Mga Muslim Sumalakay
Naligtas Ang Bohol

PAGKATAPOS ng pulong sa Cebu ng obispo nuong Mayo 29, 1600, inutusan ang mga frayleng Jesuit, sina Valerio de Ledesma at Fray Jimenez, kasama ang isang katulong (brother), na ipagpatuloy ang pagpalawak ng catholico sa Bohol.

Sanay sa buhay ng digmaan, nakawan at patayan, ang mga tao na kalat-kalat sa mga bundok at gubat duon ay kailangan nilang ipunin sa isang puok upang maturuan ng pagsamba at mabinyagan. Inuna nila ang barangaay ng Loboc (sa timog Bohol) at pagkaraan ng maraming pakiusap at banta, naipon nila ang mahigit 1,000 tao mula sa pali-paligid.

Lumakas ang loob nila, sunod nilang inipon ang mga tagabundok (Tinguianes) sa mga baranggay ng Dita at Marabago. Gaya nang dati, dinaan nila sa pakiusap at pananakot, nahikayat ang mga tao na manirahan sa tabi ng ilog na tinawag na Viga. Nagtayo ang mga frayle ng simbahan na tuwing Linggo ay hindi nagkasiya sa dami ng nagsisimba. Mahigit 120 bata ang bininyagan nila, at pumayag na ring magpabinyag ang mga magulang nito.

Biglang sumulpot sa Dita ang isang pangkat ng 40 mandirigma, hawak ang mga sibat at mga sandata, upang lansagin ang bagong tatag na baranggay ng mga frayle. Humarap ang frayle at nagmaang-maangan, inuto-uto ang mga mandirigma upang hindi masimulan ang karahasan. Sa magkahalong pakiusap at pananakot uli, nailigtas ng frayle ang baranggay.

Pinalad sila, isa sa mga nagpabinyag ay ang matandang pinuno ng mga tagabundok. Sumunod sa kanya ang mahigit 100 alalay nito na naging catholico din. Pagkatapos, pangkat-pangkat nang nagpabinyag ang mga tagaruon, minsan mahigit 89 tao, at pagkaraan ng ilang araw, 94 bata at mga matanda. Ang iba ay humiling na mabinyagan sa susunod na dalaw ng frayle.

Papunta nila sa baranggay ng Tobigo (Tubigon, sa kanlurang gilid ng Bohol), 29 bata at 3 matanda ang nabinyagan nila sa mga tagabundok na nadaanan. Nakita nilang lubhang dukha ang mga tao subalit magiliw silang inaliw at pinakain ng mga ito, kanya-kanyang dala ng mga saging, kanin, manok at papaya.

Sa Tubigon, inaasahan ang pagdating nila ng mga tao na nagtayo na ng simbahan. Lahat ay naging catholico, pinangunahan ng mga pinuno - 100 sa unang binyagan, ang lahat ng nalabing tao sa sumunod na binyagan. May 2 lalaki na ayaw mag-catholico subalit nakuha rin sa pangaral. Ang pang-2 ay nagpahayag na sa infierno niya nais mapunta dahil nanduon ang

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

mga magulang at ninuno niya. Upang madama niya ang init ng apoy sa infierno, pinahawakan sa kanya ng frayle ang isang nagbabagang uling. Pagkaraan ng ilang araw, pumayag na rin siyang magpabinyag. Niyaya pa ang mga kasama sa paligid na maging catholico rin.

Nabalitaan nilang didigmain sila ng mga taga-Tibor (maraming puok sa Bohol ang pinalitan ng pangalan ng mga Espanyol kaya hindi na matiyak ngayon kung saan-saan unang humimpil ang mga frayle). Dumating isang araw ang 48 mandirigma upang nakawan at sunugin ang simbahan. Nuong gabing iyon, naglagay ng mga bantay ang mga tao at nagsindi ng maraming siga (bonfires) sa paligid ng baranggay upang walang makalusob. Buong magdamag pumaligid ang mga mandirigma, ninakawan at minasama ang sinumang magtangkang pumasok o umalis sa baranggay.

Kinabukasan, kasama ang katulong (brother), humarap sa kanila ang frayle. ‘Huwag kayong matakot,’ sabi niya sa mga mandirigma, ‘wala akong sandata at kung nais ninyo akong bihagin, magsisilbi ako sa inyo bilang alipin sa baranggay n’yo sa Tibor.’ Ipinaalaala niya sa mga ito na kapag mga Espanyol ang nakarahap nila, hindi tulad sa kanya, sasaktan sila ng mga iyon.

Sa magkahalong pakiusap, pakipagkaibigan at pananakot, gaya ng ginawa sa Loboc at sa Dita, napahinahon ng mga Jesuit ang mga mandirigma.

Sinabayan pa nila ng mga handog na tela, isang magandang mantilla, at isang buslo ng bigas. Bilang kapalit, binigyan ng mga mandirigma ang frayle ng isang kuwintas, mga bungang kahoy (fruits) at ilang itlog. Nag-inuman pa sila ng alak at naging magkaibigan. Ipinangako ng mga mandirigma na kahit kailan magpatawag ang frayle sa Loboc, tutulong sila. Hiniling ng frayle na, bago sila umalis, makipagkaibigan din sila sa mga taga-Tubigon.

Sa Loboc at sa Dita, mahigit 400 tao ang nabinyagan, karamihan ay mga bata na wala pang 7 taon gulang. Pagkaraan ng 3 buwan lamang, nuong Abril 1601, mahigit 1,000 taga-Bohol ang naging catholico na. At marami pa ang dumarating araw-araw. Isang araw, ulat ng frayle, dumating ang isang batang lalaki na nais magpabinyag. Bagaman at nuon lamang nakita ng frayle ang bata, marunong na ito ng mga pangaral at dasal, natutunan nang sarili niya mula sa mga kasama at mga kamag-anak niya

sa bundok.

Karaniwang 700 tao ang nagsisimba tuwing linggo sa Loboc. Lumalandas sa pampang ng ilog ang halos 100 bata maagang-maaga, umaawit ng mga canta ng simbahan. Kahit sa gabi, naririnig ang pag-awit ng mga tao ng mga canta sa kani-kanilang kubo.

Sa Dita, sumunod nabinyagan ang 500 tao, tapos 400 na mga bata sa Dita at sa Loboc, hanggang mahigit 3,000 na ang mga catholico sa Bohol.

Kumalat ang balita na lulusubin sila ng mga kaaway, ang mga Muslim mula sa Mindanao at mula sa Ternate at iba pang pulo sa Maluku (Moluccas, spice islands). Nuong 1600, bandang 60 caracoa (malaking bangkang pandagat ng mga taga-Indonesia) ng mga Muslim ang sumalakay sa mga pulong sakop ng mga Espanyol. Sinalanta nila ang mga baranggay at sinunog ang mga simbahan sa pulo ng Bantayan at sa ilog Panay. Sinalakay din nila ang baybayin ng iba pang mga pulo, ninakawan at pinatay ang mga tagaruon, at bumihag ng 1,200 tao upang gawing alipin.

‘Nuong Octobre 26, 1600,’ sulat ni Fray Gabriel Sanchez, ‘sinalakay ng mga kaaway ang Baclayun (Baclayon, sa tabi ng Tagbilaran ngayon).’ Nasa Cebu ang mga Jesuit nuon, ipinatawag ng pinuno nila (rector) dahil sa paglipana ng mga Muslim. Ang mga taga-Baclayon ay nakatakas lahat sa gubat sa looban ng Bohol dahil nalaman nila ang pagdating ng mga kaaway 4 oras bago dumating ang mga ito. Pinatay ng mga Muslim ang 3 matandang babae at isang matandang lalaki na nadatnan nila. Binihag nila ang 3 pang babae at isang lalaki na nasukol nila, subalit hindi nila winasak o sinunog ang baranggay at ang mga simbahan sa Bohol.

‘Isa sa matandang babae na pinatay ay bantog na mangkukulam,’ sabi ni Sanchez. Pinagpala naman daw ng Dios, nagsisi ito at 3 buwan humiling sa kanya na mabinyagan. Nang makita ng frayle na tunay ang kanyang hangad, bininyagan siya, bago dumating ang mga Muslim na pumatay sa kanya.

Araw at gabi, sabi ng mga Jesuit, puno ng tao ang mga simbahan. Pati raw ang mga dating matigas ang ulo ay humihiling na mabinyagan, at sa loob ng isa pang taon, sa tingin ng mga Jesuit, lahat na ng tao sa Bohol ay magiging catholico.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata