Nagpakita BAGONG  ‘DIYOS’  SA  ILOCOS, 1811

Nagpakita Si ‘Lungao’

TAG-ARAW nuong 1811 nang nabuhay sa Ilocos Norte ang bagong religion batay sa pagsamba sa isang dios, si Lungao.

‘Ako ang bagong Jesu Christo!’ nagpakita ang isang ‘profeta’ sa isang pangkat ng mga mangingisda, tulad ng tunay na Jesus Christ, upang ihayag ang tunay na pagtubos sa kanilang kahirapan. Maraming biyaya si Lungao para sa mga tao, pangako ng ‘profeta,’ pati 2 lubos na mahalaga sa mga taga-Ilocos. Hindi na kailangang magbayad sa Español ng buwis (tributos, taxes). Ititigil din ng langit ang pagsarili (monopoly) ng mga Español sa lahat ng kalakal, lalo na sa tobaco at basi. Madaling nakaipon ang ‘profeta’ ng mahigit 70 tauhan, tinawag niyang mga ‘apostoles,’ mga sotana (cassock) tulad ng suot ng mga frayle, mga watawat at iba pang palatanda (symbols) para itanghal si Lungao, ang bagong dios.

Subalit maagap din ang mga frayle at Español sa panganib ng bagong religion. Hila-hila ang kanilang mga alguaciles (police), hinabol nila ang pangkat ng ‘profeta.’ Umakyat ng mga bundok ang pangkat upang duon sa mga taga-bundok palawakin ang religion ni Lungao. Akala nila ay ligtas sila sapagkat tamad umakyat sa bundok ang mga frayle at Español, subalit inakyat sila ng mga alguaciles at nabihag bago nila nahimok ang mga taga-bundok na ipagtanggol sila. Kinaladkad ang pangkat pababá sa bundok. Binitay ng mga Español ang ‘profeta’ at ang mga pinuno ng kanyang mga ‘apostoles.’

Mahigit 30 taon ang nagdaan, nuong 1844, bago ipinagbawal ng hari sa España ang pagsarili ng mga alcalde mayor (provincial governors ang tawag ngayon) sa mga kalakal ng lalawigan. At halos 40 taon pa uli, nuong 1883, bago tinapos ang pagsarili ng pamahalaan sa Manila sa kalakal ng tobaco.

Ang pinagkunan:
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy