Ang Lugod Sa Maripipi KALAT-KALAT sa mga dalampasigan ang mga taga-Ibabao (Samar) kaya 3 frayle at 3 katulong (brothers) ang ipinadala ng mga Jesuit nuong 1601 upang lumigid duon, halos lagi sa bangka, upang palawakin ang catholico. Mula sa kanilang himpilan sa Tinagon (Tinaguan, sa pulo ng Buad), pinamahalaan ng mga Jesuit ang 14 baranggay at nayon. Sa unang ligid nila, 269 tao ang nabinyagan nila, kasama ang 80 bata. Umabot ng 3,680 ang nabinyagan nila sa loob ng isang taon, karamihan ay mga matanda. Walang frayle na dumalaw sa 2 maliliit na pulo ng Maripipi at Limancauayan. (Ang Maripipi ay isang pulo sa hilaga ng Biliran na pulo rin sa hilaga ng Leyte. Ang ‘Limang Kawayan’ ay maaaring ang tinatawag ngayong Almagro o ang katabing pulo ng Santo Nino.) Kaya sabik na sabik ang mga tagaruon sa pagdating ng frayleng Jesuit, si Juan de San Lucar, kasama ang katulong (brother) na Francisco Martin. Naghanda ang mga tao ng malaking kainan, nagpalamuti pa ng mga bulaklak at dahon sa lansangan mula sa dalampasigan hanggang simbahan. Sinalubong ang 2 ng mga batang babae at lalaki, may dalang cross at umaawit ng mga canta ng catholico. Napaluha nang nagpasalamat si San Lucar sa mga tao sa loob ng simbahan. Mula nuon, pinupog sila ng mga handog na bigas, saging, pagkit (wax) at iba pa. Sinubukan ni San Lucar na ilista ang mga tao na dapat himukin na |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
magpabinyag, subalit sinaway siya ng mga tao. Kaunti na lamang daw ang hindi pa binyagan, at kusa silang lalapit upang maging catholico. Sa ibang puok, matigas tumanggi ang mga matatanda sa mga frayle, sinasabing matanda na sila upang matutuno pa ng bagong pagsamba. Subalit sa Maripipi, ang mga matanda ang pumilit kay San Lucar, gamit din ang tanda nila, ‘Padre, matanda na kami at malapit nang yumao; huwag n’yong hayaang mamatay kami nang hindi nabibinyagan.’ Ginamit ng mga Jesuits ang paraan nila ng decuries, pinaghati-hati ang mga tagapulo sa tig-10 bawat pangkat, at madaling natuto at nabinyagan ang 140 sa kanila, kabilang ang mga pinuno at mga maharlika. Ang isang pinuno, sa tuwa na nabinyagan ang kanyang ina, ay naghanda ng malaking piging at pinakain ang buong baranggay. Nang mabalita na naging catholico ang Maripipi at ang Limancauayan, humiling rin ang mga tagapulo ng Cauayan (baranggay sa pulo ng Biliran) at ibang baranggay sa Samar na binyagan din sila. Sa Cauayan, 170 tao at 5 musmos ang tinuruan at bininyagan nina San Lucar. Sa maliit na baranggay ng Cotai, 83 ang nabinyagan; sa Paet, 120 matatanda. |
Nagtuloy sina San Lucar sa Canauan, 140 tao ang bininyagan. Isang pinuno duon ang nagalit dahil nagpabinyag ang isa niyang aliping babae. Namagitan ang mga Jesuit at lumapit ang pinuno, kasama ang kanyang familia at lahat ng mga alipin, at nagpabinyag lahat. Pinagbawalan ng isang pinuno na magpabinyag ang kanyang asawa, at ayaw palabasin ng bahay. Nagpatawag naman ang asawa sa simbahan, nagsumbong na sinasaktan siya ng lalaki. Ipinadakip ng Jesuit ang lalaki, at malayang naging catholico ang babae. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang asawang lalaki at nagpabinyag din. Pinasok ng mga Jesuit ang malaking nayon ng Catubig, sa kaluob-luoban ng hilagang Samar, tahanan ng tantiya nilang 4,000 indio, 144 sa kanila, pulos mga musmos, ay nabinyagan. Paulit-ulit na bumalik duon ang mga frayle at, sa loob ng 8 buwan, nagawang catholico ang 837 taga-Catubig, karamihan ay matanda, 92 lamang ang mga musmos. Sa sunod na pagdalaw, bininyagan ang 613 tao; sa sunod, 270; tapos, 254 pa. Sa ganitong matiyaga at walang puknat na paraan, napalawak ang catholico hanggang sa kaluob-luoban ng Samar. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |