Cailianes BUNGA  NG  ‘CONSTITUTION’ NG  1812  SA  ESPAÑA
Ang unang himagsikan sa Pilipinas ng common tao laban sa maharlika

Cailianes Laban Sa Principales

Kung sino ‘yung mahirap, siya pa ang pinagbayad... --Karaniwang angal

SINAKOP ni Napoleon Bonaparte, ang dictador ng France, ang España nuong 1808, inalis at ikinulong ang hari, si Carlos 4, tapos ang anak nitong si Fernando 7, at ipinalit ang kanyang kuya, si Joseph Bonaparte, na madalas lasing. Kahit na siya ang bagong hari, ang binuo ni Joseph ay isang kahariang batay sa batas (constitutional monarchy), kauna-unahan, at nuon ay pinaka-mapagpalaya (liberal ) sa kasaysayan ng España.

Naghimagsik ang mga Español, panguna ang mga taga-Madrid, at 6 taon dinigma ang lasenggo at ang kanyang hukbo ng France.

Nuong 1810, ika-2 taon ng himagsikan, nagtatag sa lungsod ng Cadiz ang mga naghimagsik ng sariling batasang bayan (Cortes, parliament), walang hari at binuo ng mga kinatawan (deputados, representatives) ng mga mamamayan. Ang kauna-unahang republica sa España, mas hawig ito sa makataong pamahalaan sa France, at ni Joseph Bonaparte, kaysa sa malupit at mapagsamantalang kaharian nina Carlos 4 at Fernando 7.

Dapat lamang asahan, ang bagong republica ay sumulat ng makatao at mapagpalayang kasulatan ng bayan (constitución), puno ng mga pagbuti (reformas) ng kalagayan, turing at mga karapatan ng mga tao. Inutos ng himagsikan nuong 1812 na pairalin ang constitución sa lahat ng sakop ng España. Dumating ito sa Manila nuong Abril 17, 1813 at ipinahayag sa buong kapuluan ni Manuel Gonzales de Aguilar, governador ng Pilipinas nuong 1810-1813.

Nagdiwang ang mga Pilipino nang narinig ang mga kalayaang iginawad ng constitución sa lahat ng mamamayan (citizens). Higit sa lahat, nalugod ang mga timawa (cailianes, common people), ang mga karaniwang tao, itinanghal nila ang hinayag na pantayan ng lahat ng tao.

Akala nila, ang ibig sabihin nito ay kapantay na sila ng mga principale, ang mga dating maharlika na naging alila ng mga frayle. At tulad ng mga principale, hindi na rin sila pagbabayarin ng buwis (tributos, taxes) at

Principale hindi na rin sila magpo-polo, ang sapilitan at walang bayad na pa-trabajo ( forced labor) para sa mga Español.

Kumalat sa buong kapuluan itong paniwala kaya mabilis natigil ang paggawa sa conventos, calles, pati na sa mga bahay at haciendas ng mga frayle at mga Español. Lalong nakabahala sa pamahalaan (ayuntamientos) sa Manila at mga lalawigan, naputol ang pagbayad ng buwis at tributos ng pagkain at gamit, ang tanging ikinabuhay ng mga frayle at Español nuon.

Mula pa nuong unang dating ni Miguel Lopez de Legazpi nuong 1565, ang Nueva España (Mexico ang tawag ngayon) ang tumustos sa pagsakop at pagmahala sa Pilipinas, sa pagpadala ng mga tauhan, sundalo at salapi nuong una, bago natuloy sa lakbay-kalakay ng mga barko (galleon trade) taon-taon. Nang maghimagsikan sa España, nagsamantala ang mga sakop sa America, pati na ang Mexico. Ang himagsikan laban kay Bonaparte at France ay ginawa nilang himagsikan upang makalaya mula sa pagsakop at pagmahala ng España.

Hindi naghimagsik subalit nakarating ang gulo sa Pilipinas nang itigil ang tustos mula sa Mexico nuong 1810. Ang buwis at tributos na lamang ang ikinabuhay ng karamihan ng mga frayle at Español.

Nuong Febrero 8, 1814, napilitang maglabas ng utos-hari (edict) si Jose de Gardoqui Jaraveitia, ang governador sa Pilipinas nuong Septiembre1813 hanggang Deciembre 1816, upang supilin ang mga ‘bagong layà’ ng mga tao. May mga dahilang nakalista subalit ayaw maniwala ang mga tao. Ilang kaguluhan at bakbakan ang naganap, karamihan sa dulong hilagang Ilocos (iisa pa lamang nuon ang buong Ilocos). Bakbakan sa España Naawat lamang ang mga tao sa pagsikap ng alcalde mayor (provincial governor) duon.

Kaya nabalik at nagpatuloy ang buwis, tributos at polo bagaman at patuloy din ang angal ng mga cailianes na nilalabag ang constitución at dapat itong pairalin sa kapuluan.

Lalong sumamâ ang kalagayan ng mga tao nang manalo ang himagsikan sa España at naibalik ang kaharian (trono, monarchy)

ni Fernando 7. Nuong Mayo 4, 1814, nilansag niya ang Cortes na karibal niya sa pamahalaan. Pinawalang bahala niya ang lahat ng ginawa ng batasang bayan, pati na ang constitución na naibigan ng mga Pilipino. Inutos din niya na usigin lahat ng mapagpalaya (liberales) at bitayin ang mga pinaka-masugid.

Pagdating ng mga utos-hari sa Manila, ang mga frayle at mga makalumang (conservative) Español ang nagdiwang naman. Subalit ayaw maniwala ang mga cailianes, huwad daw gawa-gawa lamang ng mga taga-Manila. Nang pairalin ang mga utos-hari, halos 2,000 taga-Ilocos ang naglabas ng sandata at naglagim sa pali-paligid. Maraming patayin, nakawan at pagwasak ang naganap sa lalawigan, subalit walang principales na kumampi sa kanila. Hindi nagtagal, nag-sandata na rin ang mga principale. Subalit kaiba sa mga himagsikan sa America na pinamunuan ng principales, kumampi sa mga frayle at mga Español ang mga maharlika sa Ilocos. Sa tulong nila, natalo ang himagsikan ng mga timawa.

Kahit nasupil, nagpatuloy ang pangamba sa Ilocos at, dahil sa sunud-sunod na aklasan duon mula nuong 1762 nang naghimagsik si Diego Silang, hinati ang lalawigan sa dalawa, Ilocos Norte at Ilocos Sur, upang maging 2 ang alcaldes mayor at ayuntamientos. Kaya mula nuong 1818, mas mahigpit na pinamahalaan ang mga taga-Ilocos at 80 taon ang lumipas bago naghimagsikan uli duon.

Ang pinagkunan:
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy