BULABOG SA PANAY NUONG 1672
Tumakas Ang
Mga Ilonggo
Nuong Octobre 17, 1581, pinulong ni obispo Domingo de Salazar ang mga frayle sa Manila upang pagkasunduan ang pagpalaya sa mga katutubong inalipin ng mga Español. Ayon sa utos ng hari ng España mula pa nuong 1530, ipinasiya nilang dapat palayain ang mga alipin sa luob ng 30 araw, hindi ang matagal na nais ng mga Español upang masanay daw sila sa buhay na walang alipin... -- Emma Helen Blair and James A. Robertson, The Philippine Islands ‘ANG HARI ng España ay nagpunta minsan sa dalampasigan upang magliwaliw, ilan lamang ang kasamang alalay at walang ingat sa panganib. Tinambangan at dinukot siya ng mga Turko, ang mga Muslim mula sa kaharian ng Turkey, dinala sa kanilang hari at ipinatubos sa España ng sanlaksang alipin.’ Ito ang kasaysayang inilahad ng isang sundalo mula sa Mexico sa mga Ilonggo sa baranggay ng Oton, sa pulo ng Panay, nuong 1672 nang dumating siya upang kumalkal ng buwis (tributos, taxes) mula sa mga katutubo. Sinabi niyang nagpadala ng maraming barko ang hari ng Turkey upang hakutin ang mga alipin. ‘Nakadaong na sa Iloilo ang mga barko,’ hayag ng sundalo, ‘dahil kayong mga Ilonggo ang napiling gawing alipin.’ |
|
Lahat daw ng mga taga-Panay na makita ay hahakutin sa malayong kaharian at hindi na muling makakabalik. Sinabi pa ng sundalo na ang alcalde mayor (katumbas ng provincial governor) mismo, si Sebastian de Villareal, at iba pang mga Español, ang maghahatid sa mga alipin sa hari ng Turkey.
Sa takot ng mga Ilonggo, tumakas na lahat nuong araw ding iyon at nagtago sa mga bundok at gubat. Nawala ang mga tao sa mga baranggay ng Miagao, Tigbauan at Guimbal. Pati sa mga sitio sa paligid, naiwang tiwangwang ang mga bahay at bukid. Walang magawa ang mga Español at mga frayle duon sapagkat hindi nila alam kung bakit tumatakas ang mga Ilonggo. Tuwing makita sila ng mga tao, sumisigaw ito ng ‘Turko! Turko!’ sabay karipas ng takbo. Nang makarating ang balita sa nayon ng Iloilo, nag-ipon ang alcalde mayor, si Villareal, ng mga sundalo at mga Español upang lumusob sa ‘tumiwalag’ (separarsados, seceded) na mga baranggay. Pati ang mga matanda at namahinga (retirados, retired) nang mga sundalo ay pinabalik sa tungkulin at pinasugod sa Oton, kasama ang 3 frayle, sina Marcos Gabilan, Marcos Gonzalez at Agustin de Estrada, at ang alcalde mayor mismo. |
Lalong nasindak ang mga Ilonggo sa paglusob ng mga sundalo, at tumakas na rin pati ang mga dating matumal magtago sa gubat-gubat. Naniwala na rin at natakot silang lahat na maging alipin at dalhin sa mga barko.
Akala ng mga Español, nang datnang walang tao ang mga baranggay, na malawak na ‘himagsikan’ ang nagaganap. Matagal bago nila nabatid ang dahilan ng pagtakas ng mga tao. Hinanap nila ang nagsimula ng gulo, ang sundalong taga-Mexico na tagapagkalkal ng buwis, upang parusahan subalit hindi nila nakita, o nalaman man lamang ang pangalan. May balita na umalis na siyang tuluyan mula sa Pilipinas. Nag-usap ang mga frayle at mga Español at napagkaisahan na dapat paalisin ang mga sundalo at bayaang ang mga Ilonggo na mismo ang makatuklas na walang dapat katakutan. Pagtagal, nakita ng mga Ilonggo na walang kinakaladkad sa mga barko upang gawing alipin. Walang tigil ding lumibot si Fray Estrada at hinayag sa lahat na hindi tutuo ang sinabi ng tagakalkal ng buwis. Unti-unti, nagbalikan din sa wakas ang mga Ilonggo at natapos ang ‘aklasan.’ |
ANG PINAGKUNAN
Conquistas de las Islas Filipinas, covering 1616-1694, by Casimiro Diaz, OSA, Valladolid, 1890, translated, edited and published in Panay History and Legend, from Wikipedia, the free encyclopedia, http://en.wikipedia.org/wiki/Panay_Island Ulitin mula sa itaas Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys |