuko na pagkasuko ni Maniago, pinalaot niya si Francisco Amaya, ang kanyang ayudante, kasama ng 7 sundalo upang balaan ang mga pinunong Espanyol sa Pangasinan, Ilocos at Cagayan na asahan at agapan ang anumang pag-alsa ng mga katutubo.

Palihim din niyang inutusan si Francisco de Quiros, ang sargento mayor sa Manila na magpadala ng champan ng mga sundalo at mandirigma kay

Francisco Gomez Pulido, ang alcalde-mayor ng Pangasinan upang magamit pansupil sa anumang gusot. Ito nga ang ginamit ni Pulido upang supilin ang pakana ni Malong sa Malunguey. Isinulat ni Pulido kay De Lara na, bagaman at hindi niya nadakip ang mga nag-aklas sa Malunguey, napatahimik na niya ang buong Pangasinan at gayon ding katahimik sa Ilocos, ayon sa pahayag sa kanya ni Alonso Peralta, ang alcalde mayor ng Ilocos.

Natalo ngunit hindi nadala, pinag-ibayo ni Malong ang pag-ipon ng higit na maraming tauhan at maingat na paghubok sa pagsalakay niya sa mga Espanyol. Nakakampi niya si Pedro Gumapos, isa sa mga pinuno sa Agoo, ang baranggay sa tabi ng Ilocos, at iba pang pinuno ng Pangasinan, sina Cristobal Ambagan, Pedro Almazan, Tomas Boaya at Pedro dela Pena. Sa Binalatongan, naging mga galamay niya sina Melchor de Vera, Francisco de Pacadua, Francisco Along at si Jacinto Macasiag.

Sinalakay ang Lingayen.
Inabot ng 2 buwan ang paghanda ni Malong. Nuong Deciembre 16, 1660, sinalakay ng kanyang hukbo ang mayaman at malaking kabayanan ng Lingayen. Pinaslang si Nicolas de Campo, ang alguazil mayor (chief of police ang tawag ngayon) duon, pati na ang buong familia nito. Tapos, ninakawan at sinunog ang bahay.

Mahigit 1,000 ang mga tauhan ni Malong at walang nagawa ang 12 sundalo ni Pulido, ang alcalde mayor. Hinakot niya ang buong familia at, kasama ang mga sundalo, tumakas sakay sa champan ni Juan de Campos. Nakalaot sila sa luok Lingayen (Lingayen Gulf) hanggang sa harang na mababaw na buhangin sa bukana ng luok - natatawid ng bangka subalit hindi ng malalaking sasakyan gaya ng champan kapag oras ng kati o mababaw ang dagat (low tide). Napilitan pa silang maghintay ng pagtaas ng dagat (high tide) kaya inabutan sila ng mga kampon ni Malong na

humabol, sakay sa kanilang mga bangka.

Sinalubong sila at napaurong ng mga baril ng mga sundalo. Humakot ang mga kasamang Intsik nina Malong ng maraming bakawan at sanga-sanga ng mga punong kahoy upang panangga (shield) ng mga bangka. Sumalakay uli ang mga bangka at, hindi na tinablan ng bala ng mga baril, nasampa ng mga taga-Pangasinan at pinutakti ang champan. Pinatay lahat ang sakay, sina Pulido at ang asawa niya na kapapanganak lamang, ang kapatid na babae ng asawa, si De Campos, ang mga sundalo, isa pang kasamang babae at ang mga katulong ng mga Espanyol.

Ang naligtas lamang ay ang 2 anak ni Pulido, isang batang babae na tinangay ni Malong, at ang bagong silang na sanggol na lalaki na sinagip ng isang taga-Pangasinan na alila ni Pulido na nakapagtago. Pagkaraan ng himagsikan, binigyan ni Governador De Lara ng gantimpala ang alila.

Sumunod sinakop ang Dagupan.
Pinugutan ng ulo sina Pulido, De Campos, ang asawa ni Pulido at ang kapatid nitong babae at itinarak sa gitna ng Lingayen upang patunayan sa mga tao ang pagbagsak ng mga dayuhan. Winasak at sinunog ang himpilan at mga bahay ng mga Espanyol duon, at sinalakay ang simbahan at convento ni Juan Camacho, ang frayleng Dominican. At ginanap ni Malong ang una niyang pagkakamali. Sa gulo ng nagliliyab na Lingayen, buhay pa at lumalaban ang frayle at ang mga kakamping mga taga-Pangasinan sa simbahan nang pakalatin ni Malong ang mga kampon sa pali-paligid na baranggay upang yakaging sumali sa pagtapos ng paghahari ng Espanyol. Marami ang sumama sa kanila, sakay sa kani-kanilang mga bangka at umabot ng mahigit 4,000 ang hukbo ni Malong sa loob lamang ng isang araw.

Nilaspag nila ang mga baranggay na ayaw makisama sa aklasan.

Sinupalpal sila ng mga taga-Dagupan (Bacnotan ang tawag nuon, katulad sa hindi nalayong Bacnotan sa Ilocos), kumampi sa frayleng Dominican na naghahari duon nuon. Napilitan si Malong na ipunin ang kanyang hukbo at, sa pamumuno ni Pedro Gumapos, ang taga-Agoo, nilusob, winasak, ninakawan at sinunog nila ang Dagupan, lalo na ang simbahan at convento ng frayle. Kaskas tumakas ito, sakay sa isang kabayo (cavallo, horse).

Sa magkasunod na pagwasak sa Lingayen at sa Dagupan, lalong dumanak ang mga sumanib kay Malong, at humigit sa 8,000 ang hukbo niya. Hinirang niya ang sarili bilang ‘Hari Ng Pangasinan’ at nagbalik sila sa Binalatongan upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Hinirang niyang ‘conde’ (count) si Gumapos at, lasing sa magdamag at maghapong inuman, hindi pinansin ni Malong ang kanyang unang mali.

Natalo ang himagsikan sa Lingayen.

Sa paglisan nina Malong, naiwang buhay si Camacho, ang frayle at ang mga kakampi nitong mga pinuno ng nayon, at tatag pa ang simbahan, kaya nagdalawang loob ang mga tagaruon, at marami ang umayaw mag-aklas. Sa mga darating na araw, sasamantalahin ng mga Espanyol ang paglingat ni Malong upang durugin ang kanyang aklasan.

Sa mga sumunod na araw, abala si Malong sa pag-ayos sa kanyang biglang laking hukbo. Hinati niya sa 3 ang hukbo, pinuno siya ng una, ang pinakamalaking hukbo, si Gumapos ang pinuno ng ika-2 hukbo ng 3,000 mandirigma, at si Melchor de Vera ang ika-3 pinuno ng 3,000 rin. Upang makatulong sa inaasahan niyang paglusob ng mga Espanyol mula sa Manila, inanyayahan niyang sumapi ang mga Zambal, mababagsik na mandirigma at pugot-ulo sa kalapit na bunduking tinatawag ngayong lalawigan ng Zambales. Pumayag ang mga ito at mahigit 2,000 Zambal ang dumayo sa Binalatongan.

Nagpalatastas si Malong sa mga pinuno sa Ilocos at Cagayan na kilalanin nila ang kanyang paghahari sa Pangasinan at sila man ay mag-aklas at paslangin lahat ng Espanyol sa kani-kanilang puok. Sumulat din siya kay Francisco Maniago sa Pampanga, hindi niya alam na sumuko na kay Governador De Lara, na magkampi sila sa paglaban sa mga Espanyol. Naharang ang kanyang liham ng isang Kapampangan sa Magalang, ang pinakamalapit na baranggay sa Pampanga at sa halip na dalhin kay Maniago na ‘panauhin’ na sa Manila, ibinigay kay Capitan Nicolas Coronado, pinuno ng garrison ng mga Espanyol sa Arayat, ang nayon ni Juan Macapagal na tumulong sa mga Espanyol na gapiin ang aklasan ni Maniago.

Balik-salakay ng Espanyol.
Dali-daling ipinahatid ni Coronado ang liham sa Manila kaya nuong Deciembre 20, 1660, 5 araw lamang mula nang maghimagsik si Malong, nabatid na ni Governador De Lara na nag-agaw na ang Pangasinan, malamang mag-aklasan din sa Ilocos at Cagayan at, higit sa lahat, ang hukbo ni Melchor de Vera ng 3,000 Zambal at mga taga-Pangasinan ang patungo sa Pampanga upang tumulong palayasin ang mga Espanol.

Sanay sa digmaan si De Lara at hindi siya nag-aksaya ng panahon. Nuong hapon ding iyon, pinahangos niya si Capitan Silvestre de Rodas, 50 sundalong Espanyol at ilan daang mandirigmang Tagalog at Kapampangan sa Arayat upang tulungan si Capitan Coronado na harangin duon ang hukbo ni De Vera. Alam ni De Lara na kapag nakapasok ang mga taga-Pangasinan sa Pampanga, mag-aaklas muli ang mga Kapampangan kahit bihag na niya sa Manila si Maniago at ibang pinuno ng aklasan.

Hinalukay din ni De Lara ang kuta (fuerza, fort) sa Manila at Cavite upang tipunin ang nalalabing mga sundalo at mandirigmang Tagalog at Kapampangan. Kulang na kulang, kaya isinama na niya ang mga Merdica, mandirigmang dayo mula sa kapuluan ng Maluku (Moluccas, spice islands), pinamunuan ni Cachil Duco, ang pinuno ng pulo ng Tidor duon. Hinakot din ang mga negro (creoles, tunay na mga Negro, galing sa Angola at Congo sa Africa) ni Ventura Meca. Isinali na rin pati na ang mga Hapon na nagkumpol nuon sa kanilang baranggay ng Dilao.

(Maraming kumpol-kumpol ng mga taga-Japan ang dinatnan ng mga Espanyol sa Cagayan at silangang baybayin ng Luzon, Samar at Surigao, ang dating tinawag na Caraga, sa Mindanao. Hindi na matanto ngayon kung saan ang baranggay ng Dilao, maniwaring turing ng mga katutubo sa kulay ng balat ng mga Hapon.)

Binalak ni De Lara na salakayin ang Pangasinan mula sa magkabilang panig upang maipit at masukol ang hukbo ni Malong kaya bumuo siya ng 2 hukbo. Sasalakay mula sa kanan o silangang timog (southeast) ang unang hukbo, pinamunuan ni General Francisco de Esteybar, na pinapunta niya sa Arayat at, matapos hadlangan ang hukbo ni De Vera, pasukin ang Pangasinan mula duon. Nuong Deciembre 22, 1660, isang linggo lamang pagkasimula ng aklasan ni Malong, sumulong na si Esteybar kasama ang 200 sundalo, binuo ng mga Espanyol, mandirigmang Tagalog, Merdicas at mga Negro, at may dalang 2 kanyon.

Naghintay pa ng 2 araw, inipon pa ang 4 champan, mga barkong pandagat na gamit sa China, bago lumunsad nuong Deciembre 24, 1660 ang hukbong dagat (armada, fleet) ni General Felipe Ugalde, veterano ng digmaan sa Maluku (Moluccas, spice islands), kasama ang 70 Espanyol at 30 Kapampangan, at 2 kanyon, tuluy-tuloy agad sa Lingayen upang salakayin sina Malong mula sa kaliwa o kanlurang hilaga (northwest). Halos 12 araw paglayag ng hukbong dagat bago natagpuan ni Ugalde ang aklasan, ngunit hindi sa Lingayen, at hindi ni Malong.

Aklasan sa Bolinao.
Pagkasiklab ng aklasan nuong Deciembre 15, 1660, nag-aklas din si Sumulay, kamag-anak ni Malong at isang pinuno sa Bolinao, sa dulo ng kanlurang hilaga (extreme northwest) ng Pangasinan, na encomienda ni Admiral Pedro Duran Montforte. Pinatay nila ang Espanyol na tagakalkal ng buwis (tribute collector) duon, si Pedro Saraspe, at binihag ang isang Espanyol na babae. Inutos ni Sumulay na pugutin ang ulo ni Saraspe at ipadala kay Malong bilang pahiwatig na nagapi na niya ang mga Espanyol sa Bolinao. Ipinatusok ni Malong ang ulo sa isang sibat at isinama sa mga pugot na ulo na nakatarak nuon sa Lingayen.

Subalit hindi pa gapi ang mga Espanyol at nasaway si Sumulay nang tangkain niyang sakupin ang buong Bolinao dahil matapang si Juan Blancas, ang frayleng Recollect duon. May mga kakamping mga pinunong taga-Pangasinan si Blancas kaya nakatagal siyang lumalaban nang mahigit 2 linggo, hanggang nuong Enero 5, 1661, nang dumating ang tulong at dumaong duon ang hukbong dagat ni Admiral Ugalde. Napilitang tumakas si Sumulay, hindi na muling nakabalik sa Bolinao at lubusan nang nawaglit sa himagsikan sa Pangasinan.

Agad hinirang ni Ugalde si Luis Sorriguen, isa sa mga kakampi ni Blas, bilang kapalit na pinuno sa Bolinao. Sa payo ni Blas, hinayag din ng mga kakampi na ang pangunahin sandata nina Sumulay ay ang kanilang mga pana at palaso (bows and arrows) na maliit at mababaw lamang nakakasugat. Ang pangunahing panganib, sabi nila, ay ang lason na ipinapahid sa talim ng mga palaso. Binigyan nila ang mga Espanyol ng gamot sa lason upang hindi mamatay kapag tinamaan ng palaso. Kumuha rin si Ugalde ng mga bangka na makakahabol sa mga nag-aklas sa mga sapa at ilog sa gubat, tinakpan pa niya ng mga balat ng vaca na mahusay panangga sa mga palaso.

Naging malabo ang kinabukasan ni Sumulay kaya bumaligtad ang mga taga-Bolinao. Nang patawarin sila ni Ugalde sa halip na parusahan dahil sa pagpatay kay Saraspe, huminahon ang mga tao kaya sa loob lamang ng isang araw, naiwan ni Ugalde na tahimik ang Bolinao nang ituloy niya sa Lingayen ang kanyang hukbong dagat nuong Enero 6, 1661.

Lingayen din ang nasa-isip ni Malong at tinangka niyang iwasto ang una niyang kamalian duon, nuong huli na.

Pang-2 pagkakamali ni Malong.
Matapos niyang wasakin ang Dagupan, inakala ni Malong na tatag na ang kanyang paghahari. Hindi niya alam na hinarang ni Juan Macapagal, ang pinuno sa Arayat, ang landas patungo sa Pangasinan, katulong ang mga Espanyol ni Capitan Coronado, kaya nang wala siyang tinanggap na sagot sa kanyang liham mula kay Maniago o anumang balita tungkol sa himagsikan sa Pampanga, nainip si Malong at tinupad niya ang kanyang pang-2 kamalian.

Pinaghiwa-hiwalay niya ang kanyang hukbo.

Dahil wala siyang natanggap na sagot mula sa Ilocos o Cagayan, inutusan niya sa Pedro Gumapos at ang 3,000 hukbo niya na lumusob duon upang patayin ang mga Espanyol at parusahan ang mga taga-Ilocos na ayaw sumapi sa kanyang aklasan o kumilala sa kanyang paghahari. Inutusan din niya si Melchor de Vera na dalhin ang kanyang 3,000 hukbo upang tulungan si Maniago na puksain ang mga Espanyol.

Wala silang kamalay-malay na nakarating na sa Arayat ang hukbo ni

General Esteybar at naghihintay duon ng ‘buwis’ ng mandirigmang isasama sa kanyang hukbo mula sa iba’t ibang baranggay ng Pampanga. Wala ring hinala si De Vera nuong narating ng hukbo niya ang Magalang, ang baranggay ng mga Kapampangan na pinakamalapit sa Pangasinan.

Nasalubong nila duon ang pangkat ni Andres Manacuil, pinuno ng baranggay ng Porac at, nang tumanggi ang mga ito na sumapi sa pagsupil sa mga Espanyol, pinagpapatay sila nina De Vera. Sa pangkat ng 12, si Manacuil lamang ang nakatakas nang buhay. Tumakbo siya sa Arayat at nagsumbong kay Macapagal at kay General Esteybar.

Balikwas ang mga Espanyol nang marinig na 3,000 Zambal at mga taga- Pangasinan ang papalapit. Maghapon silang pinahangos ni Esteybar, kasama ang ilang daang mandirigmang Kapampangan. Malalim na ang gabi nang narating nila ang Magalang. Sinabi sa kanila ng mga tagaruon na nagpapahinga ang hukbo ng mga taga-Pangasinan sa baranggay ng Macaulo, halos 10 kilometro ang layo. Pagod sa maghapong pagmamadali, pinatulog ni Esteybar ang kanyang hukbo sa Magalang upang makipagsabakan kinabukasan.

Tanggulan sa Magalang.
Sa halip na matulog nuong gabing iyon, nagkusa si Capitan Luis de Aduna, sakay sa kanyang kabayo, na tiktikan ang kung saan at ano ang lagay ng mga taga-Pangasinan. Pumayag at pinasamahan siya ni Esteybar sa 30 sundalo.

Mahimbing na natutulog ang hukbo ni Melchor de Vera sa Macaulo, walang kamalay-malay na katabi na nila ang hukbo ng Espanyol at nagtataka kung bakit galit sa kanila ang mga Kapampangan. Sa dilim, hindi napuna ng mga pagod at inaantok na sundalong Espanyol ni Capitan Aduna na nakasuot sila sa kalagitnaan ng hukbo ni De Vera. Pagsikat ng araw, nakita nila na libu-libong mga Zambal at mga taga-Pangasinan ang nakahiga at nakapaligid sa kanila.

Nakilala sila ng isang taga-Pangasinan at nagsisigaw ito. Sunud-sunod at sabay-sabay nang nagsigawan ang mga gulat-gising na mga Zambal at taga-Pangasinan at nagtakbuhan sila sa sindak, pati na si Melchor de Vera, ang kanilang pinuno. Tumakas din ang mga Espanyol, nagulantang pati ang mga kabayo nila at kumaripas kasama nina Capitan Aduna hanggang nakabalik sila kina General Esteybar nang walang maihayag na

ginawa o natuklasan, maliban sa nagtakbuhan daw ang mga taga-Pangasinan.

Dahil sa dami ng kalaban, ipinasiya ni Esteybar na huwag lumusob at magtanggol na lamang sa Magalang, sa isang gulod (hill) na may sapa sa tabi. Isang linggo naghanda at naghintay duon ang mga Espanyol.

Isang araw lamang naghintay si Melchor de Vera, matapos tumigil ng takbo ang kanyang hukbo. Habang tumatakbo siya sa Macaulo, namataan niyang tumatakas din ang mga Espanyol at, nang walang lumusob sa kanila kinabukasan, inakala niyang nagbalik na ang mga ito sa Manila. Buwisit sa pagtanggi ng mga Kapampangan na tulungan o pakainin sila, ipinasiya ni De Vera na bumalik na sa Pangasinan.

Nasalubong nila ang 3 Kapampangan na mula sa Cambuy, baranggay sa tabi ng Arayat, na inutusan ni Juan Macapagal na magpunta sa baranggay ng Telban. Nang tumanggi ang 3 na sumapi sa kanila, kinaladkad sila ng mga tauhan ni De Vera at pagdating sa baranggay ng Paniqui, sa tabi na ng Pangasinan, pinatay ang 3 Kapampangan at pinugutan ng ulo.

Pang-3 mali, at pagkatalo ni Malong.
Pagdating niya sa Binalatongan, hinayag ni De Vera kay Malong na nalipol na niya ang mga Espanyol sa Pampanga, mahigit na 300 Espanyol at halos 1,000 Kapampangan ang napatay nila. Natuwa si Malong sa sinabi ni De Vera at nang walang sumunod na Espanyol, lubusan na siyang naniwala na ligtas na sila sa anumang panganib.

Lalong lumakas ang loob ni Malong nang magbalik ang hukbo ni Pedro Gumapos mula sa paglusob sa Ilocos. Bagaman at mga kabayanan ng Agoo at Bauang lamang ang nilusob nila, na nuon ay itinuturing na bahagi pa ng Pangasinan, maraming dalang ginto at kayaman si Gumapos. Sinabi niya na walang laban at pinatay nila ang lahat na Espanyol na natagpuan nila duon.

Ipinasiya ni Malong sakupin nang lubusan ang Ilocos at Cagayan, madaling gawin dahil sa pahayag at karanasan nina De Vera at ni Gumapos. Mula sa hukbo ng 2, isang malaking hukbo ang binuo niya at

pinamuno kay Jacinto Macasiag, isang kababata niya sa Binalatongan. Mahigit 4,000 Zambal at mga taga-Pangasinan ang dinala ni Macasiag pahilaga upang sakupin ang Ilocos.

Pagkatapos, naalaala ni Malong ang Lingayen at pinatungo niya ruon ang nalalabing hukbo. Kaunti na lamang ang nalabing mandirigma sa Binalatongan at lubusan na ang pang-2 pagkakamali ni Malong sa pagpakalat ng kanyang hukbo. At natakpan ng kamaliang ito ang pang-3 at pinakamalaking mali niya.

Sa lupit at bangis ng kanyang paglusob, pagwasak at pagkalkal sa kayamanan ng mga katutubo, nakilala ng mga taga-Pangasinan na wala siyang ipinag-iba, bagkus masahol pa kaysa sa mga Espanyol, at wala silang mahihita sa pagkilala sa kanya nang ‘hari.’

Mula nuon, wala nang sumapi sa kanyang aklasan at, bago pa nakarating ang hukbo ng Espanyol, talo na si Malong.

Ganti ng mga Espanyol.
Masama ang panahon nuong Enero 6, 1661nang marating ng hukbong dagat ni General Felipe Ugalde ang harang na buhangin sa bukana ng luok Lingayen. Kahit na malakas ang bagyo, sinubukan niyang tawirin ang buhanginan ng kanyang 4 champan subalit muntik na silang lumubog kaya napilitan ang hukbong dagat na magkanlong sa kalapit na baranggay ng Suali (Sual ang tawag ngayon) hanggang tumila ang bagyo.

Pagsikat ng araw, pinalaot niya ang kasama nilang dyong (Chinese junk), ang maliit na barkong pandagat ng mga taga-Java. Dahil may mga sagwan (oars) ito, inasahan niyang makakatawid sa mababaw na buhangin subalit nakatagpo nila ang hukbo ni Malong na patungo sa Lingayen upang sunugin ang simbahan at patayin ang frayleng Dominican, nuong huli na at nakarating na ang mga hukbo ng Espanyol.

Maagap na nagbarilan at nagpanaan ang 2 hukbo. Walang tinamaan. Mabilis na umurong ang dyong at madali namang nagtatag ng kuta ang mga taga-Pangasinan ng pinagpatung-patong na tiklis ng puno ng buhangin. Nahadlangan ang pagpasok ng mga Espanyol subalit nahinto rin ang pagsalakay ng hukbo ni Malong sa Lingayen.

Pagtaas ng dagat (high tide) kinabukasan, Enero 8, 1661 tinangka uli ni Ugalde na itawid ang kanyang 4 champan sa harangan subalit nabigo siya uli sa pagbagsak ng malakas na ulan. Minungkahi niyang lumapag sa pampang at sa lupa lusubin ang hukbo ni Malong subalit umangal ang kanyang mga sundalo. Kaunti lamang sila at sa lupa wala silang kublihang barko. Dudumugin at matatalo sila ng 2,000 hukbo ni Malong.

Walang ibang paraan, sinubukan uli ni Ugalde na sumalakay kinabukasan gamit ang mga champan subalit agad silang sinalubong ng isang bangka, sakay ang sugo mula kay Juan Camacho, ang frayleng Dominican sa Lingayen.

Ang utos daw ni Malong, pasabi ng frayle, ay pugutin ang ulo ng pinuno ng mga taga-Lingayen, si Pedro Lombey, kaladkarin ang frayle, si Camacho, sa Binalatongan kung saan naghihintay si Malong, at sunugin ang simbahan at buong nayon ng Lingayen. Balak daw ni Malong na parusahan ang mga taga-Lingayen dahil kumampi sa frayle, at takutin ang mga tao sa paligid upang makisama sa kanyang aklasan.

Pagkarinig sa ulat, hindi na pinansin ni Ugalde ang angal ng mga sundalo. Pinababa niya sa pampang ang mga ito maliban kay Capitan Diego de Lemos at ang mga sundalo nito. Pinasugod niya ang pangkat, sakay sa mga champan, upang lansihin ang hukbo ni Malong habang sumusugod siya at karamihan ng mga sundalong Espanyol at mandirigmang Kapampangan sa lupa. Kalabanin n’yo nang matagal, utos niya kay Lemos, hanggang sa tantiya n’yong nakarating na kami sa Lingayen, saka kayo umurong at hintayin ang susunod kong utos.

Upang lalong maabala ang mga kampon ni Malong sa kanilang bagong kuta, inutusan din niya si Diego Sanchez de Almanzan, ang kanyang alalay (ayundante, adjutant) na piliting ipasok ang dyong sa ilog papuntang Lingayen. Sakaling madaig sila ng mga kalaban, bilin niya kay Almazan, dapat silang tumakas papuntang Lingayen at duon sila magkikita-kitang lahat.

Sinagip ang Lingayen.
Hinati ni Ugalde ang kanyang hukbo. Pinauna niya ang pangkat ni Capitan Miguel Rendon. Sumunod ang pinakamalaking pangkat, isang battalion, bandang 200 sundalo at mandirigmang Kapampangan, pinamunuan ni Capitan Cristobal Romero. Ang huling pangkat ay pinamunuan ni Capitan Juan Diaz Yanez na inutusan ni Ugalde na barilin ang sinumang magtangkang umurong mula sa bakbakan. Sa magkabilang panig sa unahan sina Capitan Nicolas Blanco at Capitan Lorenzo Coronado, may kasamang mga sundalo may baril, upang hadlangan ang sinumang tumambang sa hukbo. Walang nakapansin sa kanila at tahimik silang nakalapit sa likuran ng hukbo ni Malong sa kanilang bagong kuta.

Katatapos mananghalian ng mga taga-Pangasinan at medyo inaantok sa kabusugan. Hindi nila inaasahang lulusob ang mga Espanyol sa ganuong katanda na ang araw, pulos mahilig mag-siesta, kaya nagulantang sila nang biglang sumulpot ang mga champan at nagtangka uling pumasok sa ilog papuntang Lingayen.

Hinintay ni Ugalde na maging mainit ang bakbakan bago niya pinalusob ang kanyang mga sundalo. Nataranta ang mga kampon ni Malong sa pang-2 panggulat at pang-2 pagsalakay ng mga Espanyol. At mula sa likuran, kung saan wala silang tanggulan. Kaya kaskasan silang tumakas lahat, pati ang mga pinuno, at biglang nalagas ang hukbo ni Malong.

Walang napatay sa bakbakan, at walang inabutang tao kahit isa si Ugalde nang datnan niya ang bagong kuta sa tabi ng ilog nuong ika-4 ng hapon, Enero 9, 1661. Nagtuloy sila sa Lingayen at pababa na ang araw nang pumasok sila sa nayon. Wala ring tao.

Nagtago sa gubat at gulod ang lahat ng mga taga-Lingayen. Ang sumalubong lamang sa hukbo ng Espanyol ay si Juan Camacho, ang frayleng Dominican at kaisa-isang Espanyol sa buong Lingayen, si Pedro Lombey, ang cabeza, at 3 pang pinuno ng nayon. Nuon lamang sila nakalabas sa simbahan matapos ng halos 1 buwan ng pagtatanggol. Natuklasan nila ang mga pugot na ulo ng mga Espanyol na nakatarak sa gitna ng nayon, si Francisco Pulido, dating alcalde mayor, si Pedro Saraspe, tagabuwis dati sa Bolinao, ang asawa ni Pulido at ang kapatid nitong babae.

Ilang oras pa lamang sina Ugalde sa Lingayen nuong gabing iyon nang dumating ang 4 kabig ni Malong, nautusang tignan kung bakit hindi pa dinadala sa kanya si Frayle Camacho, at upang madaliin ang pagsunog sa simbahan. Walang kamalay-malay sa mga naganap nuong hapon na iyon, madaling nabihag ang 4 ng mga sundalong Espanyol, at kasing dali silang pinapugutan ni Ugalde. Isinabit ang kanilang mga ulo sa landas patungo sa Binalatongan bilang ganti sa pagpaslang sa mga Espanyol, at babala sa sinumang nag-aklas na tumangging sumuko.

Bakbakan sa Binalatongan.
Isa-isang nagbalikan sa Binalatongan ang mga tumakas na hukbo ni Malong mula sa bagong kuta sa ilog. Bagaman at kaunti lamang sila at medyo tuliro pa, nausisa pa rin ni Malong sa kanila kung ano ang naganap nuong araw na iyon. Nuon dumagok sabay-sabay kay Malong ang 3 kamalian niya:

  1. Dahil iniwanan niyang nakatayo ang simbahan at buhay ang frayle, si Camacho, at ang mga kakampi nito, nagkaroon ng himpilan at kakampi ang hukbo ng Espanyol.
  2. Dahil winatak-watak niya ang kanyang hukbo, wala siyang sapat na lakas ngayon upang puksain ang mga Espanyol.
  3. Dahil sa pagkamuhi ng mga tao sa pagsira at pagnakaw niya, wala siyang natakbuhan ngayon at walang nagtanggol sa kanya.

Inutos ni Malong sa mga kabig na wasakin ang tulay papasok sa Binalatongan at hanapin si Melchor de Vera, ang kanyang kanang-kamay, at sabihing inutos niyang pabalikin agad ang kanyang hukbo mula sa Lingayen upang magtanggol laban sa paglusob ng mga Espanyol.

Walang sapat na sundalo si Ugalde upang upakan ang Binalatongan kaya ang mga karatig baranggay ang inuna niya. Walang sapat na lakas ang Espanyol sa buong Pilipinas upang lipulin ang buong Pangasinan kaya pinatawad na lamang ni Ugalde ang lahat ng nag-aklas na sumuko. Katulong ang frayle, si Camacho, naamuki nila ang mga tao na bumalik sa

kani-kanilang baranggay. Mabilis na naglaho ang hukbo ni Malong. Mabilis ding lumaganap ang tahimik sa lalawigan.

Matapos magpahinga ng 1 linggo si General Esteybar sa Magalang, at magparami ng mga kakamping mandirigmang Kapampangan, nagtuloy ang pang-2 hukbo ng Espanyol sa Pangasinan. Nagtagpo sina Ugalde at Esteybar sa Lingayen nuong Enero 17, 1661. Tanging ang maliit na baranggay ng Malunguey at ang nayon ng Binalatongan na lamang ang hindi pa sumusuko nuon. Pinagsama ng 2 general ang kanilang hukbo at lumusob sa Binalatongan.

Upang matawid ang ilog na siniraan ng tulay, lumusong ang 2 merdica, mandirigmang taga-Tidor na kakampi ng mga Espanyol. Hanggang leeg ang tubig, itinaas nila ang kanilang kalasag (shields) upang makatawid si Cristobal de Santa Cruz, isang sundalong Espanyol, dala ang makapal na lubid na itinali sa kabilang panig ng ilog. Pinagkabit-kabit ng malaking hukbo ang lahat na kawayan at kahoy na madampot nila, at nakabuo sila ng tulay patawid sa ilog.

Hindi na nahintay ni Malong ang naglahong Melchor de Vera at ang kanyang nawawalang hukbo. Ipinasunog niya ang nayon ng Binalatongan, pati ang simbahan at convento, at tumakas siya habang nakikipaglaban ang nalalabi niyang kampon sa pumapasok na mga Espanyol. Hindi inabot nina Ugalde at Esteybar si Malong subalit napatay nila ang mahigit 500 nag-aklas na mga Zambal at mga taga-Pangasinan sa Binalatongan.

Parusa: Ang katapusan ni Malong.
Nagbalik ang mga Espanyol sa Lingayen upang hintayin ang pagsuko ng mga taga-Binalatongan na tumakas sa gubat. Upang hindi sila maparusahan, nagkusa ang mga sumuko na ibibigay nila si Malong sa mga Espanyol. Sa halip, inusisa ni General Esteybar kung saan nagtatago si Malong: sa gubat sa pagitan ng Dagupan (Bacnotan ang tawag nuon) at ng baranggay ng Calasiao.

Bumuo ng isang pangkat ng 60 sundalo si Esteybar: 15 Espanyol, 15 merdica at 30 negro. Sumabit sa pangkat si Pedro Machado, ang sargento mayor ng Ternate, sa Maluku (Moluccas, spice islands). Nagsiguro ang Espanyol at wala kahit isang Pilipino (indio ang tawag nuon) - Tagalog, Kapampangan o taga-Pangsinan - na kasama si Capitan Simon de Fuentes at si Alferez Alonso de Alcantara sa paghanap sa gubat, maliban sa 2 taga-Pangasinan na nagturo kung nasaan si Malong - sa isang kubo, kasama ang kanyang ina, si Beata de Santo Domingo. Natagpuan din ang isang babaing Espanyol, 10-taon gulang na anak ni Francisco Pulido, ang pinaslang na alcalde mayor ng Pangasinan, - balak sana ni Malong na gawing asawa pagdating ng panahon. Binigyan ni Governador De Lara ng isang encomienda ang babae upang ikabuhay niya at ng kapatid niyang sanggol na sinagip ng isang alila.

Bihag-bihag nilang ibinalik sa Binalatongan si Malong, pati ang laksang ginto, perlas, pilak at alahas na nakamkam niya sa kanyang 1 buwan ng aklasan. Ibinilanggo duon si Malong.

Tapat na kabig ni Malong si Francisco de Pacadua, at nagsilbi bilang hukom nuong himagsikan. Nabihag din siya ng mga Espanyol at ikinulong sa Binalatongan. Ang mga sundalong Espanyol nuon ay karaniwang hampas-lupa mula sa Mexico (Nueva Espanya ang tawag nuon) o iba pang sakop ng Espanya sa America, at karaniwang dahop din ang kalagayan nila habang naglilingkod sa Pilipinas. Kaya madali silang suhulan.

Nakapagtago ng ginto si Pacadua at ginamit niya ito upang makatakas. Sa malas, pagtawid niya sa ilog, sinagpang siya ng isang buaya at tinangay sa putikan upang lunurin at kainin. Nagkataon namang may mga sundalong Espanyol duon at itinaboy nila ang buaya at sinagip ang inakala nilang karaniwang katutubo. Nang natuklasan nilang takas na bilanggo ang bilasa at sugatang Pacadua, ibinalik nila sa kulungan. Wala na siyang ginto nuon at pagkaraan ng panahon, binitay siya kasabay ni Melchor de Vera, ang takbuhing pinuno ng hukbo ni Malong, at ni Francisco Along.

Binaril si Andres Malong, ayon sa mga frayleng Dominican, matapos siyang magbalik sa pagiging mabuting catholico. Nagbutihing buhay din ang kanyang kapatid, si Carlos Malong, at iba pang pinuno ng aklasan.

Bago naghimagsikan, daig ng Binalatongan at ng Dagupan ang Lingayen sa laki at yaman. Pagkaraan ng pagiging ‘hari’ ni Malong, ang Lingayen ang sumikat at lumawak. Matagal bago nakabawi ang Dagupan sa pinsalang natama nuong aklasan. Ang Binalatongan ay nanatiling laos, malamang sinadya ng mga Espanyol.

Ang pinagkunan:
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas
Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy