Ang Mga Taganayon
ANG NAYON ng Silang ay itinangi nuong 1599 sa mga Jesuit. Ito ay isang araw na lakbay mula sa Manila (30 kilometro sa timog) at binubuo ng 5 baranggay ng mahigit 1,500 indio sa bundukin (tingues) ng Cavite. Dahil mataas, maaliwalas ang panahon duon at butihin ang mga tao duon, ilan-ilan ay nabinyagan na bagaman at walang frayle duon hanggang dumating sina Gregorio Lopez at Pedro de Segura nuong 1601. Mapamahiin at matimtiman ang mga tagaruon. Isang babae, sabik tapusin ang hinahawing tela, ay nag-trabajo maghapon kahit na araw ng Linggo. Pagkatapos, nang balikan niya ang tela, nakita niyang nakain ng mga gamugamo (moth,). Inamin niya nang harapan na parusa ito sa paglabag niya sa araw ng pangilin. Isang bulag at dating catalonan, pari ng pagsamba sa mga anyito, ang naging tapat na katulong ng mga frayle sa pagpapalawak ng catholico sa Silang, matapos siyang mabinyagan sa pangalang Diego. Kahit na ang mga Jesuit ay hindi siya mahigitan sa mga aralin ng simbahan at sa sipag ng pagtuturo sa mga kanayon. Sumapit ang salot sa isang puok duon at kahit na malayo at hanggang tuhod ang putik sa mga bangin dahil tag-ulan nuon, 2 ulit dumayo ang mga Jesuit upang magpakumpisal at binyagan ang mga maysakit na marami ang namatay. Pabalik minsan, nadaanan ng frayle ang isang pangkat ng mga katutubong naglakad nang kalahating kilometro sa putik upang abangan siya. Isinama siya sa kanilang munting baranggay sa isang libis upang magpakumpisal sa mga tagaruon. Pagkatapos, inihatid siya uli sa daan, nangakong sasapi na sila sa nayon ng mga frayle. Pagkaraan ng 4 buwan, iniwan nila ang munting baranggay at silang lahat ay nanirahan na sa Silang. Si Gregorio Lopez, isa sa mga Jesuit sa Silang, ang nag-ulat kong paano napalaki ang nayon. Nuon daw bago siya duon, may nagsumbong sa kanya na may babaing catalonan sa baranggay |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
ng Caibabayan. Nagsiyasat siya duon subalit walang nakitang katibayan na nagkaroon duon ng catalonan. Ang natuklasan niya ay isang lalaki, 70 taon ang tanda, maysakit at hindi na makalakad mula sa kanyang kubo sa gitna ng bukid. Pinagyaman niya ang matanda, pagkatapos ay bininyagan. Kumalat ang balita at marami ang nagpabinyag duon. Pagkaraan ng ilang araw, nabalita na maraming maysakit sa Malabag, Balete at Dinglas. Sagsag si Lopez sa Malabag upang magpakumpisal at binyagan ang maraming maysakit duon. Sa Balete, nakita niyang halos lahat ng tao ay maysakit. Ganoon din sa Dinglas. Pagbalik niya sa Silang pagkaraan ng ilang araw, nalaman niyang marami ring nagkasakit sa mga bukid sa paligid duon. Sa pagdalaw niya sa mga maliliit na baranggay, hinimok niyang magsama-sama silang lahat sa Silang. Pangkat-pangkat na dumating ang mga tagaruon, pati ang buong nayon ng Indan (Indang), upang mamuhay na sa Silang. Mahigit 200 ang nabinyagan nuong taon na iyon. Si Lopez din ang nagbalita kung gaano kabisa sa mga buntis at maysakit ang larawan ni San Ignacio (si Ignacio ng Loyola, padron pintakasi ng mga Jesuit, nahirang na santo nuong 1645). Isang araw, dinala sa simbahan ang isang babaing maysakit, hindi nang imik at malapit nang mamatay. Matapos bigyan ng larawan ni San Ignacio, nakapagsalita ang babae at nagkumpisal bago namatay. Minsan naman, nagpatawag ang mga kamag-anak ng isang buntis na namimilipit sa sakit, hindi mailuwal ang anak. Nag-iwan ang frayle ng larawan ni San Ignacio at pinaalagaan ang buntis kay Diego at ang asawa nitong marunong maghilot (comadrona, midwife). Ipinatawag uli ang frayle nang isilang ang sanggol nang buhay. Bininyagan ito bago namatay. Gumaling |
ang ina. Nuong Mahal na Sabado (Holy Saturday), hangos ang isang binata, sinasakal daw ng demonio ang kanyang kapatid na babae. Nadatnan ng frayle na sindak ang dalaga subalit nagkaginhawa ito pagkatapos magkumpisal. Nag-iwan ang frayle ng larawan ni San Ignacio upang laging may kapiling ang babae. Kinabukasan, araw ng Pagkabuhay (Easter Sunday), humiling ng tulong ang isang lalaki, bagong lipat mula sa Indang, at pagal na raw ang asawa niya sa matagal na pagluluwal. Ipinadala ng frayle ang larawan ni San Ignacio at pagkapasok nito sa bahay, nagsilang ang babae. Pagkaraan ng ilang araw, isang taga-Bilango ang humingi ng larawan para sa kanyang asawa na, nang makita ang larawan, ay nagsilang agad. Sa Santiago, nabalitaan ng tagapamahala ng baranggay (fiscal ang tawag nuon, indio na katulong ng frayle, tatawaging governadorcillo sa mga darating na panahon) ang bisa ng larawan. Nang maghirap ang asawa niya sa pagluluwal, humiling siya sa frayle at isinilang ang sanggol. Nabinyagan ito bago yumao. Isang gabi, humangos ang asawa at kamag-anak ng isang buntis na nagdurusa, hindi mailuwal ang kanyang anak, at humiling ng mahal na rosario (blessed beads). Ibinigay ng frayle ang sarili niyang rosario at pagkaalis ng 2 indio, inilabas ang estatwa ni San Ignacio. Tinawag ng frayle ang fiscal at ipinahatid ang estatwa sa buntis. Nang matunghayan ito ng babaing indio, niyakap niya at agad naluwal ang sanggol. Binigyan niya ang sanggol ng pangalang Maliuag (difficult) at nang mabinyagan, ng pangalang Ignacio bilang parangal sa santo na sumagip sa kanya. Itong pangalan sa binyag ang nagsulsol sa aking isaysay ang mga gawi ng Pilipino ukol sa mga pangalan. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |