Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys MALAKING bahagi ng kasaysayan ng 333 taon ng pagsakop ng mga Español sa Pilipinas ang walang patumanggang aklasan at himagsikan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Aninaw sa gulo at mga patayan ang pagkatao ng mga katutubo, at baba ng turing sa kanila ng mga Español. Naganap ang mga unang aklasan sa hilagang Luzon nuong 1621, 1625, 1629 at 1639. Nag-aklasan sa Bohol at Leyte nuong 1622, at sa Mindanao nuong 1629 at nuong 1650 uli. Dalawang ulit nag-aklasan sa Pampanga, nuong 1645 at nuong 1660, at minsan sa Pangasinan nuong 1661. Nag-alsa uli ang mga Visaya nuong 1649 hanggang 1650, 2 ulit sa Oton (Iloilo ang tawag ngayon) sa pulo ng Panay nuong 1663 at muli nuong 1672. Nagligalig ang mga Zambal nuong 1661, 1681 at 1683. Marami pang sumunod na mga paglaban sa dayuhan at ilalahad lahat dito, tuligsa sa itinuturo na mapayapa at mapagpala ang panahon ng Español sa Pilipinas na, katunayan, ay mabangis, malupit at mapagsamantala. Ang pagtubo ng catholico sa Pilipinas ay dinilig ng dugo ng libu-libong katutubo na nakipag-patayan kaysa tanggapin ang pagsamba ng manlulupig. Karamihan sa mga ulat ng mga aklasan ay nagmula sa mga frayle na nagpapa-lawak ng catholico nuong naganap ang isinalaysay nilang mga aklasan, ilan ay laban sa pagmamalupit ng mga Español, daig karamihan ay pagtanggi ng mga katutubo na nais panatilihin o ibalik ang kanilang mga lumang religion, kinagisnan at kinagiliwan libu-libong taon na sa nakaraan. |
|||
1902: Pulajanes |
1903: Santa Iglesia |
||
1920: Colorum |
1925: Makabola |
||
1927: Entrecherado |
1931: Colorum |
||
1933: Sakdalista |
1967: Lapiang Malaya |
||
Ilan sa mga aklasan ay malawak - gimbal ang mga Español sa takot na matalo sila - gaya nuong 1660 hanggang 1661, nagsimula sa Pampanga, kumalat sa Pangasinan at lumaganap sa Ilocos. 3 Pinoy ang naghari - sina Francisco Maniago, Andres Malong at Pedro Almazan, - at isang lagalag, si Pedro Gumapos, panguna ng malaking hukbo ng mga Zambal, ang lumigalig sa tinatawag ngayong lalawigan ng Ilocos Sur. Sindak din ang lagim ng mga Visaya nuong 1649 hanggang 1651, napilitan ang mga Español humingi ng tulong sa mga Lutao sa Mindanao, dating mahigpit na kaaway subalit higit na kalaban ng mga Visaya nuon pang 200 taon bago dumating ang mga Español. Lahat ng aklasan ay nagapi sa huli, kahit na nagwagi sa mga unang labanan. Hindi nagkulang sa tapang ang mga katutubo, - maraming duwag na Español ang tumakas, - napakarami lamang talaga ang mga baril at kanyon ng mga Español. Higit din ang karanasan ng mga conquistador na isinilang, lumaki at tumanda sa pakikipagdigmaan sa Europe at Africa, mga professional na walang alam, at walang ginawa, kundi makipagpatayan. Mabangis ang parusang ipinataw sa mga nag-aklas at sa kanilang mga pinuno, ni hindi binanggit ng mga frayle sa kanilang mga ulat ang pangalan ng marami sa mga binitay na bayani. Mapagsamba ang Pilipino simula’t simula pa, subalit 2 malakas na pagsamba ang kanilang nilabanan, ang Islam at ang catholico. Ang kasaysayan ng 200 taon ng digmaan laban sa mga Muslim, bahagi lamang nagwagi, ay ihahayag |
sa Moro-Moro sa website na ito sa mga darating na panahon.
Ang mga unang aklasan ay madalas nagsimula sa pagpatay sa frayle, pagsunog sa mga simbahan, at pagwasak sa mga estatwa ng mga santo at poon. Ang ibang aklasan ay pinamunuan ng mga ‘babaylan,’ naghayag ang iba na sila ang ‘Dios’ at ang mga kasama nila ay si ‘Christo,’ ang ‘Espiritu Santo’ at ang ‘Mahal na Virgen.’ Sila ay buong bangis na pinaghigantihan ng mga Español. Pagtagal ng panahon, naging catholico na ang mga mapagsamba at sila naman ang nag-aklas, at ginamit ang kanilang pagka-catholico - gaya nina Apolinario dela Cruz, ang nabantog na Hermano Pule, at ang 3 paring Gomburza: Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora, - upang maitaas ang turing sa mga katutubo at maging makatao ang pamahalaan ng bayan. Sa sumunod na mga taon, ang mga matimtimang catholico ay paulit-ulit na nagsama-sama at nagpasimuno sa himagsikan laban sa balakyot na pamahalaan. Ang pinakabantog sa kanilang mga aklasan ay ang tinawag na Lakas ng Bayan, ang aklasan sa EDSA nuong 1986, at nuong 2001 uli. Ang kasaysayan ng pagsalungat ng mga charismatic ay nakalatag dito - pitikin ang mga pitak sa magkabilang gilid nitong pagina - bagaman at marami ang isinusulat pa lamang, ipapasok agad sa website na ito pagkatapos. Ang kasaysayan ng mga charismatic, mula pa nuong unang panahon, ang naging kasaysayan ng Pilipinas. At magiging kasaysayan, hanggang sa mga darating na panahon. |