Isang Wika Sa Leyte,
ISA LAMANG ang wika ng mga tagaruon kaya kahit mahirap puntahan ang kanilang mga baranggay, madali silang nakausap at nagawang catholico ng mga Jesuit. Ang ibang baranggay ay nararating ng bangka lamang, gaya ng Tinagon (Tinaguan, sa pulo ng Buad, malapit sa kasalukuyang Catbalogan) at Samar. Ang ibang baranggay ay kailangang lakarin, gaya ng Alangalang (sa Leyte). May mga baranggay na bangka at lakad ang kailangan, gaya ng Dulag at Carigara (sa Leyte rin) at Bohol. Madalas tumawid ng gubat, putikan at ilog, hanggang baywang ang tubig, ang 4 frayle at 3 katulong (brothers) upang marating ang kanilang mga visita (maliliit na baranggay na walang nakatirang frayle at dinadalaw lamang ng frayle linggo-linggo o mas matagal pa) mula sa kanilang convento sa Alangalang. Mula nuong 1600 hanggang 1602, umabot ng 2,694 tao ang mga nabinyagan nila dahil sa hilig ng mga Waray-Waray sa pagsamba. Madalas silang umawit ng Salve para sa mahal na Virjen at Miserere kapag mahal na araw (cuaresma, Lent). Tatlo ang koro (choir) sa simbahan ng mga indio at wala silang misa o fiesta ng simbahan na ipinagpapaliban. Sa buong Leyte at Samar, pinakamaganda ang mga pagdiriwang sa simbahan ng Alangalang. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
Saklaw ng convento ng Alangalang ang Ormoc na may 102 binyagan at magandang simbahan, ang Carigara na may 63 binyagan, at 8 pang baranggay. Naisali rin ng mga Jesuit ang baranggay ng Lingayom (hindi na matagpuan ngayon, malamang nabago na ang pangalan), Barugo (malapit sa Carigara) na may 25 binyagan, at Baibai (Baybay, sa kanlurang gilid ng Leyte) na may 90 binyagan, 3 ay bata. Sa maliit na baranggay ng Ugyao (malapit sa Alangalang, sa hilaga ng Leyte), nabinyagan ang 28 Waray-Waray, kabilang ang asawang babae ng pinuno na, pagkaraan ng panahon, ay naghikayat sa marami na maging catholico din. Sa baranggay ng Leite (Leyte, malapit sa pulo ng Biliran) lagi nang puno ng tao ang simbahan araw at gabi kaya parang fiesta ang bawat misa, sulat ni Fray Alonso Rodriguez. Masipag humatak ang mga pinuno ng mga hindi binyagan upang maturuan at mabinyagan sa simbahan. Sa 2 dalaw niya duon, nabinyagan niya ang 137 bata at matanda. |
Habang nasa isang baranggay sa tabi ng dagat si Rodriguez, dumating ang isang indio, sakay sa maliit na bangka. Nagtaka ang lahat sapagkat siya ay walang kamay o paa. Narinig niya sa isang Espanyol, sabi ng indio, na maghihirap sa infierno ang mga hindi catholico kaya nais niyang magpabinyag. Bininyagan siya ni Rodriguez na nagpugay sa Dios at inalalayan ang paglayag ng isang walang kamay o paa. Sa isa pang ulat ni Rodriguez, inutusan ng isang Espanyol ang isang batang lalaking indio na nagsisilbi sa simbahan (ang mga nagsisilbi sa simbahan ang karaniwang marunong magsalita ng Espanyol, kaya sila ang nilalapitan). Maghanap daw ng babae na maisisiping niya. Tumanggi ang bata. ‘Senior, alam ko ang mainam na lunas sa tuksong dinadama n’yo,’ sagot ng bata, ‘magdasal kayo ng isang rosario at ako man ay magro-rosario para sa inyo, at mapapawi ang mga masamang iniisip n’yo.’ |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |