PEDRO GUMAPOS, 1660

Sinakop Ang Vigan

‘HUWAG kang matakot, padre,’ mahinahong nagsalita si Juan Canangan. ‘Narito kami upang ipagtanggol ka, kahit mapatay kami.’

Madilim pa ang langit nuong umaga ng Deciembre 18, 1660 nang tahimik na pumasok sa simbahan si Cunangan, kasama ang isa pang pinuno ng Bauang (Baratao ang dating tawag) habang naghahandang mag-misa si Bernardino Marquez, ang frayle sa baranggay ng Bauang. Hintakot ang frayle sapagkat kalat na ang balita na papalapit na ang hukbo ng mga Zambal, mababangis na mandirigma mula sa kanlurang Pangasinan upang puksain ang mga Espanyol, ang mga frayle, at ang mga kakampi nilang indio (ang tawag ng mga Espanyol sa mga Pilipino).

Patayin lahat ng Espanyol!
Nuong Deciembre 16, 1660, naharang ni Fray Marquez ang liham mula sa ‘hari ng Pangasinan,’ si Andres Malong. Inutusan niya ang lahat ng pinuno ng Ilocos at Cagayan na patayin ang lahat ng Espanyol at frayle sa kanilang mga lalawigan. Kung hindi, babala ni Malong, ipadadala niya ang kanyang hukbo upang patayin hindi lamang ang mga Espanyol, kundi pati ang mga pinuno na ayaw sumunod sa kanya.

Ang Bauang ay nasa landas patungo sa Ilocos na balak sakupin ng mga Zambal, pinamunuan ng ‘conde ng Pangasinan,’ si Pedro Gumapos.

Sa katabing baranggay ng Agoo isinilang at lumaki si Gumapos, bago siya nagtungo sa baranggay ng Binalatongan at nakapag-asawa. Duon niya nakaibigan ang isang pinuno, si Andres Malong, na matapos maghimagsik at matanghal na ‘hari ng Pangasinan,’ ay itinanghal naman si Gumapos na ‘conde.’ Binigyan siya ni Malong ng isang hukbo ng 3,000 Zambal at mga Pangasinense at inutusang sakupin ang Ilocos.

Ang unang salakay.
Nagmimisa si Fray Marquez nang dumating si Gumapos kasama ang kanyang hukbo. Tahimik silang naghintay na matapos ang misa bago lumapit si Gumapos, kasunod ang mga Zambal, hawak ang kanilang mga balarao (maliit na kris) at mga sibat. Nagmano si Gumapos sa frayle at ipinaliwanag ang kanyang pakay na patayin ang mga Espanyol habang hinalughog ng mga Zambal ang simbahan at convento. Walang natagpuang Espanyol, ninakaw na lamang ng mga Zambal at mga Pangasinense ang lahat ng madampot nila.

‘Nasaan si Padre Luis?’ Kilala at kaibigan ni Gumapos si Marquez kaya wala siyang balak na saktan ito, ngunit kaiba si Luis dela Fuente, ang frayle sa kanyang baranggay ng Agoo. ‘Papatayin ko siya.’

Patungo si Dela Fuente sa Bacnotan upang magpakumpisal, sabi ni Marquez at tinangka niyang sawayin si Gumapos. Kung tutubusin niya ng 300 piso, sagot ni Gumapos, hindi papatayin si Dela Fuente. Walang ganuong salapi si Marquez kaya sinabi niyang siya na lamang ang patayin ni Gumapos at bayaan niyang mabuhay si Dela Fuente.

Bilang sagot, pinahabol niya si Dela Fuente sa isang pangkat ng kanyang mga mandirigma. Inabutan nila ang frayle, kasama ng isang Espanyol, si Juan de Silva, tagapagkalkal ng buwis. Pinatay ng mga Zambal ang Espanyol at isinama si Dela Fuente pabalik sa Bauang. Inutos ni Gumapos na patayin si Dela Fuente subalit dumating ang ilang taga-Bauang na may dalang ginto upang tubusin ang frayle. Ipinakulong na lamang ni Gumapos ang 2 frayle habang 3 araw nilang ninakawan ang buong Bauang. Halos 3 araw bago nakalaya ang mga frayle, pag-alis nina Gumapos nuong Deciembre 20, 1660 upang magbalik na kay Andres Malong sa Binalatongan.

Agad sumulat si Marquez kay Rodrigo de Cardenas, frayleng Dominican at arzobispo ng Nueva Segovia, sa Cagayan, upang humingi ng tulong kay Alonso de Peralta, ang governador (alcalde mayor ang tawag nuon) ng Ilocos. Ganuon din ang isinulat niya kay Juan dela Isla, ang frayleng pinuno sa Ilocos ng Inquisicion, ang pag-usig sa ayaw mag-catholico.

Naligalig ang Espanyol sa Vigan.
Marami nang tinanggap na balita, at hingi ng tulong, si Governador Peralta at si Obispo Cardenas tungkol sa paglusob ng mga Zambal. Nagpulong sila sa Vigan, kasama si Inquisidor Dela Isla at lahat ng Espanyol at napagkayariang si Peralta mismo ang sasagupa sa mga Zambal habang tinitipon at isusunod sa kanya ni Cardenas ang hukbo ng mga indio (ang tawag ng Espanyol sa mga Pilipino) na kinukuha (levy) mula sa bawat baranggay sa Ilocos at Cagayan bilang buwis.

Pinauna ni Peralta ang kanyang alferez (vice governor) at alguazil mayor (chief of police) ng Ilocos, si Lorenzo Alqueros, kasama ang isang pangkat ng mga sundalo, upang saklolohan ang mga frayle na ikinulong ni Gumapos sa Bauang, sina Marquez at Dela Fuente. Papunta duon, sa baranggay ng Porao (Balaoan ang tawag ngayon) nakasalubong nina Alqueros si Fray Dela Fuente na patungo sa Lamianan upang magpakumpisal, kasama si Dionisio Maricdin, isang pinuno ng Bauang. Magkasama silang nagtuloy lahat sa Bacnotan kung saan nila tinanggap ang balita mula kay Fray Marquez sa Bauang na lulusob uli ang mga Zambal.

Pang-2 salakay.
Nagsumbong kay Marquez ang mga taga-Bauang at agad niyang binalaan si Arqueros sa Bacnotan at humingi ng mga sundalo upang magtanggol sa Bauang. Sunud-sunod ang dating ng balita ng mga indiona palapit na nang palapit ang mga Zambal kaya hindi na nakapaghintay ang takot na frayle, humakot ng 6 indio bilang bantay at, sakay sa isang bangka, hinanap niya ang hukbo ni Arqueros. Sa visita ng Dalangdang naabutan si Arqueros, papunta na sa Bauang at magkasama silang pumaruon.

Kasisikat pa lamang ng araw, tahimik at wala kahit isang tao sa Bauang.

‘Tambol! Kalampagin n’yo ang mga tambol!’ sigaw ni Arqueros. ‘Nagtatago sa gubat ang mga tao, tumambol kayo para magbalikan dito!’

Napuno uli ng tao ang Bauang nang marining nila ang mga tambol. Nagsugo agad si Fray Marquez sa katabing baranggay ng Agoo na may hukbong Espanyol nang nakarating. Bilang sagot, ipinasabi ng mga taga-Agoo na bitayin nila ang isang taga-Aringuey, si Miguel Carreno. Siya raw ang tatay ni Pedro Gumapos at nagsasabi sa anak ng lahat na gawin ng mga kalaban. May kasama daw na ilang Zambal si Carreno, kaya nagsama ng 100 mandirigma si Lorenzo Peding, pinuno ng mga Ilocano na kasama ni Arqueros, pagsugod sa Aringuey (Aringay ang tawag ngayon, sa pagitan ng Bauang at Agoo). Tinalo nila ang mga Zambal at tumakas ang mga ito. Pinatay nila si Carreno. Pagkatapos, dinala ni Peding sa Agoo ang kanyang hukbo ng mga katutubo upang duon abangan ang mga Zambal.

Sumalakay ang mga Ilocano.
Nagtitipon pa si Obispo Cardenas ng mas malaking hukbo ng mga Ilocano at taga-Cagayan. Hindi na naghintay pa si Governador Peralta, dinala na patimog kung ano na lamang ang naipong mga mandirigma at humimpil sa Namacpacan (Luna ang tawag ngayon), ang dulo ng Ilocos nuon. Duon niya natanggap ang pasabi ni Arqueros, humingi ng tulong sa Bauang at malapit na ruon ang mga Zambal.

Naduwag ang 2 frayle na kasama ni Peralta, sina Jose Polanco at Gonzalo dela Palma. Pulos indio ang kanilang hukbo, sabi nila, walang pang 10 ang Espanyol, at mga mestizo pa, hindi tunay na Espanyol. Maigi pa, hintayin na lamang daw nila sa Namacpacan ang mas malaking hukbo ng mga indio na ipadadala ni Obispo Cardenas. Hindi sila pinansin ni Peralta, ipinasabi kay Arqueros na darating sila agad, at inutos na pumunta siya agad sa Agoo upang tulungan si Peding at ang mga taga-Ilocos. Hinakot ng governador ang kanyang hukbo, at ang 2 takot na frayle, papuntang Bauang. Sunod sa utos, sumugod agad si Arqueros sa Agoo. Nanduon na ang mga Zambal.

Kasama ang maraming taga-Pangasinan, mahigit 5,000 ang hukbong nakatutok sa Agoo. Nagtatalak si Arqueros ng tulong kay Peralta, at takbo ito mula sa Bauang, dala ang kanyang maliit na hukbo at 2 tapayan ng pulbura ng baril (gunpowder). Pinagsama-sama nila ang kanilang mga mandirigma, umabot lamang sa 1,500 subalit hindi natinag si Peding, ang pinunong taga-Ilocos. Pinasugod niya ang kanyang mga mandirigma.

Labanan sa ilog Agoo.
Umurong tayo, payo ni Arqueros kay Peralta, at daig tayo sa dami. Ayaw pumayag ng governador. Matapang ang ating mga Ilocanos, sabi niya, at mayroon silang mga baril, ang mga Zambal ay wala.

Tumawid ng ilog sina Peding at humarang sa harap ng mga Zambal. Sumunod sa kanila si Arqueros, tapos pati si Peralta. Ang 2 duwag na frayle ay nagbalatkayo, tapos tumawid na rin sa ilog. Pagsikat ng araw kinabukasan, lumusob ang mga Zambal at mga taga-Pangasinan. Nadaig nila sa dami ang mga Ilocano at mga taga-Cagayan, kahit na may mga baril ang mga ito. Matapang subalit napatay si Peding, at mabilis natastas ang hukbo ng mga Espanyol. Sa dambungan patakas sa ilog, naiwan ang mga baril at pulbura ng mga Espanyol, na kamkam lahat ng mga Zambal.

Nakasama sa takbuhan ang mga taga-Agoo. Kaawa-awa ang mga bata at mga matanda, ulat ng mga frayle pagkatapos. Ang mga buntis ay nalaglagan, ang iba daw ay napaanak sa takot, at naiwan ang mga sanggol sa baranggay. Nalunod ang mga bata, at ang mga matanda ay nagulapay na lamang sa pagod at inabutan ng mga Zambal.

Natalo, tumakbo ang mga Espanyol.
Kaskas ang mga Espanyol paurong sa Ilocos. Inutusan nila ang mga taga-Agoo, bago sila kumaripas paalis, na kalabanin ang mga Zambal subalit tumakbo rin ang mga ito at nagtago sa gubat-gubat. Ganuon din ang inutos ng mga Espanyol pagdaan nila sa Bauang bago sila kumarimot uli, at ganuon din ang takas na ginawa ng mga tagaruon.

Hingal sa takot, ni hindi na tumigil sa Bacnotan at nuong Enero 4, 1661, nakarating din sa Ilocos sa wakas ang pagod na mga Espanyol. Humimpil sila sa Namacpacan at niyakag ang mga indio na humandang sagupain ang humahabol na mga Zambal subalit natunugan ng mga tagaruon na nagbabalot lahat ang mga Espanyol upang tumakas uli kaya, nang nagtakbuhan ang mga ito patungo sa Vigan, alsa-balutan na rin ang mga taga-Namacpacan.

Pagdating ng mga Espanyol sa Narvacan, tinipon nila ang lahat ng indio, pati ang mga taga-Santa Catalina, ang katabing baranggay, at pinagtayo ng kuta at bakod pahalang sa lusutang Agayayao (Agayayaos Pass) sa harap ng ilog Vigan. Maliban sa makitid na lagusan, walang ibang daan patungo sa Vigan at Cagayan kaya mahahadlangan ang paparating na mga Zambal ng hukbo ng mga Ilocano na pinamuno kay Pedro dela Pena, matapang na indio at pinuno sa Santa Catalina.

Subalit lubusan na ang pagkaduwag ng mga Espanyol. Ang Inquisidor, si Dela Isla, ang namuno, hinakot lahat ng frayle paurong sa Vigan, kasunod ang mga Espanyol. Hindi lahat ng frayle ay sumama, may ilang nagtago sa gubat kasama ng mga indio, pumuslit pa ang isa pabalik sa kanyang baranggay sa Taguding (Taguidin ang tawag ngayon), malapit sa Namacpacan. Nagkumpol ang mga frayle at Espanyol sa Vigan at nagkasundo si Governador Peralta, Obispo Cardenas at Inquisidor Dela Isla na tumakas silang lahat sa Manila.

Ilocos

Inutos ni Peralta na gamitin ang mga nakadaong na champan (sampan ang tawag ngayon) mala-Intsik na barkong pandagat, at siya ang unang pumalaot, kasama ang Inquisidor, si Dela Isla.

Inutusan ng mga Espanyol ang mga indio sa Vigan na magtatag ng kuta upang makapatanggol hanggang dumating ang hukbo ng Espanyol mula sa Manila subalit nang tumakas si Peralta at mga Espanyol, tumakas na rin ang mga taga-Vigan. Isang hindi tumakas ay ang alferez, si Arqueros, na namundok sa Baduc, kasama ang mga mandirigmang Ilocano.

Isa pang hindi tumakas mula sa Vigan ay ang obispo, si Cardenas, ang kapanalig ni Arqueros, hinintay ang pagdating ng mga Zambal, kasama ang 2 secular na pari, si Geronimo de Leyva at si Miguel de Quiros.

Macasiag, pinuno ng hukbo.
Nuong Enero 19, 1661, dumating sa tapat ng Narvacan ang mga Zambal. Ang pinuno nila ay si Jacinto Macasiag. Natigilan sila duon sa harap ng lusutang Agayayao, dahil sa harang na bakod at nagbabantay na hukbo ni Pedro dela Pena. Nakilala nila ang giting at tapang nito, lalaban kahit kaunti lamang sila, at minabuti ng mga Zambal na makipagkasunduan. Sa pangakong hindi wawasakin ang baranggay at hindi sasaktan ang mga tagaruon, pumayag si Dela Pena na paraanin ang mga Zambal. Ipinatibag niya ang bakod at mabilis na lumusot ang mga Zambal patungo sa Vigan.

Nuong araw ding iyon, dumating ang isang bangka mula sa Pangasinan, dala ang liham ni General Felipe de Ugalde para kay Peralta, ang governador. Dahil tumakas na ito, si Obispo Cardenas ang tumanggap sa liham at nabasa niyang nasa Pangasinan na ang 2 hukbong Espanyol ni Ugalde at ni General Francisco de Esteybar. Natuwa sila, subalit sandali lamang. Kinabukasan, pumasok sa Vigan ang mga Zambal.

Naghintay si Obispo Cardenas bago siya nagmisa upang makapagsimba ang mga Zambal. Marami ang nagsimba, nagkumpisal pa ang ibang taga-Pangasinan, hinayag na sumali sila sa pagsalakay dahil lamang sa takot nila kay Malong. Pagkatapos ng misa, hinatid si Cardenas sa kanyang bahay upang iligtas sa libu-libong Zambal na nagnanakaw at nagwawasak sa buong nayon nuon. Inutos ni Macasiag na huwag salangin ang obispo at ang mga frayle.

Sinakop ang Vigan.
Hinirang nina Macasiag ang isang Ilocano, si Juan Celiboto, bilang pinuno ng Vigan, at saliw sa tilian, hiyawan at barilan, 2 araw nagligalig ang mga Zambal. Pinatay ang maraming Ilocano - sa karatig na baranggay ng Bantay lamang, halos 100 ang iniwan nilang patay. Habang walang tigil na kumakalampag ang mga kampana, pinaslang ang mga sacristan na nagbabantay sa simbahan, pati ang isang Aeta na nagtago ruon upang makaligtas, ng mga Zambal na nagnakaw at nagwasak duon. Tantiya na daan-daan ang mga tao na pinatay at iniwan sa gubat-gubat sa paligid. Daan-daan din ang mga tao na binihag ng mga Zambal, kinaladkad mula sa kanilang mga bahay at sa lansangan, upang gawing alipin.

Bago dumating ang mga Zambal, itinago ng mga frayle ang ginto at pilak ng simbahan sa bahay ng obispo. Dinala rin duon ng mga pinunong Ilocano ang kanilang ginto, pilak at kayamanan. Dahil sa dami, hindi nagkasiya sa mga silid, kaya inilagak ang maraming kayamanan sa silong ng bahay. ang iba ay ibinaon sa bakuran. Tapos, tumalungko ang maraming taga-Vigan sa loob ng bahay upang hindi masaling ng mga Zambal. Marami ang nakaalam na sa bahay ng obispo nakatago ang mga ginto at pilak ng Vigan at naging mainit ang mata ng mga nagbantay duon.

Nang hukayin ng mga Zambal ang mga libingan upang nakawin ang mga alahas at ginto ng mga patay, sumagsag si Frayle Dela Fuente kay Macasiag upang payagan siyang sagipin ang pilak ng simbahan ng Taguding na ibinaon sa lupa upang hindi manakaw ng mga Zambal. Sumang-ayon si Macasiag, sinamahan pa ang frayle upang hindi paslangin ng mga Zambal subalit habang abala sila, nilusob ng mga Zambal ang bahay ng obispo at hinukay at ninakaw lahat ng ginto, pilak at kayamanan duon. Walang nagawa ang mga frayle, at ang mga nagtatagong pinunong Ilocano, kundi magtago sa silid ni Obispo Cardenas.

Upang maalis sa panganib ang pangkat ni Cardenas, dinala sila ng mga pinuno ng mga Pangasinense sa katabing baranggay ng Santa Catalina. Marami silang nakitang bangkay duon, at wasak ang baranggay, - sinalanta ng mga Zambal sa kabila ng kasunduan nila kay Pedro dela Pena, ang nagpaslit sa kanila sa lagusang Agagayao.

Nahadlangan sa bundok Baduc.
Nagdaan sa Bantay ang hukbo ng mga Zambal, sinunog ang buong baranggay, at nagpatuloy papuntang Cagayan, subalit napipilan sila sa Bundok Baduc ng maliit na pangkat ng mga mandirigmang Ilocano ni Lorenzo Arqueros. Maliit na rin kasi ang hukbo ng Zambal dahil sa dami ng napatay sa labanan, karamihan pa ay tumiwalag sa bakbakan at nagnakaw na lamang sa mga baranggay. Kahit na sumapi sa kanila ang bandang 300 Ilocano, ang dating mahigit 5,000 hukbo ay naging 3,000 na lamang nang umalis sa Vigan.

Kinabukasan, Enero 21, 1661, ipinasundo ni Macasiag kay Marcos Macasian ang pangkat ni Obispo Cardenas at isinama sa pag-urong ng mga Zambal pabalik sa Pangasinan. Mabilis at walang tigil ang lakad nila, lumusot sa Agayayao uli at nakarating sa Narvacan nuong ika-9 ng gabi.

Sinalakay sila ng mga Tinguian.

Marami sa mga taga-Narvacan ay namundok sa takot. May iba na kumampi sa mga tagabundok, mga pugot-ulo (headhunters), at bumalik sa baranggay upang gumanti. Sa dilim ng gabi at sa tulong ng mga taga-Narvacan, natambangan ang hukbo ng mga tagabundok na kasing bangis kung hindi man kasing dami ng mga Zambal. Sa harap ng mga frayle, sinunggaban ang isang Zambal, pinugutan ng ulo, at tumakas, tangay-tangay ang ulo, bago nakagalaw ang mga katabi. Ganito napatay ang mahigit 40 Zambal.

Pati mga frayle ay humanga sa giting ng isa sa mga sumalakay, si Felipe Madamba, na taga-Bringas. Sakay sa kanyang kabayo, sinugod niyang nag-iisa ang mga Zambal at pinagtataga bago tumakas, maraming tama ng palaso (arrows), pati ang kabayo niya. Nagtarak din ang mga Tinguian (Tinggian ang tawag ngayon) ng matutulis na patibong sa landas paakyat sa bundok, kaya pagtakas nila, hindi nakahabol ng mga Zambal.

Pagkatapos ng labanan, sinalubong sila ng governadorcillo (mayor ang tawag ngayon) ng Narvacan. Ama siya ni Juan de Pacadua, na kasapi sa hukbo, kaya humimpil sila duon at hinintay ang pagdating ng lahat ng mga kasama nila. Galit sa mga frayle ang governadorcillo (Nuong panahon ng Espanyol, karaniwang alila at inapi ng mga frayle ang mga governadorcillo) kaya nagkulong sa convento ang obispo, si Cardenas, at ang mga frayle.

Kinabukasan na, Enero 31, 1661 nang dumating ang mga kulelat na Zambal at Pangasinense at nabuo uli ang hukbo ni Macasiag. Natanggap duon ang liham mula kay Andres Malong, ang pinuno ng himagsikan sa Pangasinan, nagsasabing nakasagupa na nila ang hukbo ng Espanyol mula sa Manila. Inutusan si Macasiag na ibalik agad ang hukbo upang makatulong sa pagsupil sa mga Espanyol, at kaladkarin niya ang mga pinuno ng mga baranggay na nasakop nila bilang katibayan ng galing nila sa pagpuksa sa mga Espanyol.

Balik sa Binalatongan.
Inutos ni Macasiag na babalik sila agad pabalik sa himpilan ni Malong sa Binalatongan. Sinimulan ng mga Zambal na wasakin, nakawan at sunugin ang Narvacan bilang ganti sa pagpatay sa mga kasama nila ng mga Tinguian subalit sa sumamo nina Pacadua, ang ama niyang governadorcillo at iba pang taga-Narvacan, pinatigil sila ni Macasiag.

‘Hindi kami sasama sa inyo, kahit patayin n’yo kaming lahat!’

Papaalis na ang hukbo, nanguna ang pangkat ni Pedro Gumapos, nang nagmatigas ang obispo, si Cardenas, at ang mga frayle na mananatili sila sa Narvacan sapagkat natanto nila na pahihirapan at papatayin sila ni Malong pagdating sa Binalatongan. Pumayag si Macasiag na iwan ang mga frayle dahil sagabal lamang sila, at nakakabagal sa paglakad ng hukbo.

Nang malaman ito ni Gumapos, inutusan niya ang ilang tauhan na bumalik sa Narvacan at pagbabarilin ang obispo at mga frayle. Sinaway siya ng isang pinuno, si Marcos Macasian, dahil abala lamang daw, kaya natagpuang buhay ang obispo mga frayle pagkaraan ng 2 araw, nuong Febrero 2, 1661, nang nagbalikan ang mga taga-Narvacan.

Pagkaraan pa ng ilang araw, dumating ang isa pang liham mula kay Malong, inuutos kina Macasiag na sunugin ang lahat ng baranggay, simabahan at convento na madaanan nila. Huli na, sapagkat nuon, nagsuot na sa gubat sina Macasiag at hinahabol na sila ng mga Espanyol.

Saklolo ng mga Espanyol.
Sakay sa champan, nakarating si Governador Peralta ng Ilocos sa Bolinao at duon nila unang nabatid na nasa Pangasinan na ang hukbo ng Espanyol. Sagsag sila at nagsumbong kay General Francisco de Esteybar at General Felipe Ugalde sa Binalatongan, ang dating ‘kaharian’ ni Andres Malong. Sumugod si Esteybar, kasama si Inquisidor Dela Isla at si Frayle Dela Fuente ng Agoo, at nakarating sila sa baranggay ng Santa Cruz. Bumalik si Peralta sa Vigan, sakay uli sa champan, upang ibalita ang pagdating ng hukbong Espanyol.

Pagkaalis ng mga Zambal sa Narvacan, pinasok, winasak at ninakawan nila ang Santa Maria, tapos sinunog ang convento at ang buong baranggay. Ganuon din ang ginawa nila sa San Esteban at sa Santiago, bagaman at hindi nasunog ang simbahan sa Santiago. Patuloy sa kanilang paglupig, ninakawan at sinunog nila ang baranggay ng San Pedro at ng Candon, bago nagpatuloy patimog. Hindi naulat kung paano nangyari, subalit nagkasalisi ang 2 hukbong naghahanapan sa isa’t isa. Tuluy-tuloy ang mga Zambal at sinalanta ang baranggay ng Santa Cruz habang nakahimpil ang mga Espanyol sa baranggay ng Santa Lucia sa kanilang likuran, sa pagitan nila at ng Candon na kaiiwan lamang nila.

Nang malaman ng mga Zambal na sa katabing baranggay lamang ang hukbong Espanyol, pinagtumpok-tumpok nila ang kanilang mga ninakaw sa mga dinaanang baranggay, karamihan at mga tela at mga gamit, at sinunog lahat. Pagkatapos, naghanda sila at sumugod sa mga Espanyol.

Si Inquisidor Dela Isla ang nakatuklas na katabi na pala nila ang mga Zambal. Lumalakad siya sa unahan ng mga sundalo nang nasalubong niya ang isang pangkat ng mga Zambal. Tinugis siya ng mga ito subalit mabilis tumakbo pabalik si Dela Isla at nagkaharap biglaan ang 2 magkalabang hukbo sa pagitan ng mga baranggay ng Santa Cruz at Santa Lucia. Kapwa sumugod at madugo ang bakbakan. Napaurong ng mga Espanyol ang mga kalaban na kaunti ang mga baril subalit hindi nagkulang sa tapang, at lumusob uli ang mga Zambal.

Ilan lamang sa mga Espanyol ang napatay. Mahigit 400 Zambal ang napatay at halos kalahati ng kanilang hukbo ay nasugatan at nabihag. Ibinalik ni Esteybar ang kanyang hukbo sa Namacpacan, hila-hila si Pedro Gumapos at ang iba pang bihag. Ipinadala silang lahat sa Vigan at duon binitay. Pinutol ang kamay ni Gumapos at isinabit sa tabi ng bahay ng obispo. Kasama sa mga binitay si Jacinto Macasiag, si Pedro dela Pena ng Santa Catalina at 12 pang indio.

Pinag-usapan ni Esteybar at Ugalde, katatapos ng pagsugpo nila sa 2 magkasunod na himagsikan ng mga indio sa Pampanga at Pangasinan, at binabalak nila ang pagbalik sa Manila nang dumating ang balita - may himagsikan sa hilagang Ilocos. Pinahanda ni Esteybar ang kanyang hukbo at agad lumakad patungo sa Bacarra upang sugpuin ang bagong ‘hari ng Ilocos.’

PEDRO ALMAZAN, 1661

‘Ang Hari
Ng Ilocos’

NGITNGIT na hindi masukat ang damdam ni Pedro Almazan sa mga Espanyol. Sa silong ng kanyang bahay, nag-imbak at nagtago siya nang matagal na panahon ng mga tanikalang panggapos (iron fetters). Pagdating ng panahon, balak ni Almazan, igagapos niya lahat ng Espanyol at mga frayle na mabihag niya, at hindi niya pakakawalan habang buhay.

Si Almazan ang mayamang pinuno ng mga Ilocano sa baranggay ng San Nicolas, visita (sitio ang tawag ngayon) ng Laoag (tinawag dating Ilauag). Matagal na siyang nagbabalak na mag-aklas at palayasin ang mga Espanyol na naghahari sa kanya at mga kabayan niya. Kakampi niya sa pakana laban sa Espanyol si Juan Magsanop, ang pinuno ng Bangi (Bangui ngayon), visita ng baranggay ng Bacarra. Upang mapagtibay ang lihim nilang balak, iminungkahi ni Almazan na maging asawa ng anak niyang lalaki ang anak ni Magsanop. Pumayag si Magsinop at naghintay sila ng mainam na panahon upang gawin ang kasal.

Sumapit ang panahon nuong Deciembre 1660 nang dumating ang balita na naghimagsik ang mga taga-Pangasinan. Lalong gumanda ang balak nina Almazan at Magsanop nang tanggapin nila ang liham ni Andres Malong na nalupig na niya ang mga Espanyol sa Pangasinan. Itinakda ng dala ang kasal ng kanilang mga anak sa madaling panahon. Nang lumusob si Pedro Gumapos, isang tauhan ni Malong, kasama ang hukbo ng mga Zambal, sa Agoo, sa timog Ilocos, nagpunta duon ang mga Espanyol at mga frayle upang tumulong talunin ang mga naghihimagsik. Kasamang lumikas si Jose Arias, ang frayle ng Bacarra.

Nagsamantala sina Almazan habang wala ang frayle. Gaganapin nila ang kasal ng mga anak sa katapusan ng Deciembre, 1660. Sumulat agad si Magsanop sa kaibigan niya, si Gaspar Cristobal, pinuno sa Laoag, kung sang-ayon siya sa balak nila ni Almazan na mag-aklas. Bilang sagot, tinawag ni Cristobal ang sugo ni Magsanop. Kumuha siya ng isang nagliliyab na sulo (flaming torch), at sinimulang sunugin ang simbaha sa Laoag.

‘Bilang sagot sa iyong pinuno,’ bilin ni Cristobal sa sugo, ‘sabihin mo sa kanya ang ginawa ko!’

Ipinatawag agad ni Magsanop ang mga Kalinga (Calanasa ang sulat ng mga Espanyol), ‘Tulungan nyo kaming patayin ang mga Espanyol!’ Bumaba ng bundok ang mababangis na mandirigma sa bundukin sa silangan (Bayug, tinatawag na Calanasan ngayon, bahagi ng lalawigan ng Apayao) na muhi sa mga Espanyol at dumalo sa kasal ng 2 anak sa Bacarra.

Pagkatapos ng kasal, inilabas ni Cristobal ang corona ng estatwa ng Virgen Maria na ninakaw niya sa simbahan sa Laoag bago niya sinunog ito. Ipinatong niya ang corona sa ulo ni Almazan at hinirang, ‘Mabuhay si Manung Almazan, hari ng Ilocos!’ Nagpugay ang lahat ng tao at sumumpa ng kanilang panalig sa mga bagong pinuno ng Ilocos. Inilabas ng mga tao ang mga watawat at winawagayway sa buong baranggay.

Nagsimula ang inasam na himagsikan ni Almazan.

Pinugutan ang 2 frayle.
Umabot ang himagsikan hanggang sa mga baranggay ng Cabicungan (Claveria ang tawag ngayon) at Pata (Sanchez-Mira na ang pangalan), sa silangan at mahigit 50 kilometro mula sa Bacarra. Nuong Enero 31, 1661, nagulantang ang frayleng Dominican sa Cabicungan, si Jose Santa Maria. Biglang pumasok ang isang Espanyol, tumatakbo at sumisigaw na magtago silang lahat. Bago matiyak ang dahilan, nabulahaw si Santa Maria ng hiyawan at gulo sa paligid. Sumugod palabas si Santa Maria upang pagalitan at patahimikin ang mga nag-iingay sa tabi ng simbahan. Nagimbal siya nang makita ang malaking pangkat ng mga mandirigma, na papunta sa simbahan!

Takbo pabalik sa simbahan si Santa Maria subalit naipinid na ng duwag na Espanyol ang pintuan. Hindi nakapasok si Santa Maria at inabutan siya ng mga naghihimagsik. Pinagsisibat siya at pinagtataga ng kanilang mga gulok (espada, hacking knife). Pinugutan siya ng ulo. Sinugod ng mga mandirigma ang simbahan subalit naisara ng duwag na Espanyol pati na ang mga ventana (windows). Kinatulong niya ang mga alila ng frayle, takot din at papatayin sila ng mga mandirigma, at pinagbabaril ang mga lumulusob. Dalawang baril ang gamit niya, mga alila ang tagalagay niya ng bala, kaya marami ang putok at inakala ng mga naghihimagsik na may mga sundalo sa loob ng simbahan. Winasak at ninakawan na lamang nila ang bahay ng frayle bago umurong nang hindi sinusunog ang simbahan.

Bumalik sa panganib.
Kinabukasan, may malaking handaan ang 9 frayle sa Narvacan nuong Febrero 1, 1661. Ipinagdiriwang nila ang tagumpay ng Espanyol, tinalo ang hukbo ng mga naghimagsik na Zambal. Biglang naudlot ang kasiyahan nila nang dumating ang balita ng isa pang himagsikan na sumabog sa hilagang Ilocos. Nataranta ang mga frayle. Kaskas pauwi si Fray Jose Arias, ang frayle ng Bacarra, ayaw papigil sa ibang frayle na nagmakaawa: Mapanganib ang gagawin niya.

Patitigilin niya ang himagsikan, akala ni Arias, kaya siya umuwi. Pagdating sa Bacarra, sinalubong siya ng mga alila niya, ‘Bakit ka bumalik? Mapanganib!’ Maraming usisa si Arias, subalit sa halip na sumagot, minabuti ng mga alila na itago si Arias sa bahay ng isa mga alila.

‘Mabuhay si Almazan, ang hari ng Ilocos! Patayin lahat ang Espanyol!’

Napuno ang mga lansangan ng Bacarra, sigawan at hiyawan ang mga nag-aklas at mga mandirigmang Calanasa. Minabuti ng mga alila na itakas si Arias nuong gabing iyon subalit dumating si Juan, isang mestizong Negro na sugo ng mga nag-aklas. ‘Palayasin mo ang frayle o papatayin namin kayong lahat, pati ang mag-anak mo!’ Takot na takot, ipinuslit ng alila si Arias sa bahay ng ibang alila. Hindi na sila maaaring maghintay pa ng gabi.

Nabigo ang pagtakas.
Nakiusap ang mga alila sa mga nag-aklas na kilala nila. Pumayag na tumulong ang isang pinuno, si Tomas Boaya, at nagpadala ng isang petaka (covered sedan chair) na gawa sa rattan, upang maitakas si Arias nang walang nakakakita. ‘Huwag na kayong maghintay, dalhin n’yo agad sa Laoag! Ngayon na!’ Bitbit si Arias ng mga alila at ilang tauhan ni Boaya nang masalubong nila ang malaking pangkat ng mga naghihimagsik. Binulatlat nila ang petaka at natuklasan ang nagkukubling frayle.

Pinugutan nila si Arias at dinala ang ulo niya kay Magsanop. Tinawag nito sina Almazan, Cristobal at iba pang pinuno at nagdiwang sila sa tagumpay ng himagsikan, patay na si Arias! Pagkaraan ng ilang araw, ipinatubos ng mga frayle ang ulo upang mailibing kasama ng katawan ni Arias.

Ganti ng mga Espanyol.
Hindi nagtagal pagkaraan ng libing ni Arias, dumating ang malaking hukbo ni Lorenzo Arqueros, alferez (vice governor) at alguazil mayor (chief of police) ng Ilocos. Kasama nito ang malaking hukbo, - kaunting Espanyol at mahigit 1,000 mandirigma mula sa Cagayan at malayong bahagi ng Ilocos. Nagulat nila ang mga naghihimagsik na inaabangan ang hukbo ng General Francisco de Esteybar mula sa Vigan sa timog (south). Nasagupa nang hindi pa handa, umurong sina Almazan at Magsanop sa gubat upang hintayin ang kanilang hukbo.

Hindi sila binigyan ni Arqueros ng panahon upang tipunin ang kanilang mga tauhan. Sanay din sa gubat at bundok ang kanyang mga mandirigma mula sa Cagayan at Ilocos, kaya pinasok ni Arqueros ang mga pinagtataguan at isa-isang pinuksa ang mga naghihimagsik.

Nasukol nila si Magsanop. Galit na galit ito dahil napaligiran siya. Hinugot niya ang kanyang kampit (cuchillo, large knife) at sinasak ang sariling dibdib. Pinili niyang mamatay kaysa yumuko uli sa mga Espanyol.

Sunod nilang napaligiran si Almazan, ang ngitngit sa mga Espanyol. Sakay sa kanyang kabayo (cavallo, horse), mistulang baliw sa puot si Almazan na sumugod sa mga Espanyol at napatay siyang nang lumalaban. Bilang ganti, ipinapatay ni Arqueros ang buong mag-anak ni Almazan. Pagkamatay ng 2 pinuno, nalansag ang hukbo ng himagsikan na kanya-kanyang tumakas mula sa parusa ng mga Espanyol.

Malupit din ang iginawad na parusa sa mga pinuno ng himagsikan. Binitay sa Vigan sina Tomas Boaya, Cristobal Ambagan at iba pang pinuno ng himagsikan. Dumating ang hukbo ni General Esteybar nuong tapos na ang labanan. Inutos na lamang niya na magtayo ng isang kuta (fuerza, fort) sa Bacarra upang mapigil ang himagsikan uli sa Ilocos.

Nuong Mayo 1661, namatay sa Manila si Fray Rodrigo de Cardenas, obispo ng Nueva Segovia sa Cagayan, kakampi ni Arqueros na gumapi kina Almazan.

Nang matahimik na ang lahat, binaril at pinatay si Francisco Maniago, ang pinuno ng unang himagsikan sa Pampanga.

Ang pinagkunan:
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy