Basi SUMIKAT ang nayon ng Piddig, sa pagitan ng Laoag at Dingras, sa hilagang Ilocos, sa paggawa ng basi, alak na inumin duon mula pa nuong unang panahon. Pinigâ sa mula sa matamis na tubô (sugarcane), ang mapuláng katás ay inilalagáy sa mga burnay, malalaking bangà ( jars), mahigpit ang takip upang hindi pasukin ng hangin, at Basi ibinabaon sa lupa o itinatago sa silong ng bahay hanggang ‘mahinòg’ (fermented). Inaabot ng ilang buwan, taon pa kung minsan. May saysay na itinatanim ang saging sabay sa pagbaon sa burnay na huhukayin lamang kapag nagbunga na ang saging. Upang maiba ang lasa, karaniwang nilalagyan ang nahihinòg na basi ng iba’t ibang bungang kahoy (frutas), kahit na balat (bark) ng punong kahoy.

Sa tinagal ng gawi ng basi, ilang ulit itong ipinagbawal na gawin pansarili, subalit may ilan mang distilleria ang naitatag na ngayon upang magkalakal, nanatiling malawak ang kanya-kanya, at lihim, na paggawa nitong inumin sa buong Ilocos. Maraming lihim at pamahiin ang sumaliw sa gawing ito. Isa ay ang pag-ani ng matamis na tubô na gagamitin: Dapat daw gapasin lamang sa gabì kapag bilog ang buwan. Marami rin ang sumusumpa sa bisà ng basi bilang ‘pampasiglá’ at pampalakas ng katawan. Subalit pinaka-bantog ito bilang panlasing, pang-alis ng lungkot.

1807  SA  ILOCOS

Himagsikan  Dahil  Sa  ‘Basi’

SA dami ng mga himagsikan na ginanap sa Ilocos, pinaka-tangi ng mga tagaruon ang aklasan dahil sa basi, kapantay o higit pa, sa isip ng iba, sa himagsikan ni Diego Silang nuong 1762-1764. Patibay nito: Hanggang ngayon, pinag-aagawan kung kangino talaga ang himagsikan ng basi nuong 1807. Sa mga Español, ang ‘El Alzamiento de Ambaristo’ (‘ang aklasan ni Ambaristo’) ay kagagawan ni Salarogo Ambaristo, isang pinuno ng mga magsasaka (campesinos, peasants). Sa mga taga-Ilocos naman, ang naghimagsik ay si Pedro Mateo, isang dating pinuno ng baranggay (cabeza de barangay) ng Piddig. ‘Kanang-kamay’ (teniente, lieutenant) lamang daw niya si Ambaristo.

Matagal nang nag-aklas si Ambaristo, pinatay kasi ang asawa niya ng isang oficial na Español. Maliban sa paminsan-minsang salakay sa bahay ng mga Español, walang nagawa ang kanyang maliit na pangkat ng mga magsasaka kundi magtago-tago sa mga bundok ng Piddig (‘mabundok’ ang kahulugan ng ‘piddig’ sa wika ruon) nuong cabeza pa si Mateo.

Kahit mula sa angkan ng maharlika (principalia, native elite) duon, hindi natanggap ni Mateo ang malupit na turing sa tao. Mainit ang ulo, ilang ulit siyang napa-away dahil ayaw tumulong, kinalaban pa, ang pagsamantala ng mga frayle at Español na sinimulang tawagin siyang ‘taksil’ (traidor).

Guardia de vino Sinarili Lahat Ng
Kita Sa Kalakal

KAIBA sa paniwala ng madla, hindi ipinagbawal kailanman ng mga Español ang paggawa ng basi o anumang alak sa Pilipinas. Ang ipinagbawal ay ang paglakô (venta, sale) ng basi maliban sa alcalde mayor ( provincial governor) ng lalawigan. At hindi rin maaaring bilhin (compra, buy) maliban sa alcalde mayor. Dinaan sa lakas, lubhang mura ang bili nila sa basi mula sa mga taga-Ilocos. Sapilitan din, dahil may parusa ang bumili sa iba, sobra ang taas ng precio paglako ng basi sa mga tao.

Ganito sinarili (monopoly) ng Español ang kalakal, hindi lamang sa basi, kundi pati na sa tobaco, barahas ( playing cards), muebles ( furniture) at iba pa. Ang iniliban (exempted) lamang ay pagkain at pang-araw-araw na gamit gaya ng palay, isda at gulay, upang walang maghimagsik.

Soldado Filipino Matagal nang sinarili ang maraming kalakal sa Pilipinas, sang-ayon sa patakaran ng kaharian sa Madrid na ‘kumita’ at magpayaman ang mga alcaldes mayor bago sila bumalik sa España. Malaki ang bayad
[ Hindi ‘suhol’ (soborno, bribe); talagang tuntunin sa España at iba pang kaharian sa Europe nuon na ipagbili ang mga tungkulin (comisiones, offices) sa pamahalaan at hukbo sa Pilipinas at iba pang sakop (colonies).]  para maging alcalde mayor nang 3 taon lamang, kaya halos lahat ng kalakal ay sinaklaw nila upang maparami ang kahig ( ganancia, take).
Nuong simula ng ika-19 sandaang taon (19th century), namulubi ang kaharian at nagkagulo sa España at mga sakop nito sa America, kaya umunti ang pabuya (beneficio real, royal patronage) sa Pilipinas. Kasabay nito, dumami pa ang mga frayle dahil inilit ang kanilang mga convento at ari-arian, at pinalayas mula sa España at America. Dumating din ang maraming Español at mga takas mula sa mga sakop sa America, naghahanap ng makakain. Mula nuon, sinarili ng mga Español pati na ang ibang ‘malayang kalakal’ ng mga katutubo, kahit na ba maghimagsik pa ang mga tao.

Nang mamatay ang governador sa Manila, si Rafael Maria de Aguilar, nuong Agosto 8, 1806, isang pinuno ng hukbong Español sa Pilipinas, si Mariano Fernandez de Folgueras, ang hinirang na pansamantalang governador. Nagsamantala o napilitan ng siksikan ng mga frayle at Español, inutos niya ang pagsarili ng kalakal sa basi. Nang sumabog ang inasahang aklasan ng mga taga-Ilocos, pinasugod niya ang hukbong Español upang tulungan ang mga frayleng Augustinian upang puksain ang mga naghimagsik. Nang palitan si Folgueras nuong Marso 4, 1810 ni Manuel Gonzalez de Aguilar, ang bagong governador, ipinagpatuloy ang pagsarili sa basi.

Inusig si Mateo, ang ‘Traidor’ Mapa ng himagsikan

Bilang cabeza, alam ni Pedro Mateo ang lahat ng lihim sa Piddig, pati na kung saan ginagawa at itinatago ng mga tagaruon ang kanilang basi upang hindi mailit (confisca) ng mga Español at principales na nagsisilbi sa kanila. Madalas tumalilis si Mateo sa lalim ng gabi upang makipag-inuman ng basi sa kanyang mga kanayon.

Bagaman at hindi siya nabisto kahit minsan ng mga frayle at ng mga alagad nitong principales, lalong nag-init ang mga mata nila kay Mateo na itinuring nilang ‘traidor.’ Kaya nang nasaksak at napatay ang isang taga-Piddig na kaibigan ni Mateo, siya ang inusig ng mga Español. Pinaratang nilang naglasing silang dalawa ni Mateo at nang

nag-away, sinaksak ni Mateo ang kaibigan. Nahatulan na mabilanggo nang 5 taon, nakalabas lamang si Mateo nang tubusin ( fianza, bail) ng kanyang abogado sa halagang 200 pesetas.

Hindi pa rin siya pina-alpas ng mga frayle. Hinabla siya sa pinaka-mataas na hukuman (corte suprema, supreme court) sa salang pagkalaban sa pamahalaan ng España. Humiling si Mateo ng patawad mula sa Manila subalit tinanggihan siya at ipinadakip. Inutos din ng hukuman na ilitin (seize) ang kanyang bukid at mga ari-arian. Pati ang kanyang familia ay inutos na tiktikan (surveillance).

Naglabas ang mga frayle ng kasulatan (documentos) at iba pang ‘evidencias’ na mag-aaklas si Mateo at ang kanyang mga kainuman. Mayruon pang ‘mapa’ ng mga pinagtaguan ng mga burnay ng basi. Wala nang pag-asa, tumakas si Mateo at nagtago sa mga bundok sa paligid ng Piddig. Duon at nuon niya natagpuan at naka-panalig si Ambaristo. Maliit lamang ang pangkat nila kaya nagkasundo ang dalawa na gamitin ang pagsarili sa basi upang yakagin ang mga taga-paligid na sumama sa kanilang mag-aklas laban sa Español.

Salakay ng 10,000 ‘Rebeldes’

Pagkasapi sa kanila ng maraming taga-Piddig, bumabâ sa bundok sina Mateo at Ambaristo at nuong Julio, 1807, sinalakay nila ang kabayanan ng Sarrat, sa timog ng Laoag.

Natalo sina Ambaristo. Hindi sila sumuko, namundok uli sa bandang Piddig at nagpasiyang lumusob uli. Mahigit 10,000 mula sa buong Ilocos ang sumanib sa kanila, katibayan ng kapangyarihan ng basi sa pag-iisip ng mga tagaruon. Sinalakay nila uli ang Sarrat nuong Septiembre 16, 1807 at, mas marami kaysa nuong una, nagwagi sila at nasakop ang kabayanan.

Sunod nilang sinalakay at sinakop ang kabayanan ng Laoag. Sa 2 kabayanan, pinatay nila ang mga Español, ang principales na kakampi ng mga ito, at ang mga sundalo ng hukbong Español. Libu-libo pang mga taga-Ilocos ang dumating at sumapi sa lumalagong himagsikan. Nagpasiya sina Ambaristo na salakayin lahat ng Español at palayain lahat ng kabayanan hanggang sa Manila. Dinumog nila at pinalaya lahat ng

nadaanang nayon at kabayanan hanggang Binitay Badoc, ang huling nayon na nasakop nila, sa hilaga (north) ng Vigan.

Pinag-ibayo ng mga frayleng Augustinian, ang ‘may-ari’ ng Ilocos, upang talunin ang aklasan bago masalakay ang Vigan, ang pinaka-mayaman at capitolio ng arsobispo at ng Español sa Ilocos. Katulong ang hukbong pinadala mula sa Manila, sinagupa nila ang mga manghihimagsik 7 kilometro bago makarating ang mga ito sa Vigan.

Pinugutan ng ulo Ang San Ildefonso ay 2 nayon na lamang mula sa Vigan. Tinahak ito ng ilog Bantaoay at sa dalampasigan nito tinalo ng mga Español ang mga manghihimagsik nina Mateo at Ambaristo.

Umurong sila sa Badoc subalit sumunod at pinaligiran sila ng hukbong Español hanggang nuong Septiembre 28, 1807, napasuko nila sina Mateo at Ambaristo. Kasama ang dalawa sa mga

nabihag, kinaladkad at binitay sa liwasan (plaza) ng Vigan. Hindi pa contento ang mga Español pagkatapos ng pagbitay, sobra kasi ang takot na dinanas nila sa paghimagsik. Pinapugot nila ang ulo ng mga bangkay. Subalit nabigo ang kanilang tangka na hamakin ang mga naghimagsik at takutin ang mga taga-Ilocos sapagkat itinanghal ng mga tao na bayani (caballeros, heros) sina Mateo at Ambaristo, at inalaala ang luwalhati (gloria) at kalayaang idinulot ng 14 araw ng himagsikan. Kahit nagwagi ang mga Español, sa mata ng mga taga-Ilocos, sila pa rin ang ‘contra-vida’ (malditos, villains).

Pagkaraan ng 14 taon, hindi pa rin napawi ang parangal sa himagsikan ng mga tao sa Ilocos, kaya nagpundar ang pamahalaan sa Vigan nuong 1821 upang hamakin ang mga naghimagsik, purihin ang mga Español, at takutin ang mga tao na huwag nang maghimagsik uli. Inupahan nila ang isang mestizong pintor sa Vigan, si Esteban Pichay Villanueva , upang ilarawan ang pagkatalo nina Mateo at Ambaristo, 14 larawan ng sunud-sunod na pangyayari nuong himagsikan dahil sa basi.

  1. Si alcalde mayor Juan Ybañez at ang kanyang mga sundalo
  2. Pinulong ni Ybañez ang mga pinuno ng Bantay, San Vicente at Santa Catalina
  3. Nahuli ang dating ng mga pinuno ng Candon at Santiago
  4. Sugod ng mga naghimagsik mula sa Sarrat
  5. Nag-marcha ang mga sundalong Español
  6. Nabihag ang isang naghihimagsik, hinagupit hanggang mamatay
  7. Lumabas ng Vigan ang hukbong Español
  8. Nagkublí ang mga tao sa simbahan ng Bantay
  9. Bakbakan sa Bantaoay
  10. Nilibing ang mga naghimagsik na napatay
  11. Nagwagi ang mga Español nuong Septiembre 1807
12.   Kinaladkad sa bitayan ang mga naghimagsik na nabihag
13.   Binigti ang mga pinuno ng himagsikan
14.   Pinugutan ng ulo ang mga binigti Monumento sa Piddig

Pangit at plakda (llano, lacking perspective) ang mga pinta ni Villanueva subalit mahalaga ang mga larawan dahil ipinakita ang mga naganap nuong himagsikan ng 1807. At kabaligtaran sa tangka ng mga Español, ipinagdiriwang ang mga larawan ngayon sa Vigan bilang parangal, hindi paglibak, sa himagsikang basi.

Ang pinagkunan:
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903-1906, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998
Basi Revolt PowerNet (Laoag), Monday, 15 December 2003, www.laoag.net/index.php
Meet Me Up North!, www.newsflash.org/2004/02/tl/tl012402.htm
Piddig - Basi Revolt Marker, by Neil Dominic, 1999, ilocosnorte.gq.nu/pages/Spots_piddig_basi_revolt_marker.htm
Vigan City History, www.vigancity.gov.ph/history.htm

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy